Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 51

AWIT BLG. 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas

Mahalaga kay Jehova ang mga Luha Mo

Mahalaga kay Jehova ang mga Luha Mo

“Ipunin mo ang mga luha ko sa iyong sisidlang balat. Hindi ba nakasulat ang mga iyon sa aklat mo?”AWIT 56:8.

MATUTUTUHAN

Kapag may pinagdadaanan tayo, alam na alam ni Jehova na nasasaktan tayo at gusto niyang mapagaan ang loob natin.

1-2. Ano ang ilan sa mga dahilan ng pag-iyak natin?

 NARANASAN na nating lahat na umiyak o lumuha. Kapag masaya tayo, baka mapaiyak tayo sa tuwa. Halimbawa, posibleng naiyak ka noong ipanganak ang anak mo. O baka napaluha ka noong maalala mo ang isang magandang pangyayari sa buhay mo, o nang makita mo ang isang kaibigan na matagal mo nang hindi nakikita.

2 Pero mas madalas, umiiyak tayo dahil nasasaktan tayo o nahihirapan. Halimbawa, kapag binigo tayo ng isang taong mahalaga sa atin. O kaya naman kapag matagal na tayong nahihirapan dahil sa isang karamdaman o kapag namatay ang isang mahal natin sa buhay. Baka nga mangyari din sa atin ang nangyari kay propeta Jeremias nang wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem. Sinabi niya: “Bumubukal ang tubig mula sa mga mata ko . . . Lumuluha ang mga mata ko nang tuloy-tuloy, walang tigil.”​—Panag. 3:​48, 49.

3. Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag nakikita niyang nahihirapan ang mga lingkod niya? (Isaias 63:9)

3 Alam ni Jehova kung ilang beses na tayong umiyak dahil sa mahihirap na sitwasyon. Sinasabi ng Bibliya na nakikita niya ang lahat ng pinagdadaanan ng mga lingkod niya at na nakikinig siya sa paghingi nila ng tulong. (Awit 34:15) Pero hindi niya lang tayo basta nakikita at pinapakinggan. Siya ang ating Ama, at mahal na mahal niya tayo. Kaya kapag nakikita niya tayong umiiyak, nalulungkot siya, at gusto niya tayong tulungan agad.​—Basahin ang Isaias 63:9.

4. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang tatalakayin natin, at ano ang matututuhan natin dito tungkol kay Jehova?

4 Makikita sa Bibliya kung ano ang epekto kay Jehova kapag nakikita niyang umiiyak ang mga lingkod niya at kung paano niya sila tinutulungan. Tingnan natin ang halimbawa nina Hana, David, at Haring Hezekias. Bakit nga ba sila umiyak? Ano ang ginawa ni Jehova para sa kanila? At paano tayo mapapatibay ng halimbawa nila kapag napapaiyak tayo dahil sa sobrang kalungkutan, ginawan tayo ng masama ng taong mahalaga sa atin, o nawawalan na tayo ng pag-asa?

KAPAG SOBRA KANG NALULUNGKOT

5. Ano ang naging epekto kay Hana ng sitwasyon niya?

5 Nakaranas si Hana ng maraming problema. Dahil dito, sobra siyang nalungkot at napaiyak siya. May isa pang asawa ang asawa niya. Ang pangalan nito ay Penina, at galit ito kay Hana. Bukod diyan, may mga anak si Penina, pero walang anak si Hana. (1 Sam. 1:​1, 2) Dahil baog si Hana, lagi siyang iniinsulto ni Penina. Ano ang mararamdaman mo kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Hana? Sa sobrang lungkot niya, “umiiyak siya at hindi kumakain,” at naging “napakabigat ng kalooban” niya.​—1 Sam. 1:​6, 7, 10.

6. Ano ang ginawa ni Hana na nagpagaan ng loob niya?

6 Ano ang nagpagaan ng loob ni Hana? Ang isang nakatulong sa kaniya ay ang pagpunta niya sa tabernakulo para sambahin si Jehova. Doon, posibleng malapit sa pasukan ng tabernakulo, “nagsimula siyang manalangin kay Jehova at umiyak nang labis-labis.” Nagmakaawa siya kay Jehova: ‘Bigyang-pansin mo ang pagdurusa ng iyong lingkod at alalahanin mo ako.’ (1 Sam. 1:10b, 11) Sinabi ni Hana kay Jehova ang lahat ng iniisip at nararamdaman niya. Siguradong nasaktan din si Jehova nang makita niyang umiiyak ang lingkod niya. Mahal na mahal niya ito at gusto niyang pagaanin ang loob nito!

7. Ano ang naging epekto kay Hana ng pagsasabi niya kay Jehova ng problema niya?

7 Sinabi ni Hana kay Jehova kung ano ang nararamdaman niya, at pinatibay siya ng mataas na saserdoteng si Eli na sasagutin ni Jehova ang panalangin niya. Ano ang naging epekto nito sa kaniya? Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ang babae ay umalis na at kumain, at nawala na ang lungkot sa mukha niya.” (1 Sam. 1:​17, 18) Hindi pa nagbago ang sitwasyon ni Hana, pero gumaan na ang loob niya. Ipinaubaya na niya ito kay Jehova. At talagang tinulungan siya ni Jehova. Pinakinggan niya si Hana at inunawa ang nararamdaman nito. Bandang huli, pinagpala niya si Hana at nagkaanak ito.​—1 Sam. 1:​19, 20; 2:21.

8-9. Base sa Hebreo 10:​24, 25, bakit napakahalagang dumalo sa mga pulong? (Tingnan din ang larawan.)

8 Aral. May pinagdadaanan ka ba ngayon na nagpapalungkot at nagpapaiyak sa iyo? Baka nagdadalamhati ka dahil sa pagkamatay ng isang kapamilya o kaibigan. Kung ganiyan ang kalagayan mo, natural lang na gusto mong mapag-isa. Pero tandaan ang halimbawa ni Hana. Pumunta siya sa tabernakulo, at pinatibay siya ni Jehova. Ganiyan din ang gagawin sa atin ni Jehova kapag dumalo tayo sa mga pulong. Kaya sikapin nating dumalo kahit nahihirapan tayo. (Basahin ang Hebreo 10:​24, 25.) Sa mga pulong, nakakarinig tayo ng mga teksto sa Bibliya na tumutulong sa atin na magpokus sa magagandang bagay. Paraan iyan ni Jehova para palitan ang negatibong mga iniisip natin ng positibong mga bagay. Dahil diyan, gumagaan ang pakiramdam natin, kahit hindi agad magbago ang sitwasyon.

9 Kapag dumalo tayo, makakasama din natin ang mga kapatid na talagang nagmamalasakit sa atin. Isang paraan din iyan para gumaan ang pakiramdam natin. (1 Tes. 5:​11, 14) Tingnan ang sinabi ng isang brother na special pioneer na namatayan ng asawa: “Lungkot na lungkot pa rin ako. Minsan, uupo ako sa isang sulok at iiyak. Pero kapag dumadalo ako sa pulong, gumagaan ang loob ko. Napapatibay ako ng mga sinasabi sa akin ng mga kapatid at ng mga komento nila sa pulong. Gaano man kabigat ang nararamdaman ko bago dumalo sa pulong, nawawala iyon kapag nandoon na ako.” Kapag nasa pulong tayo, puwedeng gamitin ni Jehova ang mga kapatid para tulungan tayo.

Makakapagbigay sa atin ng pampatibay ang mga kapatid (Tingnan ang parapo 8-9)


10. Paano natin matutularan si Hana kapag hirap na hirap ang kalooban natin?

10 Gumaan din ang pakiramdam ni Hana nang sabihin niya ang lahat ng iniisip at nararamdaman niya kay Jehova sa panalangin. Puwede mo ring ‘ihagis kay Jehova ang lahat ng álalahanín mo,’ at makakasigurado kang papakinggan ka niya. (1 Ped. 5:7) Ganito ang sinabi ng isang sister na namatayan ng asawa dahil sa mga magnanakaw: “Parang nadurog ang puso ko, at pakiramdam ko, kahit kailan hindi na ulit ako magiging masaya. Pero alam kong mahal na mahal ako ni Jehova. At sa tuwing mananalangin ako sa kaniya, gumagaan ang pakiramdam ko. Minsan, parang hindi ko alam ang sasabihin, pero alam kong naiintindihan niya ako. Kapag gulong-gulo ang isip ko, humihingi ako ng kapayapaan sa kaniya. ’Tapos, mapapanatag ako at mararamdaman kong kaya ko na ulit magpatuloy.” Kapag ibinubuhos mo kay Jehova ang laman ng puso mo, nararamdaman din niya ang sakit na nararamdaman mo. Totoo, baka nandiyan pa rin ang problema, pero puwede kang pakalmahin ni Jehova at bigyan ng kapayapaan. (Awit 94:19; Fil. 4:​6, 7) At siguradong gagantimpalaan niya ang pagtitiis at pananatili mong tapat.​—Heb. 11:6.

KAPAG GINAWAN KA NG MASAMA NG TAONG MAHALAGA SA IYO

11. Ano ang naging epekto kay David ng mahihirap na pinagdaanan niya?

11 May mahihirap na sitwasyon na pinagdaanan si David na talagang nagpaluha sa kaniya. Maraming galit sa kaniya. Tinraidor pa nga siya ng ilang kaibigan at kapamilya niya. (1 Sam. 19:​10, 11; 2 Sam. 15:​10-14, 30) Minsan, nasabi niya: “Nanghihina na ako sa kalungkutan; sa buong magdamag, basang-basa ng luha ang higaan ko; bumabaha ng luha sa kama ko.” Bakit iyan naramdaman ni David? “Dahil sa lahat ng kaaway ko,” ang sabi niya. (Awit 6:​6, 7) Sobrang nasaktan si David sa mga ginawa sa kaniya kaya hindi niya mapigilang umiyak.

12. Gaya ng ipinapakita sa Awit 56:​8, sa ano kumbinsido si David?

12 Kahit maraming problema si David, kumbinsido siyang mahal siya ni Jehova. Isinulat niya: “Maririnig ni Jehova ang pag-iyak ko.” (Awit 6:8) Sa isa pang pagkakataon, may maganda siyang isinulat na mababasa natin sa Awit 56:8. (Basahin.) Kitang-kita sa mga salitang iyon na mahal na mahal tayo ni Jehova at talagang nagmamalasakit siya sa atin. Para kay David, iniipon ni Jehova ang mga luha niya sa isang lalagyan o isinusulat iyon sa isang aklat. Sigurado siya na nakikita at tinatandaan ni Jehova ang lahat ng sakit na naranasan niya. At kumbinsido siyang hindi lang basta alam ng mapagmahal niyang Ama sa langit ang mga pinagdadaanan niya, kundi alam din ni Jehova kung ano ang nararamdaman niya dahil sa mga iyon.

13. Kapag binigo o ginawan ka ng masama ng iba, ano ang dapat mong tandaan? (Tingnan din ang larawan.)

13 Aral. Nasasaktan ka ba ngayon dahil binigo ka o ginawan ng masama ng taong pinagkakatiwalaan mo? Baka bigla kang iniwan ng kasintahan mo o hiniwalayan ng asawa mo, o baka iniwan ng isang taong malapít sa iyo si Jehova. Ganito ang sinabi ng isang brother na pinagtaksilan at iniwan ng asawa niya: “Hindi ako makapaniwala sa nangyari. Lungkot na lungkot ako, galit na galit, at pakiramdam ko wala akong kuwenta.” Kung nakaranas ka ng pagkabigo, tandaan na hinding-hindi ka iiwan ni Jehova. Sinabi ng brother: “Na-realize ko na puwede tayong biguin ng mga tao, pero hinding-hindi ni Jehova. Anuman ang mangyari, lagi siyang nandiyan para sa atin. Hinding-hindi niya iiwan ang mga tapat sa kaniya.” (Awit 37:28) Tandaan din na wala nang mas magmamahal pa sa atin kaysa kay Jehova. Totoo, napakasakit kapag binigo ka ng taong pinagkakatiwalaan mo. Pero huwag mong kakalimutan na anuman ang nangyari sa iyo, hindi iyon makakaapekto sa halaga mo kay Jehova. (Roma 8:​38, 39) Ang punto: Paano ka man tinrato ng iba, mahal ka pa rin ng iyong Ama sa langit.

Sinasabi ng aklat ng Mga Awit na malapit si Jehova sa mga may pusong nasasaktan (Tingnan ang parapo 13)


14. Anong pampatibay ang ibinibigay ng Awit 34:18?

14 Kapag binigo tayo ng iba, mapapatibay tayo sa sinabi ni David sa Awit 34:18. (Basahin.) Ayon sa isang reperensiya, ang ekspresyong “nasisiraan ng loob” ay puwedeng tumukoy sa “mga wala nang magandang bukas na natatanaw.” Paano tinutulungan ni Jehova ang mga taong nakakaramdam ng ganiyan? Kapag nakita ng isang mapagmahal na magulang na umiiyak ang anak niya, yayakapin niya ito at papakalmahin. Ganiyan din si Jehova, “malapit” siya sa atin. Kapag nasasaktan tayo dahil sa ginawa ng iba sa atin, naiintindihan niya ang nararamdaman natin at gusto niyang tumulong agad. Iniibsan niya ang sakit na nararamdaman natin at binibigyan niya tayo ng maraming magagandang bagay na papanabikan para matiis ang mga pinagdadaanan natin ngayon.​—Isa. 65:17.

KAPAG NAWAWALAN NA TAYO NG PAG-ASA

15. Anong sitwasyon ang nagpaiyak nang husto kay Hezekias?

15 Noong 39 si Haring Hezekias ng Juda, nagkaroon siya ng malubhang sakit. Ipinasabi ni Jehova kay propeta Isaias na mamamatay ang hari sa sakit niya. (2 Hari 20:1) Parang wala nang pag-asa ang sitwasyon ni Hezekias. Kaya nang marinig niya ito, nagmakaawa siya kay Jehova sa panalangin at umiyak siya nang husto.​—2 Hari 20:​2, 3.

16. Paano sinagot ni Jehova ang pagmamakaawa ni Hezekias?

16 Nang marinig ni Jehova ang panalangin ni Hezekias at makita ang pag-iyak nito, naawa siya sa kaniya. Kaya ipinasabi niya kay Isaias: “Narinig ko ang panalangin mo. Nakita ko ang mga luha mo. Pagagalingin kita.” Nangako si Jehova na papahabain niya ang buhay ni Hezekias at ililigtas ang Jerusalem sa mga Asiryano.​—2 Hari 20:​4-6.

17. Paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag may malubha tayong sakit? (Awit 41:3) (Tingnan din ang larawan.)

17 Aral. May sakit ka ba ngayon na parang imposible nang gumaling? Ipanalangin iyon kay Jehova. Huwag kang mag-alangan na sabihin sa kaniya ang nararamdaman mo kahit pa umiiyak ka habang ginagawa iyon. Tinitiyak ng Bibliya na aaliwin tayo ng “Ama na magiliw at maawain at [ng] Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.” (2 Cor. 1:​3, 4) Sa ngayon, hindi natin inaasahan na aalisin ni Jehova ang lahat ng problema natin, pero makakasigurado tayong aalalayan niya tayo para makayanan ang mga iyon. (Basahin ang Awit 41:3.) Ginagamit ni Jehova ang banal na espiritu niya para bigyan tayo ng lakas, kaunawaan, at kapayapaan. (Kaw. 18:14; Fil. 4:13) Ipinapaalam din niya sa atin na darating ang panahon, wala nang magkakasakit. At talagang napapatibay tayo ng pag-asang iyan.​—Isa. 33:24.

Kapag nananalangin tayo kay Jehova, binibigyan niya tayo ng lakas, kaunawaan, at kapayapaan (Tingnan ang parapo 17)


18. Anong teksto ang nakapagpatibay sa iyo noong may pinagdadaanan kang mahirap na sitwasyon? (Tingnan ang kahong “ Mga Pampatibay ni Jehova Kapag Umiiyak Tayo.”)

18 Napatibay si Hezekias sa sinabi ni Jehova. Puwede rin tayong mapatibay sa mga salita ni Jehova na nasa Bibliya. Mapapalakas tayo nito kapag nasa mahirap na sitwasyon tayo. (Roma 15:4) Mula noong malaman ng isang sister sa West Africa na may cancer siya, lagi na siyang umiiyak. Sinabi niya: “Talagang napatibay ako ng Isaias 26:3. Madalas, hindi natin kayang baguhin ang sitwasyon natin. Pero tiniyak sa akin ng tekstong iyan na puwede tayong bigyan ni Jehova ng kapayapaan para matiis ang anumang pagsubok.” May teksto ba na talagang nakapagpatibay sa iyo noong napaharap ka sa isang napakahirap na sitwasyon, na parang wala nang pag-asa?

19. Ano ang pinapanabikan nating mangyari?

19 Nasa dulo na tayo ng mga huling araw, at siguradong makakaranas tayo ng mas mahihirap na sitwasyong magpapaluha sa atin. Pero gaya ng natutuhan natin sa halimbawa nina Hana, David, at Haring Hezekias, nalulungkot si Jehova kapag nakikita niya tayong umiiyak. Mahalaga sa kaniya ang mga luha natin. Kaya kapag nasa mahihirap tayong sitwasyon, sabihin natin sa kaniya ang lahat ng nararamdaman natin. Huwag tayong lumayo sa mga kapatid sa kongregasyon. At basahin natin ang Bibliya para mapatibay tayo ni Jehova. Kung magtitiis tayo at mananatiling tapat, makakasigurado tayong gagantimpalaan niya tayo. Kasama na diyan ang pangakong papahirin niya ang bawat luha sa mga mata natin kapag sobra tayong nalulungkot, ginawan tayo ng masama ng taong mahalaga sa atin, at nawawalan na tayo ng pag-asa. (Apoc. 21:4) Sa panahong iyon, kung iiyak man tayo, dahil na lang iyon sa kagalakan.

AWIT BLG. 4 “Si Jehova ang Aking Pastol”