Natatandaan Mo Ba?
Nabasa mo bang mabuti ang mga isyu ng Bantayan sa taóng ito? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
Ano ang mga pakinabang kung maglalaan tayo ng panahon para makipag-usap, makinig, at magbulay-bulay tungkol kay Jehova?
Makakagawa tayo ng mas magagandang desisyon, magiging mas mahusay tayong guro, lalong titibay ang pananampalataya natin, at lalong lalalim ang pag-ibig natin kay Jehova.—w22.01, p. 30-31.
Paano makakatulong sa atin ang pagtitiwala kay Jehova at sa mga inatasan niya?
Ngayon na ang panahon para magtiwala sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Magagawa natin ito kung hindi tayo magdududa sa mga tagubilin at desisyon ng mga elder. Sa malaking kapighatian, magiging handa tayong sundin kahit ang mga tagubilin na sa tingin natin ay kakaiba o di-makatuwiran.—w22.02, p. 4-6.
Ano ang ibig sabihin ng anghel nang sabihin niya kay Zacarias ang tungkol sa “hulog sa kamay [ng gobernador na si] Zerubabel”? (Zac. 4:8-10)
Tinitiyak ng pangitaing ito sa bayan ng Diyos na matatapos at makakaabot sa mga pamantayan ni Jehova ang templong itinatayo nila.—w22.03, p. 16-17.
Paano tayo magiging “halimbawa . . . pagdating sa pagsasalita”? (1 Tim. 4:12)
Magsalita nang mabait at may paggalang sa ministeryo, kumanta nang mula sa puso, laging magkomento sa pulong, magsabi ng totoo, magsalita nang nakapagpapatibay, at iwasan ang mapang-abusong pananalita.—w22.04, p. 6-9.
Bakit ang paglalarawan sa apat na mabangis na hayop (mga kaharian) na binabanggit sa Daniel kabanata 7 ay makikita sa iisang mabangis na hayop na binabanggit sa Apocalipsis 13:1, 2?
Ang mabangis na hayop sa Apocalipsis 13 ay hindi lumalarawan sa iisang kaharian lang, gaya ng Roma. Sa halip, lumalarawan ito sa lahat ng gobyerno ng tao na namahala sa buong kasaysayan.—w22.05, p. 9.
Ano ang isang paraan para maipakitang nagtitiwala tayo sa katarungan ng Diyos?
Kung may mang-insulto, makasakit, o magkasala sa atin, sinisikap nating alisin ang galit at hindi tayo nagkikimkim ng sama ng loob. Ipinapaubaya natin kay Jehova ang mga bagay-bagay. Aayusin niya ang lahat ng problemang idinulot ng kasalanan.—w22.06, p. 10-11.
Ano ang dapat tandaan ng isang brother na nangunguna sa panalangin sa pulong?
Hindi dapat gamitin ang panalangin para payuhan ang kongregasyon o magsabi ng mga patalastas. Hindi rin dapat gumamit ng “maraming salita” lalo na sa pambukas na panalangin. (Mat. 6:7)—w22.07, p. 24-25.
Sa anong paraan tatanggap ng pagkabuhay-muli “sa paghatol” ang “mga gumawa ng masasamang bagay”? (Juan 5:29)
Hindi sila papatawan ng parusa base sa naging buhay nila noon. Susubukin sila ayon sa magiging paggawi nila matapos silang buhaying muli.—w22.09, p. 18.
Ano ang kapana-panabik na sinabi ni J. F. Rutherford sa kombensiyon noong Setyembre 1922?
Sa isang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, U.S.A., sinabi niya: “Namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon, ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang Kaharian!”—w22.10, p. 3-5.
Sa Isaias kabanata 30, anong tatlong paraan ang ginagawa ng Diyos para tulungan tayong makapagtiis?
Ipinapakita ng kabanatang ito na (1) nakikinig siya at sinasagot ang mga panalangin natin, (2) pinapatnubayan niya tayo, at (3) pinagpapala niya tayo ngayon at pagpapalain pa sa hinaharap.—w22.11, p. 9.
Bakit natin masasabi na ang Awit 37:10, 11, 29 ay natupad na noon at matutupad din sa hinaharap?
Tamang-tama ang mga salitang ginamit ni David para ilarawan ang magandang kalagayan ng Israel sa ilalim ng pamamahala ni Solomon. Sinabi ni Jesus na sa hinaharap, magiging paraiso ang lupa at sinipi niya ang talata 11. (Mat. 5:5; Luc. 23:43)—w22.12, p. 8-10, 14.