Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Hanggang Ngayon, Natututo Pa Rin Ako

Hanggang Ngayon, Natututo Pa Rin Ako

NAGPAPASALAMAT ako kay Jehova dahil siya ang naging “Dakilang Tagapagturo” ko. (Isa. 30:20) Marami siyang ginagamit para turuan ang mga lingkod niya. Nandiyan ang Salita niya, ang Bibliya; ang magagandang nilalang niya; at ang organisasyon niya. Ginagamit din niya ang mga kapatid para tulungan tayo. Malapit na akong mag-100, pero hanggang ngayon, ginagamit pa rin ni Jehova ang lahat ng iyan para turuan ako. Ikukuwento ko iyan sa inyo ngayon.

Noong 1948 kasama ang pamilya ko

Ipinanganak ako noong 1927 sa isang maliit na bayan malapit sa Chicago, Illinois, U.S.A. Lima kaming magkakapatid—si Ate Jetha, si Kuya Don, ako, si Karl, at si Joy. Gusto naming lahat na paglingkuran si Jehova nang buong makakaya namin. Nag-aral sa ikalawang klase ng Gilead si Ate Jetha noong 1943. Nagsimula namang maglingkod sa Bethel sa Brooklyn, New York, si Kuya Don noong 1944; si Karl noong 1947; at si Joy noong 1951. Talagang napatibay ako ng magagandang halimbawa nila at ng mga magulang namin na mas maglingkod pa kay Jehova.

NAKILALA NG PAMILYA NAMIN SI JEHOVA

Mahilig magbasa ng Bibliya sina Tatay at Nanay. Mahal nila ang Diyos, at itinuro nila iyon sa aming magkakapatid. Iyon nga lang, nawala ang respeto ni Tatay sa Simbahan nang maging sundalo siya sa Europe noong Digmaang Pandaigdig I. Tuwang-tuwa si Nanay na nakauwi si Tatay mula sa digmaan. Sabi niya, “Karl, simba uli tayo.” Pero sabi ni Tatay: “Sige, ihahatid kita. Pero hindi ako papasok.” Tinanong ni Nanay, “Bakit naman?” Sumagot si Tatay: “Noong digmaan, may kaniya-kaniyang grupong kinampihan ang mga pari kahit iisa lang ang relihiyon nila. ’Tapos, binasbasan nila y’ong grupong kinampihan nila. Sino sa kanila ang susuportahan ng Diyos?”

Noong minsang nasa simbahan si Nanay, may dalawang Saksi ni Jehova na pumunta sa bahay namin. Inalok nila kay Tatay ang aklat na Light, na may dalawang volume. Tinalakay doon ang aklat ng Apocalipsis. Nagustuhan iyon ni Tatay, kaya tinanggap niya iyon. Noong makita ni Nanay ang mga aklat, binasa niya agad iyon. Isang araw, may nakita si Nanay sa diyaryo—imbitasyon na mag-aral ng Bibliya gamit ang mga aklat na Light. Pinuntahan iyon ni Nanay. Pagdating niya, isang may-edad na babae ang nagbukas ng pinto. Habang hawak ni Nanay ang isa sa mga libro, tinanong niya, “Pinag-aaralan n’yo po ba ’to dito?” Sinabi ng babae: “Oo, iha. Pasok ka.” Noong sumunod na linggo, isinama na kami ni Nanay. Mula noon, regular na kaming pumupunta doon.

Minsan, ipinabasa sa akin ng brother na nangunguna ang Awit 144:15. Sinabi doon na maligaya ang mga sumasamba kay Jehova. Nagustuhan ko ang tekstong iyon, pati na ang 1 Timoteo 1:11 at Efeso 5:​1, na nagsasabing “maligayang Diyos” si Jehova at na dapat nating ‘tularan ang Diyos.’ May dalawa akong natutuhan sa mga tekstong iyon. Dapat akong maging masaya sa paglilingkod sa Maylalang, at dapat ko siyang pasalamatan sa pribilehiyong gawin iyon. Sa buong buhay ko, sinikap kong gawin ang mga bagay na iyan.

Tatlumpu’t dalawang kilometro mula sa amin ang pinakamalapit na kongregasyon. Pero dumadalo pa rin kami, kaya marami kaming natutuhan sa Bibliya. Naalala ko noong minsang tawagin si Ate Jetha na magkomento. Habang pinapakinggan ko siya, naisip ko: ‘Alam ko din ’yon, e. Dapat pala, nagtaas din ako.’ Mula noon, naghahanda na ako ng mga komento at naging mas malapít ako kay Jehova gaya ng mga kapatid ko. Nabautismuhan ako noong 1941.

NATUTO KAY JEHOVA SA MGA KOMBENSIYON

Hindi ko malilimutan ang kombensiyon noong 1942 sa Cleveland, Ohio. May mga kapatid mula sa mahigit 50 lunsod sa United States na naka-tie in gamit ang telepono. Para naman sa mga dumalo sa Cleveland, may ginawang “trailer city” malapit sa lugar ng kombensiyon. Doon kami nagtayo ng mga tent kasama ng ibang pamilya. Digmaang Pandaigdig II pa noon, at tumitindi ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Kapag gabi, nakikita ko ang mga brother na ipinaparada ang mga sasakyan nila nang nakaharap palabas. Napag-usapan nila na sa bawat sasakyan, may isang brother na magbabantay buong gabi. Kapag parang papasukin kami, bubuksan nila ang headlight nila para masilaw ang mga manggugulo. Bubusina rin sila para magpuntahan ang iba at tumulong. Naisip ko, ‘Lagi talagang handa ang bayan ni Jehova!’ Dahil panatag ako, masarap ang tulog ko. Buti na lang din, walang masamang nangyari.

Paglipas ng maraming taon, kapag pinag-iisipan ko ang kombensiyong iyon, naaalala ko rin si Nanay. Hindi siya natakot o nag-alala. Buong-buo ang tiwala niya kay Jehova at sa organisasyon Niya. Talagang tumatak sa akin ang magandang halimbawa niya.

Bagong regular pioneer lang si Nanay noong kombensiyong iyon. Kaya nakinig siyang mabuti sa mga pahayag tungkol sa paglilingkod nang buong panahon. Noong pauwi na kami, sinabi niya: “Gusto ko sanang magpatuloy sa pagpapayunir. Pero mahihirapan akong gawin iyon kung ako lang ang mag-aasikaso sa bahay.” Kaya nagtanong si Nanay kung puwede namin siyang tulungan. At iyon nga ang ginawa namin. Bago mag-almusal, bawat isa sa amin, may lilinisin na isa o dalawang kuwarto. Kapag pumasok na kami sa school, titingnan ni Nanay kung malinis ang bahay at saka siya aalis para mangaral. Maraming ginagawa si Nanay, pero hindi niya kami napabayaan. Sa tuwing uuwi kami galing school, laging nasa bahay si Nanay. Minsan, sumasama kami sa kaniya sa pangangaral. Nakatulong iyon para maintindihan namin ang ginagawa ng mga payunir.

NAGPAYUNIR AKO

Nagsimula akong magpayunir noong 16 ako. Hindi pa Saksi si Tatay noon, pero interesado siya sa nangyayari sa akin. Isang gabi, ikinuwento ko sa kaniya na nalulungkot ako kasi wala pa rin akong mahanap na Bible study. Pagkatapos, tinanong ko siya, “Gusto n’yo po bang magpa-Bible study sa akin?” Nag-isip muna si Tatay, pero pumayag din siya. Kaya si Tatay ang unang Bible study ko. Napakaespesyal n’on para sa akin!

Ginamit namin ang aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo.” Paglipas ng panahon, nakita ko na natutulungan ako ni Tatay na maging mas mahusay na guro at estudyante ng Bibliya. Naalala ko, isang gabi pagkatapos naming basahin ang isang parapo, sinabi niya: “Naiintindihan ko naman ang sinasabi ng libro. Pero paano mo nalaman na tama ang sinasabi dito?” Nagulat ako sa tanong ni Tatay. Kaya sinabi ko na lang: “Hindi ko pa po masasagot ’yan ngayon. Pero sa susunod na study natin, may sagot na po ako.” At may naisagot nga ako kay Tatay. May nakita akong mga teksto na sumusuporta sa pinag-uusapan namin. Mula noon, nagre-research na ako para mas handa ako sa study namin. Malaking tulong iyon sa pagsulong ko at ni Tatay. Sinunod niya ang mga natutuhan niya, at nagpabautismo siya noong 1952.

MARAMI AKONG NATUTUHAN SA BETHEL

Umalis ako sa amin noong 17 ako. Naging misyonera noon si Ate Jetha a at naging Bethelite naman si Kuya Don. Gustong-gusto nila ang mga atas nila. Kaya napatibay ako na mag-apply sa Bethel at Gilead. Pagkatapos, ipinaubaya ko na iyon kay Jehova. At ang sagot niya, Bethel. Tinawag ako na maglingkod doon noong 1946.

Sa loob ng 75 years ko sa Bethel, marami akong natutuhan. Iba-iba ang naging atas ko. Natuto ako kung paano mag-print ng mga libro. Tinuruan din ako sa accounting. Naging atas ko rin na bumili ng mga gamit na kailangan sa Bethel at magpadala ng mga gamit na kailangan sa ibang lugar. Pero ang pinakagusto ko ay ang saganang espirituwal na pagkain sa morning worship at iba pang programa sa Bethel.

Noong nagtuturo ako sa isang klase ng mga elder

May natutuhan din ako sa kapatid kong si Karl, na pumasok sa Bethel noong 1947. Mahusay siyang mag-aral at magturo ng Bibliya. Minsan, nagpatulong ako sa kaniya sa pahayag na ginagawa ko. Sinabi ko sa kaniya na marami akong na-research pero hindi ko alam kung paano ko iyon gagamitin. Ang ginawa niya, tinanong niya ako, “Tungkol saan ba ang pahayag mo?” Nakuha ko agad ang punto niya. Sa mga na-research ko, dapat ko lang piliin ang makakatulong sa tema ng pahayag ko. Hanggang ngayon, nagagamit ko pa rin ang natutuhan ko sa kaniya.

Mahalagang maging masipag sa ministeryo para maging masaya sa Bethel. At marami kaming naging magandang karanasan. May isang gabi noon na nangangaral kami sa Bronx, New York City. Pinuntahan namin ng kasama kong brother ang isang babae na tumanggap na ng Bantayan at Gumising! Nang magpakilala kami, ang sabi namin sa kaniya, “Ngayong gabi, tinutulungan namin ang mga tao na matuto tungkol sa Bibliya.” Sabi ng babae, “Kung tungkol iyan sa Bibliya, sige, pasok kayo.” May mga binasa at pinag-usapan kaming teksto tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa darating na bagong sanlibutan. Talagang nagustuhan niya iyon. Kaya noong sumunod na linggo, may pinapunta siyang mga kaibigan niya para makasama sa pag-uusap namin. Bandang huli, naging tapat na mga lingkod ni Jehova ang babae at ang asawa niya.

MARAMI AKONG NATUTUHAN SA ASAWA KO

Gusto kong mag-asawa. Ipinanalangin ko iyon kay Jehova, at pinag-isipan kong mabuti kung ano ang gusto kong gawin kasama ng mapapangasawa ko pagkatapos naming ikasal. Nakatulong iyon sa akin para makahanap ako ng mahusay na sister. Pagkalipas ng 10 taon, nakilala ko si Mary Aniol.

Kasama si Mary sa circuit work

Nakilala ko si Mary pagkatapos ng kombensiyon sa Yankee Stadium noong 1953. Magkaklase sila ni Ate Jetha sa Gilead, at siya ang naging partner ni Ate sa pagmimisyonera. Ikinuwento niya sa akin ang naging atas niya sa Caribbean at ang naging mga Bible study niya sa loob ng maraming taon. Gustong-gusto talaga niya ang ginagawa niya. Unti-unti, nakita namin na pareho kami ng goal sa paglilingkod kay Jehova, kaya nagustuhan namin ang isa’t isa. At noong Abril 1955, nagpakasal kami. Talagang regalo ni Jehova si Mary sa akin. Napakagandang halimbawa niya. Masaya siya anuman ang atas niya. Masipag siya, may malasakit sa iba, at lagi niyang inuuna ang Kaharian. (Mat. 6:33) Tatlong taon kaming nasa circuit work, at noong 1958, naimbitahan kaming maglingkod sa Bethel.

Marami akong natutuhan kay Mary. Halimbawa, noong bagong kasal pa lang kami, napag-usapan namin na magkasama naming babasahin ang Bibliya. Mga 15 talata ang binabasa namin. Pagkatapos naming magbasa, pag-uusapan namin ang mga teksto at titingnan namin kung paano namin iyon masusunod. Madalas, sinasabi ni Mary ang mga natutuhan niya sa Gilead at sa pagmimisyonera niya. Natulungan ako ng mga pag-uusap naming iyon na mapasulong pa ang mga pahayag ko at mas mapatibay pa ang mga sister.​—Kaw. 25:11.

Nakakalungkot, namatay ang mahal kong si Mary noong 2013. Pero excited na akong makita ulit siya sa bagong sanlibutan. Sa ngayon, determinado akong patuloy na matuto at magtiwala kay Jehova nang buong puso ko. (Kaw. 3:​5, 6) Nagiging masaya ako sa tuwing iniisip ko kung ano ang gagawin ng mga lingkod ni Jehova sa hinaharap. Doon, siguradong marami pa tayong matututuhan mula sa Dakilang Tagapagturo! Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova sa lahat ng kabaitang ipinakita niya sa akin at sa lahat ng itinuro niya.

a Tingnan ang talambuhay ni Jetha Sunal sa Bantayan, isyu ng Marso 1, 2003, p. 23-29.