‘Magpasalamat sa Lahat ng Bagay’
MAPAGPASALAMAT ka ba? Dapat na pag-isipan iyan ng bawat isa sa atin. Sinasabi ng Bibliya na sa panahon natin, marami ang magiging “walang utang na loob.” (2 Tim. 3:2) Malamang na may nakilala ka nang ganiyan. Pakiramdam nila, dapat lang talaga silang paglingkuran at hindi na nila kailangang magpasalamat sa natatanggap nila. Ayaw mong makasama ang ganiyang tao, hindi ba?
Kaya sinabi sa mga lingkod ni Jehova: “Ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.” Dapat tayong “magpasalamat . . . sa lahat ng bagay.” (Col. 3:15; 1 Tes. 5:18) Ang totoo, nakakabuti sa atin kung mapagpasalamat tayo. Narito ang ilang dahilan.
MAGIGING BALANSE ANG TINGIN MO SA SARILI
Kung mapagpasalamat tayo, nagiging positibo ang tingin natin sa ating sarili. Isang magandang dahilan iyan para maging mapagpasalamat. Kung mapagpasalamat ang isa, gumaganda ang pakiramdam niya, pati na ang sa pinapasalamatan niya. Bakit nakakapagpasaya ang pagiging mapagpasalamat? Pag-isipan ito: Kapag may handang gumawa ng isang bagay para sa iyo, hindi ba’t ibig sabihin nito, mahalaga ka sa kanila? Nagmamalasakit sila sa iyo. Kapag nadama mo iyan, magiging mas masaya ka. Ganiyan ang nangyari kay Ruth. Naging bukas-palad si Boaz sa kaniya. Kaya tiyak na napakasaya ni Ruth nang malaman niya na may nagmamalasakit sa kaniya.—Ruth 2:10-13.
Lalo na tayong dapat maging mapagpasalamat sa Diyos. Tiyak na naiisip mo rin ang maraming espirituwal at materyal na regalong ibinigay niya at patuloy pang ibinibigay. (Deut. 8:17, 18; Gawa 14:17) Pero sa halip na basta isipin lang ang kabaitan ng Diyos, bakit hindi gumugol ng panahon para isiping mabuti ang maraming pagpapala na ibinibigay ng Diyos sa iyo at sa mga mahal mo. Kapag binubulay-bulay natin ang pagkabukas-palad ng ating Maylalang, lalo natin siyang pahahalagahan at mas madarama natin kung gaano niya tayo kamahal.—1 Juan 4:9.
Pero huwag lang basta pag-isipan ang mga pagpapala natin; pasalamatan din si Jehova sa kabutihan niya. (Awit 100:4, 5) Tandaan, ang pagpapasalamat ay nagpapasaya sa tao.
MAPAPALAPÍT KA SA IBA
May isa pang dahilan para maging mapagpasalamat: Pinapatibay nito ang pagkakaibigan. Kailangan nating lahat na madamang mahalaga tayo. Kapag pinapasalamatan mo ang iba, mas napapalapít kayo sa isa’t isa. (Roma 16:3, 4) Higit pa riyan, malamang na maging mas matulungin ang mapagpahalagang tao. Dahil napapahalagahan nila ang kabaitang ipinakita sa kanila, napapakilos sila na maging mabait din sa iba. Oo, ang pagtulong sa iba ay nakakapagpasaya. Gaya nga ng sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Sinabi ni Robert Emmons, codirector ng isang pag-aaral tungkol sa pagiging mapagpasalamat na isinagawa sa University of California: “Para maging mapagpasalamat, dapat nating maunawaan na kailangan natin ang isa’t isa. Kung minsan, tayo ang nagbibigay at kung minsan naman, tayo ang tumatanggap.” Ang totoo, kailangan natin ang iba para patuloy na mabuhay at maging masaya. Halimbawa, baka inilalaan nila ang pagkain o gamot na kailangan natin. (1 Cor. 12:21) Kung mapagpahalaga ang isa, pasasalamatan niya ang ginagawa ng iba para sa kaniya. Kaya ito ang tanong: Sinasanay mo ba ang sarili mo na magpasalamat sa iba?
MAGIGING MAS POSITIBO KA
Dapat din tayong maging mapagpasalamat dahil nakakatulong ito sa atin na maging positibo sa halip na negatibo. Kapag mapagpasalamat tayo, para nating hinaharangan ang negatibong kaisipan kaya mga positibong bagay lang ang naiisip natin. Hindi tayo nakakapagtuon ng pansin sa mga problema. Habang nagiging mapagpasalamat tayo, mas marami tayong nakikitang positibo, kaya lalo pa tayong nagiging mapagpasalamat. Ang pagiging mapagpasalamat ay makakatulong sa atin na sundin ang payo ni apostol Pablo: “Laging magsaya dahil sa Panginoon.”—Fil. 4:4.
Makikita mong mabisang panlaban sa pagiging negatibo ang pagiging mapagpasalamat. Hindi ba’t mahirap mainggit, malungkot, o magalit kapag punô ng pasasalamat ang puso mo? Mas maliit din ang tsansa na maging materyalistiko ang mga taong mapagpasalamat. Pinapahalagahan nila kung ano ang mayroon sila at hindi sila nagpopokus sa pagkakamal ng higit pa.—Fil. 4:12.
ISA-ISAHIN ANG MGA PAGPAPALA!
Bilang mga Kristiyano, alam nating gusto ni Satanas na maging malungkot tayo at panghinaan ng loob dahil sa mga problemang napapaharap sa atin sa mga huling araw na ito. Gustong-gusto niya na maging negatibo tayo at mareklamo. Kung magiging ganiyan tayo, hindi tayo magiging epektibo sa pangangaral. Ang totoo, kung mapagpahalaga tayo, mas maipapakita natin ang mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. Halimbawa, nakakadama tayo ng kagalakan kapag nakikita natin ang mabubuting bagay na ibinigay sa atin ng Diyos at nananampalataya tayo sa mga pangako niya sa hinaharap.—Gal. 5:22, 23.
Bilang lingkod ni Jehova, malamang na sang-ayon ka sa mga binanggit ng artikulong ito tungkol sa pagiging mapagpasalamat. Pero alam mo rin na hindi iyan madaling ipakita. Huwag masiraan ng loob. Kaya mong maging mapagpasalamat. Paano? Pag-isipan araw-araw ang mga bagay sa buhay mo na puwede mong ipagpasalamat. Habang ginagawa mo iyan, mas magiging natural sa iyo ang pagiging mapagpasalamat. At magiging mas masaya ka kumpara sa mga taong nagpopokus sa problema. Pag-isipan ang mga bagay na ginagawa ng Diyos at ng iba na nagpapatibay at nagpapasaya sa iyo. Puwede mo pa ngang isulat ang mga iyon. Bawat araw, ilista ang dalawa o tatlong bagay na ipinagpapasalamat mo.
Natuklasan ng ilang researcher na kapag lagi nating pinapasalamatan ang iba, puwedeng mabago ang paraan ng pag-iisip natin kaya magiging mas masaya tayo. Talagang mas masaya ang taong mapagpasalamat. Kaya isa-isahin ang mga pagpapala mo, i-enjoy ang magagandang pangyayari sa buhay mo, at lagi kang magpasalamat! Imbes na bale-walain ang mga pagpapala, “magpasalamat . . . kay Jehova, dahil siya ay mabuti.” Oo, ‘magpasalamat sa lahat ng bagay.’—1 Cro. 16:34; 1 Tes. 5:18.