ARALING ARTIKULO 48
AWIT BLG. 97 Kailangan ang Salita ng Diyos Para Mabuhay
Mga Aral Mula sa Makahimalang Paglalaan ni Jesus ng Tinapay
“Ako ang tinapay ng buhay. Ang sinumang lumalapit sa akin ay hindi na kailanman magugutom.”—JUAN 6:35.
MATUTUTUHAN
Mga aral mula sa ulat ng Juan kabanata 6 tungkol sa makahimalang pagpaparami ni Jesus ng tinapay at isda para mapakain ang libo-libo.
1. Gaano kahalaga ang tinapay para sa mga tao noong panahon ng Bibliya?
TINAPAY ang isa sa pangunahing pagkain noong panahon ng Bibliya. (Gen. 14:18; Luc. 4:4) Ang totoo, sa sobrang dalas nitong kainin ng mga tao, ang salitang “tinapay” sa Bibliya ay puwede ring mangahulugang pagkain. (Mat. 6:11; Gawa 20:7, study note) At sa dalawang kilalang himala ni Jesus, ginamit niya ang tinapay. (Mat. 16:9, 10) Makikita natin ang ulat ng isa sa mga iyon sa Juan kabanata 6. Talakayin natin ang ulat na ito at tingnan kung anong mga aral ang makukuha natin.
2. Bakit kinailangan noon na magpakain ng libo-libo?
2 Pagkatapos mangaral ng 12 apostol, sumakay sila sa isang bangka kasama ni Jesus patawid ng Lawa ng Galilea para makapagpahinga. (Mar. 6:7, 30-32; Luc. 9:10) Nagpunta sila sa isang tahimik na lugar malapit sa Betsaida. Nang malaman ito ng mga tao, libo-libo ang nagpuntahan doon. Pero hindi sila itinaboy ni Jesus. Tinuruan niya sila tungkol sa Kaharian at pinagaling ang mga maysakit. Noong papagabi na, iniisip ng mga alagad kung paano makakakain ang mga tao na nandoon. Posibleng may baon naman ang ilan sa kanila, pero marami ang kailangan pang pumunta sa mga nayon para makabili ng pagkain. (Mat. 14:15; Juan 6:4, 5) Ano ang gagawin ni Jesus?
MAKAHIMALANG NAGLAAN SI JESUS NG TINAPAY
3. Ano ang iniutos ni Jesus sa mga apostol niya nang kailangang kumain ang mga tao? (Tingnan din ang larawan.)
3 Sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Hindi nila kailangang umalis; bigyan ninyo sila ng makakain.” (Mat. 14:16) Pero parang imposible iyon, kasi mga lalaki pa lang nasa mga 5,000 na. Kapag isinama pa ang mga babae at mga bata, posibleng umabot sila ng mga 15,000. (Mat. 14:21) Sinabi ni Andres: “Isang batang lalaki ang may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Pero paano ito magkakasya sa ganito karaming tao?” (Juan 6:9) Karaniwang pagkain noon ang tinapay na sebada at posibleng inasinan at pinatuyo ang maliliit na isda. Pero kulang ito para mapakain ang lahat.
4. Anong mga aral ang matututuhan natin sa Juan 6:11-13? (Tingnan din ang mga larawan.)
4 Magandang halimbawa si Jesus sa pagiging mapagpatuloy. Gusto niyang magpakita ng kabaitan sa mga tao, kaya pinaupo niya sila sa damuhan nang grupo-grupo. (Mar. 6:39, 40; basahin ang Juan 6:11-13.) Nakita natin sa ulat na nanalangin muna si Jesus sa Ama niya para sa tinapay at isda. Tama lang na magpasalamat muna sa Diyos para sa pagkain kasi sa kaniya galing iyon. Napakagandang tularan ng ginawa ni Jesus. Mahalagang manalangin muna bago kumain, may kasama man tayo o wala. Pagkatapos, sinabihan niya ang mga alagad na ipamahagi ang pagkain, kaya kumain ang lahat at nabusog. May mga natira pang pagkain, at ayaw ni Jesus na masayang ang mga iyon. Kaya ipinatipon niya ang mga natira, posibleng para mapakinabangan pa sa susunod. Magandang halimbawa ulit diyan si Jesus—hindi siya maaksaya. Kung isa kang magulang, puwede ninyong pag-aralan ang ulat na ito kasama ng mga anak mo at pag-usapan ang mga aral tungkol sa panalangin, pagiging mapagpatuloy, at pagiging bukas-palad.
5. Ano ang gustong gawin ng mga tao nang makita nila ang mga himala ni Jesus, at ano ang ginawa niya?
5 Humanga ang mga tao sa paraan ng pagtuturo ni Jesus at sa mga himala niya. Alam nilang sinabi ni Moises na magpapadala ang Diyos ng isang espesyal na propeta, kaya baka naisip nila, ‘Si Jesus na kaya iyon?’ (Deut. 18:) Posibleng iniisip nila na magiging magaling na lider si Jesus, at baka nga kaya niya pang pakainin ang buong bansa. Kaya gusto nila siyang “kunin . . . at gawing hari.” ( 15-18Juan 6:14, 15) Pero kung hahayaan ni Jesus na mangyari iyon, magiging kasangkot siya sa politika. Kasi parang kinakampihan na niya ang mga Judio na sakop noon ng mga Romano. Ano ang ginawa niya? Mababasa natin sa ulat na “umalis [siya] papunta sa bundok.” Kaya kahit pinipilit siya ng iba, hindi siya nakisangkot sa politika. Napakagandang aral niyan sa atin!
6. Paano natin matutularan si Jesus? (Tingnan din ang larawan.)
6 Siguradong hindi naman inaasahan ng mga tao na makahimala tayong magpaparami ng pagkain o magpapagaling ng maysakit, at hindi rin nila tayo gagawing hari o presidente. Pero baka pilitin nila tayong makisangkot sa politika. Baka sabihin nilang iboto natin o suportahan ang isang tao na sa tingin nila ay magiging mahusay na lider. Pero malinaw ang halimbawang iniwan ni Jesus. Tumanggi siyang makisangkot sa politika. Sinabi pa nga niya: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 17:14; 18:36) Kaya bilang mga Kristiyano, kailangan nating tularan ang pag-iisip at halimbawa ni Jesus. Tapat tayo sa Kaharian ng Diyos. Ipinapangaral natin ito at ipinapanalangin ang pagdating nito. (Mat. 6:10) Ano pa ang matututuhan natin sa ulat tungkol sa makahimalang paglalaan ni Jesus ng tinapay?
ARAL MULA SA “HIMALA SA MGA TINAPAY”
7. Ano pang himala ang ginawa ni Jesus, at ano ang reaksiyon ng mga apostol? (Juan 6:16-20)
7 Pagkatapos pakainin ni Jesus ang mga tao, pinauna niyang umalis ang mga apostol. Pinasakay niya sila sa isang bangka papuntang Capernaum. At pumunta naman siya sa bundok para matakasan ang mga tao na gusto siyang gawing hari. (Basahin ang Juan 6:16-20.) Habang naglalayag ang mga apostol, bumagyo sa lawa, kaya nagkaroon ng malakas na hangin at malalaking alon. Pagkatapos, naglakad si Jesus sa tubig papunta sa kanila. Tinawag niya si apostol Pedro para maglakad din sa tubig. (Mat. 14:22-31) Pagsakay ni Jesus sa bangka, huminto ang bagyo. Manghang-mangha ang mga alagad kaya nasabi nila: “Talagang ikaw ang Anak ng Diyos.” a (Mat. 14:33) May ginawa nang himala si Jesus sa mga tinapay, pero bakit ngayon lang nila nasabi iyan? Isinulat ni Marcos: “Manghang-mangha [ang mga apostol], dahil hindi nila nakuha ang aral sa ginawa niyang himala sa mga tinapay. Hindi pa rin nila naiintindihan.” (Mar. 6:50-52) Hindi nila naiintindihan kung gaano kalakas ang kapangyarihang ibinigay ni Jehova kay Jesus para gumawa ng mga himala. Pagkatapos nito, binanggit ulit ni Jesus ang himala niya tungkol sa mga tinapay para magturo ng isa pang aral.
8-9. Bakit hinahanap ng mga tao si Jesus? (Juan 6:26, 27)
8 Kinabukasan, bumalik ang mga tao sa lugar kung saan sila pinakain ni Jesus, pero wala na siya doon at ang mga apostol. Kaya sumakay ang mga tao sa mga bangkang galing sa Tiberias at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. (Juan 6:22-24) Ginawa ba nila iyon para matuto pa tungkol sa Kaharian? Hindi. Ginawa nila iyon kasi gusto nilang pakainin ulit sila ni Jesus. Bakit natin nasabi iyan?
9 Pansinin ang nangyari nang mahanap ng mga tao si Jesus malapit sa Capernaum. Deretsahan niyang sinabi sa kanila na hinahanap lang nila siya dahil gusto nilang masapatan ang pisikal na pangangailangan nila. Totoo, “kumain [sila] ng tinapay at nabusog” pero ang kinain nila ay “pagkaing nasisira.” Kaya pinayuhan sila ni Jesus na ang dapat nilang pagsikapang makuha ay ang “di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Basahin ang Juan 6:26, 27.) Sinabi ni Jesus na maglalaan ang Ama niya ng ganiyang pagkain. Malamang na nagulat ang mga tao nang marinig nilang may pagkain palang magbibigay sa kanila ng buhay na walang hanggan! Anong pagkain iyon, at paano nila iyon makukuha?
10. Ano ang dapat gawin ng mga tao para magkaroon ng buhay na walang hanggan?
10 Gustong malaman ng mga Judiong iyon kung ano ang dapat nilang gawin para makuha ang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Baka iniisip nila na kailangan nilang gawin ang mga gawaing binabanggit sa Kautusang Mosaiko. Pero hindi iyan ang gawaing nasa isip ni Jesus. Sinabi niya: “Para maisakatuparan ang gawain ng Diyos, dapat kayong manampalataya sa isinugo niya.” (Juan 6:28, 29) Nasabi na noon ni Jesus na para “magkaroon ng buhay na walang hanggan,” kailangang manampalataya ng mga tao sa isinugo ng Diyos. (Juan 3:16-18, 36) At sa iba pang pagkakataon, sinabi ni Jesus kung ano pa ang kailangan nating gawin.—Juan 17:3.
11. Paano ipinakita ng mga Judio na pagkain lang talaga ang gusto nila? (Awit 78:24, 25)
11 Hindi naniwala ang mga Judiong iyon na kailangan nilang manampalataya kay Jesus. Sinabi nila: “Anong tanda ang ipapakita mo sa amin para maniwala kami sa iyo?” (Juan 6:30) Binanggit nila na noong panahon ni Moises, tumatanggap ang mga ninuno nila ng regular na suplay ng pagkain—ang manna. (Neh. 9:15; basahin ang Awit 78:24, 25.) Maliwanag, nakapokus pa rin ang mga Judiong iyon sa pagkakaroon ng literal na pagkain. Pagkatapos, binanggit ni Jesus ang isang tinapay na nakakahigit sa manna—ang “tunay na tinapay na mula sa langit” na makakapagbigay ng buhay na walang hanggan. (Juan 6:32) Pero hindi man lang nila tinanong kung ano ang ibig niyang sabihin. Masyado silang nakapokus sa pisikal na pangangailangan nila kaya binale-wala nila ang katotohanang gustong ituro ni Jesus. Ano ang matututuhan natin dito?
ANG DAPAT NA MAGING PINAKAMAHALAGA SA ATIN
12. Paano ipinakita ni Jesus kung ano ang dapat na maging pinakamahalaga sa atin?
12 Ito ang isa sa pinakamahahalagang aral mula sa Juan kabanata 6: Dapat na maging pangunahin sa atin ang espirituwal na pangangailangan natin. Nang tuksuhin ni Satanas si Jesus, idiniin ni Jesus na dapat mas mahalaga sa isang tao ang pagsunod kay Jehova kaysa masapatan ang pisikal na pangangailangan niya. (Mat. 4:3, 4) At sa Sermon sa Bundok, ipinakita niya ring mahalagang maunawaan na kailangan natin ang Diyos. (Mat. 5:3) Kaya magandang pag-isipan natin, ‘Makikita ba sa buhay ko na inuuna ko ang kaugnayan ko sa Diyos kaysa sa pisikal na mga pangangailangan ko?’
13. (a) Bakit hindi maling masiyahan sa pagkain? (b) Anong babala ni Pablo ang dapat nating pakinggan? (1 Corinto 10:6, 7, 11)
13 Tama lang na hilingin natin kay Jehova ang pisikal na mga pangangailangan natin at masiyahan sa mga ito. (Luc. 11:3) Sinasabi ng Bibliya na mabuti para sa isang tao na “kumain, uminom, at masiyahan sa pinaghirapan niya”; “mula [ito] sa kamay ng tunay na Diyos.” (Ecles. 2:24; 8:15; Sant. 1:17) Pero huwag nating gawing pangunahin sa buhay natin ang materyal na mga bagay. Idiniin iyan ni apostol Pablo nang sumulat siya sa mga Kristiyano noon. Binanggit niya ang masasamang ginawa ng mga Israelita noong nasa ilang sila, kasama na ang nangyari malapit sa Bundok Sinai. Binabalaan niya ang mga Kristiyano na ‘huwag magnasa ng nakapipinsalang mga bagay gaya ng ginawa ng mga Israelita.’ (Basahin ang 1 Corinto 10:6, 7, 11.) Dahil sa kasakiman ng mga Israelita, naging ‘nakapipinsala’ pati ang pagkain na makahimalang ibinigay ni Jehova. (Bil. 11:4-6, 31-34) At noong sambahin nila ang gintong guya, ipinakita ng mga Israelita na mas mahalaga sa kanila ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya kaysa sa pagsunod kay Jehova. (Ex. 32:4-6) Ginamit ni Pablo ang halimbawa nila para babalaan ang mga Kristiyanong nabubuhay noong malapit nang matapos ang Judiong sistema noong 70 C.E. Malapit na ring matapos ngayon ang sistema ng mundong ito, kaya talagang dapat nating pakinggan ang babala ni Pablo.
14. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkain sa bagong sanlibutan?
14 Nang ituro ni Jesus na hingin natin sa Diyos ang “pagkain para sa araw na ito,” sinabi rin niya na ipanalangin natin na mangyari nawa ang kalooban niya “kung paano sa langit, gayon din sa lupa.” (Mat. 6:9-11) Ano kaya ang magiging buhay natin kapag nangyari na iyan? Ipinapakita ng Bibliya na kalooban ng Diyos na maging sagana sa lupa ang masarap at masustansiyang pagkain. Sinasabi ng Isaias 25:6-8 na mangyayari iyan sa ilalim ng Kaharian ni Jehova. Inihula rin sa Awit 72:16: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; mag-uumapaw ito sa tuktok ng mga bundok.” Excited ka na bang gamitin ang saganang ani na iyan para maluto ang paborito mong pagkain o sumubok ng bago? Hindi lang iyan, puwede mo ring ma-enjoy ang bunga ng sarili mong ubasan. (Isa. 65:21, 22) Masisiyahan ang lahat ng tao sa saganang mga paglalaang ito.
15. Ano ang kailangang matutuhan ng mga bubuhaying muli? (Juan 6:35)
15 Basahin ang Juan 6:35. Ano kaya ang nangyari sa mga taong pinakain ni Jesus ng tinapay at isda? Posibleng marami sa kanila ang hindi nanampalataya sa kaniya, pero puwede pa rin silang buhaying muli, at baka nga makausap mo pa ang ilan sa kanila. (Juan 5:28, 29) Kailangang matutuhan ng mga taong iyon ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Ang sinumang lumalapit sa akin ay hindi na kailanman magugutom.” Kailangan nilang manampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Sa panahong iyon, tuturuan tungkol kay Jehova at sa layunin niya ang lahat ng bubuhaying muli at ang mga ipapanganak sa bagong sanlibutan. Siguradong napakasaya na maturuan sila! Kahit pa mag-enjoy tayo sa masasarap na pagkain sa Paraiso, mas mag-e-enjoy pa rin tayo sa pagtulong sa iba na mapalapit kay Jehova!
16. Ano ang pag-aaralan natin sa susunod na artikulo?
16 Tinalakay natin ngayon ang isang bahagi ng Juan kabanata 6, pero may iba pang itinuro si Jesus tungkol sa “buhay na walang hanggan.” Mahalaga ang impormasyon na iyan sa mga Judio noon, at ganiyan din sa atin ngayon. Pag-aaralan natin sa susunod na artikulo ang iba pang bahagi ng Juan kabanata 6.
AWIT BLG. 20 Ibinigay Mo ang Iyong Mahal na Anak
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kapana-panabik na ulat na ito, tingnan ang Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay, p. 131, at Tularan ang Kanilang Pananampalataya, p. 185.