Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sino ang “piniling mga anghel” na binabanggit sa 1 Timoteo 5:21?

Sumulat si apostol Pablo kay Timoteo, na isa ring matanda sa kongregasyon: “Sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus at ng piniling mga anghel, inuutusan kita na sundin ang mga tagubiling ito nang patas at suriin mo munang mabuti ang lahat ng bagay bago magdesisyon.”​—1 Tim. 5:21.

Para malaman natin kung sino ang mga anghel na ito, pag-usapan muna natin kung kanino sila hindi puwedeng tumukoy. Siguradong hindi sila manggagaling sa 144,000. Nang sumulat si Pablo kay Timoteo, wala pang pinahirang Kristiyano na binuhay-muli sa langit. Hindi pa mga espiritung nilalang ang mga apostol at iba pang pinahiran nang panahong iyon, kaya hindi puwedeng sila ang “piniling mga anghel.”​—1 Cor. 15:​50-54; 1 Tes. 4:​13-17; 1 Juan 3:2.

Hindi rin sila puwedeng tumukoy sa masuwaying mga anghel noong panahon ng Baha. Kumampi kasi kay Satanas ang mga anghel na iyon. Naging mga demonyo sila at kaaway ni Jesus. (Gen. 6:2; Luc. 8:​30, 31; 2 Ped. 2:4) Sa hinaharap, ihahagis sila sa kalaliman at mananatili doon sa loob ng 1,000 taon. Pagkatapos, pupuksain sila kasama ng Diyablo.​—Jud. 6; Apoc. 20:​1-3, 10.

Kaya ang “piniling mga anghel” na binanggit ni Pablo sa 1 Timoteo 5:21 ay siguradong tumutukoy sa mga anghel sa langit na tapat sa “Diyos at [kay] Kristo Jesus,” na binanggit din sa tekstong iyon.

Napakaraming tapat na anghel. (Heb. 12:​22, 23) Lumilitaw na binibigyan sila ni Jehova ng iba’t ibang atas. (Apoc. 14:​17, 18) Halimbawa, inatasan ni Jehova ang isang anghel na patayin ang 185,000 sundalo ng Asirya. (2 Hari 19:35) May mga anghel din na inatasang ‘tipunin mula sa Kaharian ni Jesus ang lahat ng nagiging dahilan ng pagkatisod ng iba at ang mga gumagawa ng masama.’ (Mat. 13:​39-41) Posibleng sa ibang anghel naman ang atas na tipunin sa langit ang mga pinili niya. (Mat. 24:31) May mga anghel din na inutusang ‘bantayan tayo saanman tayo magpunta.’—Awit 91:11; Mat. 18:10; ihambing ang Mateo 4:11; Lucas 22:43.

Ang “piniling mga anghel” na binabanggit sa 1 Timoteo 5:21 ay posibleng tumutukoy sa mga anghel na inatasang tumulong sa pangangalaga sa bayan ng Diyos. Sa naunang mga talata, nagbigay ng payo si Pablo kung paano dapat gampanan ng matatandang lalaki ang mga atas nila at na dapat silang parangalan ng kongregasyon. Sinabi ni Pablo na dapat na ‘maging patas’ ang matatandang lalaki at dapat na ‘suriin muna nilang mabuti ang lahat ng bagay bago magdesisyon.’ Talagang dapat nilang sundin ang payo ni Pablo dahil naglilingkod sila sa mga kapatid “sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus at ng piniling mga anghel.” Malinaw, may mga anghel na inatasang tumulong sa kongregasyon, at kasama sa mga atas nila ang pagprotekta sa mga lingkod ng Diyos, pagtulong sa gawaing pangangaral, at pagsasabi kay Jehova ng mga nakikita nila.​—Mat. 18:10; Apoc. 14:6.