Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sinasabi ng Bibliya na kailangan ng di-kukulangin sa dalawang testigo para mapagtibay ang isang bagay. (Bil. 35:30; Deut. 17:6; 19:15; Mat. 18:16; 1 Tim. 5:19) Pero sa Kautusan, kapag hinalay ng isang lalaki “sa parang” ang babaeng may katipan at sumigaw ang babae, nagkasala ng pangangalunya ang lalaki pero ang babae ay hindi. Wala namang nakasaksi sa pangyayari, pero bakit inosente ang babae at nagkasala ang lalaki?
Ang ulat sa Deuteronomio 22:25-27 ay nakapokus sa pagpapatunay na inosente ang babae at hindi sa pagpapatunay na nagkasala ang lalaki, dahil makikita sa konteksto na napatunayan nang nagkasala siya.
Sa naunang mga talata, binanggit ang tungkol sa isang lalaki “sa lunsod” na sumiping sa isang dalaga na may katipan. Sa paggawa nito, nagkasala ang lalaki ng pangangalunya kasi ang dalagang may katipan ay itinuturing nang may asawa. Kumusta naman ang dalaga? “Hindi siya sumigaw sa lunsod.” Kung ginawa niya ito, narinig sana siya ng iba at tinulungan siya. Pero hindi siya sumigaw. Kaya nangalunya rin siya at pareho silang mahahatulang nagkasala.—Deut. 22:23, 24.
Pagkatapos, nagharap ang Kautusan ng isa pang sitwasyon: “Pero kung sa parang nakita ng isang lalaki ang babaeng may katipan at puwersahang sinipingan ang babae, ang papatayin lang ay ang lalaking sumiping sa babae; hindi paparusahan ang babae. Wala siyang ginawang kasalanan na nararapat sa kamatayan. Ang sitwasyon niya ay katulad ng taong sinaktan at pinatay ng kapuwa nito. Dahil sa parang siya nakita ng lalaki at ang babaeng may katipan ay sumigaw, pero walang sinuman ang naroon para tumulong.”—Deut. 22:25-27.
Sa kasong iyan, maniniwala ang mga hukom sa babae. Bakit? Kasi ipagpapalagay nilang “sumigaw [ang babae], pero walang sinuman ang naroon para tumulong.” Kaya hindi siya nangalunya. Pero nagkasala ang lalaki ng panghahalay at pangangalunya dahil ‘puwersahan niyang sinipingan ang babaeng may katipan.’
Kaya dahil ang batas na ito ay nakapokus sa pagpapatunay na inosente ang babae, tama lang ang paglalarawan ng ulat na nagkasala ang lalaki ng panghahalay at pangangalunya. Makakapagtiwala tayo na ‘iimbestigahan itong mabuti’ ng mga hukom at magdedesisyon sila ayon sa pamantayan ng Diyos na paulit-ulit niyang ibinigay sa bayan.—Deut. 13:14; 17:4; Ex. 20:14.