Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 52

Tulungan ang Iba na Makayanan ang Mahihirap na Sitwasyon

Tulungan ang Iba na Makayanan ang Mahihirap na Sitwasyon

“Huwag mong ipagkait ang mabuti sa mga nangangailangan ng tulong kung kaya mo namang gawin ito.”​—KAW. 3:27.

AWIT 103 Mga Pastol​—Regalo ng Diyos

NILALAMAN a

1. Paano madalas na sinasagot ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya?

 PUWEDE kang gamitin ni Jehova para sagutin ang marubdob na panalangin ng iba. Makakatulong ka, elder ka man, ministeryal na lingkod, payunir, o isang mamamahayag. Makakatulong ka rin kahit bata ka pa o may-edad na, brother ka man o sister. Kapag may isang nananalangin kay Jehova para humingi ng tulong, madalas na ginagamit ng ating Diyos ang mga elder at ang ibang tapat na mga lingkod niya para ‘palakasin’ ang taong iyon. (Col. 4:11) Isa ngang pribilehiyo na paglingkuran si Jehova at ang mga kapatid sa ganiyang paraan! Magagawa natin iyan kapag may kumakalat na sakit, may sakuna, o pag-uusig.

TULUNGAN ANG IBA KAPAG MAY KUMAKALAT NA SAKIT

2. Bakit hindi madaling tumulong sa iba kapag may kumakalat na sakit?

2 Hindi madaling tulungan ang isa’t isa kapag may kumakalat na sakit. Halimbawa, baka gusto nating bisitahin ang mga kaibigan natin, pero hindi ito ligtas gawin. Baka gusto nating imbitahang kumaing kasama natin ang mga kapatid na hiráp sa buhay, pero hindi rin iyon posible. Gusto nating tumulong sa iba, pero baka hindi madali iyon kung may pinagdaraanan din ang pamilya natin. Kahit ganiyan ang sitwasyon natin, gusto pa rin nating tulungan ang mga kapatid, at natutuwa si Jehova kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para tumulong. (Kaw. 3:27; 19:17) Ano ang puwede nating gawin?

3. Ano ang matututuhan natin sa mga elder sa kongregasyon ni Desi? (Jeremias 23:4)

3 Ang puwedeng gawin ng mga elder. Kung isa kang elder, kilalaning mabuti ang mga tupa. (Basahin ang Jeremias 23:4.) Sinabi ni Desi, ang sister na binanggit sa naunang artikulo, “Sinasamahan kami noon sa ministeryo ng mga elder sa grupo namin, pati na sa mga salo-salo at paglilibang.” b Dahil diyan, hindi nahirapan ang mga pastol na iyon na tulungan si Desi nang magkaroon ng COVID-19 pandemic at nang mamatay ang ilang kapamilya niya dahil sa virus.

4. Bakit natulungan ng mga elder si Desi, at ano ang matututuhan natin dito?

4 Sinabi ni Desi, “Dahil kaibigan ko na ang mga elder, madali sa akin na sabihin sa kanila ang nararamdaman ko, pati na ang mga álalahanín ko.” Ano ang aral para sa mga elder? Pastulan ninyo ang mga nasa pangangalaga ninyo bago pa magkaroon ng krisis. Kaibiganin sila. Kung hindi mo sila madalaw dahil may kumakalat na sakit, kontakin sila sa ibang paraan. “Kung minsan, sa loob ng isang araw, iba’t ibang elder ang tumatawag o nagme-message sa akin,” ang sabi ni Desi. “Gumaan ang loob ko dahil sa mga tekstong ibinahagi nila sa akin, kahit alam na alam ko na ang mga tekstong iyon.”

5. Paano malalaman ng mga elder ang pangangailangan ng mga kapatid, at paano sila makakatulong?

5 Ano ang isang paraan para malaman mo ang kailangan ng mga kapatid? Puwede mo silang tanungin sa paraang hindi sila mapapahiya. (Kaw. 20:5) Mayroon ba silang sapat na pagkain, gamot, at ibang pangangailangan? Posible bang mawalan sila ng trabaho o pambayad sa upa ng bahay? Kailangan ba nila ng tulong para makakuha ng ayuda mula sa gobyerno? Nakatanggap si Desi ng materyal na tulong mula sa mga kapatid. Pero ang talagang nakatulong sa kaniya para makayanan ang pinagdaraanan niya ay ang emosyonal at espirituwal na pag-alalay ng mga elder. Sinabi niya: “Nanalanging kasama ko ang mga elder. Hindi ko na maalala ang eksaktong sinabi nila, pero hindi ko makakalimutan ang naramdaman ko nang mga oras na iyon. Para bang sinasabi ni Jehova, ‘Hindi ka nag-iisa.’”—Isa. 41:10, 13.

Masaya ang brother na may bahagi na marinig ang nakakapagpatibay na komento ng mga dumalo sa pulong at ng isang may-sakit na brother na nakikibahagi gamit ang videoconferencing (Tingnan ang parapo 6)

6. Ano ang magagawa ng marami sa kongregasyon para tulungan ang iba? (Tingnan ang larawan.)

6 Ang puwedeng gawin ng iba. Inaasahan natin na ang mga elder ang mangunguna sa pagtulong sa mga kapatid. Pero lahat tayo ay inaanyayahan ni Jehova na patibayin at tulungan ang iba. (Gal. 6:10) Kahit simpleng bagay lang ang gawin natin para tulungan ang isang may sakit, malaking pampatibay iyon sa kaniya. Puwedeng magbigay ng isang card o drawing ang isang bata para patibayin ang isang kapatid. Puwede namang tulungan ng isang kabataan ang isang sister sa pamimili. Puwede mo ring ipagluto ang isang kapatid na may sakit at dalhin ito sa bahay niya kung ligtas naman itong gawin. Siyempre, kapag may kumakalat na sakit, nangangailangan tayong lahat ng pampatibay. Baka puwede tayong huwag agad umalis pagkatapos ng pulong para makausap ang mga kapatid, nasa Kingdom Hall man tayo o videoconferencing. Kailangan din ng mga elder ng pampatibay. May mga kapatid na nagbibigay ng thank-you note sa mga elder, kasi mas marami silang ginagawa kapag may kumakalat na sakit. Napakasaya nga kapag ginagawa natin ang bahagi natin para “patuloy [na] pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa”!—1 Tes. 5:11.

TULUNGAN ANG IBA KAPAG MAY SAKUNA

7. Ano ang puwedeng mangyari pagkatapos ng sakuna?

7 Puwedeng biglang magbago ang buhay ng isa kapag nagkaroon ng sakuna. May mga nawawalan ng ari-arian, bahay, o mahal sa buhay. Puwede ring mangyari ang mga trahedyang iyan sa mga kapatid natin. Paano natin sila matutulungan?

8. Ano ang puwedeng gawin ng mga elder at ulo ng pamilya bago magkaroon ng sakuna?

8 Ang puwedeng gawin ng mga elder. Mga elder, tulungan ang mga kapatid na maghanda bago ang sakuna. Tiyakin ninyo na alam ng lahat ng kapatid kung ano ang dapat gawin para manatiling ligtas at kung paano nila kayo makokontak. Sinabi ni Margaret, na binanggit sa naunang artikulo: “Sa isang bahagi ng pulong na lokal na pangangailangan, pinaalalahanan kami ng mga elder na may panganib pa rin ng wildfire sa lugar namin. Sinabi nila na kung sakaling ipag-utos ng awtoridad na mag-evacuate kami o makita naming may panganib, dapat kaming lumikas agad.” Napapanahon ang paalalang iyon kasi makalipas ang limang linggo, nagkaroon nga ng wildfire. Sa panahon ng pampamilyang pagsamba, puwedeng talakayin ng mga ulo ng pamilya kung ano ang dapat gawin ng bawat miyembro. Kung handa ka, pati na rin ang mga anak mo, mas malamang na maging kalmado kayo kapag nagkaroon ng sakuna.

9. Ano ang kailangang gawin ng mga elder bago at pagkatapos ng sakuna?

9 Kung isa kang tagapangasiwa ng grupo, tiyakin mong tama ang contact information ng mga kagrupo mo, at gawin ito bago pa dumating ang sakuna. Gumawa ng listahan at i-update ito sa pana-panahon. Sa panahon ng sakuna, makokontak mo ang mga kapatid para malaman ang mga pangangailangan nila. Pagkatapos, kaagad na ipaalam ito sa koordineytor ng lupon ng matatanda. Kokontakin naman niya ang tagapangasiwa ng sirkito. Malaki ang magagawa ng pagtutulungan ng mga kapatid na ito. Pagkatapos ng wildfire, 36 na oras na gising ang tagapangasiwa ng sirkito nina Margaret. Abala siya sa pag-oorganisa ng mga kailangang gawin ng mga elder para makontak at maasikaso ang mga 450 kapatid na lumikas ng kanilang mga tahanan. (2 Cor. 11:27) Kaya nabigyan ng matutuluyan ang lahat ng nangangailangan.

10. Bakit mahalagang mag-shepherding ang mga elder? (Juan 21:15)

10 Kasama sa gawain ng mga elder ang pagbibigay ng espirituwal at emosyonal na tulong sa mga kapatid. (1 Ped. 5:2) Sa panahon ng sakuna, sisiguraduhin muna ng mga elder na ligtas ang mga kapatid at mayroon silang pagkain, damit, at matutuluyan. Sa paglipas ng maraming buwan, malamang na kailangan nila ng espirituwal at emosyonal na tulong. (Basahin ang Juan 21:15.) “Kailangan ng panahon para maka-recover,” ang sabi ni Harold, na naglilingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay at marami na rin siyang nakausap na kapatid na naging biktima ng sakuna. “Baka unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay nila, pero hindi nila malimutan ang alaala ng namatay nilang mahal sa buhay, mga bagay na mahalaga sa kanila, o ang pinagdaanan nilang hirap. Kapag naaalala nila ang mga ito, bumabalik ang sakit na naramdaman nila noon. Hindi naman sa wala silang pananampalataya; normal na reaksiyon lang ito ng isang tao.”

11. Anong pangangailangan ang mahalagang patuloy na maibigay sa mga pamilya?

11 Isinasapuso ng mga elder ang payo na “makiiyak sa mga umiiyak.” (Roma 12:15) Kailangang tiyakin ng mga elder sa mga biktima ng sakuna na mahal pa rin sila ni Jehova at ng mga kapatid. Tutulungan nila ang mga pamilya na maipagpatuloy ang espirituwal na rutin, gaya ng pananalangin, pag-aaral, pagdalo sa pulong, at pakikibahagi sa ministeryo. Puwede ring pasiglahin ng mga elder ang mga magulang na tulungan ang mga anak nila na magpokus sa mga bagay na hindi kayang sirain ng anumang sakuna. Mga magulang, ipaalala sa inyong mga anak na laging nandiyan si Jehova bilang Kaibigan nila at hindi niya sila iiwan. At sabihin sa kanila na mayroon silang mga kapatid sa buong mundo na handang tumulong sa kanila.​—1 Ped. 2:17.

Puwede ka bang magboluntaryo para tulungan ang mga biktima ng sakuna sa lugar ninyo? (Tingnan ang parapo 12) e

12. Ano ang puwedeng gawin ng iba para makatulong sa mga biktima ng sakuna? (Tingnan ang larawan.)

12 Ang puwedeng gawin ng iba. Kung magkaroon ng sakuna malapit sa inyo, tanungin ang mga elder kung paano ka makakatulong. Puwede mong patuluyin sa bahay ninyo ang mga lumikas o ang mga magboboluntaryo sa pagtatayo kahit pansamantala lang. Puwede ka ring magdala ng mga pagkain o suplay sa mga kapatid na nangangailangan. Kung sa malayong lugar naman magkaroon ng sakuna, makakatulong ka pa rin. Paano? Isama mo sila sa panalangin. (2 Cor. 1:8-11) Makakatulong ka rin sa kanila kung magbibigay ka ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain. (2 Cor. 8:2-5) Kung puwede kang pumunta sa lugar ng sakuna, tanungin ang mga elder kung paano ka makakapagboluntaryo. Kung maimbitahan kang tumulong, malamang na tumanggap ka ng ilang pagsasanay para magamit ka sa pinakamabuting paraan.

TULUNGAN ANG MGA KAPATID NA MATIIS ANG PAG-UUSIG

13. Anong mga problema ang nararanasan ng mga kapatid sa mga bansang may pagbabawal sa gawain natin?

13 Mas mahirap ang buhay ng mga kapatid sa mga bansang may pagbabawal sa gawain natin. Bukod sa pag-uusig, nagkakaroon din ng problema sa pera ang mga kapatid natin doon, nagkakasakit, at namamatayan ng mahal sa buhay. At dahil may pagbabawal, baka hindi mapuntahan o makausap ng mga elder ang mga kapatid na nangangailangan ng pampatibay. Ganiyan ang naranasan ni Andrei, na binanggit sa naunang artikulo. Isang sister sa grupo niya ang nagkaproblema sa pera. Pagkatapos, naaksidente pa ito at kinailangang sumailalim sa maraming operasyon kaya hindi ito makapagtrabaho. Kahit may pandemic at pagbabawal, ginawa ng mga kapatid ang magagawa nila para makatulong, at nakikita iyon ni Jehova.

14. Paano puwedeng maging halimbawa ang mga elder sa pagtitiwala kay Jehova?

14 Ang puwedeng gawin ng mga elder. Nanalangin si Andrei at ginawa niya kung ano ang magagawa niya. Paano sinagot ni Jehova ang panalangin niya? Ginamit niya ang ilang kapatid sa kongregasyon na may mas magagawa para makatulong sa sister. May sumama sa sister sa pagpapagamot. Mayroon ding nagbigay ng pera. Pinakilos sila ni Jehova na gawin ang makakaya nila at pinagpala niya ang mga pagsisikap nila sa pagtulong sa sister. (Heb. 13:16) Mga elder, kapag may mga restriksiyon, ibahagi sa iba ang ilang gawain. (Jer. 36:5, 6) Higit sa lahat, magtiwala kayo kay Jehova. Tutulungan niya kayo na maasikaso ang pangangailangan ng mga kapatid.

15. Kapag may pag-uusig, paano natin mapapanatili ang pagkakaisa?

15 Ang puwedeng gawin ng iba. Kapag may pagbabawal, baka limitadong bilang lang ng mga kapatid ang puwede nating makasama. Kaya mas mahalagang mapanatili ang mapayapang kaugnayan natin sa isa’t isa. Si Satanas ang kaaway natin, hindi ang isa’t isa. Palampasin ang pagkakamali ng mga kapatid, o ayusin agad ang mga di-pagkakaunawaan. (Kaw. 19:11; Efe. 4:26) Maging handang tulungan ang isa’t isa. (Tito 3:14) Dahil sa pagtutulungan ng mga kapatid para alalayan ang sister na nangangailangan, naging mas malapít sa isa’t isa, gaya ng isang pamilya, ang grupo nila sa paglilingkod.​—Awit 133:1.

16. Ayon sa Colosas 4:3, 18, paano natin matutulungan ang mga kapatid nating pinag-uusig?

16 Libo-libong kapatid natin ang naglilingkod kay Jehova kahit may pagbabawal ng gobyerno. Nakabilanggo pa nga ang ilan dahil sa kanilang pananampalataya. Puwede natin silang ipanalangin at ang mga pamilya nila. Puwede rin nating ipanalangin ang mga kapatid na nagsasapanganib ng kalayaan nila para tulungan ang mga kapatid na iyon sa espirituwal at pisikal, at ipagtanggol sila sa korte. c (Basahin ang Colosas 4:3, 18.) Huwag maliitin ang magagawa ng panalangin!—2 Tes. 3:1, 2; 1 Tim. 2:1, 2.

Paano kayo makakapaghanda ngayon pa lang ng pamilya mo bago dumating ang pag-uusig? (Tingnan ang parapo 17)

17. Paano ka makakapaghanda ngayon pa lang bago dumating ang pag-uusig?

17 Ngayon pa lang, puwede ka nang maghanda at ang pamilya mo bago pa dumating ang pag-uusig. (Gawa 14:22) Huwag isip-isipin ang masasamang bagay na posibleng mangyari. Sa halip, patibayin mo ang kaugnayan mo kay Jehova at tulungan ang mga anak mo na gawin din ito. Kung nag-aalala ka paminsan-minsan, sabihin sa Diyos ang niloloob mo. (Awit 62:7, 8) Bilang isang pamilya, pag-usapan ang lahat ng dahilan kung bakit kayo makakapagtiwala kay Jehova. d Dahil sa paghahanda mo at pagtitiwala kay Jehova, lalakas ang loob ng mga anak mo at magiging kalmado sila sa panahon ng sakuna.

18. Anong kinabukasan ang naghihintay sa atin?

18 Tinutulungan tayo ng kapayapaan ng Diyos na maging panatag. (Fil. 4:6, 7) Dahil sa kapayapaang ibinibigay ni Jehova, nagiging kalmado tayo kahit may mga sakit, sakuna, at pag-uusig. Ginagamit niya ang masisipag na elder para pastulan tayo. At binibigyan niya tayong lahat ng pagkakataon na tulungan ang isa’t isa. Naihahanda tayo ng kapayapaang nararanasan natin ngayon sa matitinding pagsubok na darating, kahit pa nga sa “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21) Sa panahong iyon, kailangan nating panatilihin ang kapayapaan natin at tulungan ang iba na gawin din iyon. Pero pagkatapos ng panahong iyon, hindi na tayo matatakot na may mangyayari pang mga krisis. Sa wakas, mararanasan na natin ang tunay na kapayapaan na mananatili magpakailanman. Iyan ang talagang gusto ni Jehova para sa atin.​—Isa. 26:3, 4.

AWIT 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso

a Madalas na ginagamit ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya para tulungan ang may mga pinagdaraanan. Puwede ka niyang gamitin para patibayin ang mga kapatid. Tingnan natin kung paano natin matutulungan ang iba na nangangailangan.

b Binago ang ilang pangalan.

c Hindi posibleng maipadala ng tanggapang pansangay o ng mga nasa pandaigdig na punong-tanggapan ang liham ng mga indibidwal para sa mga kapatid na nakabilanggo.

d Tingnan ang artikulong “Maghanda Na Ngayon sa Pag-uusig” sa Bantayan, isyu ng Hulyo 2019.

e LARAWAN: Isang mag-asawang nagdala ng pagkain sa isang pamilya na nasa pansamantalang tuluyan pagkatapos ng isang sakuna.