ARALING ARTIKULO 52
Mga Kabataang Sister—Sumulong at Maging Maygulang
“Ang mga babae ay dapat ding . . . may kontrol sa kanilang paggawi, at tapat sa lahat ng bagay.”—1 TIM. 3:11.
AWIT BLG. 133 Sambahin si Jehova Habang Nasa Kabataan
NILALAMAN a
1. Para sumulong tayo at maging may-gulang na Kristiyano, ano ang kailangan nating gawin?
NAPAKABILIS ng paglaki ng mga bata! Alam na nating mangyayari iyan. Pero ang pagiging may-gulang na Kristiyano, hindi awtomatiko. b Kailangan dito ang pagsisikap. (1 Cor. 13:11; Heb. 6:1) Para sumulong tayo at maging maygulang, kailangan natin ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Kailangan din natin ang tulong ng banal na espiritu niya para magkaroon tayo ng mga katangian na gusto niya, matuto ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan, at maging handa sa mga responsibilidad.—Kaw. 1:5.
2. Ano ang matututuhan natin sa Genesis 1:27, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Ginawa ni Jehova ang mga tao na lalaki at babae. (Basahin ang Genesis 1:27.) Magkaibang-magkaiba ang mga lalaki at babae, hindi lang sa pisikal, kundi sa iba’t ibang paraan din. Halimbawa, binigyan ni Jehova ng magkaibang responsibilidad ang mga lalaki at babae, kaya kailangan nila ng mga katangian at kakayahan na tutulong sa kanila na magawa ang mga iyon. (Gen. 2:18) Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang puwedeng gawin ng isang kabataang sister para sumulong siya at maging maygulang. Tatalakayin naman sa kasunod na artikulo kung ano ang puwedeng gawin ng mga brother.
MAGKAROON NG MGA KATANGIAN NA GUSTO NI JEHOVA
3-4. Saan makakakita ang mga kabataang sister ng magagandang halimbawa na puwede nilang tularan? (Tingnan din ang larawan.)
3 Maraming halimbawa sa Bibliya ng mahuhusay na babae. Mahal nila si Jehova, at naglingkod sila sa kaniya. (Tingnan ang artikulong “Mga Babae sa Bibliya—Ano ang Matututuhan Natin sa Kanila?” na nasa jw.org.) Gaya ng sinasabi sa temang teksto natin, “may kontrol [sila] sa kanilang paggawi” at “tapat [sila] sa lahat ng bagay.” Bukod sa kanila, may mga sister din sa kongregasyon na magandang tularan.
4 Mga kabataang sister, may kilala ba kayong mga may-gulang na sister na gusto ninyong tularan? Isipin ang magagandang katangian nila at kung paano mo rin maipapakita ang mga iyon. Sa susunod na mga parapo, tatalakayin natin ang tatlong mahalagang katangian na kailangan ng mga sister para sumulong sila at maging maygulang.
5. Bakit mahalagang maging mapagpakumbaba ang mga sister?
5 Para maging may-gulang na Kristiyano, mahalaga ang kapakumbabaan. Kung mapagpakumbaba ang isang sister, magiging malapít siya kay Jehova at sa iba. (Sant. 4:6) Halimbawa, dahil mahal ng isang sister si Jehova, magiging mapagpakumbaba siya at susuportahan niya ang kaayusan ni Jehova sa pagkaulo. (1 Cor. 11:3) Kailangang sundin ang kaayusang iyan sa kongregasyon at sa pamilya. c
6. Ano ang matututuhan ng mga kabataang sister kay Rebeka tungkol sa kapakumbabaan?
6 Tingnan ang halimbawa ni Rebeka. Marunong siya, at marami siyang nagawang mahuhusay na desisyon; alam niya kung kailan at kung paano kikilos. (Gen. 24:58; 27:5-17) Pero magalang pa rin siya at mapagpasakop. (Gen. 24:17, 18, 65) Kung magiging mapagpakumbaba ka at susuportahan mo ang mga kaayusan ni Jehova gaya ni Rebeka, magiging magandang halimbawa ka sa pamilya mo at sa kongregasyon.
7. Paano matutularan ng mga kabataang sister ang kapakumbabaan ni Esther?
7 Kasama din sa pagiging mapagpakumbaba ang pagtanggap sa mga limitasyon natin. Sinasabi ng Bibliya na “ang karunungan ay nasa mga mapagpakumbaba,” o “mga kumikilala sa kanilang limitasyon.” (Kaw. 11:2; tlb.) Tapat si Esther, at alam niya ang limitasyon niya. Dahil diyan, hindi siya naging mapagmataas kahit nang maging reyna siya. Nakinig siya at sumunod sa payo ng nakakatanda niyang pinsan na si Mardokeo. (Es. 2:10, 20, 22) Gaya ni Esther, maipapakita mong mapagpakumbaba ka kung hihingi ka ng payo at susundin ito.—Tito 2:3-5.
8. Ayon sa 1 Timoteo 2:9, 10, paano makakapagpakita ng kahinhinan ang isang sister sa pananamit at pag-aayos niya?
8 Kahinhinan ang isa pang magandang katangian ng mga may-gulang na sister. Ipinakita rin iyan ni Esther. “Maganda [siya] at kaakit-akit,” pero ayaw niyang sa kaniya mapunta ang atensiyon ng iba. (Es. 2:7, 15) Paano matutularan ng mga sister si Esther? Makikita sa 1 Timoteo 2:9, 10 ang isang paraan. (Basahin.) Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga babaeng Kristiyano na magsuot ng damit na nagpapakita ng kahinhinan at matinong pag-iisip. Ang mga salitang Griego na ginamit dito ay nagpapahiwatig na dapat na kagalang-galang ang damit ng isang babaeng Kristiyano at na dapat makita sa pananamit niya na isinasaalang-alang niya ang nararamdaman o opinyon ng iba. Talagang proud tayo sa mga may-gulang na sister na mahinhing manamit!
9. Ano ang matututuhan natin kay Abigail?
9 Kaunawaan ang isa pang katangian na ipinapakita ng mga may-gulang na sister. Ano ba ang kaunawaan? Ito ay ang kakayahang makilala kung ano ang tama at mali at pagkatapos ay pinipiling gawin kung ano ang tama. Tingnan ang halimbawa ni Abigail. May nagawang maling desisyon ang asawa niya na puwedeng ikapahamak ng buong sambahayan nila. Kumilos agad si Abigail. Dahil alam niya at ginawa kung ano ang tama, marami ang naligtas. (1 Sam. 25:14-23, 32-35) Tutulong din sa atin ang kaunawaan para malaman kung kailan tayo dapat magsalita at manahimik. Dahil din dito, magiging balanse tayo kapag nagpapakita tayo ng malasakit sa iba.—1 Tes. 4:11.
MATUTO NG KAPAKI-PAKINABANG NA MGA KAKAYAHAN
10-11. Kung mahusay kang magbasa at magsulat, paano ka makikinabang at ang iba? (Tingnan din ang larawan.)
10 Kailangan ng mga babaeng Kristiyano na matuto ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan. May mga kakayahan na matututuhan ang mga batang babae na magagamit nila sa buong buhay nila. Tingnan ang ilang halimbawa.
11 Maging mahusay sa pagbabasa at pagsusulat. Sa ilang kultura, hindi mahalaga kung mahusay magbasa at magsulat ang isang babae. Pero mahalaga para sa lahat ng Kristiyano ang mga kakayahang iyan. d (1 Tim. 4:13) Kaya kahit mahirap, sikaping maging mahusay sa pagbabasa at pagsusulat. Tutulong iyan sa iyo na magkaroon ng trabaho. Magiging mas madali rin sa iyo na pag-aralan ang Bibliya at ituro ito sa iba. Higit sa lahat, mas mapapalapit ka kay Jehova habang binabasa mo at pinag-iisipan ang Salita niya.—Jos. 1:8; 1 Tim. 4:15.
12. Ano ang matututuhan mo sa Kawikaan 31:26?
12 Maging mahusay sa pakikipag-usap. Kailangan iyan ng mga Kristiyano. Maganda ang payo sa atin ng alagad na si Santiago: “Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Sant. 1:19) Kapag nakikinig kang mabuti habang nagsasalita ang iba, naipapakita mong may empatiya ka sa kanila. (1 Ped. 3:8) Kung hindi mo naiintindihan ang sinasabi o nararamdaman ng kausap mo, puwede kang magtanong. Pagkatapos, mag-isip ka muna bago magsalita. (Kaw. 15:28) Tanungin ang sarili: ‘Totoo ba at nakakapagpatibay ang sasabihin ko? Magiging mabait ba ako at makakapagpakita ng paggalang kapag sinabi ko ito?’ Matuto sa mahuhusay na sister. Obserbahan ang paraan ng pakikipag-usap nila. (Basahin ang Kawikaan 31:26.) Kung magiging mahusay ka sa pakikipag-usap, magiging mas madali sa iyo na makipagkaibigan.
13. Paano ka magiging mahusay sa pag-aasikaso sa bahay? (Tingnan din ang larawan.)
13 Maging mahusay sa pag-aasikaso sa bahay. Sa maraming lugar, ang mga babae ang nag-aasikaso ng karamihan sa gawaing-bahay. Matututuhan mo iyan sa tulong ng nanay mo o ng iba pang mahusay na sister. Sinabi ni Cindy: “Itinuro sa akin ni Nanay na magiging masaya ka kung masipag ka. Iyan ang isa sa pinakamagandang natutuhan ko sa kaniya. Dahil natuto akong magluto, maglinis, manahi, at mamilí, naging mas madali ang buhay ko at mas marami akong nagagawa para kay Jehova. Tinuruan din ako ni Nanay na maging mapagpatuloy, kaya may nakilala akong mahuhusay na kapatid na puwede kong tularan.” (Kaw. 31:15, 21, 22) Ang isang sister na masipag, mapagpatuloy, at marunong sa gawaing-bahay ay pagpapala sa pamilya niya at sa kongregasyon.—Kaw. 31:13, 17, 27; Gawa 16:15.
14. Ano ang natutuhan mo kay Crystal, at ano ang dapat mong tandaan?
14 Matutong tumayo sa sariling paa. Mahalagang matutuhan iyan ng lahat ng Kristiyano. (2 Tes. 3:7, 8) Sinabi ni Crystal: “Tinulungan ako ng mga magulang ko na pumili ng course sa high school na magagamit ko sa hinaharap. Sinabi ni Papa na tungkol sa accounting ang piliin ko. Ang laking tulong n’on sa akin!” Mahalaga na mayroon kang skill na magagamit mo sa trabaho, pero sikapin mo ring matutuhan na mag-budget at sundin iyon. (Kaw. 31:16, 18) Tandaan na kung magiging kontento ka, iiwas sa utang, at hindi bibili ng mga bagay na hindi mo kayang bilhin, mas marami kang magagawa para kay Jehova.—1 Tim. 6:8.
MAGING HANDA SA MGA RESPONSIBILIDAD
15-16. Bakit mahalaga ang mga single na sister? (Marcos 10:29, 30)
15 Kapag nagkaroon ka ng mga katangian na gusto ni Jehova at ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan, magiging mas handa ka sa mga responsibilidad. Tingnan ang ilang puwede mong gawin.
16 Puwedeng hindi ka muna mag-asawa. Gaya ng sinabi ni Jesus, may mga nagdesisyong huwag mag-asawa, kahit hindi iyon karaniwan sa lugar nila. (Mat. 19:10-12) Mayroon namang nananatiling single dahil sa iba’t ibang sitwasyon. Makakasigurado ka na mahalaga kay Jehova at kay Jesus ang mga Kristiyanong walang asawa. Sa buong mundo, malaking tulong sa kongregasyon ang mga single na sister. Dahil sa pag-ibig at malasakit nila sa iba, naging gaya sila ng espirituwal na kapatid at nanay sa marami.—Basahin ang Marcos 10:29, 30; 1 Tim. 5:2.
17. Ano ang puwedeng gawin ng isang kabataang sister para makapaglingkod siya nang buong panahon?
17 Puwede kang maglingkod nang buong panahon. Sa buong mundo, malaking tulong ang mga sister sa gawaing pangangaral. (Awit 68:11) Puwede ka bang magplano ngayon para makapaglingkod nang buong panahon? Baka puwede kang magpayunir o mag-volunteer sa construction o sa Bethel. Ipanalangin mo ang goal mo. Makipagkuwentuhan sa mga nakaabot na sa mga goal na iyan, at alamin ang mga kailangan mong gawin. Pagkatapos, gumawa ng plano para maabot mo iyon. Kapag buong-panahong lingkod ka na, marami pang ibang pribilehiyo na naghihintay sa iyo.
18. Bakit dapat piliing mabuti ng isang sister ang mapapangasawa niya? (Tingnan din ang larawan.)
18 Baka piliin mong mag-asawa. Makakatulong sa iyo ang mga katangian at kakayahan na tinalakay natin para maging mahusay kang asawang babae. Pero dapat na piliin mong mabuti ang mapapangasawa mo. Isa iyan sa pinakamahalagang desisyon na gagawin mo. Tandaan, kailangan mong magpasakop sa magiging asawa mo. (Roma 7:2; Efe. 5:23, 33) Kaya tanungin ang sarili: ‘May-gulang na Kristiyano ba siya? Inuuna ba niya si Jehova sa buhay niya? Kumusta ang mga desisyon niya? Inaamin ba niya ang mga pagkakamali niya? Nirerespeto ba niya ang mga babae? Kaya ba niya akong suportahan sa espirituwal, materyal, at emosyonal na paraan? Mahusay ba siya sa pagganap ng responsibilidad? Halimbawa, ano ang mga atas niya sa kongregasyon at paano niya iyon ginagampanan?’ (Luc. 16:10; 1 Tim. 5:8) Siyempre, kung gusto mong makahanap ng mahusay na asawang lalaki, kailangan mo ring maghanda para maging mahusay kang asawang babae.
19. Bakit nagpaparangal sa asawang babae ang pagiging “katulong” ng asawa niya?
19 Sinasabi ng Bibliya na ang mahusay na asawang babae ay “isang katulong na makakatuwang” ng asawa niya. (Gen. 2:18) Nawawalan ba ng dignidad ang asawang babae dahil dito? Hindi. Nagpaparangal pa nga ito sa kaniya. Ang totoo, madalas na sinasabi sa Bibliya na “tumutulong” si Jehova sa iba. (Awit 54:4; Heb. 13:6) Talagang nakakatulong ang isang sister sa asawa niya kapag sinusuportahan niya ito, halimbawa, sa mga desisyon nito sa pamilya. At dahil mahal niya si Jehova, ginagawa niya ang magagawa niya para maging maganda ang reputasyon ng asawa niya. (Kaw. 31:11, 12; 1 Tim. 3:11) Ngayon pa lang, makakapaghanda ka na sa pagiging asawang babae kung papatibayin mo ang kaugnayan mo kay Jehova at kung tutulungan mo ang mga kapamilya mo at ang mga kapatid.
20. Paano makakatulong ang isang nanay sa pamilya niya?
20 Puwede kang maging isang nanay. Kapag nag-asawa ka, baka magkaroon ka ng mga anak. (Awit 127:3) Kaya dapat mong paghandaan iyan. Makakatulong sa iyo ang mga katangian at kakayahan na tinalakay sa artikulong ito kung mag-aasawa ka at magiging isang nanay. Kung mapagmahal ka, mabait, at mapagpasensiya, makakatulong ka para maging masaya ang pamilya mo at maging panatag ang mga anak mo.—Kaw. 24:3.
21. Ano ang gusto nating sabihin sa mga sister, at bakit? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
21 Mga sister, mahal namin kayo dahil sa lahat ng ginagawa ninyo para kay Jehova at sa mga lingkod niya. (Heb. 6:10) Talagang nagsisikap kayo na magkaroon ng mga katangian na gusto ni Jehova, matuto ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan, at maging handa sa mga responsibilidad. Napakahalaga ninyo sa organisasyon ni Jehova!
AWIT BLG. 137 Mga Babaeng Tapat
a Mga kabataang sister, napakahalaga ninyo sa kongregasyon! Susulong kayo at magiging maygulang kung magkakaroon kayo ng mga katangian na gusto ni Jehova, matututo ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan, at magiging handa sa mga responsibilidad. Dahil diyan, marami kayong tatanggaping pagpapala habang naglilingkod kay Jehova.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang isang may-gulang na Kristiyano ay nagpapagabay sa espiritu ng Diyos, hindi sa karunungan ng sanlibutan. Tinutularan niya ang halimbawa ni Jesus, sinisikap niyang mapanatili ang malapít na kaugnayan niya kay Jehova, at mayroon siyang mapagsakripisyong pag-ibig sa iba.
c Tingnan ang Bantayan, isyu ng Pebrero 2021, p. 14-19.
d Para malaman kung gaano kahalaga ang pagbabasa, tingnan ang artikulong “Bakit Mahalagang Magbasa ang mga Bata?—Bahagi 1: Magbabasa o Manonood?” na nasa jw.org.