Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 5

‘Gamitin sa Pinakamabuting Paraan ang Oras Mo’

‘Gamitin sa Pinakamabuting Paraan ang Oras Mo’

“Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”​—EFE. 5:15, 16.

AWIT 8 Si Jehova ang Ating Kanlungan

NILALAMAN *

1. Paano tayo maglalaan ng panahon para makasama si Jehova?

 MASAYA tayong makasama ang mga mahal natin sa buhay. Gustong-gusto ng masayang mga mag-asawa kapag naglalaan sila ng panahon sa isa’t isa. Masaya rin ang mga kabataan na makasama ang mga kaibigan nila. At masaya tayong lahat kapag kasama natin ang mga kapananampalataya natin. Pero higit sa lahat, gustong-gusto nating makasama o bigyan ng panahon ang Diyos natin. Magagawa natin ito kung mananalangin tayo, babasahin ang Salita niya, at bubulay-bulayin ang layunin niya at magagandang katangian. Napakahalaga talagang maglaan ng panahon para makasama si Jehova.​—Awit 139:17.

2. Bakit tayo nahihirapang maglaan ng panahon para kay Jehova?

2 Gustong-gusto nating makasama si Jehova, pero hindi iyon madali. Napakarami nating ginagawa araw-araw, kaya ang hirap maglaan ng panahon para sa espirituwal na mga bagay. Halos wala na tayong panahong manalangin, mag-aral, o magbulay-bulay dahil sa trabaho, pananagutan sa pamilya, at iba pang mahalagang gawain.

3. Ano pa ang puwedeng umagaw ng oras natin?

3 May isa pang puwedeng umagaw ng oras natin. Kung hindi tayo maingat, baka magamit natin ang oras natin na para sana kay Jehova sa mga bagay na hindi naman talaga masama, gaya ng libangan. Nakakatulong naman sa atin ang paminsan-minsang paglilibang. Pero kahit kapaki-pakinabang ang paglilibang, baka kumain ito ng malaking panahon at halos wala nang maiwan para sa espirituwal na mga bagay. Tandaan na hindi paglilibang ang pinakamahalagang bagay.​—Kaw. 25:27; 1 Tim. 4:8.

4. Ano ang tatalakayin natin?

4 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit mahalagang magtakda tayo ng tamang priyoridad. Titingnan din natin kung paano natin magagamit ang ating oras para kay Jehova sa pinakamabuting paraan at kung ano ang mga pakinabang natin kapag ginawa natin ito.

MAGING MATALINO SA PAGPILI; MAGTAKDA NG TAMANG PRIYORIDAD

5. Paano makakatulong sa isang kabataan ang payo sa Efeso 5:15-17 para mapili niya ang pinakamagandang gawin sa buhay?

5 Piliin ang pinakamagandang gawin sa buhay. Madalas pag-isipan ng mga kabataan kung paano gagamitin sa pinakamagandang paraan ang buhay nila. Baka payuhan sila ng mga guro nila at mga kapamilyang di-Saksi na kumuha ng mataas na edukasyon para magkaroon sila ng magandang trabaho at kumita nang malaki. Malaking panahon ang kailangan dito. Baka payuhan naman sila ng mga magulang at kaibigan nila sa kongregasyon na gamitin ang buhay nila sa paglilingkod kay Jehova. Ano ang makakatulong sa isang kabataang nagmamahal kay Jehova para makagawa ng pinakamagandang desisyon? Makakatulong kung babasahin niya at bubulay-bulayin ang sinasabi sa Efeso 5:15-17. (Basahin.) Pagkatapos basahin ang mga talatang ito, puwedeng pag-isipan ng isang kabataan: ‘Ano kaya ang “kalooban ni Jehova”? Anong desisyon ang magpapasaya sa kaniya? Saan ko kaya magagamit sa pinakamatalinong paraan ang panahon ko?’ Tandaan, “napakasama na ng panahon,” at malapit nang magwakas ang mundong ito na pinamamahalaan ni Satanas. Kaya tama lang na gamitin natin ang ating buhay sa paraang magpapasaya kay Jehova.

6. Ano ang pinili ni Maria, at bakit matalinong pagpili iyon?

6 Magtakda ng tamang priyoridad. Kung minsan, para magamit natin sa pinakamabuting paraan ang oras natin, kailangan nating mamili sa dalawang bagay na pareho namang hindi mali. Maiintindihan natin iyan sa nangyari noong dumalaw si Jesus sa bahay nina Maria at Marta. Tiyak na masayang-masaya si Marta na bibisita si Jesus. Naghanda siya ng maraming pagkain. Pero sinamantala ng kapatid niyang si Maria ang pagdalaw na iyon ng kanilang Panginoon. Umupo siya sa paanan ni Jesus at nakinig sa itinuturo nito. Maganda naman ang intensiyon ni Marta, pero “pinili ni Maria ang pinakamabuting bahagi.” (Luc. 10:38-42, tlb.) Sa paglipas ng panahon, baka nalimutan na ni Maria ang mga inihandang pagkain nang pagkakataong iyon, pero tiyak na hindi niya nalimutan ang mga natutuhan niya kay Jesus. Pinahalagahan ni Maria ang panahong makasama si Jesus, at pinapahalagahan din natin ang panahong makasama si Jehova. Paano natin magagamit sa pinakamabuting paraan ang panahong iyon?

GAMITIN SA PINAKAMABUTING PARAAN ANG ORAS MO PARA KAY JEHOVA

7. Bakit napakahalagang maglaan ng panahon para sa pananalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay?

7 Tandaan na bahagi ng ating pagsamba ang pananalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay. Kapag nananalangin tayo, nakikipag-usap tayo sa ating Ama sa langit, na talagang nagmamahal sa atin. (Awit 5:7) Kapag nag-aaral tayo ng Bibliya, kumukuha tayo ng “kaalaman tungkol sa Diyos,” ang Pinagmumulan ng lahat ng karunungan. (Kaw. 2:1-5) Kapag nagbubulay-bulay tayo, pinag-iisipan natin ang magagandang katangian ni Jehova pati na ang kahanga-hangang layunin niya para sa atin at sa lahat ng tao. Iyan ang pinakamagandang paraan na magagamit natin ang panahon natin. Pero paano natin masusulit ang limitadong panahon natin?

May mahahanap ka bang tahimik na lugar para sa personal na pag-aaral mo? (Tingnan ang parapo 8-9)

8. Ano ang matututuhan natin kay Jesus tungkol sa paggamit ng panahon noong nasa ilang siya?

8 Kung posible, pumili ng tahimik na lugar. Tingnan ang halimbawa ni Jesus. Bago niya simulan ang ministeryo niya sa lupa, gumugol si Jesus ng 40 araw sa ilang. (Luc. 4:1, 2) Sa tahimik na lugar na iyon, nanalangin si Jesus kay Jehova at binulay-bulay ang kalooban ng kaniyang Ama para sa kaniya. Siguradong nakatulong iyon para maharap ni Jesus ang mga pagsubok na darating. Ano ang matututuhan mo sa ginawang ito ni Jesus? Kung marami kayo sa bahay, baka mahirapan kang humanap ng tahimik na lugar. Kaya baka makahanap ka ng ibang lugar sa labas ng bahay ninyo. Ganiyan ang ginagawa ni Julie kapag gusto niyang maglaan ng panahon para manalangin kay Jehova. Maliit lang ang apartment nilang mag-asawa sa France, at mahirap humanap ng pagkakataong makapag-isa at makapagpokus. “Kaya araw-araw akong nagpupunta sa park,” ang sabi ni Julie. “Doon, mag-isa ako kaya nakakapag-isip ako at talagang kinakausap ko si Jehova.”

9. Kahit maraming ginagawa si Jesus, paano niya ipinakita na mahalaga sa kaniya ang kaugnayan niya kay Jehova?

9 Napakaraming ginagawa ni Jesus. Sa kaniyang ministeryo dito sa lupa, sinusundan siya ng mga tao kahit saan siya pumunta, at gusto nilang lahat na makasama siya. Sa isang pagkakataon, “ang mga tao sa buong lunsod ay natipon sa may pintuan ng bahay” para makita siya. Pero sinigurado ni Jesus na lagi siyang may panahon para patibayin ang kaugnayan niya kay Jehova. Bago sumikat ang araw, nakakita siya ng “isang liblib na lugar” kung saan makakapaglaan siya ng panahon para makasama ang kaniyang Ama.​—Mar. 1:32-35.

10-11. Ayon sa Mateo 26:40, 41, anong napakahalagang payo ang ibinigay ni Jesus sa mga alagad niya sa hardin ng Getsemani, pero ano ang nangyari?

10 Noong gabi bago mamatay si Jesus at malapit nang matapos ang ministeryo niya sa lupa, muli siyang naghanap ng tahimik na lugar para magbulay-bulay at manalangin. Nagpunta siya sa hardin ng Getsemani. (Mat. 26:36) Doon, binigyan ni Jesus ang mga alagad niya ng napakahalagang payo tungkol sa panalangin.

11 Pansinin kung ano ang nangyari. Gabing-gabi na nang makarating sila sa hardin ng Getsemani, malamang lampas na ng hatinggabi. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na “patuloy na magbantay,” saka siya lumayo para manalangin. (Mat. 26:37-39) Habang nananalangin siya, nakatulog sila. Nang madatnan niyang natutulog sila, sinabihan ulit sila ni Jesus na “patuloy [na] magbantay at manalangin.” (Basahin ang Mateo 26:40, 41.) Alam ni Jesus na pagod na pagod na sila. Naiintindihan niya na “mahina ang laman.” Dalawang beses pang umalis si Jesus para manalangin. Pero pagbalik niya, natutulog pa rin ang mga alagad niya sa halip na nananalangin.​—Mat. 26:42-45.

Puwede ka bang maglaan ng panahon sa pananalangin sa oras na hindi ka pa masyadong pagod? (Tingnan ang parapo 12)

12. Ano ang puwede nating gawin kapag nahihirapan tayong manalangin dahil sa sobrang pagod o dami ng problema?

12 Pumili ng tamang oras. Baka nahihirapan tayong manalangin kung minsan dahil sa sobrang pagod o dami ng problema. Kung naranasan mo na iyan, hindi ka nag-iisa. Ano ang puwede mong gawin? Marami sa mga nananalangin kay Jehova bago matulog ang nagsabi na magandang agahan nang kaunti ang pananalangin sa gabi kapag hindi pa sila masyadong pagod. Sinasabi naman ng ilan na mas nakakapagpokus sila sa pananalangin kapag maganda ang posisyon nila. Paano naman kung nahihirapan kang manalangin dahil nanghihina ang loob mo o napakarami mong iniisip? Sabihin mo kay Jehova ang nararamdaman mo. Tiyak na maiintindihan ka ng ating maawaing Ama.​—Awit 139:4.

Maiiwasan mo bang sumagot sa mga text at e-mail sa panahon ng pulong? (Tingnan ang parapo 13-14)

13. Paano puwedeng makagambala ang mga gadyet sa oras natin para kay Jehova?

13 Iwasan ang panggambala kapag nag-aaral ka. Bukod sa panalangin, may iba pang paraan para lalo tayong maging malapít kay Jehova. Makakatulong din ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagdalo sa mga pulong. May naiisip ka bang paraan para mas makinabang ka sa pag-aaral mo at sa pagdalo sa mga pulong? Tanungin ang sarili, ‘Ano ang nakakagambala sa akin sa pakikinig ko sa pulong o kapag nag-aaral ako?’ Nagagambala ba ako ng mga tawag, e-mail, o text sa cellphone ko o sa iba pang gadyet? Bilyon-bilyon ang nakikinabang sa mga gadyet na ito. Pero sinabi ng ilang mananaliksik na kapag mayroon tayong cellphone sa tabi natin, puwede na itong makagambala at mawala ang pokus natin. “Wala ang isip mo sa ginagawa mo,” ang sabi ng isang propesor sa psychology. “Lumilipad ang isip mo.” Bago magsimula ang mga asamblea at kombensiyon, madalas tayong sinasabihan na i-adjust ang setting ng mga gadyet natin para hindi ito makagambala sa iba. Puwede rin ba natin itong gawin kahit mag-isa tayo para hindi tayo magambala sa oras na ibinibigay natin para kay Jehova?

14. Ayon sa Filipos 4:6, 7, paano tayo matutulungan ni Jehova na makapagpokus?

14 Hilingin kay Jehova na tulungan kang makapagpokus. Kapag napansin mong lumilipad ang isip mo sa panahon ng pag-aaral o pulong, hingin ang tulong ni Jehova. Kapag nag-aalala ka o maraming iniisip, baka hindi madaling isaisantabi ang mga álalahanín mo at magpokus sa espirituwal na mga bagay, pero napakahalagang gawin mo iyon. Humiling ng kapayapaan sa Diyos na magbabantay sa puso at “isip” mo.​—Basahin ang Filipos 4:6, 7.

MAKIKINABANG KA SA PANAHONG INILALAAN MO PARA KAY JEHOVA

15. Ano ang isang pakinabang kapag naglalaan tayo ng panahon kay Jehova?

15 Kapag naglalaan tayo ng panahon para makipag-usap, makinig, at magbulay-bulay tungkol kay Jehova, makikinabang tayo. Paano? Una, makakagawa ka ng mas magagandang desisyon. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na “ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.” (Kaw. 13:20) Kaya kapag naglalaan ka ng panahon para makasama ang Pinagmumulan ng karunungan, si Jehova, magiging mas marunong ka. Mas maiintindihan mo kung paano siya mapapasaya at maiiwasan mong gumawa ng desisyong makakasakit sa kaniya.

16. Paano makakatulong ang paglalaan natin ng panahon kay Jehova para maging mas mahusay tayong guro?

16 Ikalawa, magiging mas mahusay kang guro. Ang isa sa pinakamahalagang tunguhin natin para sa isang Bible study ay tulungan siya na mapalapít kay Jehova. Kapag lagi tayong nananalangin sa ating Ama sa langit at nag-aaral tungkol sa kaniya, lalo natin siyang mamahalin at mas madali nating matuturuan ang Bible study natin na mahalin din si Jehova. Ganiyan si Jesus. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad tungkol sa kaniyang Ama sa maibiging paraan kaya minahal din nila si Jehova.​—Juan 17:25, 26.

17. Bakit nakakatulong ang panalangin at pag-aaral para tumibay ang pananampalataya natin?

17 Ikatlo, lalong titibay ang pananampalataya mo. Ano ang nangyayari kapag humihingi ka sa Diyos ng patnubay, pampatibay, o suporta? Sa tuwing sinasagot ni Jehova ang mga panalangin mo, lalong tumitibay ang pananampalataya mo sa kaniya. (1 Juan 5:15) Ano pa ang makakapagpatibay sa pananampalataya mo? Personal na pag-aaral. Tandaan, “nagkakaroon lang ng pananampalataya kapag narinig ang mensahe.” (Roma 10:17) Pero bukod sa pagkuha ng kaalaman, may kailangan pa tayong gawin para tumibay ang pananampalataya natin. Ano iyon?

18. Ilarawan kung bakit kailangan nating magbulay-bulay.

18 Kailangan nating bulay-bulayin ang lahat ng natututuhan natin. Tingnan ang karanasan ng manunulat ng Awit 77. Nagdurusa siya kasi iniisip niya na naiwala na niya at ng mga kapuwa niya Israelita ang pagsang-ayon ni Jehova. Hindi siya makatulog dahil sa sobrang pag-aalala. (Talata 2-8) Ano ang ginawa niya? Sinabi niya kay Jehova: “Bubulay-bulayin ko ang lahat ng gawain mo, at pag-iisipan ko ang mga pakikitungo mo.” (Talata 12) Siyempre, alam na alam ng salmista ang ginawa ni Jehova para sa Kaniyang bayan noon. Pero naiisip pa rin ng salmista: “Nalimutan na ba ng Diyos na ipakita ang kaniyang kagandahang-loob, o naglaho na ba ang awa niya dahil sa kaniyang galit?” (Talata 9) Binulay-bulay ng salmista ang mga ginawa ni Jehova at kung paano nagpakita ng awa sa kanila ang Diyos. (Talata 11) Ano ang naging resulta? Naging kumbinsido ang salmista na hindi pababayaan ni Jehova ang bayan niya. (Talata 15) Kaya kung bubulay-bulayin mo rin ang ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan at ang ginawa niya para sa iyo, lalong titibay ang pananampalataya mo.

19. Ano pa ang pakinabang sa paglalaan natin ng panahon para kay Jehova?

19 Ikaapat, at ang pinakamahalaga sa lahat, lalong lalalim ang pag-ibig mo kay Jehova. Sa lahat ng iba pang katangian, pag-ibig ang magpapakilos sa iyo na sundin si Jehova, magsakripisyo para mapasaya siya, at tiisin ang anumang pagsubok. (Mat. 22:37-39; 1 Cor. 13:4, 7; 1 Juan 5:3) Wala nang hihigit pa sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova!—Awit 63:1-8.

20. Paano mo matitiyak na may panahon ka para kay Jehova?

20 Tandaan na ang pananalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay ay bahagi ng ating pagsamba. Gaya ni Jesus, maghanap ng tahimik na lugar para makasama si Jehova. Iwasan ang di-kinakailangang mga panggambala. Hilingin kay Jehova na tulungan kang makapagpokus. Kung gagamitin mo sa pinakamabuting paraan ang oras mo ngayon, pagpapalain ka ni Jehova ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan.​—Mar. 4:24.

AWIT 28 Maging Kaibigan ni Jehova

^ Si Jehova ang pinakamalapít nating Kaibigan. Pinapahalagahan natin ang pakikipagkaibigan sa kaniya, at gusto nating makilala pa siya nang higit. Panahon ang kailangan para makilala ang isang tao, at ganiyan din kung gusto nating makipagkaibigan kay Jehova. Pero sa ngayon, napakarami nating ginagawa. Kaya paano tayo maglalaan ng panahon para maging malapít tayo sa ating Ama sa langit, at ano ang mga pakinabang natin?