Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sinasabi sa Kawikaan 24:16: “Kahit mabuwal ang matuwid nang pitong ulit, babangon pa rin siya.” Tumutukoy ba ito sa isa na paulit-ulit na nagkakasala pero pinapatawad ng Diyos?
Hindi iyan ang ibig sabihin ng tekstong ito. Sa halip, tumutukoy ito sa isa na paulit-ulit na nagkakaproblema pero paulit-ulit ding bumabangon.
Tingnan natin ang konteksto: “Huwag kang mag-abang malapit sa bahay ng matuwid para gawan siya ng masama; huwag mong wasakin ang tirahan niya. Dahil kahit mabuwal ang matuwid nang pitong ulit, babangon pa rin siya, pero ang masasama ay matitisod at lubusang mapapahamak. Kapag nabuwal ang kaaway mo, huwag kang matuwa, at kapag natisod siya, huwag magsaya ang puso mo.”—Kaw. 24:15-17.
Naniniwala ang ilan na ang talata 16 ay tumutukoy sa isang taong nagkasala pero nagsisi at nagkaroon ulit ng malapít na kaugnayan sa Diyos. Sinabi ng dalawang lider ng relihiyon mula sa England na ganiyan “ginagamit ng mga mángangarál noon at ngayon ang tekstong iyan.” Sinabi pa nila na nangangahulugan iyon na “ang isang mabuting tao ay maaaring makagawa ng . . . malubhang kasalanan pero hinding-hindi nawawala ang pag-ibig niya sa Diyos at may pagsang-ayon pa rin siya ng Diyos dahil nagsisisi siya sa bawat pagkakamali niya.” Ang ganiyang paliwanag ay magugustuhan ng isang namimihasa sa kasalanan. Baka iniisip niyang kahit paulit-ulit siyang magkasala, lagi siyang papatawarin ng Diyos.
Pero hindi iyan ang ibig sabihin ng talata 16.
Ang salitang Hebreo na isinaling “mabuwal” at “nabuwal” sa talata 16 at 17 ay puwedeng gamitin sa iba’t ibang paraan. Puwede itong maging literal—nabuwal sa daan ang toro, nahulog ang isa mula sa bubong, o nalaglag sa lupa ang isang maliit na bato. (Deut. 22:4, 8; Amos 9:9) Puwede rin itong gamitin sa makasagisag na paraan, gaya ng sumusunod: “Ginagabayan ni Jehova ang mga hakbang ng isang tao kapag nalulugod siya sa landasin nito. Mabuwal man siya, hindi siya susubsob, dahil inaalalayan siya ni Jehova sa kamay.”—Awit 37:23, 24.
Pero pansinin ang sinabi ni Propesor Edward H. Plumptre: “Ang salitang Hebreo para sa [“mabuwal”] ay hindi kailanman ginamit para tumukoy sa kasalanan.” Kaya ganito ang paliwanag ng isa pang iskolar sa talata 16: “Walang saysay na pagmalupitan ang bayan ng Diyos, dahil nakakayanan nila iyon—pero hindi iyon kaya ng masasamang tao!”
Oo, ang “mabuwal” ay hindi tumutukoy sa kasalanan. Sa Kawikaan 24:16, tumutukoy ito sa pagdanas ng mga problema, kahit paulit-ulit pa nga. Sa masamang sistemang ito, baka ang isang matuwid na tao ay magkasakit o magkaroon ng iba pang mga problema. Baka inuusig pa nga siya ng gobyerno dahil sa pananampalataya niya. Pero makakapagtiwala siyang tutulungan siya ng Diyos na makayanan ito. Tanungin ang sarili, ‘Hindi ba’t madalas na napapabuti ang mga lingkod ng Diyos?’ Bakit? Kasi sigurado tayong “inaalalayan ni Jehova ang lahat ng nabubuwal at itinatayo ang lahat ng nakayukod.”—Awit 41:1-3; 145:14-19.
Hindi naman natutuwa ang “matuwid” kapag nagkakaproblema ang iba. Sa halip, napapatibay siya dahil alam niyang “mapapabuti ang mga natatakot sa tunay na Diyos, dahil may takot sila sa kaniya.”—Ecles. 8:11-13; Job 31:3-6; Awit 27:5, 6.