Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 4

Patuloy na Magpakita ng Magiliw na Pagmamahal

Patuloy na Magpakita ng Magiliw na Pagmamahal

“Magmahalan kayo bilang magkakapatid at maging magiliw sa isa’t isa.”​—ROMA 12:10.

AWIT 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso

NILALAMAN *

1. Bakit masasabing walang likas na pagmamahal ang mga tao sa ngayon?

INIHULA ng Bibliya na sa mga huling araw, ang mga tao ay mawawalan ng “likas na pagmamahal.” (2 Tim. 3:1, 3) Natutupad na iyan ngayon. Halimbawa, milyon-milyong pamilya ang nagkakawatak-watak dahil sa diborsiyo. Kaya galít ang mga mag-asawa sa isa’t isa at pakiramdam ng mga anak, walang nagmamahal sa kanila. Kahit magkakasama sa bahay ang mga pamilya, hindi pa rin sila malapít sa isa’t isa. “Ang nanay, tatay, at mga anak ay walang panahon sa isa’t isa, pero may panahon sila sa computer, tablet, smartphone, o video game,” ang sabi ng isang family counselor. “Kahit nasa iisang bubong ang mga pamilyang ito, hindi pa rin nila gaanong kilala ang isa’t isa.”

2-3. (a) Ayon sa Roma 12:10, kanino tayo dapat magpakita ng magiliw na pagmamahal? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Ayaw nating magpahubog sa mundong ito na walang pag-ibig. (Roma 12:2) Sa halip, dapat nating ipakita ang magiliw na pagmamahal, hindi lang sa ating mga kapamilya, kundi pati na sa ating mga kapananampalataya. (Basahin ang Roma 12:10.) Ano ang magiliw na pagmamahal? Ito ay isang termino na tumutukoy sa malapít na kaugnayan ng magkakapamilya. Ganiyang pagmamahal ang dapat nating ipakita sa ating espirituwal na pamilya—ang ating mga kapatid sa kongregasyon. Kapag nagpapakita tayo ng magiliw na pagmamahal, nakakatulong tayong mapanatili ang pagkakaisa, na isang napakahalagang bahagi ng tunay na pagsamba.​—Mik. 2:12.

3 Para magkaroon tayo at makapagpakita ng magiliw na pagmamahal, alamin natin kung ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa sa Bibliya.

“NAPAKAMAPAGMAHAL” NI JEHOVA

4. Paano makakatulong sa atin ang Santiago 5:11 para mapahalagahan ang lalim ng pagmamahal ni Jehova?

4 Sinasabi sa Bibliya ang magagandang katangian ni Jehova. Halimbawa, sinasabi nito na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Iyan pa lang, napapalapít na tayo sa kaniya. Pero sinasabi din sa Bibliya na si Jehova ay “napakamapagmahal.” (Basahin ang Santiago 5:11.) Napakaganda ngang pananalita na nagpapakita ng lalim ng pagmamahal ni Jehova sa atin!

5. Paano nagpapakita ng awa si Jehova, at paano natin siya matutularan?

5 Pansinin na sa Santiago 5:11, iniugnay ang magiliw na pagmamahal ni Jehova sa isa pang katangian na maglalapít sa atin sa kaniya—ang kaniyang awa. (Ex. 34:6) Nagpapakita si Jehova ng awa kapag pinapatawad niya tayo sa mga pagkakamali natin. (Awit 51:1) Sa Bibliya, ang awa ay hindi lang basta pagpapatawad. Ito ang matinding nararamdaman ng isa kapag may nakita siyang naghihirap at napapakilos siya nito na tulungan ang taong iyon. Sinasabi ni Jehova na ang matinding kagustuhan niya na tulungan tayo ay nakakahigit sa nararamdaman ng isang ina para sa kaniyang anak. (Isa. 49:15) Kapag nahihirapan tayo, pinapakilos si Jehova ng kaniyang awa para tulungan tayo. (Awit 37:39; 1 Cor. 10:13) Makakapagpakita tayo ng awa sa mga kapatid kung papatawarin natin sila at hindi magtatanim ng sama ng loob kapag may nagawa silang nakakainis sa atin. (Efe. 4:32) Pero ang isang pangunahing paraan na makakapagpakita tayo ng awa ay sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapatid kapag may pinagdadaanan silang mga problema. Kapag pinapakilos tayo ng pag-ibig na maging maawain, natutularan natin si Jehova, ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng magiliw na pagmamahal.​—Efe. 5:1.

“NAGING MATALIK NA MAGKAIBIGAN” SINA JONATAN AT DAVID

6. Paano nagpakita ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa sina Jonatan at David?

6 Mababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa di-perpektong mga tao na nagpakita ng magiliw na pagmamahal. Tingnan ang halimbawa nina Jonatan at David. Sinasabi ng Bibliya: “Naging matalik na magkaibigan sina Jonatan at David, at minahal ni Jonatan si David na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili.” (1 Sam. 18:1) Pinili ni Jehova si David para humalili kay Saul bilang hari. Dahil dito, inggit na inggit si Saul kay David at tinangka niya itong patayin. Pero hindi sinuportahan ng anak ni Saul na si Jonatan ang kaniyang ama sa plano nitong pagpatay kay David. Nangako sina Jonatan at David na mananatili silang magkaibigan at lagi nilang susuportahan ang isa’t isa.​—1 Sam. 20:42.

Naging matalik na magkaibigan sina Jonatan at David kahit malaki ang agwat ng edad nila (Tingnan ang parapo 6-9)

7. Ano ang puwede sanang nakahadlang sa pagkakaibigan nina Jonatan at David?

7 Mas lalo nating hahangaan ang magiliw na pagmamahal na ipinakita nina Jonatan at David kapag inisip natin ang mga puwede sanang nakahadlang sa pagkakaibigan nila. Halimbawa, mga 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David. Puwede sanang isipin ni Jonatan na magkaiba sila ni David, na mas bata sa kaniya at kulang pa sa karanasan. Pero hindi iyon inisip ni Jonatan. Malaki ang respeto niya kay David.

8. Para sa iyo, bakit masasabing naging mabuting kaibigan si Jonatan kay David?

8 Puwede sanang nainggit si Jonatan kay David at ipinilit na siya dapat ang susunod na hari dahil anak siya ni Haring Saul. (1 Sam. 20:31) Pero mapagpakumbaba si Jonatan at tapat siya kay Jehova. Kaya lubusan niyang sinuportahan si David, ang pinili ni Jehova na maging susunod na hari. Naging tapat din siya kay David, kahit pa ikinagalit ito ni Saul.​—1 Sam. 20:32-34.

9. Itinuring ba ni Jonatan na karibal si David? Ipaliwanag.

9 May magiliw na pagmamahal si Jonatan kay David, kaya hindi niya ito itinuring na karibal. Si Jonatan ay mahusay na mamamanà at matapang na mandirigma. Siya at ang kaniyang amang si Saul ay kilalá na “mas matutulin . . . kaysa sa mga agila” at “mas malalakas kaysa sa mga leon.” (2 Sam. 1:22, 23) Kaya puwede sanang ipinagyabang ni Jonatan ang magagandang nagawa niya. Pero hindi niya kinompetensiya o kinainggitan si David. Sa halip, hinangaan ni Jonatan si David dahil sa lakas ng loob nito at pagtitiwala kay Jehova. Ang totoo, nagsimulang mapamahal kay Jonatan si David nang mapatay nito si Goliat. Paano tayo makakapagpakita ng gayong magiliw na pagmamahal sa ating mga kapatid?

PAANO TAYO MAKAKAPAGPAKITA NG MAGILIW NA PAGMAMAHAL NGAYON?

10. Ano ang ibig sabihin ng ‘masidhing ibigin ang isa’t isa mula sa puso’?

10 Sinasabi ng Bibliya na “masidhi [nating] ibigin ang isa’t isa mula sa puso.” (1 Ped. 1:22) Nagpakita si Jehova ng halimbawa sa atin. Napakasidhi ng pagmamahal niya sa atin, kaya kung tapat tayo sa kaniya, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig niya. (Roma 8:38, 39) Ang salitang Griego na isinaling “masidhi” ay may ideya ng pagbanat, o pagpuwersa pa nga. Kung minsan, baka kailangan nating “banatin” o “puwersahin” ang ating sarili para magkaroon tayo ng magiliw na pagmamahal sa isang kapananampalataya. Kapag nasaktan tayo ng iba, kailangan nating patuloy na ‘magpasensiya dahil sa pag-ibig at pagsikapang mapanatili ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.’ (Efe. 4:1-3) Kapag nagsisikap tayong “mapanatili ang kapayapaan,” hindi tayo magpopokus sa pagkakamali ng mga kapatid natin. Gagawin natin ang lahat para makita natin ang nakikita ni Jehova sa kanila.​—1 Sam. 16:7; Awit 130:3.

Pinayuhan sina Euodias at Sintique na magkasundo​—isang bagay na mahirap gawin kung minsan (Tingnan ang parapo 11)

11. Bakit mahirap kung minsan na magpakita ng magiliw na pagmamahal?

11 Hindi laging madali na magpakita ng magiliw na pagmamahal sa ating mga kapatid, lalo na kung nakikita natin ang mga pagkakamali nila. Lumilitaw na naging problema ito ng ilang unang-siglong Kristiyano. Halimbawa, malamang na naging madali para kina Euodias at Sintique na gumawang “kasama [ni Pablo] para sa mabuting balita.” Pero nahirapan silang pakisamahan ang isa’t isa. Kaya hinimok sila ni Pablo na “magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon.”​—Fil. 4:2, 3.

Puwedeng maging matalik na magkaibigan ang isang mas batang elder at isang may-edad na elder (Tingnan ang parapo 12)

12. Paano tayo makakapagpakita ng magiliw na pagmamahal sa mga kapatid?

12 Paano tayo makakapagpakita ng magiliw na pagmamahal sa mga kapatid ngayon? Habang mas nakikilala natin ang mga kapatid, mas magiging madali sa atin na maintindihan sila at magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa kanila. Hindi hadlang ang edad at pinagmulan. Tandaan, mga 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David, pero naging matalik silang magkaibigan. Mayroon bang mas matanda o mas bata sa iyo sa kongregasyon na puwede mong kaibiganin? Kapag ginawa mo iyan, ipinapakita mo na may “pag-ibig [ka] sa buong samahan ng mga kapatid.”​—1 Ped. 2:17.

Tingnan ang parapo 12 *

13. Bakit imposibleng maging matalik nating kaibigan ang lahat sa kongregasyon?

13 Kailangan bang maging matalik nating kaibigan ang lahat ng kapatid sa kongregasyon para masabing may magiliw na pagmamahal tayo sa mga kapananampalataya natin? Hindi, imposible iyan. Normal lang na maging mas malapít tayo sa ilang kapatid dahil kapareho natin sila ng mga hilig. Tinawag ni Jesus na “mga kaibigan” ang lahat ng apostol niya, pero mas naging malapít siya kay Juan. (Juan 13:23; 15:15; 20:2) Pero hindi nagpakita si Jesus ng paboritismo kay Juan. Halimbawa, nang humingi ng prominenteng posisyon sa Kaharian ng Diyos si Juan at ang kapatid niyang si Santiago, sinabi ni Jesus: “Hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko o sa kaliwa ko.” (Mar. 10:35-40) Gaya ni Jesus, hindi tayo dapat magpakita ng paboritismo sa malalapít nating kaibigan. (Sant. 2:3, 4) Dahil kung gagawin natin iyan, magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon, na hindi dapat mangyari.​—Jud. 17-19.

14. Ayon sa Filipos 2:3, ano ang makakatulong sa atin na huwag makipagkompetensiya?

14 Kapag nagpapakita tayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa, naiiwasan ang kompetisyon sa loob ng kongregasyon. Hindi nakipagkompetensiya si Jonatan kay David, at hindi niya ito itinuring na karibal sa trono. Puwede nating tularan si Jonatan. Huwag ituring na karibal ang mga kapatid dahil sa mga kakayahan nila, kundi “maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.” (Basahin ang Filipos 2:3.) Tandaan na ang bawat isa sa atin ay may maitutulong sa kongregasyon. Kung mananatili tayong mapagpakumbaba, makikita natin ang magagandang katangian ng mga kapatid at matututo tayo sa kanila.​—1 Cor. 12:21-25.

15. Ano ang matututuhan mo sa karanasan ni Tanya at ng pamilya niya?

15 Kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok, pinapatibay tayo ni Jehova sa pamamagitan ng magiliw na pagmamahal at praktikal na tulong ng mga kapatid. Tingnan ang nangyari sa isang pamilya matapos dumalo sa 2019 “Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo!” na Internasyonal na Kombensiyon sa United States. “Nang pabalik na kami sa hotel,” ang sabi ni Tanya, na may tatlong anak, “nawalan ng kontrol ang isang sasakyan at bumangga ito sa kotse namin. Wala namang nasaktan, pero na-shock kami. Bumaba kami ng kotse at napatayo na lang sa daan. May kumakaway sa amin sa may tabing-daan at pinapasakay kami sa kotse niya. Isang brother iyon na kagagaling lang din sa kombensiyon. At hindi lang siya ang huminto. Huminto rin ang limang delegado mula sa Sweden. Kami ng anak kong babae ay mahigpit na niyakap ng mga sister. Kailangang-kailangan namin iyon! Sinabi kong okey lang kami, pero ayaw nila kaming iwan. Hindi pa rin sila umalis kahit dumating na ang mga paramedic, at tiniyak nilang nasa amin ang lahat ng kailangan namin. Damang-dama namin ang pag-ibig ni Jehova! Ang karanasang ito ay nagpalalim ng pagmamahal namin sa mga kapatid at nagpasidhi ng pag-ibig namin kay Jehova. Abot-abot ang pasasalamat namin sa kaniya!” May panahon ba na nangailangan ka at may isang kapatid na nagpakita sa iyo ng magiliw na pagmamahal?

16. Bakit dapat tayong magpakita ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa?

16 Pag-isipan ang mga resulta kapag nagpapakita tayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Napapatibay natin ang mga kapatid na nangangailangan. Nakakatulong tayo sa pagkakaisa ng bayan ng Diyos. Napapatunayan nating mga alagad tayo ni Jesus, at napapansin ito ng mga tapat-puso kaya gugustuhin din nilang maglingkod kay Jehova. Higit sa lahat, naluluwalhati natin si Jehova, “ang Ama na magiliw at maawain at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.” (2 Cor. 1:3) Patuloy sana tayong magpakita ng magiliw na pagmamahal!

AWIT 130 Maging Mapagpatawad

^ par. 5 Sinabi ni Jesus na makikilala ang mga alagad niya dahil sa pag-ibig nila sa isa’t isa. Sinisikap nating lahat na makapagpakita ng pag-ibig. Dapat nating mahalin ang ating mga kapananampalataya gaya ng pagmamahal natin sa ating mga kapamilya. Tutulungan tayo ng artikulong ito na magkaroon at mapanatili ang magiliw na pagmamahal sa mga kapananampalataya natin.

^ par. 55 LARAWAN: Isang mas batang elder ang maraming natututuhan sa isang may-edad na elder. Inimbitahan siya ng may-edad na elder sa bahay nito. Sila at ang kani-kanilang asawa ay nagpakita ng pagmamahal at pagkabukas-palad sa isa’t isa.