Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Ating Pagkakaisa at ang Memoryal

Ang Ating Pagkakaisa at ang Memoryal

“Anong buti at anong kaiga-igaya na . . . manahanang magkakasama sa pagkakaisa!”—AWIT 133:1.

AWIT: 18, 14

1, 2. Anong okasyon sa 2018 ang magdudulot ng pagkakaisa sa espesyal na paraan, at bakit? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

SA Marso 31, 2018, habang papalubog ang araw, ang bayan ng Diyos at ang maraming interesado ay magtitipon-tipon para sa taunang pag-alaala sa Hapunan ng Panginoon. Bawat taon, pinagkakaisa ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo ang milyon-milyong tao sa kahanga-hangang paraan. Walang ibang okasyon ang makapapantay sa nagagawa nito!

2 Isip-isipin kung gaano kasaya si Jehova at si Jesus sa araw na iyon habang pinagmamasdan nila—bawat oras—ang milyon-milyong dumadalo sa espesyal na okasyong ito sa buong mundo. Inihula ng Bibliya na “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” ang sisigaw: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” (Apoc. 7:9, 10) Kahanga-hanga nga na taon-taon tuwing Memoryal, marami ang nagpaparangal kay Jehova at kay Jesus!

3. Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?

3 Sasagutin ng artikulong ito ang apat na tanong. (1) Paano tayo makapaghahanda bilang indibiduwal para lubos na makinabang sa pagdalo sa Memoryal? (2) Paano nakatutulong ang Memoryal sa pagkakaisa ng bayan ng Diyos? (3) Ano ang personal na magagawa natin para sa ating pagkakaisa? (4) Magkakaroon ba ng huling Memoryal? Kung oo, kailan?

MAGHANDA AT MAKINABANG SA PAGDALO SA MEMORYAL

4. Bakit mahalaga na naroroon tayo sa Memoryal hangga’t posible?

4 Bulay-bulayin ang kahalagahan ng pagdalo sa Memoryal. Tandaan, ang mga pulong ng kongregasyon ay bahagi ng ating pagsamba. Tiyak na mapapansin ni Jehova at ni Jesus ang pagsisikap nating daluhan ang pinakamahalagang pulong ng taon. Kaya gusto nating ipakita sa kanila na naroroon tayo sa Memoryal, maliban na lang kung imposibleng dumalo dahil sa ilang kalagayan. Kapag ipinakikita natin na mahalaga sa atin ang mga pulong para sa pagsamba, binibigyan natin si Jehova ng karagdagang dahilan para panatilihin ang ating pangalan sa kaniyang “aklat ng alaala”—ang “aklat ng buhay”—kung saan nakasulat ang pangalan ng mga bibigyan niya ng buhay na walang hanggan.—Mal. 3:16; Apoc. 20:15.

5. Sa mga araw bago ang Memoryal, paano natin ‘masusubok kung tayo ay nasa pananampalataya’?

5 Sa mga araw bago ang Memoryal, maglaan ng panahon para manalangin at suriing mabuti ang ating personal na kaugnayan kay Jehova. (Basahin ang 2 Corinto 13:5.) Dapat nating “subukin kung [tayo] ay nasa pananampalataya.” Paano? Tanungin ang sarili: ‘Talaga bang naniniwala ako na bahagi ako ng nag-iisang organisasyon na pinili ni Jehova para tuparin ang kalooban niya? Ginagawa ko ba ang lahat ng magagawa ko para ipangaral at ituro ang mabuting balita ng Kaharian? Ipinakikita ba ng mga gawa ko na talagang naniniwala ako na nasa mga huling araw na tayo at malapit na ang wakas ng pamamahala ni Satanas? Ganoon pa rin ba ang tiwala ko kay Jehova at kay Jesus mula nang ialay ko ang aking buhay sa Diyos na Jehova?’ (Mat. 24:14; 2 Tim. 3:1; Heb. 3:14) Ang sagot natin sa mga tanong na ito ay ‘magpapatunay kung ano nga tayo.’

6. (a) Ano ang tanging paraan para matamo ang buhay? (b) Ano ang ginagawang paghahanda ng isang elder para sa Memoryal, at paano mo siya matutularan?

6 Basahin at bulay-bulayin ang mga artikulong tumatalakay sa kahalagahan ng Memoryal. (Basahin ang Juan 3:16; 17:3.) Ang tanging paraan para matamo ang buhay na walang hanggan ay ang makilala si Jehova at manampalataya kay Jesus, ang Kaniyang kaisa-isang Anak. Bilang paghahanda sa Memoryal, bakit hindi pumili ng mga study project na tutulong sa iyo na mas mapalapít kay Jehova at kay Jesus? Ganito ang ginagawa ng isang matagal nang elder. Maraming taon na siyang nangongolekta ng mga artikulo sa Bantayan na tumatalakay sa Memoryal at sa pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ni Jesus sa atin. Ilang linggo bago ang Memoryal, binabasa niya ulit ang mga artikulong iyon at binubulay-bulay ang kahalagahan ng okasyong ito. Paminsan-minsan, nagdaragdag siya ng isa o dalawang artikulo sa kaniyang koleksiyon. Nakita ng elder na dahil sa pagrerepaso niya sa mga artikulong iyon at sa pagbabasa at pagbubulay-bulay sa nakaiskedyul na pagbasa sa Bibliya sa Memoryal, natututo siya ng mga bagong bagay taon-taon. Ang pinakamahalaga, nadarama niyang lumalalim ang pag-ibig niya kay Jehova at kay Jesus sa bawat taon. Mapalalalim din ng gayong study project ang iyong pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova at kay Jesus para mas makinabang ka sa Memoryal.

NAKATUTULONG ANG MEMORYAL SA ATING PAGKAKAISA

7. (a) Ano ang ipinanalangin ni Jesus noong gabi ng unang Hapunan ng Panginoon? (b) Ano ang nagpapakitang sinagot ni Jehova ang panalangin ni Jesus?

7 Noong gabi ng unang Hapunan ng Panginoon, ipinanalangin ni Jesus na magkaisa ang kaniyang mga tagasunod gaya ng pagkakaisa niya at ng kaniyang Ama. (Basahin ang Juan 17:20, 21.) Sinagot ni Jehova ang panalangin ng kaniyang minamahal na Anak, at ngayon, milyon-milyon ang naniniwala na isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak. Higit kaysa sa iba nating pulong, ang Memoryal ay nagbibigay-patotoo sa pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga taong iba’t iba ang pinagmulang bansa at kulay ng balat ay nagtitipon-tipon sa buong mundo. Sa ilang lugar, ang pagtitipon ng iba’t ibang lahi sa isang relihiyosong pulong ay hindi karaniwan at hinahamak pa nga ng iba. Pero ang gayong pagkakaisa ay maganda sa paningin ni Jehova at ni Jesus!

8. Anong mensahe ang ibinigay ni Jehova kay Ezekiel tungkol sa pagkakaisa?

8 Bilang bayan ni Jehova, hindi na tayo nagtataka na mayroon tayong pagkakaisa. Sa katunayan, inihula ito ni Jehova. Tingnan ang mensaheng ibinigay niya kay propeta Ezekiel tungkol sa pagsasama ng dalawang patpat, ang patpat “para sa Juda” at ang patpat “para sa Jose.” (Basahin ang Ezekiel 37:15-17.) Ganito ang paliwanag ng “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan, Hulyo 2016: “Binigyan ni Jehova si Ezekiel ng isang mensahe ng pag-asa na nangangakong pagkakaisahin Niya ang bansang Israel pagkabalik nito sa Lupang Pangako. Inihuhula rin ng mensaheng iyon ang pagkakaisa ng bayan ng Diyos, na nagsimulang matupad sa mga huling araw.”

9. Paano nakikita taon-taon sa Memoryal ang katuparan ng hula ni Ezekiel?

9 Mula 1919, muling inorganisa at pinagkaisa ni Jehova ang mga pinahiran, na lumalarawan sa patpat “para sa Juda.” Pagkatapos, parami nang paraming may makalupang pag-asa—lumalarawan naman sa patpat “para sa Jose”—ang sumama sa mga pinahiran. Ang dalawang grupong ito ay naging “isang kawan.” (Juan 10:16; Zac. 8:23) Nangako si Jehova na pagsasamahin niya ang dalawang patpat na ito at magiging iisa sa kaniyang kamay. (Ezek. 37:19) Ngayon, ang dalawang grupong ito ay nagkakaisang naglilingkod sa ilalim ng isang Hari—ang niluwalhating si Jesu-Kristo—na makahulang tinukoy ng Diyos bilang “ang aking lingkod na si David.” (Ezek. 37:24, 25) Ang pambihirang pagkakaisang ito na inilarawan sa Ezekiel ay malinaw na nakikita taon-taon kapag nagtitipon ang mga pinahirang nalabi at ang “ibang mga tupa” para alalahanin ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo! Pero paano tayo makatutulong bilang indibiduwal para sa pagkakaisa ng bayan ng Diyos?

ANO ANG MAGAGAWA NATIN PARA SA ATING PAGKAKAISA?

10. Paano tayo makatutulong sa pagkakaisa ng bayan ng Diyos?

10 Ang unang paraan para makatulong tayo sa pagkakaisa ng bayan ng Diyos ay ang pagiging mapagpakumbaba. Nang nasa lupa si Jesus, pinayuhan niya ang kaniyang mga alagad na maging mapagpakumbaba. (Mat. 23:12) Di-gaya ng marami sa sanlibutan, iiwasan nating maging mapagmataas. Sa halip, magiging mapagpasakop tayo sa mga nangunguna sa atin. Tutulong ang pagiging masunurin para magkaisa ang kongregasyon. Higit sa lahat, kung mapagpakumbaba tayo, mapasasaya natin si Jehova dahil “sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”—1 Ped. 5:5.

11. Paano nakatutulong sa ating pagkakaisa ang pagsasaisip sa kahulugan ng mga emblema sa Memoryal?

11 Ano ang ikalawang paraan para makatulong tayo sa ating pagkakaisa? Bago ang Memoryal, at lalo na sa espesyal na gabing iyon, isaisip natin ang kahulugan ng mga emblema—ang tinapay na walang lebadura at ang pulang alak. (1 Cor. 11:23-25) Ang tinapay ay lumalarawan sa walang-kasalanang katawan ni Jesus na inihandog bilang hain. Ang alak naman ay lumalarawan sa kaniyang itinigis na dugo. Pero hindi sapat na basta maunawaan lang natin ang mga saligang katotohanang ito. Tandaan, ang haing pantubos ni Kristo ay nauugnay sa dalawang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig—ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova nang ibigay niya ang kaniyang Anak alang-alang sa atin, at ang pag-ibig na ipinakita ni Jesus nang kusang-loob niyang ihandog ang kaniyang buhay para sa atin. Kung isasaisip natin ito, mauudyukan tayong ibigin din sila. At ang pag-ibig natin kay Jehova ay parang tali na nagbubuklod sa atin at nagpapatibay ng ating bigkis ng pagkakaisa.

Kapag nagpapatawad tayo, nakatutulong tayo sa ating pagkakaisa (Tingnan ang parapo 12, 13)

12. Sa ilustrasyon tungkol sa haring nakipagtuos ng mga kuwenta, paano idiniin ni Jesus na inaasahan ni Jehova na magiging mapagpatawad tayo?

12 Ang ikatlong paraan para makatulong tayo sa ating pagkakaisa ay ang pagiging mapagpatawad. Kapag pinapatawad natin ang mga nakasakit sa atin, ipinakikita nating pinahahalagahan natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan salig sa haing pantubos ni Kristo. Pag-isipan ang ilustrasyon ni Jesus sa Mateo 18:23-34. Pagkatapos, tanungin ang sarili: ‘Nauudyukan ba akong ikapit ang itinuro ni Jesus? Mapagpasensiya ba ako at maunawain sa aking mga kapuwa lingkod? Handa ko bang patawarin ang mga personal na nagkasala sa akin?’ Totoo, iba-iba ang bigat ng mga kasalanan, at napakahirap patawarin ang ilang kasalanan dahil hindi tayo sakdal. Pero itinuturo ng ilustrasyong ito kung ano ang inaasahan ni Jehova sa atin. (Basahin ang Mateo 18:35.) Idiniin ni Jesus na hindi tayo patatawarin ni Jehova kung hindi natin pinapatawad ang ating mga kapatid kahit may basehan tayong gawin iyon. Napakaseryosong bagay nito! Naiingatan natin ang ating mahalagang pagkakaisa kapag pinapatawad natin ang iba gaya ng itinuro sa atin ni Jesus.

13. Paano tayo makatutulong sa ating pagkakaisa kung magiging tagapamayapa tayo?

13 Kapag pinapatawad natin ang iba, nagiging tagapamayapa tayo. Alalahanin ang payo ni apostol Pablo na dapat nating “marubdob na [pagsikapang] ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” (Efe. 4:3) Sa panahong ito ng Memoryal at lalo na sa mismong gabi ng Memoryal, pag-isipang mabuti kung paano mo pinakikitunguhan ang iba. Tanungin ang sarili: ‘Nakikita ba talaga ng iba na hindi ako nagkikimkim ng sama ng loob? Kilalá ba akong mapagparaya para sa kapayapaan at pagkakaisa?’ Seryoso nating pag-isipan ang mga tanong na iyan sa mahalagang panahong ito.

14. Paano natin maipakikita na “pinagtitiisan [natin] ang isa’t isa sa pag-ibig”?

14 Ang ikaapat na paraan para makatulong tayo sa ating pagkakaisa ay ang pagpapakita ng pag-ibig gaya ni Jehova, ang Diyos ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Hinding-hindi natin sasabihin tungkol sa ating mga kapatid, “Kailangan ko silang ibigin, pero ayoko pa rin sa kanila”! Ang ganitong kaisipan ay salungat sa payo ni Pablo na dapat nating ‘pagtiisan ang isa’t isa sa pag-ibig.’ (Efe. 4:2) Pansinin na hindi lang sinabi ni Pablo na dapat nating ‘pagtiisan ang isa’t isa.’ Idinagdag niya na dapat natin itong gawin “sa pag-ibig.” May pagkakaiba iyon. Kabilang sa kongregasyon ang lahat ng uri ng tao na inilapit ni Jehova sa kaniya. (Juan 6:44) Dahil dito, siguradong itinuturing niya silang kaibig-ibig. Kaya bakit natin huhusgahan ang isang kapatid at sasabihing hindi siya karapat-dapat sa ating pag-ibig? Huwag nating ipagkait ang pag-ibig na iniutos ni Jehova na dapat nating ipakita!—1 Juan 4:20, 21.

ANG HULING MEMORYAL—KAILAN?

15. Bakit natin masasabi na mayroong huling Memoryal?

15 Darating ang araw na dadaluhan natin ang Memoryal sa huling pagkakataon. Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, sumulat si Pablo sa mga pinahirang Kristiyano na sa tuwing inaalaala nila ang kamatayan ni Jesus bawat taon, patuloy nilang “inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.” (1 Cor. 11:26) Ang salitang “dumating” ay tumutukoy rin sa ‘pagdating’ ni Jesus na binanggit niya sa kaniyang hula tungkol sa panahon ng kawakasan. May kinalaman sa nalalapit na malaking kapighatian, sinabi niya: “Ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay dadagukan ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. At isusugo [ni Jesus] ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabilang dulo nito.” (Mat. 24:29-31) Ang ‘pagtitipon sa mga pinili’ ay tumutukoy sa panahong ang lahat ng pinahirang Kristiyano na narito pa sa lupa ay tatanggap ng kanilang makalangit na gantimpala. Mangyayari iyon pagkatapos ng unang bahagi ng malaking kapighatian pero bago ang digmaan ng Armagedon. Pagkatapos, lahat ng 144,000 ay makakasama ni Jesus sa pagdaig sa mga hari sa lupa. (Apoc. 17:12-14) Kaya ang Memoryal na dadaluhan natin bago “dumating” si Jesus para tipunin ang mga pinahiran ay ang huling Memoryal.

16. Bakit determinado kang dumalo sa Memoryal ngayong taon?

16 Maging determinado nawa tayo na makinabang sa pagdalo sa Memoryal sa Marso 31, 2018. At hilingin kay Jehova na patuloy tayong makatulong sa pagkakaisa ng kaniyang bayan! (Basahin ang Awit 133:1.) Tandaan, balang-araw, idaraos natin ang huling Memoryal. Samantala, gawin sana natin ang lahat para makadalo, at pahalagahan ang pagkakaisang nararanasan natin sa bawat Memoryal.