Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inskripsiyon sa bato: “Sumpain ni Yahweh Sabaot si Hagaf na anak ni Hagav”

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Paano pinapatunayan ng isang inskripsiyon noon na tama ang sinasabi ng Bibliya?

SA Bible Lands Museum sa Jerusalem, makikita ang isang bato na may inskripsiyon na ginawa sa pagitan ng 700 at 600 B.C.E. Ang batong iyon ay galing sa isang kuwebang libingan malapit sa Hebron sa Israel. Mababasa sa inskripsiyon: “Sumpain ni Yahweh Sabaot si Hagaf na anak ni Hagav.” Paano pinapatunayan ng inskripsiyong ito na tama ang sinasabi ng Bibliya? Ipinapakita nito na ang pangalan ng Diyos, Jehova, na isinulat sa sinaunang mga letrang Hebreo na YHWH, ay kilalang-kilala at karaniwang ginagamit noong panahon ng Bibliya. Sa katunayan, sa mga kuwebang libingan, may iba pang mga inskripsiyon na ginawa ng mga taong nagtatagpo at nagtatago doon. Ipinapakita nito na madalas nilang isulat sa dingding ng mga kuweba ang pangalan ng Diyos, kasama ng personal na mga pangalang may anyo ng pangalan ng Diyos.

Tungkol sa mga inskripsiyong ito, sinabi ni Dr. Rachel Nabulsi ng University of Georgia: “Mahalaga ang paulit-ulit na paggamit ng pangalang YHWH. . . . Ipinapakita ng mga inskripsiyong iyon na mahalaga ang YHWH sa buhay ng mga taga-Israel at taga-Juda.” Pinapatunayan nito na tama ang sinasabi ng Bibliya kung saan ang pangalan ng Diyos ay libo-libong ulit na lumilitaw gamit ang mga letrang Hebreo na YHWH. Madalas na kasama ang pangalan ng Diyos sa personal na mga pangalan ng tao.

Ang “Yahweh Sabaot,” na nakaukit sa bato, ay nangangahulugang “Jehova ng mga hukbo.” Ipinapahiwatig nito na bukod sa pangalan ng Diyos, karaniwan ding ginagamit noong panahon ng Bibliya ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo.” Pinapatunayan din nito na tama ang Bibliya nang gamitin nito ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo,” na lumilitaw nang 283 ulit sa orihinal na teksto ng Hebreong Kasulatan, na karamihan ay nasa mga isinulat nina Isaias, Jeremias, at Zacarias.