ARALING ARTIKULO 1
“Ang mga Humahanap kay Jehova ay Hindi Magkukulang ng Anumang Mabuti”
TAUNANG TEKSTO PARA SA 2022: “Ang mga humahanap kay Jehova ay hindi magkukulang ng anumang mabuti.”—AWIT 34:10.
AWIT 4 “Si Jehova ang Aking Pastol”
NILALAMAN *
1. Anong mahirap na sitwasyon ang naranasan ni David?
TUMATAKAS si David kasi pursigido si Saul, ang makapangyarihang hari ng Israel, na patayin siya. Nang mangailangan ng pagkain si David, pumunta siya sa lunsod ng Nob para humingi ng limang tinapay. (1 Sam. 21:1, 3) Pagkatapos, nagtago siya at ang mga tauhan niya sa isang kuweba. (1 Sam. 22:1) Paano napunta si David sa ganitong sitwasyon?
2. Paano isinapanganib ni Saul ang sarili niya? (1 Samuel 23:16, 17)
2 Inggit na inggit si Saul kay David kasi mahal siya ng mga tao at marami siyang naipanalong labanan. Alam din ni Saul na itinakwil siya ni Jehova bilang hari ng Israel dahil sa pagsuway niya at na si David ang pinili ni Jehova na pumalit sa kaniya. (Basahin ang 1 Samuel 23:16, 17.) Pero hari pa rin si Saul noong panahong iyon. Malaki ang hukbo niya at marami siyang tagasuporta kaya kinailangang tumakas ni David para maligtas. Inisip kaya ni Saul na kaya niya talagang pigilan ang Diyos na gawing hari si David? (Isa. 55:11) Walang sinasabi ang Bibliya, pero isang bagay ang tiyak: Isinapanganib ni Saul ang sarili niya. Lahat ng lumalaban sa Diyos ay hindi magtatagumpay!
3. Ano ang naramdaman ni David kahit mahirap ang sitwasyon niya?
3 Hindi ambisyoso si David. Hindi naman niya talaga gustong maging hari ng Israel. Si Jehova ang nag-atas sa kaniya. (1 Sam. 16:1, 12, 13) Galit na galit si Saul kay David. Pero hindi sinisi ni David si Jehova dahil nanganib ang buhay niya. Hindi rin siya nagreklamo dahil nagkulang sila sa pagkain o dahil tumira sila sa isang kuweba. Sa halip, posible pa nga na noong nagtatago siya sa kuweba, doon niya ginawa ang magandang awit ng papuri kung saan mababasa ang temang teksto natin: “Ang mga humahanap kay Jehova ay hindi magkukulang ng anumang mabuti.”—Awit 34:10.
4. Anong mga tanong ang tatalakayin natin, at bakit ito mahalaga?
4 Sa ngayon, maraming lingkod ni Jehova ang kinakapos sa pagkain at iba pang pangangailangan sa araw-araw. * Totoong-totoo ito lalo na ngayong pandemic. At dahil malapit nang dumating ang “malaking kapighatian,” asahan natin na mas hihirap pa ang sitwasyon. (Mat. 24:21) Dahil diyan, magandang sagutin ang apat na tanong na ito: Paano ‘hindi nagkulang ng anumang mabuti’ si David? Bakit dapat tayong maging kontento? Bakit tayo makakapagtiwala na pangangalagaan tayo ni Jehova? At paano tayo makakapaghanda ngayon para sa hinaharap?
“HINDI AKO MAGKUKULANG NG ANUMAN”
5-6. Paano makakatulong ang Awit 23:1-6 para maintindihan natin ang sinabi ni David na “hindi magkukulang ng anumang mabuti” ang mga lingkod ng Diyos?
5 Ano ang ibig sabihin ni David nang sabihin niya na “hindi magkukulang ng anumang mabuti” ang mga lingkod ni Jehova? Magkakaideya tayo kung titingnan natin ang kaparehong pananalita sa Awit 23. (Basahin ang Awit 23:1-6.) Sinimulan ni David ang awit na iyan sa mga salitang ito: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman.” Sa iba pang bahagi ng awit, binanggit ni David ang mga bagay na talagang nagtatagal—ang mabubuting bagay na ibinigay sa kaniya ni Jehova dahil si Jehova ang kaniyang Pastol. Inakay siya ni Jehova “sa matuwid na mga landas,” at inaalalayan siya ni Jehova sa lahat ng pagkakataon. Alam ni David na magkakaroon pa rin siya ng mga problema kahit nasa “madamong mga pastulan” siya ni Jehova. Maaaring panghinaan siya ng loob na parang lumalakad “sa napakadilim na lambak,” at magkakaroon siya ng mga kaaway. Pero dahil si Jehova ang Pastol niya, ‘hindi matatakot’ si David.
6 Kaya nasagot ang tanong natin: Paanong ‘hindi nagkulang ng anumang mabuti’ si David? Nasa kaniya na ang lahat ng kailangan niya para manatiling malapít kay Jehova. Hindi niya kailangan ng maraming pag-aari para maging masaya. Kontento si David sa mga ibinibigay sa kaniya ni Jehova. Ang pinakamahalaga sa kaniya ay ang pagpapala at proteksiyon ng Diyos.
7. Ayon sa Lucas 21:20-24, anong mahirap na sitwasyon ang naranasan ng unang-siglong mga Kristiyano sa Judea?
7 Sa mga salita ni David, nakita natin na hindi materyal na mga bagay ang pinakamahalaga sa buhay. Puwede tayong mag-enjoy sa mga materyal na bagay na mayroon tayo, pero hindi ito ang dapat na maging pokus natin. Iyan ang natutuhan ng unang-siglong mga Kristiyano na nakatira sa Judea. (Basahin ang Lucas 21:20-24.) Binabalaan sila ni Jesus na darating ang panahon na ‘paliligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo.’ Kapag nangyari iyon, kailangan nilang ‘tumakas papunta sa mga kabundukan.’ Totoo, marami silang materyal na mga bagay na kailangang iwan pero maliligtas naman sila. Ganito ang sinabi ng Bantayan ilang taon na ang nakakaraan: “Iniwan nila ang mga bukid at mga tahanan, anupat ni hindi kinuha ang kanilang mga kagamitan mula sa kanilang mga tahanan. Palibhasa’y nagtitiwala sa proteksiyon at suporta ni Jehova, ang pagsamba sa kaniya ang kanilang inuna kaysa sa lahat ng iba pang bagay na waring mahalaga.”
8. Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa nangyari sa unang-siglong mga Kristiyano sa Judea?
8 Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa nangyari sa unang-siglong mga Kristiyano sa Judea? Sinabi ng Bantayan na binanggit kanina: “Maaaring may mga pagsubok sa hinaharap tungkol sa kung paano natin minamalas ang materyal na mga bagay; ang mga ito ba ang siyang pinakamahalagang bagay, o higit na mahalaga ang kaligtasang darating sa lahat ng nasa panig ng Diyos? Oo, ang ating pagtakas ay maaaring magsangkot ng ilang paghihirap at pagkakait. Kakailanganin nating maging handang gumawa ng anumang nararapat, gaya ng ginawa ng mga katumbas natin noong unang siglo na tumakas mula sa Judea.” *
9. Paano ka napatibay ng payo ni apostol Pablo sa mga Hebreo?
9 Naiisip mo ba kung gaano kahirap sa mga Kristiyanong iyon na iwan ang halos lahat ng pag-aari nila at magsimula ulit? Kailangan nila ng pananampalataya at umasang paglalaanan sila ni Jehova. Pero may nakatulong sa kanila. Limang taon bago palibutan ng mga Romano ang Jerusalem, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Hebreo: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera, at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo. Dahil sinabi niya: ‘Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.’ Kaya lalakas ang loob natin at masasabi natin: ‘Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’” (Heb. 13:5, 6) Tiyak na ang lahat ng sumunod sa payong ito ni Pablo ay hindi nahirapan sa bago nilang kalagayan. Buo ang tiwala nila na ibibigay ni Jehova ang mga pangangailangan nila. Tinitiyak sa atin ng mga sinabi ni Pablo na paglalaanan din tayo ni Jehova.
“MAGING KONTENTO NA TAYO”
10. Anong “sekreto” ang sinabi sa atin ni Pablo?
10 Ganiyan din ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo at dapat din natin itong sundin. Sinabi niya: “Kaya maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.” (1 Tim. 6:8) Ibig bang sabihin, hindi na tayo puwedeng kumain ng masarap na pagkain, tumira sa magandang bahay, o bumili ng mga bagong damit paminsan-minsan? Hindi naman ganiyan ang ibig sabihin ni Pablo. Ang sinasabi ni Pablo, dapat tayong maging kontento sa anumang bagay na mayroon tayo. (Fil. 4:12) Iyan ang “sekreto” ni Pablo. Ang pinakamahalagang pag-aari natin ay ang kaugnayan natin sa Diyos, hindi ang materyal na mga bagay na mayroon tayo.—Hab. 3:17, 18.
11. Anong aral tungkol sa pagiging kontento ang matututuhan natin sa sinabi ni Moises sa mga Israelita?
11 Pagdating sa pangangailangan natin, baka iba ang pananaw natin sa pananaw ni Jehova. Pansinin ang sinabi ni Moises sa mga Israelita matapos ang paninirahan nila sa ilang nang 40 taon: “Pinagpala ng Diyos ninyong si Jehova ang lahat ng ginawa ninyo. Sinubaybayan niya ang paglalakbay ninyo sa malaking ilang na ito. Sumainyo ang Diyos ninyong si Jehova sa 40 taóng ito at hindi kayo nagkulang ng anuman.” (Deut. 2:7) Sa loob ng 40 taóng iyon, binigyan ni Jehova ang mga Israelita ng manna para makain. Hindi man lang naluma ang mga damit nila—ang mismong suot nila nang lumabas sila sa Ehipto. (Deut. 8:3, 4) Inisip ng ilan na hindi iyon sapat, pero ipinaalala ni Moises sa mga Israelita na kumpleto sila ng lahat ng pangangailangan nila. Mapapasaya natin si Jehova kung magiging kontento tayo—na pahalagahan natin at pasalamatan kahit ang mga simpleng bagay na ibinibigay niya.
MAGTIWALA NA PANGANGALAGAAN KA NI JEHOVA
12. Ano ang nagpapakita na nagtiwala si David kay Jehova, hindi sa sarili niya?
12 Alam ni David na tapat si Jehova at na mahal na mahal Niya ang lahat ng nagmamahal sa Kaniya. Kahit nanganganib ang buhay niya nang isulat niya ang ika-34 na Awit, buo ang tiwala niya na “ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa palibot” niya. (Awit 34:7) Malamang na itinulad ni David ang anghel ni Jehova sa isang sundalo na nagkakampo sa isang lugar at palaging alisto sa pagdating ng kaaway. Kahit na isa siyang matapang na mandirigma at ipinangako ni Jehova na magiging hari siya, hindi nagtiwala si David sa husay niyang gumamit ng panghilagpos o ng espada. (1 Sam. 16:13; 24:12) Sa Diyos siya nagtiwala at sigurado siya na ililigtas ng anghel ni Jehova ang mga natatakot sa Kaniya. Siyempre, hindi natin inaasahan na poprotektahan tayo ni Jehova sa makahimalang paraan sa ngayon. Pero alam natin na ang mga nagtitiwala kay Jehova ay tatanggap ng buhay na walang hanggan sakaling mamatay sila.
13. Kapag umatake na si Gog ng Magog, bakit magmumukha tayong walang kalaban-laban, pero bakit hindi tayo dapat matakot? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
13 Malapit nang masubok ang tiwala natin sa kakayahan ni Jehova na protektahan tayo. Kapag inatake na ni Gog ng Magog o ng koalisyon ng mga bansa ang bayan ng Diyos, baka maisip natin na nanganganib ang buhay natin. Kailangan nating magtiwala na ililigtas tayo ni Jehova at na kaya niyang gawin iyon. Sa tingin ng mga bansa, para tayong mga tupa na walang kalaban-laban at walang proteksiyon. (Ezek. 38:10-12) Wala tayong mga armas at hindi rin tayo sinanay sa pakikipagdigma. Iisipin ng mga bansa na madali lang tayong matatalo. Hindi nila alam na nakahanda ang mga anghel ni Jehova para ipagtanggol ang bayan niya. Pero alam natin iyon dahil may pananampalataya tayo. Hindi sila nananampalataya kay Jehova, kaya magugulat na lang sila kapag nakipagdigma na ang mga hukbo sa langit para ipagtanggol tayo!—Apoc. 19:11, 14, 15.
MAGHANDA NA NGAYON
14. Ano ang puwede nating gawin ngayon bilang paghahanda sa mangyayari sa hinaharap?
14 Ano ang puwede nating gawin ngayon bilang paghahanda sa mangyayari sa hinaharap? Una sa lahat, kailangan nating magkaroon ng tamang pananaw sa materyal na mga bagay, kasi alam natin na darating ang panahon na iiwan natin ang lahat ng ito. Kailangan din nating maging kontento at gawing pinakamahalaga sa buhay natin ang kaugnayan natin kay Jehova. Kapag kilalang-kilala natin ang Diyos, lalo tayong magtitiwala sa kakayahan niyang protektahan tayo kapag umatake na si Gog ng Magog.
15. Bakit nagtitiwala si David na hinding-hindi siya bibiguin ni Jehova?
15 Pansinin kung ano pa ang nakatulong kay David na makakatulong din sa atin na paghandaan ang mga pagsubok. Sinabi ni David: “Subukin ninyo si Jehova at makikita ninyong mabuti siya; maligaya ang taong nanganganlong sa kaniya.” (Awit 34:8) Makikita sa sinabi ni David kung bakit makakapagtiwala siya na tutulungan siya ni Jehova. Laging umaasa si David kay Jehova, at hindi siya binigo ni Jehova kahit kailan. Noong bata pa siya, hinarap ni David ang higanteng Filisteo na si Goliat at sinabi sa malakas na mandirigmang iyon: “Sa mismong araw na ito ay isusuko ka ni Jehova sa kamay ko.” (1 Sam. 17:46) Nang maglaon, noong naglilingkod si David kay Haring Saul, ilang beses siyang tinangkang patayin nito. Pero si “Jehova ay sumasakaniya.” (1 Sam. 18:12) Dahil maraming beses nang naranasan ni David ang tulong ni Jehova, buo ang tiwala ni David na tutulungan siya ni Jehova sa mga problema niya.
16. Sa anong mga kalagayan natin masusubok ang kabutihan ni Jehova?
16 Habang umaasa tayo sa patnubay ni Jehova ngayon, lalo tayong magtitiwala sa kakayahan niyang iligtas tayo sa hinaharap. Kailangan nating manampalataya at umasa kay Jehova kapag magpapaalam tayo sa employer natin para makadalo ng asamblea o kombensiyon o kapag hihilingin nating baguhin ang iskedyul natin sa trabaho para makadalo sa lahat ng pulong at magkaroon ng mas maraming panahon sa ministeryo. Paano kung hindi tayo payagan at mawalan tayo ng trabaho? Nananampalataya ba tayo kay Jehova na hindi niya tayo pababayaan at lagi niyang ibibigay ang mga pangangailangan natin? (Heb. 13:5) Naranasan ng maraming nasa buong-panahong paglilingkod ang tulong ni Jehova noong mga panahong kailangang-kailangan nila ito. Talagang tapat at maaasahan si Jehova.
17. Ano ang taunang teksto para sa 2022, at bakit angkop ang tekstong ito?
17 Dahil nasa panig natin si Jehova, hindi tayo dapat matakot sa mangyayari sa hinaharap. Hinding-hindi tayo pababayaan ng ating Diyos hangga’t inuuna natin ang Kaharian. Para matulungan tayong mapaghandaan ang mahihirap na kalagayang darating at magtiwalang hindi tayo pababayaan ni Jehova, pinili ng Lupong Tagapamahala ang Awit 34:10 na maging taunang teksto natin para sa 2022: “Ang mga humahanap kay Jehova ay hindi magkukulang ng anumang mabuti.”
AWIT 38 Tutulungan Ka Niya
^ Ang taunang teksto natin para sa 2022 ay kinuha sa Awit 34:10: “Ang mga humahanap kay Jehova ay hindi magkukulang ng anumang mabuti.” Maraming tapat na lingkod ni Jehova ang kapos sa materyal. Kaya paano natin masasabi na ‘hindi sila nagkukulang ng anumang mabuti’? At paano makakatulong ang tekstong ito para maharap natin ang mga darating na pagsubok?
^ Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Setyembre 15, 2014, isyu ng Bantayan.
^ Tingnan ang Mayo 1, 1999, isyu ng Bantayan, p. 19.