Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 49

AWIT BLG. 147 Buhay na Walang Hanggan—Isang Pangako

Ang Kailangan Mong Gawin Para Mabuhay Nang Walang Hanggan

Ang Kailangan Mong Gawin Para Mabuhay Nang Walang Hanggan

“Ang bawat isa na nakakakilala sa Anak at nananampalataya sa kaniya ay [magkakaroon] ng buhay na walang hanggan.”​—JUAN 6:40.

MATUTUTUHAN

Kung paano nakikinabang ang mga pinahiran at ang ibang mga tupa sa sakripisyo ni Jesu-Kristo.

1. Ano ang iniisip ng ilang tao tungkol sa buhay na walang hanggan?

 INIINGATAN ng mga tao ang kalusugan nila, kaya pinipili nila ang mga kinakain nila at sinisikap nilang maging regular sa pag-eehersisyo. Pero hindi nila iniisip na mabubuhay sila nang walang hanggan. Para sa kanila, imposible iyon. At baka nga ayaw nila iyon kasi iniisip nilang pagdudusahan nila habambuhay ang mga epekto ng pagtanda. Pero gaya ng makikita sa sinabi ni Jesus sa Juan 3:16 at 5:​24, hindi imposible ang “buhay na walang hanggan,” at magiging kasiya-siya iyon.

2. Ano ang sinasabi ng Juan kabanata 6 tungkol sa buhay na walang hanggan? (Juan 6:​39, 40)

2 Makahimalang pinakain ni Jesus ang libo-libong tao ng tinapay at isda. a Kamangha-mangha iyon, pero mas kamangha-mangha pa ang sinabi niya noong sumunod na araw. Sinundan siya ng mga tao sa Capernaum, malapit sa baybayin ng Galilea, at doon, sinabi niya sa kanila na puwedeng buhaying muli ang mga tao at magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Basahin ang Juan 6:​39, 40.) Naalala mo ba diyan ang mga kaibigan at mahal mo sa buhay na namatay na? Tinitiyak ng mga sinabi ni Jesus na marami sa mga namatay na ang bubuhaying muli. Ipinapakita rin niyan na puwede mong makasama magpakailanman ang mga mahal mo sa buhay. Pero hindi maintindihan ng marami ang ibig sabihin ng iba pang sinabi ni Jesus sa Juan kabanata 6. Talakayin natin ang mga iyon.

3. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa sarili niya sa Juan 6:51?

3 Nang makahimalang maglaan si Jesus ng tinapay, naalala ng mga tao sa Capernaum ang manna na ibinigay ni Jehova sa mga ninuno nila. Sa Bibliya, tinawag ang manna na “tinapay mula sa langit.” (Awit 105:40; Juan 6:31) Ginamit ni Jesus ang tungkol sa manna para sa susunod na ituturo niya. Totoo, makahimalang inilaan ng Diyos ang manna. Pero hindi nabuhay nang walang hanggan ang mga kumain nito. (Juan 6:49) Tungkol naman sa sarili niya, sinabi niyang siya ang “tunay na tinapay na mula sa langit,” “tinapay na ibinibigay ng Diyos,” at “tinapay ng buhay.” (Juan 6:​32, 33, 35) Pagkatapos, itinuro niya ang malaking pagkakaiba niya at ng manna. Sinabi niya: “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” (Basahin ang Juan 6:51.) Gulat na gulat ang mga Judio. Hindi nila maintindihan kung bakit sinasabi ni Jesus na siya ay “tinapay” na bumaba mula sa langit at na nakakahigit ito sa manna na ibinigay ng Diyos sa mga ninuno nila. Sinabi ni Jesus: “Ang tinapay na ibibigay ko . . . ay ang aking katawan.” Ano ang ibig niyang sabihin? Mahalagang maintindihan natin iyan para malaman kung paano naging posible ang buhay na walang hanggan para sa atin at sa mga mahal natin sa buhay. Talakayin natin ang sinabi ni Jesus.

ANG TINAPAY NG BUHAY AT ANG KANIYANG KATAWAN

4. Bakit nagulat ang ilan sa sinabi ni Jesus?

4 Nagulat ang ilan nang sabihin ni Jesus na ibibigay niya ang ‘katawan niya alang-alang sa sangkatauhan.’ Inisip kaya nilang literal ang sinabi niya at na kakainin nila mismo ang katawan niya? (Juan 6:52) Pagkatapos, may sinabi pa si Jesus na baka mas ikinagulat nila: “Kung hindi ninyo kakainin ang katawan ng Anak ng tao at iinumin ang kaniyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.”​—Juan 6:53.

5. Bakit sigurado tayo na hindi literal na ipinapainom ni Jesus sa mga tao ang dugo niya?

5 Noong panahon ni Noe, ipinagbawal ng Diyos sa mga tao ang pagkain ng dugo. (Gen. 9:​3, 4) Inulit ni Jehova ang utos na iyan sa Kautusang ibinigay niya sa Israel. Sinumang kumain ng dugo ay “papatayin.” (Lev. 7:27) Itinuro ni Jesus sa mga Judio na sundin ang Kautusan. (Mat. 5:​17-19) Kaya imposibleng sabihin niya sa mga Judio na literal na kainin ang katawan niya o inumin ang dugo niya. Nakakagulat ang mga sinabi ni Jesus. Pero may mahalagang aral itong itinuturo sa mga tao—kung paano magkakaroon ng “buhay na walang hanggan.”​—Juan 6:54.

6. Bakit natin masasabi na isang ilustrasyon ang sinabi ni Jesus sa Juan 6:53?

6 Maliwanag na gumamit si Jesus ng ilustrasyon nang kausapin niya ang mga tao sa Galilea. Ganiyan din ang ginawa niya nang sabihin niya sa babaeng Samaritana: “Ang sinumang iinom sa tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw kailanman, at ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal ng tubig sa loob niya na magbibigay sa kaniya ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:​7, 14) b Hindi sinasabi ni Jesus sa babaeng Samaritana na magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan kung literal siyang iinom ng isang klase ng tubig. Kaya hindi rin sinasabi ni Jesus sa mga tao sa Capernaum na magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan kung literal nilang kakainin ang katawan niya at iinumin ang dugo niya.

KUNG PAANO NAIIBA ANG ISA PANG SITWASYON

7. Ano ang sinasabi ng ilan tungkol sa pananalita ni Jesus sa Juan 6:53?

7 Sinasabi ng ilan na itinuturo ni Jesus sa Juan 6:53 kung ano ang dapat gawin sa Hapunan ng Panginoon. Nasabi nila iyan kasi magkahawig ang pananalitang ginamit ni Jesus sa dalawang pagkakataong iyon. (Mat. 26:​26-28) Kaya ayon sa kanila, ang tinapay at alak na ipinapasa tuwing Hapunan ng Panginoon ay dapat kainin at inumin ng lahat ng dumalo. Tama kaya iyon? Mahalagang malaman natin ang sagot kasi bawat taon, milyon-milyon sa buong mundo ang sumasama sa atin sa Memoryal. Tingnan natin ngayon ang mga pagkakaiba ng sinabi ni Jesus sa Juan 6:53 at ng sinabi niya sa Hapunan ng Panginoon.

8. Ano ang mga pagkakaiba ng dalawang pagkakataong ito? (Tingnan din ang mga larawan.)

8 Pansinin ang mga pagkakaiba ng dalawang pagkakataong ito. Una, kailan at saan sinabi ni Jesus ang pananalita sa Juan 6:​53-56? Sinabi niya iyan noong 32 C.E. sa Galilea. Mga isang taon pa iyan bago niya pasimulan ang Hapunan ng Panginoon sa Jerusalem. Ikalawa, sino ang kausap niya? Karamihan sa mga tagapakinig niya sa Galilea ay nakapokus lang sa pisikal na pangangailangan nila, hindi sa espirituwal. (Juan 6:26) Kaya noong may sabihin si Jesus na hindi nila maintindihan, hindi na sila nakinig sa kaniya. Iniwan pa nga siya ng ilan sa mga alagad niya. (Juan 6:​14, 36, 42, 60, 64, 66) Ibang-iba iyan sa nangyari pagkalipas ng mga isang taon noong 33 C.E. nang pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon. Noong okasyong iyon, kasama niya ang 11 tapat na apostol. Kahit hindi nila naiintindihan ang lahat ng itinuturo ni Jesus, hindi nila siya iniwan. Hindi sila kagaya ng karamihan sa mga tagapakinig ni Jesus sa Galilea. Kumbinsido ang tapat na mga apostol na si Jesus ang Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit. (Mat. 16:16) Sinabi niya sa kanila: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok.” (Luc. 22:28) Ipinapakita ng dalawang pagkakaibang iyan na ang sinabi ni Jesus sa Juan 6:53 ay hindi para sa Hapunan ng Panginoon. At may iba pang mga pagkakaiba bukod diyan.

Sa Juan kabanata 6, kausap ni Jesus ang maraming Judio sa Galilea (kaliwa). Pagkalipas ng mga isang taon, kausap ni Jesus ang maliit na grupo ng tapat na mga apostol niya sa Jerusalem (kanan) (Tingnan ang parapo 8)


ANG IBIG SABIHIN NITO PARA SA IYO

9. Para kanino ang mga sinabi ni Jesus sa Hapunan ng Panginoon?

9 Noong pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, ibinigay niya ang tinapay na walang pampaalsa sa mga apostol at sinabing sumasagisag iyon sa katawan niya. Pagkatapos, ibinigay niya sa kanila ang isang kopa ng alak at sinabing sumasagisag iyon sa “dugo para sa tipan.” (Mar. 14:​22-25; Luc. 22:20; 1 Cor. 11:24) Mahalaga ang sinabing iyan ni Jesus. Ang bagong tipang ito ay para lang sa mga makakasama ni Jesus na mamahala sa Kaharian ng Diyos, hindi para sa lahat ng tao. (Heb. 8:​6, 10; 9:15) Hindi pa alam ng mga apostol noon ang ibig sabihin ng mga sinabi ni Jesus. Pero malapit na silang pahiran ng banal na espiritu at maging bahagi ng bagong tipan para makasama ni Jesus sa langit.​—Juan 14:​2, 3.

10. Ano pa ang isang pagkakaiba ng sinabi ni Jesus sa Hapunan ng Panginoon at ng sinabi niya sa Galilea? (Tingnan din ang larawan.)

10 Pansinin na noong Hapunan ng Panginoon, ang “munting kawan” lang ang kausap ni Jesus. Ang tapat na mga apostol na kasama niya sa silid na iyon ang mga unang naging bahagi ng maliit na grupong ito. (Luc. 12:32) Sila ang hinilingan ni Jesus na kumain ng tinapay at uminom ng alak nang gabing iyon. Ang iba pa na magiging bahagi rin ng maliit na grupong ito ay dapat na kumain ng tinapay at uminom ng alak kapag inaalala ang Hapunan ng Panginoon. Sila ang mga makakasama ni Jesus sa langit. Kaya iyan ang isa pang pagkakaiba ng sinabi ni Jesus sa Hapunan ng Panginoon at ng sinabi niya sa Galilea. Ang sinabi ni Jesus sa Hapunan ng Panginoon ay para lang sa maliit na grupo. Pero sa Galilea, malaking bilang ng mga tao ang kausap niya.

Maliit na grupo lang ang nakikibahagi sa tinapay at alak, pero puwedeng manampalataya kay Jesus ang sinuman at magkaroon ng buhay na walang hanggan (Tingnan ang parapo 10)


11. Ano ang sinabi ni Jesus sa Galilea na nagpapakitang hindi lang para sa iilang tao ang sinabi niya?

11 Sa Galilea, ang karamihan sa kausap ni Jesus ay mga Judiong gusto lang makatanggap ng pagkain. Pero gusto niyang ituro sa kanila na may mas mahalaga pa kaysa sa literal na pagkain. Sinabi niya kung paano sila puwedeng magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sinabi rin ni Jesus na puwedeng buhaying muli sa huling araw ang mga namatay at mabuhay magpakailanman. Hindi niya tinutukoy dito ang iilang tao lang na pinili, gaya ng ginawa niya sa Hapunan ng Panginoon. Dito sa Galilea, para sa lahat ng tao ang sinasabi niyang pagpapala. Sinabi niya: “Ang sinumang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman . . . Ang tinapay na ibibigay ko alang-alang sa sangkatauhan ay ang aking katawan.”​—Juan 6:51.

12. Ano ang dapat gawin para matanggap ang pagpapalang sinasabi ni Jesus?

12 Hindi sinasabi ni Jesus sa mga Judio sa Galilea na tatanggapin ng lahat ng tao ang pagpapalang ito. Ang mga ‘kakain lang ng tinapay,’ o mga magpapakita ng pananampalataya, ang tatanggap ng gantimpala. Sinasabi ng marami sa ngayon na sapat nang “maniwala [kay Jesus]” at tanggapin siya bilang tagapagligtas. (Juan 6:​29, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Pero may ilan sa mga kausap ni Jesus noon ang naniniwala naman sa kaniya pero iniwan siya bandang huli. Bakit nila ginawa iyon?

13. Ano ang kailangang gawin para maging tunay na alagad ni Jesus?

13 Sumunod lang kay Jesus ang karamihan sa mga pinakain niya noon dahil ibinigay niya sa kanila ang gusto nila. Interesado sila sa pagpapagaling niya, libreng pagkain, at mga turong gusto nilang marinig. Pero ipinakita ni Jesus na hindi siya bumaba sa lupa para lang ibigay ang gusto nila. Dumating siya para ituro sa kanila kung ano ang kailangang gawin para maging tunay na tagasunod niya. Kailangan nilang “lumapit sa [kaniya].” Kailangan nilang tanggapin at sundin ang lahat ng itinuro niya.​—Juan 5:40; 6:44.

14. Ano ang dapat nating gawin para makinabang sa katawan at dugo ni Jesus?

14 Idiniin ni Jesus sa mga tao na kailangan nilang manampalataya. Saan? Sa katotohanang puwede silang maligtas ng katawan at dugo na isasakripisyo niya. Napakahalagang gawin iyan ng mga Judio noon, at ganiyan din sa atin ngayon. (Juan 6:40) Kaya ang ibig sabihin talaga ng sinabi ni Jesus sa Juan 6:53 ay kailangan nating manampalataya sa pantubos para magkaroon ng buhay na walang hanggan. At puwedeng matanggap ng napakaraming tao ang pagpapalang iyan.​—Efe. 1:7.

15-16. Anong mahahalagang bagay ang natutuhan natin sa Juan kabanata 6?

15 Sa Juan kabanata 6, marami tayong natutuhan na nakapagpatibay sa atin. Nakita natin na mahal na mahal ni Jesus ang mga tao. Noong nasa Galilea siya, pinagaling niya ang mga maysakit, itinuro ang tungkol sa Kaharian, at inilaan ang pagkaing kailangan ng mga tagapakinig niya. (Luc. 9:11; Juan 6:​2, 11, 12) At ang pinakamahalaga, itinuro niyang siya ang “tinapay ng buhay.”​—Juan 6:​35, 48.

16 Hindi dapat makibahagi sa tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon ang mga tinawag ni Jesus na “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Pero puwede pa rin silang makinabang sa katawan at dugo ni Jesu-Kristo. Mangyayari iyan kung mananampalataya sila sa haing pantubos ni Jesus at sa mga pagpapalang resulta nito. (Juan 6:53) Ang mga kumakain naman ng tinapay at umiinom ng alak ay bahagi ng bagong tipan, at may pag-asa silang mamahala sa Kaharian sa langit. Kaya kasama man tayo sa mga pinahiran o ibang mga tupa, napakahalaga sa atin ng ulat sa Juan kabanata 6. Idiniin dito na kailangan nating manampalataya sa pantubos para magkaroon ng buhay na walang hanggan.

AWIT BLG. 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas

a Tinalakay sa naunang artikulo ang Juan 6:​5-35.

b Ang tubig na sinabi ni Jesus ay tumutukoy sa mga paglalaan ni Jehova para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao.