Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Madagascar
“NANG marinig ko ang karanasan ng mga kaibigan kong naglilingkod sa mga lugar na malaki ang pangangailangan para sa mga payunir, gustong-gusto ko ring matikman ang kagalakan nila,” ang sabi ni Sylviana, isang payunir na mahigit 20 anyos. “Pero,” ang dagdag niya, “natakot ako na baka hindi ko kayaning maglingkod bilang need-greater.”
Nauunawaan mo ba si Sylviana? Gustong-gusto mo rin bang maglingkod sa teritoryo kung saan kailangan ang mas maraming manggagawa ng Kaharian pero nag-aalala ka kung maaabot mo ang tunguhing iyon? Kung oo, huwag masiraan ng loob! Sa tulong ni Jehova, napagtagumpayan ng libo-libong brother at sister ang mga hadlang sa pagpapalawak ng kanilang ministeryo. Para malaman kung paano tinulungan ni Jehova ang ilan sa kanila, bisitahin natin ang Madagascar, ang pang-apat na pinakamalaking isla sa mundo.
Sa nakalipas na 10 taon, mahigit 70 masisigasig na mamamahayag at payunir mula sa 11 bansa * ang lumipat para maglingkod sa mabungang teritoryong ito sa Africa, kung saan marami ang may paggalang sa Bibliya. May malaking bilang din ng lokal na mamamahayag na nagkusang lumipat para mapalaganap ang mensahe ng Kaharian sa malawak na islang ito. Kilalanin natin ang ilan sa kanila.
NADAIG NILA ANG TAKOT AT PAGKASIRA NG LOOB
Sina Louis at Perrine, mag-asawang payunir na mahigit 30 anyos, ay lumipat sa Madagascar mula sa France. Maraming taon na nilang pinag-iisipang palawakin ang kanilang ministeryo sa ibang bansa, pero atubiling lumipat si Perrine. Ang sabi niya: “Natatakot ako kasi hindi ko alam kung ano ang dadatnan ko doon. Nag-aalala akong iwan ang aming mga kapamilya, kongregasyon, apartment, mga lugar na kinasanayan, at ang aming rutin. Ang totoo, sarili kong mga álalahanín ang pinakamalaking hadlang na dapat kong pagtagumpayan.” Noong 2012, nagkalakas-loob si Perrine, at lumipat sila ni Louis. Ano ang masasabi niya sa kanilang desisyon? “Nakapagpapatibay ng pananampalataya na maranasan ang pagtulong ni Jehova sa aming buhay.” Idinagdag ni Louis, “Isipin mo, noong unang Memoryal namin sa Madagascar, 10 Bible study namin ang dumalo!”
Fil. 4:13) Ikinuwento ni Louis: “Sinagot ni Jehova ang mga panalangin namin at binigyan niya kami ng ‘kapayapaan ng Diyos.’ Nakapagpokus kami sa kagalakang dulot ng aming paglilingkod. Pinapadalhan din kami ng mga e-mail at liham ng mga kaibigan namin sa France para patibayin kami na huwag sumuko.”—Fil. 4:6, 7; 2 Cor. 4:7.
Ano ang nagpatibay sa mag-asawa na manatili sa kanilang atas nang dumating ang mga problema? Nagsumamo sila kay Jehova na bigyan sila ng lakas na kailangan nila. (Saganang pinagpala ni Jehova sina Louis at Perrine. “Noong Oktubre 2014, nakapag-aral kami sa Bible School for Christian Couples * sa France,” ang sabi ni Louis. “Hindi namin malilimutan ang regalong iyon mula kay Jehova.” Pagka-graduate nila, masayang-masaya ang mag-asawa na muling maatasan sa Madagascar.
“MAGIGING PROUD KAMI SA INYO!”
Nang lumipat sa Madagascar noong 2010 sina Didier at Nadine, isang mag-asawang galing sa France, sila ay mahigit 50 anyos na. Ikinuwento ni Didier: “Nagpayunir kami noong bata-bata pa kami, at pagkatapos, nagkaroon kami ng tatlong anak. Nang maging adulto na sila, pinag-isipan naming maglingkod sa ibang bansa.” Inamin ni Nadine: “Nag-aatubili ako kasi ayokong mawalay sa aming mga anak, pero sinabi nila: ‘Kung maglilingkod kayo sa ibang bansa bilang need-greater, magiging proud kami sa inyo!’ Napatibay kami sa sinabi nila, kaya tumuloy kami. Kahit malayo kami ngayon sa mga anak namin, masaya kami kasi madalas pa rin namin silang nakakausap.”
Para kina Didier at Nadine, isang hamon ang pag-aaral ng wikang Malagasy. “Hindi na kami 20 anyos,” ang nakangiting sinabi ni Nadine. Ano ang nakatulong sa kanila? Umugnay muna sila sa isang French congregation. Pagkatapos, nang madama nila na kaya na nilang pag-aralan ang lokal na wika, lumipat sila sa kongregasyong gumagamit ng wikang Malagasy. Sinabi ni Nadine: “Marami sa mga nakakausap namin sa ministeryo ang gustong-gustong mag-aral ng Bibliya. Kadalasan, nagpapasalamat sila sa pagdalaw namin. Noong una, akala ko nananaginip lang ako. Ang sarap magpayunir sa teritoryong ito. Sa tuwing gumigising ako sa umaga, nasasabi ko, ‘Ayos! Mangangaral ako ngayon!’”
Nakangiting naaalaala ni Didier nang nagsisimula pa lang siyang mag-aral ng wikang Malagasy. “Nagko-conduct ako ng pulong noon pero wala akong naiintindihan sa komento ng mga kapatid. Ang nasasabi ko lang ay, ‘Salamat.’ Matapos kong pasalamatan ang isang sister sa kaniyang komento, may mga kapatid sa likod niya na sumesenyas sa akin na mali ang sagot ng sister. Kaya agad kong tinawag ang isang brother na nagbigay ng tamang sagot—sana.”
MASAYA NIYANG TINANGGAP ANG PAANYAYA
Sa isang kombensiyon noong 2005, napanood ni Thierry at ng asawa niyang si Nadia ang dramang “Itaguyod ang mga Tunguhing Nagpaparangal sa Diyos.” Ang dramang iyon ay tungkol kay Timoteo.
Tumagos iyon sa kanilang puso at nagpasidhi ng kanilang pagnanais na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga manggagawa ng Kaharian. Sinabi ni Thierry: “Pagkatapos ng drama, habang pumapalakpak kami, tinanong ko ang misis ko, ‘Saan kaya tayo puwedeng tumulong?’ Sinabi niya na pareho kami ng iniisip.” Di-nagtagal, kumilos sila para maabot ang kanilang tunguhin. Ikinuwento ni Nadia, “Unti-unti kaming nagbawas ng mga pag-aari namin hanggang sa lahat ng natira ay kasya na lang sa apat na maleta!”Dumating sila sa Madagascar noong 2006 at sa simula pa lang, nag-enjoy na sila sa kanilang ministeryo. Sinabi ni Nadia, “Napakasaya namin dahil sa mga taong nakakausap namin.”
Pero pagkalipas ng anim na taon, napaharap ang mag-asawa sa pagsubok. Ang nanay ni Nadia na si Marie-Madeleine, na nakatira sa France, ay natumba kung kaya nabalian ito ng braso at napinsala ang ulo. Matapos kumonsulta sa doktor ni Marie-Madeleine, niyaya ng mag-asawa ang kanilang ina na tumira kasama nila sa Madagascar. Kahit 80 anyos na siya noon, masayang tinanggap ni Marie-Madeleine ang paanyaya. Ano ang masasabi niya sa pagtira sa ibang bansa? “Minsan, hamon ang mag-adjust. Pero kahit limitado ang mga kakayahan ko, ramdam ko na kapaki-pakinabang ako sa kongregasyon. At napakasaya ko dahil naipagpapatuloy pa rin ng mga anak ko ang kanilang mabungang ministeryo dito.”
“NARANASAN KO ANG TULONG NI JEHOVA”
Si Riana ay isang brother na mahigit 20 anyos. Lumaki siya sa Alaotra Mangoro, isang matabang rehiyon sa silangang bahagi ng Madagascar. Mahusay siya sa paaralan at gusto niyang kumuha ng mataas na edukasyon. Pero nagbago ang isip niya nang mag-aral siya ng Bibliya. Ikinuwento niya: “Sinikap kong maka-graduate nang mas maaga sa high school, at nangako kay Jehova, ‘Kapag pumasa ako sa final exam, magpapayunir na po ako.’” Pagka-graduate, tinupad ni Riana ang pangako niya. Lumipat siya kasama ng isang brother na payunir, kumuha ng part-time na trabaho, at nagsimulang magpayunir. Sinabi niya, “Ito ang pinakamagandang desisyong ginawa ko.”
Pero hindi naintindihan ng mga kamag-anak ni Riana kung bakit hindi siya umabot ng sekular na karera. Ikinuwento niya: “Hinikayat ako ng aking tatay, tiyo, at ng kapatid ng lola ko na kumuha ng mataas na edukasyon. Pero ayokong ipagpalit ang pagpapayunir sa anumang bagay.” Di-nagtagal, nagkainteres si Riana na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga ebanghelisador. Bakit? Ikinuwento niya: “Pinasok kami ng mga magnanakaw at tinangay ang marami sa mga pag-aari ko. Dahil sa nangyari, napag-isipan ko ang mga salita ni Jesus tungkol sa pag-iimbak ng ‘mga kayamanan sa langit.’ Kaya mas nagsikap ako para magtamo ng espirituwal na mga kayamanan.” (Mat. 6:19, 20) Lumipat siya sa pinakatimugang bahagi ng bansa—isang tuyot na rehiyon na 1,300 kilometro ang layo mula sa kanila. Nakatira sa rehiyong iyon ang mga Antandroy. Bakit doon siya pumunta?
Isang buwan bago ang nakawan, nakapagpasimula si Riana ng Bible study sa dalawang lalaking Antandroy. Natuto siya ng ilang salita sa wika nila at naisip ang maraming Antandroy na hindi pa napapaabutan ng mensahe ng Kaharian. Sinabi niya, “Nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong makalipat sa rehiyong gumagamit ng wikang Tandroy.”
Lumipat si Riana, pero napaharap agad siya sa isang pagsubok. Hindi siya makahanap ng trabaho. Sinabi ng isang lalaki sa kaniya: “Bakit ka pumunta rito? Ang mga tagarito ay pumupunta sa lugar na pinanggalingan mo para makahanap ng trabaho!” Pagkaraan ng dalawang linggo, umalis si Riana doon para dumalo sa isang panrehiyong kombensiyon na halos walang kapera-pera at iniisip kung ano ang gagawin niya. Nang huling araw ng kombensiyon, may inilagay ang isang brother sa bulsa ng amerikana ni Riana. Iyon ay perang sapat para makabalik siya sa lugar ng mga Antandroy at makapagbukas ng isang maliit na negosyo, ang pagtitinda ng yogurt. Sinabi ni Riana: “Naranasan ko ang tulong ni Jehova sa tamang panahon. Puwede ko nang ituloy ang pagtulong sa mga taong hindi pa nakakakilala kay Jehova!” Marami ring gawain sa loob ng kongregasyon. Idinagdag ni Riana: “Naatasan akong magbigay ng pahayag pangmadla kada ikalawang linggo. Sinasanay ako ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon.” Sa
ngayon, patuloy pa ring ibinabahagi ni Riana ang mensahe ng Kaharian sa maraming nagsasalita ng Tandroy na gustong matuto tungkol kay Jehova.PINAGPALA NG DIYOS
Tinitiyak sa atin ni Jehova na “kung pagpapalain ng sinuman sa lupa ang kaniyang sarili ay pagpapalain niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng Diyos ng pananampalataya.” (Isa. 65:16) Kapag nagsisikap tayong mapagtagumpayan ang mga hadlang sa pagpapalawak ng ating ministeryo, nararanasan natin ang pagpapala ni Jehova. Tingnan ang halimbawa ni Sylviana, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Tandaan, natatakot siya na baka hindi niya kayaning maglingkod bilang need-greater. Bakit? Ipinaliwanag niya: “Ang kaliwang binti ko ay mas maikli nang siyam na sentimetro kaysa sa kanan. Kaya paika-ika ang lakad ko at mabilis akong mapagod.”
Pero noong 2014, si Sylviana ay lumipat sa isang maliit na nayon na 85 kilometro ang layo mula sa kanila kasama si Sylvie Ann, isang kabataang payunir sa kanilang kongregasyon. Sa kabila ng mga hadlang, natupad ang pangarap ni Sylviana at talagang pinagpala siya! “Pagkatapos lang ng isang taon sa bago kong atas,” ang kuwento niya, “si Doratine, isang kabataang ina na Bible study ko, ay nabautismuhan sa aming pansirkitong asamblea.”
“TALAGANG TUTULUNGAN KITA”
Gaya ng makikita sa pananampalataya ng mga need-greater na ito, kapag nagsisikap tayong mapagtagumpayan ang mga hadlang para mapalawak ang ating ministeryo, nagiging totoong-totoo sa atin ang pangako ni Jehova: “Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.” (Isa. 41:10) Kaya naman, lumalalim ang kaugnayan natin kay Jehova. Gayundin, ang kusang-loob na paghahandog ng ating sarili—sa sariling bansa man o sa banyagang lupain—ay naghahanda sa atin para sa teokratikong mga gawain sa bagong sanlibutan. Ganito ang sinabi ni Didier, na nabanggit kanina, “Ang paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ay magandang pagsasanay para sa hinaharap!” Marami pa sanang kusang-loob na manggagawa ang makaranas ng ganitong uri ng pagsasanay!
^ par. 4 Nanggaling ang mga need-greater sa Canada, Czech Republic, France, Germany, Guadeloupe, Luxembourg, New Caledonia, Sweden, Switzerland, United Kingdom, at United States.
^ par. 8 Pinalitan na ng School for Kingdom Evangelizers. Ang buong-panahong mga ministrong naglilingkod sa ibang bansa na kuwalipikado ay maaaring mag-aplay para makapag-aral dito, sa kanilang pinagmulang bansa man o sa ibang bansa kung saan idinaraos ang paaralan sa kanilang sariling wika.