Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan, Gusto ng Maylalang na Maging Maligaya Kayo

Mga Kabataan, Gusto ng Maylalang na Maging Maligaya Kayo

‘Siya ang bumubusog sa iyong buong buhay ng bagay na mabuti.’—AWIT 103:5.

AWIT: 135, 39

1, 2. Kapag pumipili ng mga tunguhin sa buhay, bakit isang katalinuhan na makinig sa ating Maylalang? (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.)

KUNG isa kang kabataan, malamang na marami ka nang natanggap na payo tungkol sa kinabukasan mo. Baka pinasisigla ka ng mga guro, guidance counselor, o ng iba pa na kumuha ng mataas na edukasyon at magkaroon ng magandang karera. Pero iba ang ipinapayo sa iyo ni Jehova. Siyempre, gusto niya na mag-aral kang mabuti para masuportahan mo ang iyong sarili kapag naka-graduate ka na. (Col. 3:23) Pero gusto ka rin niyang tulungan kapag nagpapasiya ka sa magiging priyoridad mo sa buhay. Binibigyan ka niya ng mga simulain para makapamuhay ka kaayon ng kalooban niya sa panahong ito ng kawakasan.—Mat. 24:14.

2 Tandaan ding nakikita ni Jehova ang lahat dahil alam niya ang mangyayari sa sanlibutang ito at alam din niya kung gaano na kalapit ang kawakasan nito. (Isa. 46:10; Mat. 24:3, 36) Kilala rin niya tayo—kung ano ang talagang nagpapasaya at nagpapalungkot sa atin. Kaya kahit parang napakamakatuwiran ng payo ng mga tao, kung hindi naman ito ayon sa Salita ng Diyos, hindi pa rin ito maituturing na karunungan.—Kaw. 19:21.

“WALANG KARUNUNGAN . . . KAPAG SALANSANG KAY JEHOVA”

3, 4. Ano ang naging epekto kina Adan at Eva at sa mga inapo nila ng pakikinig sa masamang payo?

3 Ang masamang payo ay nagsimula kay Satanas. Isa siyang pangahas at nagmamarunong na tagapayo. Sinabi niya kay Eva na magiging mas masaya silang mag-asawa kung sila mismo ang magpapasiya para sa kanilang sarili. (Gen. 3:1-6) Pero ang totoo, masama ang motibo ni Satanas at makasarili siya! Gusto niya na sina Adan at Eva—at ang magiging mga anak nila—ay sumamba sa kaniya sa halip na kay Jehova. Pero ano na ba ang nagawa ni Satanas para sa kanila? Si Jehova ang nagbigay ng lahat ng mayroon sila—ang isa’t isa, ang magandang hardin na tahanan nila, at ang sakdal na katawan na maaaring mabuhay magpakailanman.

4 Nakalulungkot, sinuway nina Adan at Eva ang Diyos, kaya naputol ang kaugnayan nila sa kaniya. At gaya ng alam natin, masaklap ang naging resulta nito. Gaya ng mga bulaklak na pinutol mula sa halaman, unti-unti silang nalanta, wika nga, at namatay. Nagdusa rin ang mga anak nila dahil sa sumpa ng kasalanan. (Roma 5:12) Pero marami pa rin ang ayaw magpasakop sa Diyos. Gusto nilang mamuhay sa paraang gusto nila. (Efe. 2:1-3) Malinaw na ipinakikita ng mga resulta na “walang karunungan . . . kapag salansang kay Jehova.”—Kaw. 21:30.

5. Ano ang alam ng Diyos tungkol sa mga tao, at nangyayari ba ito?

5 Gayunman, alam ni Jehova na may ilang tao—kasama na ang mahuhusay na kabataan—na gusto siyang hanapin at paglingkuran. (Awit 103:17, 18; 110:3) Mahal na mahal niya sila! Isa ka ba sa kanila? Kung oo, tiyak na maraming “bagay na mabuti” mula sa Diyos na talagang nagpapasaya sa iyo. (Basahin ang Awit 103:5; Kaw. 10:22) Gaya ng tatalakayin natin ngayon, kasama sa mga “bagay na mabuti” ang saganang espirituwal na pagkain, pinakamabubuting kaibigan, makabuluhang mga tunguhin, at tunay na kalayaan.

SINASAPATAN NI JEHOVA ANG INYONG ESPIRITUWAL NA PANGANGAILANGAN

6. Bakit ka dapat maging palaisip sa iyong espirituwal na pangangailangan? At paano naglalaan si Jehova para sa iyo?

6 Di-gaya ng mga hayop, mayroon kang espirituwal na pangangailangan na tanging ang Maylalang ang makapaglalaan. (Mat. 4:4) Kapag nakikinig ka sa kaniya, magkakaroon ka ng kaunawaan, karunungan, at kaligayahan. “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 5:3) Sinasapatan ng Diyos ang iyong espirituwal na pangangailangan sa pamamagitan ng Bibliya, at sagana siyang naglalaan ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Sari-sari at masustansiya ang mga pagkaing iyan!—Isa. 65:13, 14.

7. Ano ang ilang pakinabang kapag kinakain mo ang espirituwal na pagkain mula sa Diyos?

7 Ang espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova ay magbibigay sa iyo ng karunungan at ng kakayahang mag-isip, na poprotekta sa iyo sa maraming paraan. (Basahin ang Kawikaan 2:10-14.) Halimbawa, dahil sa mga ito, natutukoy mo ang mga maling turo, gaya ng paniniwala na walang Maylalang. Pinoprotektahan ka ng mga ito sa kasinungalingan na ang pera at mga ari-arian ang susi sa kaligayahan. Natutulungan ka rin ng mga ito na malaman at mapaglabanan ang mga maling pagnanasa at nakasasamang pag-uugali. Kaya patuloy mong hanapin na parang kayamanan ang makadiyos na karunungan at ang kakayahang mag-isip! Habang nagkakaroon ka ng mga katangiang iyan, mapatutunayan mo mismo sa iyong karanasan na mahal ka ni Jehova at na gusto niya ang pinakamabuti para sa iyo.—Awit 34:8; Isa. 48:17, 18.

8. Bakit ka dapat maging malapít sa Diyos ngayon pa lang, at paano ka makikinabang sa hinaharap kapag ginawa mo ito?

8 Malapit nang magkadurog-durog ang bawat bahagi ng sanlibutan ni Satanas, at wala na tayong ibang matatakbuhan kundi si Jehova. Ang totoo, maaaring dumating ang panahon na sa kaniya natin iaasa maging ang susunod nating kakainin! (Hab. 3:2, 12-19) Oo, ngayon na ang panahon para maging malapít sa iyong makalangit na Ama at patibayin ang pagtitiwala sa kaniya. (2 Ped. 2:9) Kung gagawin mo iyan, anuman ang mangyari sa paligid mo, madarama mo rin ang nadama ng salmistang si David, na sumulat: “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.”—Awit 16:8.

IBINIBIGAY NI JEHOVA SA INYO ANG PINAKAMABUBUTING KAIBIGAN

9. (a) Ayon sa Juan 6:44, ano ang ginagawa ni Jehova? (b) Ano ang kaibahan kapag mga Saksi ang nakilala mo?

9 Inilalapit ni Jehova ang tapat-pusong mga tao sa tunay na pagsamba para maging bahagi ng kaniyang espirituwal na pamilya. (Basahin ang Juan 6:44.) Nang una mong makilala ang isa na hindi Saksi, ano ang alam mo tungkol sa kaniya? Bukod sa pangalan at hitsura niya, baka kaunti lang. Pero hindi ganiyan pagdating sa isa na nakakakilala at umiibig kay Jehova. Kahit iba ang kaniyang pinagmulan, bansa, tribo, o kultura, napakarami mo nang alam tungkol sa kaniya—at ganoon din siya sa iyo!

Gusto ni Jehova na magkaroon tayo ng pinakamabubuting kaibigan at ng espirituwal na mga tunguhin (Tingnan ang parapo 9-12)

10, 11. Ano ang pagkakatulad ng mga mananamba ni Jehova, at paano tayo nakikinabang dito?

10 Halimbawa, alam ninyo agad ang “wika” ng isa’t isa—ang “dalisay na wika” ng katotohanan. (Zef. 3:9) Dahil diyan, alam ninyo kung ano ang paniniwala ng isa’t isa—tungkol sa Diyos, pamantayan sa moral, pag-asa sa hinaharap, at iba pa. Ang mga iyan ang pinakamahalagang bagay na dapat malaman tungkol sa isang tao—mga bagay na nagpapatibay ng pagtitiwala. Iyan din ang nagiging pundasyon ng mabuti at matatag na pagkakaibigan.

11 Hindi isang kalabisang sabihin na bilang mananamba ni Jehova, mayroon kang pinakamabubuting kaibigan na nasa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi mo pa nga lang nakikilala ang karamihan sa kanila! Bukod sa bayan ni Jehova, sino pa ang may ganito kagandang regalo?

IBINIBIGAY NI JEHOVA SA INYO ANG MAKABULUHANG MGA TUNGUHIN

12. Anong mga espirituwal na tunguhin ang puwede mong abutin?

12 Basahin ang Eclesiastes 11:9–12:1. Mayroon ka bang isa o higit pang espirituwal na tunguhing inaabot? Marahil, tunguhin mong magbasa ng Bibliya araw-araw. O baka pinasusulong mo ang iyong kakayahan sa pagsasalita at pagtuturo. Anuman ang tunguhin mo, kapag nakikita mo ang magagandang resulta—o nakikita ito ng iba at kinokomendahan ka—ano ang nadarama mo? Siguradong napakasaya mo. At dapat lang na maging masaya ka dahil inuuna mo ang Diyos kaysa sa iyong sarili, gaya ng ginawa ni Jesus.—Awit 40:8; Kaw. 27:11.

13. Kumpara sa sekular na mga tunguhin, bakit natatangi at naiiba ang paglilingkod sa Diyos?

13 Kapag nakapokus ka sa espirituwal na mga tunguhin, magiging masaya ka dahil makabuluhan ang ginagawa mo. Isinulat ni apostol Pablo: “Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Cor. 15:58) Sa kabilang dako, kung magpopokus ka sa sekular na mga ambisyon at tunguhin—kahit na waring nagtatagumpay ka—sa bandang huli, wala pa rin itong kabuluhan. (Luc. 9:25) Totoo iyan sa halimbawa ni Haring Solomon.—Roma 15:4.

14. Anong aral ang matututuhan mo kay Solomon?

14 Sinabi ng napakayaman at makapangyarihang si Solomon sa kaniyang sarili: ‘Susubukan kita sa kasayahan at magtamasa ka ng kabutihan.’ (Ecles. 2:1-10) Nagpagawa siya ng mga bahay, hardin, at parke, at ginawa ang anumang gusto niya. Ano ang naramdaman niya? Nakontento ba siya? Hindi na natin kailangan pang manghula. Sinabi niya mismo: “Ako nga ay bumaling sa lahat ng aking mga gawa na ginawa ng aking mga kamay . . . at, narito! ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan . . . at walang anumang kapaki-pakinabang.” (Ecles. 2:11) Napakagandang aral! Maisasapuso mo ba iyan?

15. Bakit mahalaga ang pananampalataya, at paano ka makikinabang dito ayon sa Awit 32:8?

15 Ayaw ni Jehova na matutuhan natin ang mga aral sa buhay sa masaklap na paraan. Ang totoo, kailangan mo ng pananampalataya para masunod ang Diyos at unahin ang kaniyang kalooban sa iyong buhay. Napakahalaga ng pananampalatayang iyan, at hinding-hindi mo pagsisisihan ang pagkakaroon nito. Oo, hindi kailanman lilimutin ni Jehova “ang pag-ibig na ipinakita [mo] para sa kaniyang pangalan.” (Heb. 6:10) Kaya gawin ang lahat para patibayin ang iyong pananampalataya, at mapatutunayan mong gusto talaga ng iyong makalangit na Ama ang pinakamabuti para sa iyo.—Basahin ang Awit 32:8.

IBINIBIGAY NG DIYOS SA INYO ANG TUNAY NA KALAYAAN

16. Bakit dapat nating pahalagahan ang kalayaan at gamitin ito nang may katalinuhan?

16 Isinulat ni Pablo: “Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Cor. 3:17) Oo, iniibig ni Jehova ang kalayaan, at inilagay niya ang pag-ibig na iyan sa iyong puso. Pero gusto rin niya na gamitin mo ang iyong kalayaan sa tamang paraan, na magsisilbing proteksiyon sa iyo. Baka may kilala kang mga kabataan na nanonood ng pornograpya o nakikisangkot sa seksuwal na imoralidad, mapanganib na sports, o pag-abuso sa droga at alak. Oo, nag-e-enjoy sila pero pansamantala lang iyon. At kadalasan nang napakasaklap ng kapalit nito, gaya ng sakit, adiksiyon, o kamatayan pa nga. (Gal. 6:7, 8) Maliwanag, isang malaking panlilinlang sa sarili ang itinuturing nilang “kalayaan.”—Tito 3:3.

17, 18. (a) Paano masasabing nakapagpapalaya ang pagsunod sa Diyos? (b) Ano ang pagkakaiba ng kalayaang naranasan nina Adan at Eva at ng kalayaan ng mga tao sa ngayon?

17 Kung ikukumpara, gaano karaming tao ang kilala mong nagkasakit dahil sumunod sila sa pamantayan ng Bibliya? Oo, ang pagsunod kay Jehova ay nakabubuti sa iyong kalusugan at nakapagpapalaya. (Awit 19:7-11) Bukod diyan, kapag ginagamit mo nang may katalinuhan ang iyong kalayaan—na hindi lumalampas sa sakdal na kautusan at simulain ng Diyos—naipakikita mo kay Jehova at sa iyong mga magulang na puwede kang pagkatiwalaan nang higit pang kalayaan. Sa katunayan, layunin talaga ng Diyos na bigyan ang kaniyang tapat na mga lingkod ng sakdal na kalayaan. Inilarawan iyan sa Bibliya bilang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.

18 Naranasan nina Adan at Eva ang kalayaang iyan. Sa hardin ng Eden, ilang pagbabawal ang ibinigay ng Diyos sa kanila? Isa lang. Hindi nila dapat kainin ang bunga ng isang punongkahoy. (Gen. 2:9, 17) Sa tingin mo, napakahigpit ba ng nag-iisang pagbabawal na iyon? Siyempre hindi! Kahit ikumpara mo pa iyan sa di-mabilang na batas na ginawa at pilit na ipinatutupad ng mga tao.

19. Paano tayo tinuturuan na maging malaya?

19 Pinakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod nang may katalinuhan. Sa halip na bigyan tayo ng napakaraming batas, matiyaga niya tayong tinuturuang sundin ang kautusan ng pag-ibig. Gusto niyang mamuhay tayo ayon sa kaniyang mga simulain at kapootan ang masama. (Roma 12:9) Ang isang magandang halimbawa ng pagtuturong iyan ay ang Sermon sa Bundok ni Jesus. Sinabi niya roon ang pinakaugat ng maling mga gawain. (Mat. 5:27, 28) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, patuloy tayong tuturuan ni Kristo sa bagong sanlibutan para lubusan nating matularan ang saloobin niya tungkol sa katuwiran at kasamaan. (Heb. 1:9) Pasasakdalin niya ang ating pag-iisip at pangangatawan. Isip-isipin, hindi ka na mahihila ng kasalanan o daranas ng masasaklap na resulta nito. At sa wakas, makakamit mo ang “maluwalhating kalayaan” na ipinangako ni Jehova.

20. (a) Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kalayaan? (b) Paano ka makikinabang sa halimbawa ng Diyos?

20 Siyempre pa, hindi kailanman magiging lubos ang ating kalayaan. Kailangan ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Sa katunayan, ang gusto lang ng Diyos ay ang tularan siya. Mayroon siyang lubos na kalayaan, pero pinili niyang magpakita ng pag-ibig sa pakikitungo niya sa kaniyang matatalinong nilalang. (1 Juan 4:7, 8) Kaya makatuwirang sabihin na makakamit lang natin ang tunay na kalayaan kung tutularan natin ang pag-ibig ng Diyos.

21. (a) Ano ang nadama ni David tungkol kay Jehova? (b) Ano ang susuriin natin sa susunod na artikulo?

21 Pinahahalagahan mo ba ang mga “bagay na mabuti” na ibinigay ni Jehova sa iyo, gaya ng saganang espirituwal na pagkain, mabubuting kaibigan, makabuluhang mga tunguhin, at pag-asa ng sakdal na kalayaan? (Awit 103:5) Kung oo, madama mo rin sana ang nadama ni David sa kaniyang panalangin sa Awit 16:11: “Ipababatid mo sa akin ang landas ng buhay. Ang lubos na pagsasaya ay nasa iyong mukha; may kaigayahan sa iyong kanang kamay magpakailanman.” Susuriin sa susunod na artikulo ang iba pang espirituwal na hiyas na nasa Awit 16. Liliwanagin nito ang mga susi sa isang tunay at maligayang buhay.