Magpagabay sa Pananaw ng Diyos sa Alak
SIGURADONG pinapahalagahan mo ang mga regalo ni Jehova, kasama na ang kalayaan mong magpasiya kung paano gagamitin ang mga regalong ito. Sinasabi ng Bibliya na ang alak ay regalo ng Diyos: “Ang tinapay ay nagbibigay ng kasiyahan, at ang alak ay nagpapasaya sa buhay.” (Ecles. 10:19; Awit 104:15) Pero malamang na napansin mo na may ilan na nagkakaproblema sa pag-inom ng alak. Isa pa, sa buong mundo, iba-iba ang opinyon at pananaw ng mga tao tungkol dito. Kaya ano ang makakatulong sa mga Kristiyano na makapagdesisyon nang tama tungkol sa pag-inom?
Saanman tayo nakatira o anumang kultura ang kinalakhan natin, mapapabuti tayo kung aalamin natin ang pananaw ng Diyos kapag gumagawa tayo ng mga desisyon.
Maraming tao ngayon ang madalas at malakas uminom ng alak. Ang ilan, gusto lang marelaks. Ang iba naman, gustong makalimot sa problema. At sa ilang lugar, ang tingin nila sa malalakas uminom ay matured na at tunay na lalaki.
Buti na lang, may matalinong payo sa atin ang maibiging Maylalang natin. Halimbawa, sinabi niya sa atin ang masasamang epekto ng sobrang pag-inom. Detalyadong inilarawan sa Kawikaan 23:29-35 ang nangyayari sa taong lasing at ang mga nagiging problema niya. a Ikinuwento ni Daniel, isang elder sa Europe, ang buhay niya bago siya naging tunay na Kristiyano, “Dahil sa sobrang pag-inom ko, nakagawa ako ng maling mga desisyon at nagkaroon ako ng mapapait na karanasan na may epekto pa rin sa akin hanggang ngayon.”
Paano natin magagamit nang tama ang kalayaan nating magpasiya at maiwasan ang mga problemang dulot ng sobrang pag-inom? Kailangan nating alamin ang pananaw ng Diyos at iayon dito ang pag-iisip at pagkilos natin.
Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa alak at ang mga dahilan kung bakit umiinom ang ilan.
ANG SINASABI NG BIBLIYA
Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng alak. Sinasabi pa nga nito na nakakapagpasaya ang pag-inom. Mababasa natin: “Kumain ka nang may pagsasaya at inumin mo ang iyong alak nang may masayang puso.” (Ecles. 9:7) May mga pagkakataong uminom ng alak si Jesus at ang iba pang tapat na lingkod ni Jehova.—Mat. 26:27-29; Luc. 7:34; 1 Tim. 5:23.
Pero malinaw na sinasabi ng Bibliya na masama ang paglalasing. Mababasa natin: “Huwag din kayong magpakalasing sa alak.” (Efe. 5:18) Sinasabi pa nga nito na ang mga “lasenggo . . . ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.” (1 Cor. 6:10) Kaya hinahatulan ni Jehova ang sobrang pag-inom at paglalasing. Imbes na sundin ang kultura natin, nagpapagabay tayo sa pananaw ng Diyos.
Ikinakatuwiran ng ilan na hindi naman sila nalalasing kahit malakas silang uminom. Pero mapanganib ang ganiyang kaisipan. Malinaw na sinasabi ng Kasulatan na ang mga “nagpapaalipin sa maraming alak” ay puwedeng mapahamak at masira ang kaugnayan kay Jehova. (Tito 2:3, tlb.; Kaw. 20:1) Nagbabala pa nga si Jesus na dahil sa “sobrang pag-inom,” baka hindi makapasok ang isa sa bagong sanlibutan. (Luc. 21:34-36) Kaya ano ang makakatulong sa isang Kristiyano para hindi siya magkaproblema sa pag-inom ng alak?
PAG-ISIPAN KUNG BAKIT AT GAANO KADALAS KA UMIINOM
Mapanganib kung basta ka na lang magpapaimpluwensiya sa kinalakhan mong kultura tungkol sa pag-inom ng alak. Pagdating sa pagkain at pag-inom, ginagawa ng mga Kristiyano kung ano ang makakapagpasaya kay Jehova. Ipinapaalala ng Bibliya: “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Cor. 10:31) Pag-isipan ang mga tanong na ito at ang mga prinsipyo sa Bibliya:
Umiinom ba ako dahil lang sa pakikisama sa iba? Sinasabi sa Exodo 23:2: “Huwag kang susunod sa karamihan.” Dito, nagbabala si Jehova sa mga Israelita na huwag sumunod sa mga taong hindi nagpapasaya sa kaniya. Dapat ding sundin iyan ng mga Kristiyano ngayon. Kung magpapaimpluwensiya tayo sa iba pagdating sa pag-inom ng alak, baka mapalayo tayo kay Jehova at malabag natin ang mga pamantayan niya.—Roma 12:2.
Umiinom ba ako para ipakitang malakas ako? Sa ilang kultura, normal lang ang madalas at sobrang pag-inom. (1 Ped. 4:3) Pero sinasabi sa atin ng Bibliya: “Manatili kayong gisíng, manghawakan kayong mahigpit [o, tumayo kayong matatag] sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakalakas kayo.” (1 Cor. 16:13, tlb.) Mapapalakas ba talaga ng alak ang isang tao? Ang totoo, pinapahina ng alak ang mga pandamdam natin kaya mahihirapan tayong mag-isip at kumilos nang maayos. Kaya hindi maipapakita ng isang tao na malakas siya dahil sa sobrang pag-inom, kasi isa itong kahinaan. Inilalarawan ng Isaias 28:7 ang taong naliligaw dahil sa alak. Sumusuray-suray ito at nagkakamali sa pagpapasiya.
Kay Jehova nagmumula ang tunay na lakas. (Awit 18:32) Kasama dito ang pananatiling gisíng at pagtayong matatag sa pananampalataya. Magagawa iyan ng isang Kristiyano kung mananatili siyang alerto at kikilos siya para maingatan ang kaugnayan niya kay Jehova. Ipinakita iyan ni Jesus noong nandito siya sa lupa. Nakuha niya ang respeto ng marami dahil matatag siya at isang tunay na lalaki.
Umiinom ba ako para takasan ang mga problema ko? Isinulat ng salmista: “Noong maraming Awit 94:19) Kapag may pinagdadaanan ka, si Jehova ang hanapin mo, hindi alak. Magagawa mo iyan kung mananalangin ka nang mas madalas sa kaniya. Nakatulong din sa marami ang paghingi ng payo sa isang may-gulang na kapatid. Ang totoo, kung iinom ka para takasan ang problema mo, mas mahihirapan ka lang na gawin ang tama. (Os. 4:11) Inamin ni Daniel, na binanggit kanina: “Noong namomroblema at nakokonsensiya ako, idinaan ko iyon sa pag-inom. Pero lalo lang lumala ang mga problema ko. Nilayuan ako ng mga kaibigan ko, at nawalan ako ng respeto sa sarili.” Ano ang nakatulong kay Daniel? Sinabi niya: “Na-realize ko na si Jehova ang kailangan ko, hindi alak. Sa tulong ni Jehova, nakayanan ko at nalampasan ang mga problema.” Kahit parang wala nang solusyon sa mga problema mo, laging nandiyan si Jehova para tulungan ka.—Fil. 4:6, 7; 1 Ped. 5:7.
gumugulo sa isip ko, pinayapa mo [Jehova] ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.” (Kung umiinom ka, puwede mong itanong sa sarili: ‘May kapamilya o kaibigan ba ako na nagsabing nag-aalala sila tungkol sa pag-inom ko?’ Kung oo, baka indikasyon na iyan na medyo sumosobra ka na sa pag-inom nang hindi mo namamalayan. ‘Mas marami ba ang iniinom ko ngayon kaysa dati?’ Ganiyan ang mga nagsisimulang maadik sa pag-inom ng alak. ‘Hindi ko ba matiis na hindi uminom kahit ilang araw lang?’ Kung oo, baka nagiging bisyo mo na o adiksiyon ang pag-inom. Baka kailangan mo nang humingi ng tulong sa mga propesyonal.
Pinili ng ilang Kristiyano na huwag uminom dahil sa mga problemang puwedeng idulot ng alak. Ang iba naman, ayaw lang nila ang lasa nito. Kung may kaibigan ka na hindi umiinom, igalang mo ang desisyon niya at huwag itong kuwestiyunin.
Baka ipinasiya mo naman na limitahan ang pag-inom mo. Halimbawa, baka isang beses kada linggo ka na lang umiinom. Ang iba naman, baka umiinom nang katamtaman habang kumakain. Pinipili naman ng iba kung anong klase ng alak ang iinumin nila. Baka umiinom sila ng kaunting wine o beer, pero hindi sila umiinom
ng matapang na alak, kahit pa may halo itong juice o ibang flavor. Kapag malinaw na sa isa kung paano niya lilimitahan ang pag-inom niya, magiging mas madali sa kaniya na sundin iyon. Hindi dapat ikahiya ng isang may-gulang na Kristiyano ang desisyon niya tungkol sa pag-inom ng alak.Mahalaga rin na maging makonsiderasyon sa iba. Sinasabi sa Roma 14:21: “Mas mabuting huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na makakatisod sa iyong kapatid.” Paano mo iyan magagawa? Magpakita ng pag-ibig sa mga kapatid. Kung sa tingin mo, may matitisod sa pag-inom mo, handa ka bang isakripisyo ang karapatan mo? Kung gagawin mo iyan, maipapakita mo na nirerespeto mo ang nararamdaman ng iba at inuuna mo ang kapakanan nila, hindi ang sa iyo.—1 Cor. 10:24.
Isa pa, posibleng may mga batas ang gobyerno na dapat sundin ng mga Kristiyano. Baka kasama dito ang edad kung kailan puwede nang uminom ang isa. Baka may mga pagbabawal din sa pag-inom kung magmamaneho ka o mag-o-operate ng makina.—Roma 13:1-5.
Binigyan tayo ni Jehova ng kalayaan kung paano gagamitin ang maraming regalong ibinigay niya sa atin. Makakapili tayo kung ano ang kakainin o iinumin natin. Gamitin sana natin ang kalayaan nating magpasiya para pasayahin ang Ama natin sa langit.
a Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, kahit minsan ka lang maparami ng inom, puwede itong mauwi sa pagpatay, pagpapakamatay, sexual assault, karahasan sa asawa o sa kinakasama, mapanganib na seksuwal na paggawi, at posible ring makunan ang isang buntis.