Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Makikita sa Levitico 19:16 ang utos na “huwag mong isasapanganib ang buhay” ng ibang tao. Ano ang ibig sabihin nito, at ano ang matututuhan natin dito?
Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na dapat silang maging banal. Para magawa iyan, sinabi niya sa kanila: “Huwag kang lilibot sa iyong bayan para magkalat ng ikasisirang-puri ng iba. Huwag mong isasapanganib ang buhay ng kapuwa mo. Ako si Jehova.”—Lev. 19:2, 16.
Ang orihinal na tekstong Hebreo na isinaling “isasapanganib” ay puwede ring isalin bilang “tumayo laban sa.” Ano ang ibig sabihin nito? Mababasa sa isang Judiong aklat tungkol sa Levitico: “Ang bahaging ito ng teksto ay . . . hindi madaling maintindihan dahil mahirap malaman kung ano ang tinutukoy ng idiom na ito sa Hebreo na literal na nangangahulugang ‘huwag tumayo lang sa malapit, sa may, sa tabi.’”
Iniisip ng ilang iskolar na ang mga salitang iyon ay may kaugnayan sa naunang talata, na nagsasabi: “Huwag kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag mong kakampihan ang mahihirap o papaboran ang mayayaman. Dapat kang maging makatarungan sa paghatol sa iyong kapuwa.” (Lev. 19:15) Kaya ang utos na nasa talata 16 na huwag “isasapanganib” ang ibang tao ay puwedeng mangahulugang hindi dapat gawan ng masama ng bayan ng Diyos ang kapuwa niya sa korte at negosyo, pati na ang kapamilya niya. Dapat din nilang iwasan na maging di-tapat para sa sariling pakinabang. Siyempre, hindi natin ginagawa ang mga iyan. Pero may matututuhan pa tayo sa mga salitang ito sa talata 16.
Pansinin ang simula ng talatang iyan. Iniutos ng Diyos sa bayan niya na huwag lumibot para magkalat ng ikasisirang-puri ng iba. Tandaan na ang simpleng tsismis ay puwedeng pagmulan ng problema, kaya lalo na ang paninirang-puri. (Kaw. 10:19; Ecles. 10:12-14; 1 Tim. 5:11-15; Sant. 3:6) Ang paninirang-puri ay sadyang pagsasabi ng kasinungalingan para sirain ang reputasyon ng isang tao. Baka gumawa siya ng kuwento tungkol sa isang tao na puwedeng magsapanganib ng buhay nito. Tandaan ang nangyari kay Nabot. Dahil inakusahan siya ng mga lalaki, pinagbabato siya hanggang mamatay. (1 Hari 21:8-13) Kaya masasabing isinasapanganib ng isang maninirang-puri ang kapuwa niya, gaya ng binanggit sa ikalawang bahagi ng Levitico 19:16.
Naninirang-puri din ang isa dahil sa poot. Mababasa natin sa 1 Juan 3:15: “Ang bawat isa na napopoot sa kapatid niya ay mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang tatanggap ng buhay na walang hanggan.” Pansinin ang sinabi ng Diyos sa sumunod na talata: “Huwag mong kapootan ang iyong kapatid sa puso mo.”—Lev. 19:17.
Kaya ang mga salita na makikita sa Levitico 19:16 ay isang mapuwersang payo para sa mga Kristiyano. Dapat nating sikapin na huwag mag-isip ng masama tungkol sa iba at siraan sila. Kaya masasabing ‘isinasapanganib’ o ‘tumatayo tayo laban sa’ buhay ng iba kapag sinisiraan natin sila dahil hindi natin sila gusto o naiinggit tayo sa kanila. Ipinapakita nito na napopoot tayo sa kanila. Talagang dapat iwasan iyan ng mga Kristiyano.—Mat. 12:36, 37.