Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nabasa mo bang mabuti ang mga isyu ng Bantayan sa taóng ito? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:

Ano ang tinitiyak ng Santiago 5:11 nang sabihin nito na si Jehova ay “napakamapagmahal” at “maawain”?

Alam natin na dahil maawain si Jehova, pinapatawad niya ang mga kasalanan natin. Tinitiyak sa atin ng Santiago 5:11 na gusto niya tayong tulungan kasi mahal niya tayo. Gusto natin siyang tularan.​—w21.01, p. 21.

Bakit itinatag ni Jehova ang kaayusan ng pagkaulo?

Itinatag niya ito dahil mahal niya tayo. Dahil sa kaayusang ito, nagiging mapayapa at maayos ang pamilya ni Jehova. Kapag sinusunod ng bawat miyembro ng pamilya ang kaayusang ito, alam nila kung sino ang pinakadapat magdesisyon at kung sino ang dapat manguna sa pagsasagawa ng desisyong iyon.​—w21.02, p. 3.

Bakit dapat mag-ingat ang mga Kristiyano sa paggamit ng mga messaging app?

Kapag gumagamit ng ganitong app ang isang Kristiyano, dapat siyang mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan lalo na sa malalaking group chat. (1 Tim. 5:13) Mapanganib ang pagkakalat o pakikinig sa mga kuwentong hindi napatunayang totoo. Dapat ding mag-ingat ang mga Saksi na huwag gamitin ang mga kapatid para pagkakitaan.​—w21.03, p. 31.

Bakit hinayaan ng Diyos na magdusa at mamatay si Jesus?

Una, kailangang ibitin si Jesus sa tulos para mapalaya ang mga Judio sa isang sumpa. (Gal. 3:10, 13) Ikalawa, sinanay ni Jehova si Jesus na maging Mataas na Saserdote. At ikatlo, pinatunayan ng kamatayan ni Jesus na makakapanatiling tapat ang mga tao kahit sa harap ng matinding pagsubok. (Job 1:9-11)—w21.04, p. 16-17.

Ano ang puwede mong gawin kung mahirap matagpuan ang mga tao sa ministeryo?

Makakausap mo ang mga tao kung mangangaral ka sa oras na malamang na nasa bahay sila. Puwede ka ring mangaral sa iba’t ibang lugar. Subukan mo rin ang ibang paraan ng pangangaral gaya ng paggawa ng sulat.​—w21.05, p. 15-16.

Ano ang ibig sabihin ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan”? (Gal. 2:19)

Ipinakita ng Kautusang Mosaiko na hindi perpekto ang tao at inakay nito ang Israel kay Kristo. (Gal. 3:19, 24) Dahil dito, tinanggap ni Pablo si Kristo. Kaya masasabing ‘namatay siya may kinalaman sa Kautusan’; wala na siya sa ilalim ng Kautusan.​—w21.06, p. 31.

Paano nagpakita si Jehova ng magandang halimbawa ng pagtitiis?

Tiniis ni Jehova ang paninira sa pangalan niya, pagkuwestiyon sa karapatan niyang mamahala, pagrerebelde ng ilang anak niya, mga kasinungalingan ni Satanas, pagdurusa ng mga lingkod niya, pagkamatay ng mga kaibigan niya, kalupitan ng masasama, at pagsira sa lupa.​—w21.07, p. 9-12.

Paano nagpakita si Jose ng magandang halimbawa ng mahabang pagtitiis?

Dumanas siya ng kawalang-katarungan sa kamay ng mga kapatid niya. Dahil doon, inakusahan siya at ibinilanggo sa Ehipto sa loob ng maraming taon.​—w21.08, p. 12.

Anong makasagisag na pag-uga ang inihula sa Hagai 2:6-9, 20-22?

Negatibo ang reaksiyon ng mga bansa sa gawaing pangangaral pero marami pa ring tao ang inilapit sa katotohanan. Malapit nang ugain ang mga bansa kapag winasak na ang mga ito.​—w21.09, p. 15-19.

Bakit hindi tayo dapat tumigil sa ministeryo?

Tinitingnan ni Jehova ang mga pagsisikap natin, at napapasaya natin siya. Kung hindi tayo titigil, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.​—w21.10, p. 25-26.

Paano makakatulong ang Levitico kabanata 19 para masunod ang payo na ‘Magpakabanal kayo sa lahat ng paggawi ninyo’? (1 Ped. 1:15)

Posibleng ang talatang ito ay mula sa mga salita sa Levitico 19:2. Makakatulong ang mga halimbawa sa kabanata 19 para masunod natin ang 1 Pedro 1:15 sa ating buhay.​—w21.12, p. 3-4.