Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nabasa mo bang mabuti ang mga isyu ng Bantayan sa taóng ito? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:

Ano ang ibig sabihin ng ‘pagbabago ng pag-iisip’? (Roma 12:2)

Hindi lang ito basta paggawa ng mabubuting bagay. Dapat din nating suriin kung sino talaga tayo at gawin ang kinakailangang pagbabago para makapamuhay tayo ayon sa mga pamantayan ng Diyos.​—w23.01, p. 8-9.

Paano tayo magkakaroon ng tamang pananaw sa mga nangyayari sa mundo?

Interesado tayong makita kung paano natutupad sa ngayon ang mga hula sa Bibliya. Pero imbes na gumawa ng espekulasyon, na makakasira sa pagkakaisa ng kongregasyon, dapat na nakabase sa ating mga publikasyon ang mga pag-uusap natin. (1 Cor. 1:10)​—w23.02, p. 16.

Ano ang pagkakaiba ng bautismo ni Jesus at ng bautismo ng mga tagasunod niya?

Ipinanganak si Jesus sa isang bansang nakaalay sa Diyos, kaya hindi niya kailangang ialay ang sarili niya kay Jehova. Perpekto siya at walang kasalanan. Hindi niya kailangang magsisi.​—w23.03, p. 5.

Paano natin matutulungan ang iba na makapagkomento sa mga pulong?

Iklian ang komento natin at huwag bumanggit ng maraming punto para makasagot din ang iba.​—w23.04, p. 23.

Saan tumutukoy ang “Daan ng Kabanalan”? (Isa. 35:8)

Unang tumukoy ang makasagisag na daang ito sa rutang dinaanan ng mga Judio mula Babilonya hanggang Israel. Kumusta naman sa panahon natin? Daan-daang taon bago 1919, inihanda na ang daan, pangunahin na, sa pamamagitan ng pagsasalin at pag-iimprenta ng mga Bibliya. Naglalakbay ang bayan ng Diyos sa “Daan ng Kabanalan” at dinadala tayo nito sa espirituwal na paraiso at sa mga pagpapala ng Kaharian.​—w23.05, p. 15-19.

Sino ang dalawang makasagisag na babae sa Kawikaan kabanata 9, at saan papunta ang imbitasyon nila?

Binabanggit sa Kawikaan ang tungkol sa “babaeng mangmang.” Ang imbitasyon niya ay papunta sa “Libingan.” Binanggit din ang isa pang makasagisag na babae, ang “tunay na karunungan.” Ang imbitasyon niya ay papunta sa kaunawaan at buhay. (Kaw. 9:1, 6, 13, 18)​—w23.06, p. 22-24.

Paano nagpakita ang Diyos ng kapakumbabaan at pagiging makatuwiran kay Lot?

Inutusan ni Jehova si Lot na umalis sa Sodoma at pumunta sa mabundok na rehiyon. Pero nakiusap si Lot na sa Zoar na lang pumunta, at pinagbigyan siya ng Diyos.​—w23.07, p. 21.

Ano ang puwedeng gawin ng isang sister kung nanonood ng pornograpya ang asawa niya?

Hindi niya dapat sisihin ang sarili niya. Dapat siyang magpokus sa kaugnayan niya sa Diyos at bulay-bulayin ang mga babae sa Bibliya na may mahirap na pinagdaanan at pinatibay ni Jehova. Puwede rin niyang tulungan ang asawa niya na umiwas sa nakakatuksong mga sitwasyon.​—w23.08, p. 14-17.

Paano makakatulong ang kaunawaan para maging mahinahon tayo kapag may kumukuwestiyon sa paniniwala natin?

Ituring ang pagtatanong niya na paraan para malaman kung ano ang iniisip niya o ang mahalaga sa kaniya. Tutulong iyan para makasagot tayo nang mahinahon.​—w23.09, p. 17.

Paano tayo mapapalakas gaya ni Maria?

Nang malaman ni Maria na magiging anak niya ang Mesiyas, napatibay siya nina Gabriel at Elisabet. Mapapalakas din tayo ng mga kapananampalataya natin.​—w23.10, p. 15.

Paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin?

Nangangako si Jehova na papakinggan niya ang mga panalangin natin, at isinasaalang-alang niya kung paano nauugnay ang mga iyon sa layunin niya. (Jer. 29:12) Puwedeng magkakaiba ang paraan ng pagsagot niya kahit magkakapareho ang ipinapanalangin natin, pero siguradong lagi niya tayong susuportahan.​—w23.11, p. 21-22.

Binanggit na sa Roma 5:2 ang tungkol sa ‘pag-asa,’ kaya bakit binanggit ulit ito sa talata 4?

Noong una nating marinig ang mabuting balita, nagkaroon tayo ng pag-asang mabuhay sa Paraisong lupa. Pero habang nakakaranas tayo ng pagdurusa, nakakapagtiis tayo, at nakukuha natin ang pagsang-ayon ng Diyos, lalong nagiging totoo sa atin ang pag-asa natin.—w23.12, p. 12-13.