Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 49

Puwede Tayong Mabuhay Magpakailanman

Puwede Tayong Mabuhay Magpakailanman

“Ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan.”​—ROMA 6:23.

AWIT 147 Buhay na Walang Hanggan—Isang Pangako

NILALAMAN a

1. Ano ang epekto sa atin kapag pinag-iisipan natin ang pangako ni Jehova na buhay na walang hanggan?

 NANGANGAKO si Jehova na bibigyan niya ng “buhay na walang hanggan” ang mga sumusunod sa kaniya. (Roma 6:23) Kapag pinag-iisipan natin ang gustong ibigay sa atin ni Jehova, lalo natin siyang mamahalin. Isipin ito: Mahal na mahal tayo ng ating Ama sa langit kaya ibinigay niya sa atin ang regalong ito para hindi tayo mahiwalay sa kaniya.

2. Ano ang naitutulong sa atin ng pangakong buhay na walang hanggan?

2 Dahil sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan, nakakayanan natin ang mga pagsubok ngayon. Kahit pagbantaan ng mga kaaway ang buhay natin, hindi tayo makikipagkompromiso. Bakit? Kasi alam natin na kung mamamatay tayong tapat kay Jehova, bubuhayin niya tayong muli at posibleng hindi na tayo mamatay. (Juan 5:28, 29; 1 Cor. 15:55-58; Heb. 2:15) Bakit tayo makakatiyak na posible tayong mabuhay magpakailanman? Talakayin natin ang ilang dahilan.

WALANG HANGGAN ANG PAG-IRAL NI JEHOVA

3. Bakit tayo makakatiyak na kaya tayong bigyan ni Jehova ng buhay na walang hanggan? (Awit 102:12, 24, 27)

3 Alam natin na kaya tayong bigyan ni Jehova ng buhay na walang hanggan kasi siya ang Bukal ng buhay at walang hanggan ang pag-iral niya. (Awit 36:9) Tingnan ang ilang teksto sa Bibliya na nagpapatunay na laging umiiral si Jehova. Sinasabi sa Awit 90:2 na si Jehova ay “mula sa panahong walang pasimula hanggang sa panahong walang wakas.” Ganiyan din ang sinasabi ng Awit 102. (Basahin ang Awit 102:12, 24, 27.) At ganito naman ang isinulat ni propeta Habakuk tungkol sa ating Ama sa langit: “Hindi ba ikaw ay mula sa walang hanggan, O Jehova? O aking Diyos, aking Banal na Diyos, hindi ka namamatay.”​—Hab. 1:12.

4. Dapat ba tayong mag-alala kung hindi natin maintindihan ang ideya na laging umiiral si Jehova? Ipaliwanag.

4 Nahihirapan ka bang maintindihan ang ideya na si Jehova ay umiiral “magpakailanman”? (Isa. 40:28) Normal lang iyan. Sinabi ni Elihu tungkol sa Diyos: “Ang dami ng mga taon niya ay hindi abót ng isip natin.” (Job 36:26) Kung hindi natin naiintindihan ang isang bagay, ibig bang sabihin, hindi ito totoo? Halimbawa, kahit hindi natin naiintindihan kung paano nagkakaroon ng liwanag, alam natin na may liwanag. Ganiyan din ang pag-iral ni Jehova. Hindi lubusang maiintindihan ng tao na laging umiiral si Jehova. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na nga siya umiiral at iiral magpakailanman. Ang katotohanan tungkol sa Maylalang ay hindi nakadepende sa kaya o hindi natin kayang maintindihan. (Roma 11:33-36) Umiiral na siya bago pa magkaroon ng uniberso, pati na ng pinagmumulan ng liwanag gaya ng araw. Tinitiyak sa atin ni Jehova na siya ang “Maylikha ng lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan niya.” At umiiral na siya bago pa niya ‘ilatag ang langit.’ (Jer. 51:15; Gawa 17:24) Ano ang isa pang dahilan para magtiwalang posible tayong mabuhay magpakailanman?

NILALANG TAYO PARA MABUHAY MAGPAKAILANMAN

5. Ano ang pag-asa ng unang mag-asawa?

5 May hangganan ang buhay ng lahat ng bagay na nilalang ni Jehova dito sa lupa, maliban sa tao. Ang tao lang ang binigyan niya ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Pero sinabi ni Jehova kay Adan: “Huwag kang kakain ng bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, dahil sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Gen. 2:17) Kung sinunod lang sana nina Adan at Eva si Jehova, hindi sana sila namatay. Kaya makatuwirang isipin na posibleng payagan din sila ni Jehova na kumain mula sa “puno ng buhay.” Ibig sabihin, tinitiyak sa kanila ni Jehova na puwede silang “mabuhay magpakailanman.” bGen. 3:22.

6-7. (a) Ano pa ang nagpapakitang hindi nilalang ang tao para mamatay? (b) Anong mga bagay ang gusto mong gawin sa hinaharap? (Tingnan ang mga larawan.)

6 Kapansin-pansin, ayon sa ilang siyentipiko, kaya ng utak natin na mag-imbak ng napakaraming impormasyon, higit pa sa mga impormasyong nakukuha natin habang buháy tayo. Noong 2010, isang artikulo sa babasahing Scientific American Mind ang nagsabi na ayon sa isang pagtaya, ang kapasidad ng utak natin ay humigit-kumulang 2.5 milyong gigabyte, katumbas ng tatlong milyong oras (mahigit 300 taon) na programa sa TV. At baka nga higit pa riyan ang impormasyong kayang maimbak ng utak natin. Ipinapakita nito na ginawa ni Jehova ang utak natin na may kakayahang mag-imbak ng higit pang impormasyon kaysa sa nakukuha lang natin sa loob ng 70 o 80 taon ng buhay natin.​—Awit 90:10.

7 Nilalang din tayo ni Jehova na may matinding pagnanais na patuloy na mabuhay. Sinasabi ng Bibliya na “inilagay [ng Diyos] sa puso [ng tao] ang magpakailanman.” (Ecles. 3:11) Iyan ang dahilan kung bakit kaaway ang tingin natin sa kamatayan. (1 Cor. 15:26) Kung magkasakit tayo nang malubha, hinahayaan na lang ba natin ito at naghihintay na mamatay? Hindi. Madalas, nagpapagamot tayo sa doktor. Ang totoo, ginagawa natin ang lahat para lang mabuhay. At kapag namatay ang mahal natin sa buhay, bata man siya o matanda, hindi ba’t sobrang sakit nito para sa atin? (Juan 11:32, 33) Tiyak na hindi tayo bibigyan ng ating mapagmahal na Maylalang ng pagnanais at kakayahang mabuhay kung hindi niya layunin na patuloy na mabuhay ang mga tao. Pero may iba pang dahilan para maniwalang puwede tayong mabuhay magpakailanman. Talakayin natin ang ilang ginawa ni Jehova noon at ngayon na nagpapakitang hindi nagbago ang layunin niya.

Dahil may pag-asa tayong mabuhay nang walang hanggan, pinag-iisipan natin ang mga puwede nating gawin sa hinaharap (Tingnan ang parapo 7) c

HINDI NAGBABAGO ANG LAYUNIN NI JEHOVA

8. Ano ang tinitiyak sa atin ng Isaias 55:11 tungkol sa layunin ni Jehova para sa atin?

8 Kahit nagkasala sina Adan at Eva na naging dahilan ng kamatayan ng mga anak nila, hindi pa rin nagbago ang layunin ni Jehova. (Basahin ang Isaias 55:11.) Layunin pa rin niyang mabuhay magpakailanman ang magiging tapat sa kaniya. Alam natin iyan dahil sa mga sinabi at ginawa ni Jehova para tuparin ang layunin niya.

9. Ano ang ipinangako ng Diyos? (Daniel 12:2, 13)

9 Nangako si Jehova na bubuhayin niyang muli ang mga patay at bibigyan sila ng pagkakataong mabuhay magpakailanman. (Gawa 24:15; Tito 1:1, 2) Sigurado ang tapat na si Job na gustong-gusto na ni Jehova na buhaying muli ang mga namatay. (Job 14:14, 15) Alam ni propeta Daniel na bubuhaying muli ang mga tao at may pagkakataon silang mabuhay magpakailanman. (Awit 37:29; basahin ang Daniel 12:2, 13.) Alam din ng mga Judio noong panahon ni Jesus na bibigyan ni Jehova ng “buhay na walang hanggan” ang mga tapat na lingkod niya. (Luc. 10:25; 18:18) Maraming beses na binanggit ni Jesus ang pangakong ito, at siya mismo ay binuhay-muli ng kaniyang Ama.​—Mat. 19:29; 22:31, 32; Luc. 18:30; Juan 11:25.

Ano ang tinitiyak sa iyo ng pagkabuhay-muli na ginawa ni Elias? (Tingnan ang parapo 10)

10. Ano ang pinatunayan ng mga nangyaring pagkabuhay-muli noon? (Tingnan ang larawan.)

10 Si Jehova ang Tagapagbigay-Buhay at may kapangyarihan siyang buhaying muli ang mga namatay. Binigyan niya ng kapangyarihan si propeta Elias para buhaying muli ang anak na lalaki ng biyuda sa Zarepat. (1 Hari 17:21-23) Nang maglaon, sa tulong ng Diyos, binuhay-muli ni propeta Eliseo ang anak na lalaki ng babaeng Sunamita. (2 Hari 4:18-20, 34-37) Ipinapakita ng mga ulat na iyan at ng iba pang pagkabuhay-muli na may kapangyarihan si Jehova na bumuhay ng mga patay. Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya na binigyan siya ng ganiyang kapangyarihan ng kaniyang Ama. (Juan 11:23-25, 43, 44) Nasa langit na si Jesus ngayon at ibinigay na sa kaniya ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” Kaya may kakayahan siyang tuparin ang pangako ng Diyos na ang “lahat ng nasa mga libingan” ay bubuhaying muli at may pag-asa silang mabuhay magpakailanman.​—Mat. 28:18; Juan 5:25-29.

11. Paano naging posible ang buhay na walang hanggan dahil sa pantubos?

11 Bakit hinayaan ni Jehova na dumanas ng masakit na kamatayan ang kaniyang minamahal na Anak? Sinabi ni Jesus ang dahilan: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Nang ibigay ng Diyos ang Anak niya bilang pantubos para sa mga kasalanan natin, naging posible para sa atin na magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Mat. 20:28) Ipinaliwanag ni apostol Pablo ang mahalagang bahaging ito ng layunin ng Diyos. Isinulat niya: “Kung paanong nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao. Kung kay Adan, ang lahat ay namamatay; kay Kristo naman, ang lahat ay bubuhayin.”​—1 Cor. 15:21, 22.

12. Paano tutuparin ng Kaharian ang layunin ni Jehova para sa atin?

12 Itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya na ipanalanging dumating ang Kaharian ng Diyos at mangyari ang kalooban ng Diyos dito sa lupa. (Mat. 6:9, 10) Bahagi ng layunin ng Diyos na mabuhay magpakailanman sa lupa ang mga tao. Para mangyari iyan, inatasan ni Jehova ang Anak niya bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian. Tinitipon na ng Diyos ang 144,000 tao mula sa lupa na makakasama ni Jesus para tuparin ang kalooban ng Diyos.​—Apoc. 5:9, 10.

13. Ano na ang ginagawa ni Jehova ngayon, at ano ang kailangan mong gawin?

13 Tinitipon na ni Jehova ngayon ang “isang malaking pulutong” ng mga tao at sinasanay sila bilang mga sakop ng Kaharian niya. (Apoc. 7:9, 10; Sant. 2:8) Sinisikap ng grupong ito na alisin ang poot sa gitna nila kahit nabubuhay sila sa isang mundo na punô ng takot at nababahagi ng digmaan. Para bang pinupukpok nila ang kanilang mga espada para gawing araro. (Mik. 4:3) Sa halip na makipagdigma at pumatay nang marami, tinuturuan nila ang mga tao tungkol sa tunay na Diyos at sa layunin niya para makita ng mga ito ang “tunay na buhay.” (1 Tim. 6:19) Baka salansangin sila ng mga kapamilya nila o baka nga magkaproblema pa sila sa pera dahil sa pagsuporta sa Kaharian ng Diyos. Pero sisiguraduhin ni Jehova na mayroon sila ng mga pangangailangan nila. (Mat. 6:25, 30-33; Luc. 18:29, 30) Tinitiyak sa atin ng mga iyan na totoo ang Kaharian ng Diyos at patuloy nitong tutuparin ang layunin ni Jehova.

ISANG MAGANDANG KINABUKASAN

14-15. Paano matutupad ang pangako ni Jehova na aalisin niya ang kamatayan magpakailanman?

14 Naghahari na ngayon si Jesus sa Kaharian ng Diyos sa langit at tutuparin niya ang lahat ng ipinangako ni Jehova. (2 Cor. 1:20) Mula pa noong 1914, humahayo na si Jesus sa gitna ng mga kaaway niya para manakop. (Awit 110:1, 2) Malapit nang lubusin ni Jesus at ng mga kasama niyang tagapamahala ang pagtatagumpay nila at pupuksain nila ang masasama.​—Apoc. 6:2.

15 Sa panahon ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus, bubuhaying muli ang mga patay at tutulungang maging perpekto ang masunuring mga tao. Pagkatapos ng huling pagsubok, ang mga matuwid sa paningin ni Jehova ay “magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.” (Awit 37:10, 11, 29) Oo, “ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.”​—1 Cor. 15:26.

16. Ano ang pangunahing dahilan kung bakit naglilingkod tayo kay Jehova?

16 Gaya ng tinalakay natin, ang pag-asa nating mabuhay magpakailanman ay matibay na nakabase sa Salita ng Diyos. Matutulungan tayo ng pag-asang iyan na manatiling tapat sa mahihirap na panahong ito ng mga huling araw. Pero hindi lang ang pagnanais na mabuhay magpakailanman ang magpapakilos sa atin na pasayahin si Jehova. Ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nananatiling tapat kay Jehova at kay Jesus ay dahil mahal na mahal natin sila. (2 Cor. 5:14, 15) Iyan ang magpapakilos sa atin na tularan sila at ibahagi sa iba ang pag-asa natin. (Roma 10:13-15) Kapag nagiging bukas-palad tayo at di-makasarili, ituturing tayo ni Jehova na mga kaibigan niya magpakailanman.​—Heb. 13:16.

17. Anong pagpili ang bukás sa atin? (Mateo 7:13, 14)

17 Mapapasama ba tayo sa mga magkakaroon ng buhay na walang hanggan? Ibinibigay sa atin ni Jehova ang pagkakataong iyan. Nasa sa atin na kung pipiliin natin ang daan papunta sa buhay. (Basahin ang Mateo 7:13, 14.) Ano kaya ang magiging buhay natin kung mabubuhay tayo magpakailanman? Sasagutin ang tanong na iyan sa susunod na artikulo.

AWIT 141 Ang Regalong Buhay

a Gusto mo na bang mabuhay magpakailanman? Ipinangako ni Jehova sa atin na balang-araw, puwede tayong mabuhay nang hindi nag-aalalang mamamatay tayo. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang dahilan kung bakit lubos tayong makakapagtiwala na tutuparin ni Jehova ang pangako niya.

b Tingnan ang kahong “ Ang ‘Magpakailanman’ sa Bibliya.”

c LARAWAN: Pinag-iisipan ng isang may-edad nang brother ang ilang bagay na puwede niyang gawin kapag nabubuhay na siya magpakailanman.