ARALING ARTIKULO 50
AWIT BLG. 135 “Magpakarunong Ka, Anak Ko”
Mga Magulang—Tulungan ang Iyong Anak na Patibayin ang Pananampalataya Niya
“[Patunayan] ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.”—ROMA 12:2.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para makausap nila ang mga anak nila tungkol sa Diyos at sa Bibliya at tulungan ang mga ito na mapatibay ang pananampalataya nila.
1-2. Ano ang dapat na maging reaksiyon ng mga magulang kapag nagtanong ang anak nila tungkol sa mga paniniwala natin sa Bibliya?
HINDI madaling magpalaki ng mga anak. Kung isa kang magulang na may maliit pang anak, kinokomendahan ka namin sa pagsisikap mong tulungan siyang magkaroon ng matibay na pananampalataya. (Deut. 6:6, 7) Habang lumalaki ang anak mo, baka magkaroon siya ng seryosong mga tanong tungkol sa paniniwala natin, pati na sa mga pamantayan ng Bibliya.
2 Sa umpisa, baka mag-alala ka sa mga itinatanong niya. Baka nga maisip mo na itinatanong niya iyon dahil humihina ang pananampalataya niya sa Diyos at sa Bibliya. Pero ang totoo, habang lumalaki ang isang bata, kailangan niya talagang magtanong para maging kumbinsido sa pinapaniwalaan niya. (1 Cor. 13:11) Kaya huwag kang mag-alala. Kapag nagtatanong siya, isiping pagkakataon iyon para tulungan siyang gamitin ang kakayahan niyang mag-isip.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano matutulungan ng mga magulang ang anak nila na (1) maging kumbinsido sa pinapaniwalaan niya, (2) maintindihan kung bakit makakabuti sa kaniya ang pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya, at (3) ipagtanggol ang paniniwala niya. Pag-uusapan din natin kung bakit nakakabuti sa mga bata ang pagtatanong at ang mga puwedeng gawin ng pamilya para mapag-usapan nila ang mga paniniwala nila bilang Kristiyano.
TULUNGAN ANG ANAK MONG MAGING KUMBINSIDO SA PINAPANIWALAAN NIYA
4. Ano ang mga posibleng itanong ng isang bata, at bakit?
4 Alam ng mga Kristiyanong magulang na hindi namamana ang pananampalataya sa Diyos. Hindi ka ipinanganak na may pananampalataya na kay Jehova. At ganiyan din ang anak mo. Kaya baka dumating ang panahon na maitanong niya: ‘Talaga nga kayang may Diyos? Dapat ba talaga akong maniwala sa Bibliya?’ Ang totoo, maganda iyan. Sinasabi ng Bibliya na dapat nating gamitin ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran” at “tiyakin . . . ang lahat ng bagay.” (Roma 12:1; 1 Tes. 5:21) Pero paano mo matutulungan ang anak mo na mapatibay ang pananampalataya niya?
5. Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para tulungan ang anak nila na magkaroon ng pananampalataya sa Bibliya? (Roma 12:2)
5 Tulungan ang anak mo na patunayan sa sarili niya ang katotohanan. (Basahin ang Roma 12:2.) Kapag nagtanong ang anak mo, samantalahin iyon para turuan siya kung paano hahanapin ang sagot gamit ang mga tool natin sa pagre-research gaya ng Watch Tower Publications Index at Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Sa Tulong sa Pag-aaral, sa paksang “Bibliya,” puwede niyang tingnan ang “Kinasihan ng Diyos” para makita ang mga ebidensiya na hindi lang isang magandang aklat ang Bibliya na isinulat ng mga tao. Ito ang “salita ng Diyos.” (1 Tes. 2:13) Halimbawa, puwede niyang i-research ang sinaunang Asiryanong lunsod na Nineve. Noon, sinasabi ng ilang iskolar ng Bibliya na hindi totoo ang lunsod ng Nineve. Pero noong mga 1850, nahukay ng mga eksperto ang guho ng lunsod na ito, kaya napatunayang totoo ang ulat ng Bibliya. (Zef. 2:13-15) Para malaman kung paano natupad ang hula ng Bibliya na mawawasak ang Nineve, puwede niyang tingnan ang artikulong “Alam Mo Ba?” sa Bantayan, isyu ng Nobyembre 2021. Kung ikukumpara niya ang mga natutuhan niya sa mga publikasyon natin sa mga nababasa niya sa ibang reperensiya, makukumbinsi siya na totoo ang sinasabi ng Bibliya.
6. Paano matutulungan ng mga magulang ang anak nila na gamitin ang kakayahan niyang mag-isip? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang larawan.)
6 Tulungan ang anak mo na gamitin ang kakayahan niyang mag-isip. Maraming pagkakataon ang mga magulang na makausap ang anak nila tungkol sa Bibliya o pananampalataya sa Diyos. Puwede nilang gawin iyan kapag pumunta sila sa museum, parke, o sa exhibit sa isang sangay ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, kapag nagtu-tour kayo sa museum, in person man o virtual, puwede mong gamitin ang isang artifact o isang pangyayari sa kasaysayan para ipakitang totoo ang sinasabi ng Bibliya. Alam kaya niyang makikita ang pangalan ng Diyos sa Moabite Stone, isang piraso ng bato na 3,000 taon na ang tanda? Nakadispley ang orihinal na Moabite Stone sa Louvre Museum sa Paris, France. Mayroon ding replika ng Moabite Stone na nakadispley sa exhibit na “The Bible and the Divine Name” sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York. Makikita sa batong iyan na nagrebelde laban sa Israel si Haring Mesa ng Moab. Kaayon iyan ng sinasabi ng Bibliya. (2 Hari 3:4, 5) Kapag nakita mismo ng anak mo ang mga ebidensiya na totoo ang Bibliya, titibay ang pananampalataya niya.—Ihambing ang 2 Cronica 9:6.
7-8. (a) Ano ang matututuhan natin sa magagandang disenyo at pattern na makikita natin sa kalikasan? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang larawan.) (b) Anong mga tanong ang makakatulong sa anak mo na maging mas kumbinsido na mayroong Maylalang?
7 Tulungan ang anak mo na pag-isipan ang kalikasan. Habang naglalakad kayo sa labas o may ginagawa sa hardin, ipakita sa anak mo ang mga nakakamanghang pattern na makikita sa kalikasan. Pinapatunayan ng mga iyan na may isang matalino at mahusay na Disenyador. Halimbawa, matagal nang pinag-aaralan ng mga scientist ang mga spiral pattern. Ipinaliwanag ng biophysicist na si Nicola Fameli na kapag binilang mo ang mga spiral na makikita sa isang bagay sa kalikasan, madidiskubre mo na may pattern ang mga bilang na ito. Tinatawag ito na Fibonacci sequence. Makikita ang spiral pattern sa maraming bagay sa kalikasan, gaya ng hugis ng ilang galaksi, pattern ng mga shell ng nautilus, mga dahon ng halaman, at gitna ng sunflower. a
8 Sa school, baka may matutuhan pa ang anak mo na iba pang pattern na makikita sa kalikasan. Halimbawa, makikita sa maraming puno ang isang pattern na umuulit. Ang katawan ng puno ay nahahati sa mga sanga, ang mga sanga naman ay nahahati sa mga tangkay, na nahahati naman sa mas maliliit pang tangkay. Tinatawag ang pattern na ito na fractal. Makikita ang fractal pattern sa iba pang bagay sa kalikasan. Pero sino ang nasa likod ng magagandang pattern na ito? Bakit napakaganda at napakaayos ng mga ito? Kapag pinag-isipan iyan ng anak mo, mas titibay ang paniniwala niya na Diyos ang lumalang ng lahat ng bagay. (Heb. 3:4) At kapag medyo malaki na siya, kailangan mo ring ituro sa kaniya kung bakit mahalagang sundin ang mga utos ng Diyos. Para magawa iyan, puwede mo siyang tanungin, “Kung Diyos ang lumalang sa atin, hindi ba siya rin ang pinakanakakaalam kung ano ang makakabuti sa atin?” Pagkatapos, puwede mong ipaliwanag na ibinigay sa atin ng Diyos ang Bibliya para ituro kung ano ang mga dapat nating gawin.
TULUNGAN ANG ANAK MO NA MAINTINDIHAN KUNG BAKIT MAKAKABUTI SA KANIYA ANG MGA PAMANTAYAN NG BIBLIYA
9. Bakit posibleng kuwestiyunin ng anak mo ang mga pamantayan ng Bibliya?
9 Baka kuwestiyunin ng anak mo kung talaga bang makakabuti sa kaniya ang mga pamantayan ng Bibliya. Kapag nangyari iyan, alamin kung bakit niya iyon naisip. Talaga bang hindi siya sang-ayon sa pamantayan ng Bibliya? O nahihirapan lang siyang ipaliwanag iyon sa iba? Anuman ang dahilan, matutulungan mo ang anak mo na makitang makakabuti sa kaniya ang mga pamantayan ng Bibliya gamit ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. b
10. Paano mo matutulungan ang anak mo na mapag-isipan ang kaugnayan niya kay Jehova?
10 Tulungan ang anak mo na pahalagahan ang kaugnayan niya kay Jehova. Habang nag-aaral kayo ng Bibliya ng anak mo, sikaping alamin ang nararamdaman niya gamit ang mga tanong at ilustrasyon sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. (Kaw. 20:5) Halimbawa, sa aralin 8, itinulad si Jehova sa isang mapagmahal na kaibigan na nagbibigay sa atin ng paalala para mapabuti tayo at hindi mapahamak. Pagkatapos talakayin ang 1 Juan 5:3, puwede mo siyang tanungin, “Dahil mabuting Kaibigan si Jehova, ano ang dapat na maging tingin natin sa mga ipinapagawa niya sa atin?” Simpleng tanong lang iyan, pero baka makatulong iyan sa kaniya para makitang mahal siya ng Diyos kaya nagbibigay Siya ng mga utos.—Isa. 48:17, 18.
11. Paano mo matutulungan ang anak mo na makita ang kahalagahan ng mga prinsipyo sa Bibliya? (Kawikaan 2:10, 11)
11 Pag-usapan kung paano tayo nakikinabang kapag sinusunod natin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Kapag binabasa ninyo ang Bibliya o ang daily text, pag-usapan kung paano nakatulong sa pamilya ninyo ang mga prinsipyo sa Bibliya. Halimbawa, ipakita sa kaniya ang pakinabang ng pagiging masipag at tapat. (Heb. 13:18) Puwede mo ring ipaliwanag na nakakatulong sa atin sa pisikal at emosyonal ang pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya. (Kaw. 14:29, 30) Kung gagawin mo iyan, makikita niya ang kahalagahan ng mga payo ng Bibliya at mas gugustuhin niyang sundin ito.—Basahin ang Kawikaan 2:10, 11.
12. Paano tinulungan ng isang tatay ang anak niya na makita ang kahalagahan ng mga prinsipyo sa Bibliya?
12 Ipinaliwanag ni Steve na taga-France kung ano ang ginagawa nilang mag-asawa para tulungan ang teenager nilang anak na si Ethan na makitang mahal tayo ni Jehova kaya siya nagbibigay ng mga utos. Sinabi niya: “Gumagamit kami ng mga tanong gaya ng ‘Bakit gusto ni Jehova na sundin natin ang prinsipyong ito? Paano nito ipinapakita na mahal niya tayo? Ano ang mangyayari kung hindi mo ito susundin?’” Nakatulong kay Ethan ang ganitong mga pag-uusap para makumbinsing tama ang mga pamantayan ni Jehova. Sinabi pa ni Steve: “Gusto naming makita ni Ethan na di-hamak na nakakahigit ang karunungan sa Bibliya kaysa sa karunungan ng tao.”
13. Paano sasanayin ng mga magulang ang anak nila na sundin ang mga prinsipyo sa Bibliya? Magbigay ng halimbawa.
13 Sanayin ang anak mo na sundin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Halimbawa, baka may libro na kailangang basahin ang anak mo para sa school. Baka ibinibida sa librong iyon ang isang karakter na imoral at marahas. Puwede mong tanungin ang anak mo kung ano kaya ang nararamdaman ni Jehova sa ginawa o sinabi ng karakter na iyon. (Kaw. 22:24, 25; 1 Cor. 15:33; Fil. 4:8) Posibleng makatulong ang pag-uusap na iyan para maging handa siyang magpatotoo sa teacher at mga kaklase niya habang tinatalakay sa klase ang assignment nila.
TURUAN SIYANG IPAGTANGGOL ANG PANINIWALA NIYA
14. Sa anong paksa posibleng mahirapan ang isang Kristiyano na ipagtanggol ang paniniwala niya, at bakit?
14 Minsan, baka mag-alangan ang isang kabataang Kristiyano na ipagtanggol ang paniniwala niya. Baka kabahan siya kapag pinag-usapan sa klase ang teoriya ng ebolusyon. Bakit? Kasi baka sabihin ng mga teacher niya na totoo ang ebolusyon at hindi lang basta teoriya. Kung isa kang magulang, paano mo matutulungan ang anak mo na makumbinsi na ang pinapaniwalaan niya ang totoo?
15. Ano ang makakatulong sa isang kabataang Kristiyano na maging mas kumbinsido sa pinapaniwalaan niya?
15 Tulungan ang anak mo na maging mas kumbinsido sa pinapaniwalaan niya. Hindi dapat ikahiya ng anak mo na naniniwala siya sa Maylalang. (2 Tim. 1:8) Bakit? Kasi marami ring scientist ang naniniwala na hindi lang basta lumitaw ang mga bagay na may buhay o na nagkataon lang ito. Alam nila kung gaano kakomplikado at kasalimuot ang disenyo ng mga bagay na may buhay, kaya naniniwala sila na may Isa na matalino na gumawa ng lahat ng ito. Dahil diyan, hindi nila tinatanggap ang teoriya ng ebolusyon na karaniwan nang itinuturo sa mga paaralan sa buong mundo. Mapapatibay rin ang pananampalataya ng anak mo kung pag-iisipan niya kung ano ang nakakumbinsi sa ibang kapatid na maniwala sa Maylalang. c
16. Paano matutulungan ng mga magulang ang anak nila na ipagtanggol ang paniniwala niya sa Maylalang? (1 Pedro 3:15) (Tingnan din ang larawan.)
16 Tulungan ang anak mo na maging handang ipagtanggol ang paniniwala niya sa Maylalang. (Basahin ang 1 Pedro 3:15.) Puwede ninyong magkasamang pag-aralan ang mga artikulo sa jw.org sa seryeng “Tanong ng mga Kabataan—Paglalang o Ebolusyon?” Papiliin siya ng punto na sa tingin niya, makakakumbinsi sa iba na maniwalang mayroong Maylalang. Tulungan siyang mag-practice kung paano niya ito ipapaliwanag sa iba. Ipaalala sa kaniya na hindi niya kailangang makipagtalo sa mga kaklase niya. Tulungan siyang gumamit ng simpleng pangangatuwiran kung mayroong handang makinig sa paliwanag niya. Halimbawa, baka sabihin ng isang kabataan: “Naniniwala lang ako sa mga bagay na nakikita ko, at hindi ko pa nakita ang Diyos.” Puwedeng sabihin ng kabataang Kristiyano: “Isipin mong naglalakad ka sa isang gubat na malayo sa siyudad o bayan. ’Tapos may nakita ka doong balon. Ano’ng maiisip mo? Siguradong may gumawa n’on. Ganiyan din ang planeta natin at ang lahat ng bagay na may buhay. Siguradong may gumawa sa lahat ng ito!”
17. Paano matutulungan ng mga magulang ang anak nila na humanap ng mga pagkakataon para sabihin sa iba ang katotohanang nasa Bibliya? Magbigay ng halimbawa.
17 Tulungan ang anak mo na maghanap ng mga pagkakataon para sabihin sa iba ang katotohanang nasa Bibliya. (Roma 10:10) Puwedeng ikumpara ang pagsasabi ng paniniwala mo sa iba sa pag-aaral kung paano tutugtugin ang isang instrumento. Sa umpisa, mga simpleng kanta lang ang tutugtugin ng nag-aaral. At paglipas ng panahon, masasanay na siyang tumugtog. Ganiyan din ang puwedeng gawin ng isang kabataang Kristiyano. Puwede niyang simulan ang pakikipag-usap sa isang simpleng paraan. Halimbawa, puwede niyang tanungin ang kaklase niya: “Alam mo ba na madalas, kinokopya lang ng mga engineer ang disenyo nila mula sa kalikasan? Tingnan mo itong video na ’to.” Puwede niyang ipakita ang isang video sa seryeng May Nagdisenyo Ba Nito? Pagkatapos, puwede niyang sabihin: “Pinupuri ang mga scientist dahil sa disenyong kinopya lang nila sa kalikasan. Paano naman ang orihinal na nagdisenyo nito?” Posibleng makatulong ang simpleng paraan na iyan para maging interesado ang isang kabataan na matuto pa tungkol kay Jehova.
PATULOY NA TULUNGAN ANG ANAK MO NA PATIBAYIN ANG PANANAMPALATAYA NIYA
18. Paano patuloy na matutulungan ng mga magulang ang anak nila na patibayin ang pananampalataya niya sa Diyos?
18 Karamihan ng mga tao sa mundong ito, walang pananampalataya kay Jehova. (2 Ped. 3:3) Kaya mga magulang, habang pinag-aaralan ninyo ang Bibliya kasama ang anak ninyo, pasiglahin siyang pag-aralan pa ang mga paksang magpapalalim ng pagpapahalaga niya sa Bibliya at sa mga pamantayan ni Jehova. Pag-usapan ninyo ang mga nilalang ni Jehova para matulungan siyang gamitin ang kakayahan niyang mag-isip. Tulungan din siyang maintindihan ang mga hula sa Bibliya na natupad na. At higit sa lahat, manalangin kasama ng anak mo, at ipanalangin din siya. Kung gagawin mo iyan, siguradong gagantimpalaan ni Jehova ang pagsisikap mong tulungan ang anak mo na patibayin ang pananampalataya niya.—2 Cro. 15:7.
AWIT BLG. 133 Sambahin si Jehova Habang Nasa Kabataan
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang video na Nakikita ang Kaluwalhatian ng Diyos sa Kaniyang mga Likha—Mga Pattern na nasa jw.org.
b Kung natapos nang pag-aralan ng anak mo ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, puwede ninyong pag-aralan ulit ang ilang aralin sa seksiyon 3 at 4, na tumatalakay sa mga pamantayan ng Bibliya.
c Tingnan ang artikulong “Kung Bakit Tayo Naniniwala sa Maylalang” sa Gumising!, isyu ng Setyembre 2006, at ang brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking. Para sa iba pang halimbawa, panoorin sa jw.org ang serye ng mga video na Paniniwala sa Pinagmulan ng Buhay.
d LARAWAN: Ipinapakita ng isang kabataang Saksi sa kaklase niyang interesado sa mga drone ang isang video sa seryeng May Nagdisenyo Ba Nito?