Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa 1 Corinto 15:29, sinasabi ba ni apostol Pablo na binautismuhan ang ilang Kristiyano noon alang-alang sa mga patay?
Hindi. Walang sinasabi sa Bibliya o sa kasaysayan man na ginawa ito noon.
Dahil sa paraan ng pagkakasalin ng tekstong ito sa maraming Bibliya, inisip ng ilan na ang pagbabautismo sa tubig alang-alang sa mga patay ay ginawa noong panahon ni Pablo. Halimbawa: “Kung hindi muling bubuhayin ang mga patay, . . . bakit pa sila nagpabautismo para sa kanila?”—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Pero pansinin ang sinabi ng dalawang iskolar ng Bibliya. Sinabi ni Dr. Gregory Lockwood na walang patunay sa Bibliya o sa kasaysayan man na may sinumang binautismuhan alang-alang sa isang namatay. Sinabi naman ni Propesor Gordon D. Fee: “Walang sinasabi sa kasaysayan o sa Bibliya na may ganoong bautismo. Hindi man lang ito nabanggit sa B[agong] T[ipan]; wala ring patunay na ginawa ito ng sinumang Kristiyano noon o ng anumang relihiyon na itinatag di-nagtagal pagkamatay ng mga apostol.”
Sinasabi ng Bibliya na ang mga tagasunod ni Jesus ay dapat “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila . . . , at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat” ng iniutos niya sa kanila. (Mat. 28:19, 20) Bago maging bautisadong alagad ang isang tao, kailangan muna niyang makilala, manampalataya, at sundin si Jehova at ang Kaniyang Anak. Hindi na iyan magagawa ng mga patay, at hindi rin ito puwedeng gawin ng buháy na mga Kristiyano para sa kanila.—Ecles. 9:5, 10; Juan 4:1; 1 Cor. 1:14-16.
Kung gayon, ano ang ibig sabihin ni Pablo?
May ilang taga-Corinto na hindi naniniwalang bubuhaying muli ang mga patay. (1 Cor. 15:12) Pinatunayan ni Pablo na mali iyon. Sinabi niyang araw-araw siyang “napapaharap sa kamatayan.” Siyempre, buháy pa siya. Pero kahit laging nanganganib ang buhay niya, naniniwala siyang kahit mamatay siya, bubuhayin siyang muli tungo sa langit gaya ni Jesus.—1 Cor. 15:30-32, 42-44.
Kailangang maunawaan ng mga taga-Corinto na ang pagiging pinahirang Kristiyano ay nangangahulugang mapapaharap sila sa mga pagsubok araw-araw at mamamatay bago sila buhaying muli. Ang mga “binautismuhan kay Kristo Jesus” ay “binautismuhan sa kaniyang kamatayan.” (Roma 6:3) Nangangahulugan ito na daranas sila ng mga pagsubok at mamamatay para buhaying muli tungo sa langit.
Mahigit dalawang taon matapos bautismuhan sa tubig si Jesus, sinabi niya sa kaniyang dalawang apostol: “Ang pinagdadaanan kong bautismo ay pagdadaanan ninyo.” (Mar. 10:38, 39) Hindi bautismo sa tubig ang tinutukoy ni Jesus. Sinasabi niya rito na ang katapatang ipinapakita niya noon ay magiging dahilan ng kaniyang kamatayan. Sinabi ni Pablo na ang mga pinahiran ay ‘magdurusang kasama ni Kristo para maluwalhati rin silang kasama ni Kristo.’ (Roma 8:16, 17; 2 Cor. 4:17) Kaya sila rin ay mamamatay para buhaying muli tungo sa langit.
Kaya tamang isalin nang ganito ang sinabi ni Pablo: “Kung hindi ito totoo, ano ang mangyayari sa mga binabautismuhan para maging mga patay? Kung hindi talaga bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa sila binabautismuhan para maging gayon?”