ARALING ARTIKULO 1
Manatiling Panatag at Magtiwala kay Jehova
TAUNANG TEKSTO PARA SA 2021: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.”—ISA. 30:15.
AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
NILALAMAN *
1. Tulad ni Haring David, ano ang naitatanong ng ilan?
GUSTO nating lahat na mamuhay nang tahimik at panatag. Ayaw nating nag-aalala tayo. Pero kung minsan, hindi natin maiwasang mabahala. Baka nga naitatanong ng ilang lingkod ni Jehova ang itinanong noon ni Haring David kay Jehova: “Hanggang kailan ako mababahala at malulungkot araw-araw?”—Awit 13:2.
2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Imposibleng hindi tayo mag-alala, pero may magagawa tayo para makontrol ito. Sa artikulong ito, aalamin natin ang ilang dahilan kung bakit tayo nag-aalala. Pagkatapos, tatalakayin natin ang anim na paraan kung paano tayo mananatiling panatag kahit may mga problema.
BAKIT TAYO NAG-AALALA?
3. Ano ang mga ipinag-aalala natin, at maiiwasan ba natin ang mga ito?
3 Marami tayong puwedeng ipag-alala, at hindi natin kontrolado ang ilan sa mga ito. Halimbawa, hindi natin mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng pagkain, damit, at tirahan taon-taon; hindi rin natin kontrolado kung gaano kadalas tayong iimpluwensiyahan ng ating mga katrabaho o kaeskuwela na maging di-tapat o imoral. At hindi rin natin mapipigilan ang krimen sa ating lugar. Nangyayari ang mga problemang ito dahil nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan Mat. 13:22; 1 Juan 5:19) Hindi nga nakakapagtakang punong-puno ng nakaka-stress na sitwasyon ang mundong ito!
karamihan ng mga tao ay hindi nag-iisip ayon sa mga prinsipyo ng Bibliya. Alam ni Satanas, ang diyos ng sanlibutang ito, na may mga taong hindi maglilingkod kay Jehova dahil sa “mga kabalisahan sa sistemang ito.” (4. Ano ang posibleng maging reaksiyon natin sa mga problema?
4 Kapag may mga problema, baka masyado tayong mag-alala at wala na tayong ibang iniisip kundi problema. Halimbawa, baka nag-aalala tayong hindi magkakasya ang kikitain natin para sa ating mga pangangailangan o magkakasakit tayo at hindi makakapagtrabaho o matatanggal pa nga sa trabaho. Baka iniisip din nating hindi tayo makakapanindigan kapag iniimpluwensiyahan tayo na suwayin ang utos ng Diyos. Malapit nang udyukan ni Satanas ang mga nasa ilalim ng kontrol niya para atakihin ang bayan ng Diyos. Kaya baka nag-aalala tayo kung ano ang magiging reaksiyon natin sa pag-atakeng iyon. Baka maitanong natin, ‘Mali bang mag-alala ako sa mga bagay na ito?’
5. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Huwag na kayong mag-alala”?
5 Alam nating sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag na kayong mag-alala.” (Mat. 6:25) Ibig ba niyang sabihin, hindi tayo dapat mag-alala tungkol sa anumang bagay? Hindi! May tapat na mga lingkod si Jehova noon na nag-alala rin, pero hindi naman nawala ang pagsang-ayon ni Jehova sa kanila. * (1 Hari 19:4; Awit 6:3) Ang totoo, pinapatibay tayo ni Jesus. Ayaw niya kasi na masyado tayong mag-alala tungkol sa ating mga pangangailangan at maapektuhan ang ating paglilingkod sa Diyos. Kung gayon, paano natin makokontrol ang pag-aalala?—Tingnan ang kahong “ Kung Paano Ito Gagawin.”
ANIM NA BAGAY NA TUTULONG PARA MANATILING PANATAG
6. Ayon sa Filipos 4:6, 7, ano ang makakatulong para mapanatag tayo?
6 (1) Laging manalangin. Gumagaan ang pakiramdam ng mga Kristiyano kapag nananalangin sila kay Jehova. (1 Ped. 5:7) Bilang sagot sa ating mga panalangin, bibigyan niya tayo ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan” ng mga tao. (Basahin ang Filipos 4:6, 7.) Pinapanatag ni Jehova ang ating mga kaisipan sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu.—Gal. 5:22.
7. Ano ang dapat nating tandaan kapag nananalangin sa Diyos?
7 Kapag nananalangin kay Jehova, sabihin mo ang lahat ng nasa puso mo. Maging espesipiko. Sabihin sa kaniya ang problema at ang nararamdaman mo tungkol dito. Kung may posibleng solusyon, humingi ng karunungan sa kaniya para makita iyon at humingi ng lakas para magawa iyon. Kung wala kang makitang solusyon sa iyong problema, hilingin kay Jehova na tulungan kang huwag masyadong mag-alala tungkol doon. Kapag espesipiko ang mga panalangin mo, mas malinaw mong makikita kung paano sinasagot ni Jehova ang mga iyon. Kapag hindi agad sinagot ang panalangin mo, huwag kang sumuko. Bukod sa pagiging espesipiko, gusto rin ni Jehova na patuloy kang manalangin.—Luc. 11:8-10.
8. Ano ang dapat isama sa ating mga panalangin?
8 Habang inihahagis mo kay Jehova ang iyong mga problema, siguraduhing may kasama itong pasasalamat. Magpokus sa mga pagpapalang tinatanggap natin kahit maraming problema. Kung hindi tayo makahanap ng tamang mga salita para masabi ang bigat ng ating nararamdaman, tandaan na sinasagot ni Jehova kahit ang simpleng ‘Tulong po!’—9. Ano ang dapat nating gawin kapag nakakaramdam tayo ng takot?
9 (2) Umasa sa karunungan ni Jehova, hindi sa karunungan mo. Noong ikawalong siglo B.C.E., natakot ang bayan ng Juda sa mga Asiryano. Dahil ayaw nilang masakop ng mga Asiryano, humingi sila ng tulong sa paganong Ehipto. (Isa. 30:1, 2) Binabalaan sila ni Jehova na ikakapahamak nila ang ginawa nila. (Isa. 30:7, 12, 13) Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova sa bayan kung ano ang dapat nilang gawin kapag nakakaramdam sila ng takot: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala” kay Jehova.—Isa. 30:15b.
10. Sa anong mga sitwasyon natin maipapakitang nagtitiwala tayo kay Jehova?
10 Paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo kay Jehova? Tingnan ang ilang halimbawa. Inalok ka ng isang trabaho na malaki ang suweldo pero kukuha ng malaking panahon mo at makakahadlang sa paglilingkod mo kay Jehova. Sinabi ng isang katrabaho mo na gusto ka niya, pero hindi siya isang bautisadong lingkod ng Diyos. Pinapapili ka ng kapamilya mo: “Ako o ang Diyos mo?” Sa bawat sitwasyong ito, mahirap magdesisyon, pero gagabayan ka ni Jehova. (Mat. 6:33; 10:37; 1 Cor. 7:39) Ang tanong, Magtitiwala ka ba kay Jehova at susundin siya?
11. Anong mga ulat sa Bibliya ang puwede nating pag-aralan para manatiling panatag sa harap ng pag-uusig?
11 (3) Matuto mula sa magaganda at di-magagandang halimbawa. Maraming ulat sa Bibliya na nagpapakita kung gaano kahalaga na manatiling panatag at nagtitiwala kay Jehova. Habang pinag-aaralan mo ang mga ito, pansinin kung ano ang nakatulong sa mga lingkod ng Diyos na manatiling panatag sa harap ng matinding pag-uusig. Halimbawa, nang pagbawalan ng korte suprema ng mga Judio ang mga apostol na mangaral, hindi sila natakot. Sa halip, may katapangan nilang sinabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Kahit pinagpapalo na ang mga apostol, kalmado pa rin sila. Bakit? Dahil alam nila na kakampi nila si Jehova. Natutuwa siya sa kanila. Kaya patuloy silang nangaral ng mabuting balita. (Gawa 5:40-42) Nang mapaharap din sa kamatayan ang alagad na si Esteban, nanatili siyang payapa at kalmado at “parang anghel ang mukha niya.” (Gawa 6:12-15) Bakit? Dahil alam niyang sinasang-ayunan siya ni Jehova.
12. Ayon sa 1 Pedro 3:14 at 4:14, bakit puwede pa rin tayong maging masaya kahit pinag-uusig?
12 May malinaw na ebidensiya ang mga apostol na kakampi nila si Jehova. Binigyan niya sila ng kapangyarihan para makagawa ng mga himala. (Gawa 5:12-16; 6:8) Pero tayo, hindi. Gayunman, sa pamamagitan ng kaniyang Salita, tinitiyak sa atin ni Jehova na kapag nagdurusa tayo alang-alang sa katuwiran, nalulugod siya sa atin at nasa atin ang espiritu niya. (Basahin ang 1 Pedro 3:14; 4:14.) Kaya sa halip na masyadong isipin kung ano ang gagawin natin kapag pinag-usig tayo, magpokus kung paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin sa kakayahan ni Jehova na tulungan tayo at iligtas. Gaya ng ginawa ng mga alagad noon, dapat tayong magtiwala sa pangako ni Jesus: “Bibigyan ko kayo ng karunungan at ipaaalam ko sa inyo ang sasabihin ninyo, na hindi malalabanan o matututulan ng lahat ng kumokontra sa inyo.” Tinitiyak sa atin: “Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” (Luc. 21:12-19) At huwag nating kakalimutan na tinatandaan ni Jehova ang kaliit-liitang detalye tungkol sa mga namatay na lingkod niya. Bubuhayin niya silang muli taglay ang mga detalyeng iyon.
13. Ano ang matututuhan natin sa nangyari sa mga hindi nanatiling kalmado at di-nagtiwala kay Jehova?
13 May matututuhan din tayo sa nangyari sa mga hindi nanatiling kalmado at di-nagtiwala kay Jehova. Maiiwasan nating magawa ang mga pagkakamali nila. Halimbawa, sa pasimula ng pamamahala ni Haring Asa ng Juda, nagtiwala siya kay Jehova nang salakayin sila ng isang malaking hukbo, at pinagtagumpay siya ni Jehova. (2 Cro. 14:9-12) Pero nang salakayin siya ng mas maliit na hukbo ni Haring Baasa ng Israel, binayaran ni Asa ang mga Siryano para tulungan siya sa halip na umasa kay Jehova gaya noon. (2 Cro. 16:1-3) At noong magkasakit siya at malapit nang mamatay, hindi siya umasa kay Jehova para tulungan siya.—2 Cro. 16:12.
14. Ano ang matututuhan natin sa pagkakamali ni Asa?
14 Noong una, kay Jehova humihingi ng tulong si Asa kapag may mga problema. Pero hindi na ganoon ang ginawa niya noong bandang huli; mas gusto niyang solusyunan ang problema niya nang mag-isa. Sa unang tingin, parang napakapraktikal ng plano ni Asa na humingi ng tulong sa mga Siryano laban sa Israel. Pero panandalian lang ang tagumpay niya. Sinabi sa kaniya ni Jehova sa pamamagitan ng isang propeta: “Dahil umasa ka sa hari ng Sirya at hindi ka umasa sa Diyos mong si Jehova, nakatakas mula sa kamay mo ang hukbo ng hari ng Sirya.” (2 Cro. 16:7) Huwag nating isipin na kayang-kaya nating solusyunan ang ating mga problema nang hindi humihingi ng tulong kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Kahit kailangan nating magdesisyon agad, dapat na maging kalmado tayo at umasa kay Jehova. Tutulungan niya tayong magtagumpay.
15. Ano ang puwede nating gawin kapag nagbabasa ng Bibliya?
15 (4) Mag-memorize ng mga teksto sa Bibliya. Kapag nakakabasa ka ng mga teksto sa Bibliya na nagpapakitang magkakaroon ka ng lakas kung mananatili kang panatag at magtitiwala kay Jehova, sikaping i-memorize ang mga iyon. Makakatulong kung babasahin mo ang mga iyon nang malakas o isusulat at babalik-balikan. Inutusan si Josue na regular na basahin nang pabulong ang aklat ng Kautusan para makapagdesisyon siya nang tama. Makakatulong din ito para madaig niya ang takot na puwede niyang madama. (Jos. 1:8, 9) Marami kang mababasa sa Salita ng Diyos na makakapagbigay sa iyo ng kapayapaan ng isip at puso sa mga sitwasyong puwede mong ikabalisa o ikatakot.—Awit 27:1-3; Kaw. 3:25, 26.
16. Paano ginagamit ni Jehova ang kongregasyon para tulungan tayong manatiling panatag at nagtitiwala sa kaniya?
16 (5) Makipagsamahan sa bayan ng Diyos. Ginagamit ni Jehova ang ating mga kapatid para tulungan tayong manatiling panatag at nagtitiwala sa kaniya. Sa mga pulong, makikinabang tayo sa mga pahayag, mga komento, at nakakapagpatibay na pakikipag-usap Heb. 10:24, 25) Mapapatibay din tayo nang husto kapag sinasabi natin ang ating nadarama sa ating mga pinagkakatiwalaang kaibigan sa kongregasyon. Malaki ang maitutulong ng “positibong salita” ng isang kaibigan para mabawasan ang ating pag-aalala.—Kaw. 12:25.
sa ating mga kapatid. (17. Ayon sa Hebreo 6:19, paano tayo mapapatatag ng pag-asa ng Kaharian kahit may mga problema?
17 (6) Panatilihing matibay ang iyong pag-asa. Ang pag-asa ng Kaharian ay nagsisilbing “angkla ng buhay natin,” at pinapatatag tayo nito kahit may mga problema o nag-aalala tayo. (Basahin ang Hebreo 6:19.) Isaisip ang pangako ni Jehova na sa hinaharap, hindi ka na mag-aalala. (Isa. 65:17) Isiping naroon ka na sa mapayapang bagong sanlibutan na wala nang problema. (Mik. 4:4) Mapapatibay din ang iyong pag-asa kapag sinasabi mo ito sa iba. Gawin ang lahat ng makakaya mo sa pangangaral at paggawa ng alagad. Kung gagawin mo iyan, ‘magiging tiyak ang pag-asa mo hanggang sa wakas.’—Heb. 6:11.
18. Anong mga problema ang puwedeng dumating, at paano natin mapagtatagumpayan ang mga iyon?
18 Habang papalapit ang wakas ng sistemang ito, marami pa tayong problemang mararanasan na puwede nating ipag-alala. Makakatulong ang taunang teksto sa 2021 para maharap natin ang mga problemang iyon at manatiling panatag, hindi sa sarili nating lakas, kundi sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jehova. Sa taóng ito, ipakita natin na nagtitiwala tayo sa pangako ni Jehova: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.”—Isa. 30:15.
AWIT 8 Si Jehova ang Ating Kanlungan
^ par. 5 Idiniriin ng taunang teksto para sa 2021 na napakahalagang magtiwala kay Jehova habang napapaharap tayo sa nakaka-stress na mga sitwasyon ngayon at sa hinaharap. Tatalakayin sa artikulong ito ang praktikal na mga paraan para masunod natin ang payo sa taunang teksto.
^ par. 5 May mga kapatid tayo na dumaranas ng matinding pag-aalala o sobrang nagpa-panic. Seryosong problema ito sa kalusugan at hindi ito ang pag-aalalang tinutukoy ni Jesus.
^ par. 63 LARAWAN: (1) Sa buong maghapon, ipinapanalangin ng sister ang kaniyang mga álalahanín.
^ par. 65 LARAWAN: (2) Sa lunch break, nagbabasa siya ng Bibliya para sa karunungan.
^ par. 67 LARAWAN: (3) Isinasaisip niya ang magaganda at di-magagandang halimbawa sa Bibliya.
^ par. 69 LARAWAN: (4) Naglalagay siya sa refrigerator ng nakakapagpatibay na tekstong gusto niyang i-memorize.
^ par. 71 LARAWAN: (5) Gustong-gusto niyang makasama ang iba sa ministeryo.
^ par. 73 LARAWAN: (6) Pinapatibay niya ang kaniyang pag-asa sa pamamagitan ng pag-iisíp sa mga mangyayari sa hinaharap.