Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 51

Magkakaroon Ka ng Kapayapaan sa Panahon ng Krisis

Magkakaroon Ka ng Kapayapaan sa Panahon ng Krisis

“Huwag kayong mag-alala o matakot.”​—JUAN 14:27.

AWIT 112 Si Jehova, Diyos ng Kapayapaan

NILALAMAN a

1. Ano ang “kapayapaan ng Diyos,” at ano ang maitutulong nito sa atin? (Filipos 4:6, 7)

 MAY isang uri ng kapayapaan na hindi nararanasan ng mundo ngayon. Ito ang “kapayapaan ng Diyos”—ang kapayapaan na nagmumula sa pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa ating Ama sa langit. Napapanatag tayo kapag mayroon tayong kapayapaan ng Diyos. (Basahin ang Filipos 4:6, 7.) May malapít tayong kaugnayan sa mga nagmamahal sa kaniya. At nagiging malapít na kaibigan din natin ang “Diyos ng kapayapaan.” (1 Tes. 5:23) Kapag kilala, nagtitiwala, at sumusunod tayo sa ating Ama, nakakatulong ang kapayapaan ng Diyos para mapanatag ang ating puso sa panahon ng mahihirap na sitwasyon.

2. Paano tayo makakatiyak na posible tayong magkaroon ng kapayapaan ng Diyos?

2 Posible ba talagang magkaroon tayo ng kapayapaan ng Diyos sa panahon ng krisis, halimbawa, kapag may kumakalat na sakit, may sakuna, kaguluhan sa lipunan, o pag-uusig? Puwede tayong matakot dahil sa mga ito. Pero pinayuhan ni Jesus ang mga alagad niya: “Huwag kayong mag-alala o matakot.” (Juan 14:27) Nakakatuwa, sinusunod ng mga kapatid natin ang payong iyan. Sa tulong ni Jehova, may kapayapaan sila habang tinitiis ang mahihirap na pagsubok.

PUWEDE KANG MAGKAROON NG KAPAYAPAAN KAPAG MAY KUMAKALAT NA SAKIT

3. Paano posibleng mawala ang kapayapaan natin kapag may epidemya o pandemic?

3 Puwedeng baguhin ng epidemya o pandemic ang buhay mo. Isipin na lang ang naging epekto ng COVID-19 sa marami. Sa isang pag-aaral, mahigit sa kalahati ng mga taong sinurbey ang nagsabi na hiráp silang matulog dahil sa pandemic. Kaya lumobo ang bilang ng kaso ng anxiety, depresyon, pag-abuso sa alak at droga, karahasan sa tahanan, at tangkang pagpapakamatay. Kung may kumakalat na sakit sa lugar ninyo, paano mo makokontrol ang sobrang pag-aalala at magkaroon ng kapayapaan ng Diyos?

4. Bakit may kapayapaan tayo kung alam natin ang inihula ni Jesus tungkol sa mga huling araw?

4 Inihula ni Jesus na sa mga huling araw, magkakaroon ng epidemya, o pagkalat ng mga sakit, “sa iba’t ibang lugar.” (Luc. 21:11) Bakit may kapayapaan tayo kung alam natin ito? Hindi na tayo nabibigla kapag may kumakalat na sakit. Nakikita nating natutupad na ang sinabi ni Jesus. Kaya may dahilan tayo na sundin ang payong ibinigay niya para sa mga nabubuhay sa panahon ng wakas: “Huwag kayong matakot.”​—Mat. 24:6.

Makakatulong sa iyo ang pakikinig ng mga audio recording ng Bibliya para magkaroon ka ng kapayapaan ng isip kapag may kumakalat na sakit (Tingnan ang parapo 5)

5. (a) Kapag may kumakalat na sakit, paano makakatulong ang Filipos 4:8, 9 para malaman kung ano ang dapat nating ipanalangin? (b) Paano makakatulong sa iyo ang pakikinig sa mga audio recording ng Bibliya?

5 Kapag may kumakalat na sakit, baka sobra tayong mag-alala at mag-panic. Ganiyan ang nangyari sa sister na si Desi. b Nang mamatay ang tito, pinsan, at doktor niya dahil sa COVID-19, nag-alala siya na baka mahawa siya at mahawahan niya ang nanay niyang may-edad na. Natakot din siyang mawalan ng trabaho. Kaya nag-alala siya kung saan siya kukuha ng pambili ng pagkain at pambayad sa bahay. Hindi tuloy siya makatulog sa gabi. Pero nakaramdam ulit ng kapayapaan si Desi. Paano? Espesipiko niyang ipinanalangin kay Jehova na tulungan siyang maging kalmado at mag-isip ng positibo. (Basahin ang Filipos 4:8, 9.) Para siyang kinakausap ni Jehova kapag nakikinig siya ng mga audio recording ng Bibliya. Sinabi niya, “Dahil sa malumanay na boses ng nagbabasa, gumagaan ang pakiramdam ko at ipinapaalala nito sa akin na mahal ako ni Jehova.”​—Awit 94:19.

6. Paano makakatulong sa iyo ang personal na pag-aaral at mga pulong?

6 Dahil sa kumakalat na sakit, baka hindi na natin magawa ang mga bagay na nagagawa natin noon. Pero huwag mong hayaan na makaapekto ito sa personal na pag-aaral mo o pagdalo sa mga pulong. Ipapaalala sa iyo ng karanasan ng mga kapatid sa mga publikasyon at video natin na nananatili silang tapat kahit dumaranas sila ng mga problema na tulad ng sa iyo. (1 Ped. 5:9) Tutulungan ka rin ng mga pulong na mag-isip ng nakapagpapatibay na bagay mula sa Bibliya. Magbibigay rin ito sa iyo ng pagkakataon na makipagpatibayan sa iba. (Roma 1:11, 12) Habang pinag-iisipan mo kung paano inaalalayan ni Jehova ang mga mananamba niya kapag may sakit sila, natatakot, o nag-iisa, mapapatibay ang pananampalataya mo at magiging kumbinsido ka na tutulungan ka rin niya.

7. Ano ang matututuhan mo kay apostol Juan?

7 Sikaping makipag-ugnayan sa mga kapatid. Kapag may kumakalat na sakit, baka kailangan nating panatilihin ang physical distancing, kahit sa mga kapananampalataya natin. Sa mga pagkakataong iyan, baka maramdaman mo rin ang naramdaman ni apostol Juan. Gusto niya sanang makita nang personal ang kaibigan niyang si Gayo. (3 Juan 13, 14) Pero noong panahong iyon, alam ni Juan na hindi iyon posible. Kaya ginawa ni Juan ang magagawa niya; sinulatan niya si Gayo. Kung hindi palaging posible para sa iyo na puntahan ang mga kapatid, kontakin sila sa telepono, video call, o text message. Kapag lagi kang nakikipag-ugnayan sa mga kapatid, mababawasan ang lungkot mo at mapapanatag ka. Kontakin ang mga elder kapag sobra kang nag-aalala, at tanggapin ang pampatibay-loob nila.​—Isa. 32:1, 2.

PUWEDE KANG MAGKAROON NG KAPAYAPAAN KAPAG MAY SAKUNA

8. Paano puwedeng masira ng mga sakuna ang kapayapaan mo?

8 Kapag naging biktima ka ng baha, lindol, o sunog, baka sobra kang mag-alala at hindi ito agad mawala kahit tapos na ang krisis. Kung mamatayan ka ng mahal sa buhay, mawalan ng ari-arian, baka sobra kang magdalamhati, mawalan ng pag-asa, o magalit pa nga. Hindi naman ibig sabihin niyan na materyalistiko ka o wala kang pananampalataya. Matindi ang pinagdaanan mo, at inaasahan ng ilan na ganiyan ang magiging reaksiyon mo. (Job 1:11) Pero sa kabila ng mahihirap na kalagayan, puwede ka pa ring magkaroon ng kapayapaan. Paano?

9. Paano tayo inihahanda ni Jesus sa mga sakuna?

9 Tandaan ang inihula ni Jesus. Iniisip ng ilan na hindi sila makakaranas ng mga sakuna. Pero alam nating darami pa ang mga sakuna sa panahon natin at puwede tayong tamaan nito. Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na magkakaroon ng “malalakas na lindol” at iba pang mga sakuna bago dumating ang wakas. (Luc. 21:11) Inihula rin niya ang “paglaganap ng kasamaan,” na kitang-kita sa mga krimen, karahasan, at terorismo. (Mat. 24:12) Hindi sinabi ni Jesus na ang makakaranas lang ng mga trahedyang ito ay ang mga di-lingkod ni Jehova. Ang totoo, maraming tapat na lingkod ni Jehova ang naging biktima ng mga sakuna. (Isa. 57:1; 2 Cor. 11:25) Hindi man tayo makahimalang protektahan ni Jehova mula sa mga sakuna, pero bibigyan niya tayo ng kailangan natin para manatiling kalmado at payapa.

10. Bakit pagpapakita ng pananampalataya ang paghahanda natin sa sakuna bago pa ito mangyari? (Kawikaan 22:3)

10 Magiging madali sa atin na manatiling kalmado kapag may emergency kung napaghandaan na natin ang mga gagawin natin bago pa ito mangyari. Pero hindi ibig sabihin na dahil naghanda tayo, wala na tayong pananampalataya kay Jehova. Ang totoo, kapag pinaghahandaan natin ang isang sakuna, ipinapakita natin na nagtitiwala tayo na kaya tayong ingatan ni Jehova. Paano? Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na paghandaan ang mga sakunang puwede nating maranasan. (Basahin ang Kawikaan 22:3.) Sa tulong ng mga artikulo sa magasin, pulong, at napapanahong mga patalastas, paulit-ulit tayong pinapaalalahanan ng organisasyon ng Diyos na paghandaan ang mga emergency. c Nagtitiwala ba tayo kay Jehova? Kung oo, susundin na natin ang payong iyan ngayon pa lang—bago pa magkaroon ng sakuna.

Puwede kang makaligtas sa isang sakuna kung nakapaghanda ka (Tingnan ang parapo 11) d

11. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Margaret?

11 Tingnan ang karanasan ng sister na si Margaret. Nang magkaroon ng wildfire sa lugar nila, inutusan sila ng mga awtoridad na mag-evacuate. Napakaraming lumilikas at hindi na makausad ang mga sasakyan. Napakakapal ng usok, at hindi makababa ng sasakyan si Margaret. Pero dahil naghanda siya, nakaligtas siya. May dala siyang mapa sa bag niya. Kaya nakakita siya ng ibang daan papuntang evacuation area. Bago pa nga magkaroon ng emergency, sinubukan na niyang dumaan dito para madali niya itong masundan. Mabuti na lang at naghanda siya, kaya nakaligtas si Margaret sa sakunang iyon.

12. Bakit tayo sumusunod sa mga tagubilin?

12 Para maprotektahan tayo at ang iba, baka magpatupad ang mga awtoridad ng curfew, o utusan tayong mag-evacuate o sumunod sa iba pang tagubilin. May mga tao na hindi agad sumusunod kasi hindi nila maiwan ang mga pag-aari nila. Kumusta naman tayong mga Kristiyano? Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Alang-alang sa Panginoon ay magpasakop kayo sa bawat gawa ng tao, maging sa hari bilang nakatataas o sa mga gobernador bilang isinugo niya.” (1 Ped. 2:13, 14) Nagbibigay rin ang organisasyon ng Diyos ng mga tagubilin para manatili tayong ligtas. Palagi tayong pinapaalalahanan na ibigay ang ating contact information sa mga elder para matawagan nila tayo sa panahon ng emergency. Nagawa mo na ba iyan? Baka makatanggap din tayo ng tagubilin na manatili sa bahay, mag-evacuate, kumuha ng suplay o kung paano at kailan puwedeng tumulong sa iba. Kung hindi tayo susunod, baka manganib ang buhay natin at ng mga elder. Tandaan na binabantayan tayo ng tapat na mga lalaking ito. (Heb. 13:17) Sinabi ni Margaret, “Talagang naniniwala ako na nakakapagligtas ng buhay ang pagsunod sa tagubilin ng mga elder at ng organisasyon.”

13. Ano ang nakatulong para manatiling masaya at payapa ang maraming lumikas na Kristiyano?

13 Marami sa mga kapatid na lumikas dahil sa sakuna, digmaan, o kaguluhan sa lipunan ang mabilis na nakapag-adjust sa bago nilang kalagayan at agad na nakibahagi sa espirituwal na mga gawain. Gaya ng sinaunang mga Kristiyano na nangalat dahil sa pag-uusig, patuloy nilang “inihayag . . . ang mabuting balita ng salita ng Diyos.” (Gawa 8:4) Nakatulong ang pangangaral para makapagpokus sila sa Kaharian hindi sa mahihirap nilang sitwasyon. Dahil diyan, nanatili silang masaya at payapa.

PUWEDE KANG MAGKAROON NG KAPAYAPAAN KAPAG MAY PAG-UUSIG

14. Paano puwedeng mawala ang kapayapaan natin dahil sa pag-uusig?

14 Kapag pinag-uusig tayo, nawawala sa atin ang maraming bagay na nagbibigay sa atin ng kapayapaan. Masaya tayo at kontento kapag malaya tayong nakakapagtipon, nakakapangaral, at kapag nagagawa natin ang mga gawain natin sa araw-araw nang hindi tayo natatakot maaresto. Kapag nawala ang kalayaan natin, puwede tayong mag-alala at matakot sa mga susunod na mangyayari. Normal lang na maramdaman iyan. Pero dapat pa rin tayong mag-ingat. Sinabi ni Jesus na puwedeng matisod ang mga tagasunod niya dahil sa pag-uusig. (Juan 16:1, 2) Kaya paano tayo mananatiling payapa kahit pinag-uusig tayo?

15. Bakit hindi tayo dapat matakot sa pag-uusig? (Juan 15:20; 16:33)

15 Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: “Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.” (2 Tim. 3:12) Nang ipagbawal ang gawain natin sa bansa nila Andrei, nahirapan siya na maniwalang daranas ng pag-uusig ang lahat ng lingkod ni Jehova roon. Inisip niya: ‘Napakaraming Saksi rito. Paano magagawa ng mga awtoridad na arestuhin kaming lahat?’ Pero sa halip na mapanatag si Andrei, lalo siyang nag-alala sa kakaisip. Ipinaubaya ng ibang kapatid kay Jehova ang puwedeng mangyari, at iniwasan nilang isipin na hindi sila maaaresto. Alam nilang puwede silang maaresto, pero hindi sila masyadong nag-aalala gaya ni Andrei. Kaya tinularan ni Andrei ang saloobin nila at nagtiwala sa Diyos. Di-nagtagal, napanatag na siya, at naging masaya kahit may mga problema. Sinabi ni Jesus na puwede rin tayong pag-usigin, pero tinitiyak niya sa atin na kaya nating manatiling tapat.​—Basahin ang Juan 15:20; 16:33.

16. Anong tagubilin ang kailangan nating sundin kapag may pag-uusig?

16 Kapag may pagbabawal o restriksiyon sa gawain natin, nakakatanggap tayo ng mga tagubilin mula sa tanggapang pansangay at sa mga elder. Layunin nito na protektahan tayo, tiyaking patuloy tayong makakatanggap ng espirituwal na pagkain, at tulungan tayong patuloy na makapangaral hangga’t posible. Sikaping sundin ang mga tagubiling iyon, kahit hindi mo masyadong naiintindihan kung bakit iyon ibinigay. (Sant. 3:17) At huwag mong ibigay ang mga impormasyon tungkol sa ating mga kapatid o sa gawain ng kongregasyon sa mga taong hindi naman dapat makaalam nito.​—Ecles. 3:7.

Paano ka magkakaroon ng kapayapaan kahit mahirap ang kalagayan? (Tingnan ang parapo 17) e

17. Gaya ng mga apostol noong unang siglo, ano ang determinado nating gawin?

17 Nakikipagdigma si Satanas sa bayan ng Diyos, pangunahin na dahil sa kanilang “gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apoc. 12:17) Huwag matakot kay Satanas at sa sanlibutan niya. Nagiging masaya tayo at panatag kapag nangangaral tayo at nagtuturo kahit sinasalansang tayo. Nang utusan ng mga Judiong lider ng relihiyon noong unang siglo ang mga apostol na tumigil sa pangangaral, mas pinili ng mga tapat na lalaking ito na sundin ang Diyos. Patuloy silang nangaral, kaya naging masaya sila. (Gawa 5:27-29, 41, 42) Siyempre, kapag may restriksiyon sa gawain natin, dapat tayong maging maingat habang nangangaral. (Mat. 10:16) Pero kung gagawin natin ang buong makakaya natin, magkakaroon tayo ng kapayapaan dahil alam nating napapasaya natin si Jehova at naibabahagi natin sa iba ang nagliligtas-buhay na mensahe.

“SASAINYO ANG DIYOS NG KAPAYAPAAN”

18. Kanino manggagaling ang tunay na kapayapaan?

18 Makakapagtiwala tayo na kahit sa pinakamahihirap na panahon, puwede tayong magkaroon ng kapayapaan. Sa gayong mga sitwasyon, dapat nating tandaan na ang kailangan natin ay ang kapayapaan ng Diyos, na si Jehova lang ang makakapagbigay. Umasa sa kaniya kapag may kumakalat na sakit, may sakuna, o pag-uusig. Maging malapít sa organisasyon niya. Isip-isipin ang napakagandang kinabukasang naghihintay sa iyo. Kung gagawin mo ang mga iyan, ‘sasaiyo ang Diyos ng kapayapaan.’ (Fil. 4:9) Tatalakayin natin sa susunod na artikulo kung paano natin matutulungang magkaroon ng kapayapaan ng Diyos ang mga kapatid na nakakaranas ng matitinding pagsubok.

AWIT 38 Tutulungan Ka Niya

a Nangangako si Jehova na bibigyan niya ng kapayapaan ang mga nagmamahal sa kaniya. Ano ang kapayapaang iyan, at paano tayo magkakaroon nito? Paano makakatulong sa atin ang “kapayapaan ng Diyos” kapag may kumakalat na sakit, may sakuna, o pag-uusig? Sasagutin ang mga tanong na iyan sa artikulong ito.

b Binago ang ilang pangalan.

c Tingnan ang artikulong “Kapag May Sakuna—Mga Hakbang na Makapagliligtas ng Buhay” sa Gumising! Blg. 5 2017.

d LARAWAN: Nakapag-evacuate ang isang sister dahil nakapaghanda siya.

e LARAWAN: Brother na maingat pa ring nangangaral kahit nakatira sa lugar na may restriksiyon sa gawain natin.