ARALING ARTIKULO 5
“Ang Pag-ibig ng Kristo ang Nagpapakilos sa Amin”
“Ang pag-ibig ng Kristo ang nagpapakilos sa amin . . . nang sa gayon, ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila.”—2 COR. 5:14, 15.
AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran
NILALAMAN a
1-2. (a) Ano ang puwede nating maramdaman kapag pinag-isipan natin ang buhay at ministeryo ni Jesus? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
KAPAG namatayan tayo ng isang mahal sa buhay, siguradong miss na miss na natin siya! Sa umpisa, baka sobrang nagdadalamhati tayo kapag iniisip natin ang mga huling sandali ng buhay niya, lalo na kung nahirapan talaga siya bago mamatay. Pero sa paglipas ng panahon, nagiging masaya ulit tayo kapag iniisip natin ang mga itinuro niya sa atin o ang mga bagay na ginawa o sinabi niya para patibayin o pasayahin tayo.
2 Nalulungkot din tayo kapag binabasa natin ang tungkol sa pagdurusa at kamatayan ni Jesus. Sa panahon ng Memoryal, talagang naglalaan tayo ng panahon para pag-isipang mabuti kung gaano kahalaga ang haing pantubos ni Jesus. (1 Cor. 11:24, 25) Pero nagiging masaya tayo kapag binubulay-bulay natin ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus noong nasa lupa siya. Napapatibay rin tayo kapag pinag-iisipan natin kung ano ang ginagawa niya ngayon at ang gagawin niya para sa atin sa hinaharap. Kapag binubulay-bulay natin ang mga bagay na ito at ang pag-ibig niya para sa atin, mapapakilos tayo nito na ipakita ang pasasalamat natin sa iba’t ibang paraan, gaya ng makikita natin sa artikulong ito.
SUMUSUNOD TAYO KAY JESUS BILANG PASASALAMAT
3. Bakit dapat lang na magpasalamat tayo sa pantubos?
3 Nagpapasalamat tayo kapag binubulay-bulay natin ang buhay at kamatayan ni Jesus. Noong nasa lupa siya, tinuruan niya ang mga tao tungkol sa mga pagpapala na ibibigay ng Kaharian ng Diyos. Talagang pinapahalagahan natin ang mga katotohanang iyan. Ang laki ng pasasalamat natin sa pantubos kasi nagkaroon tayo ng pagkakataong maging kaibigan ni Jehova at ni Jesus. May pag-asa ring mabuhay magpakailanman ang mga nananampalataya kay Jesus at puwede rin nilang makasamang muli ang mga namatay nilang mahal sa buhay. (Juan 5:28, 29; Roma 6:23) Wala tayong ginawa para maging karapat-dapat sa mga pagpapalang ito, at hindi rin natin kailanman mababayaran ang ginawa ng Diyos at ni Kristo para sa atin. (Roma 5:8, 20, 21) Pero maipapakita naman natin na talagang pinapahalagahan natin ang mga ito. Paano?
4. Paano ipinakita ni Maria Magdalena ang pasasalamat niya kay Jesus? (Tingnan ang larawan.)
4 Tingnan ang halimbawa ng babaeng Judio na si Maria Magdalena. Sinapian siya ng pitong demonyo, kaya sobra-sobra ang paghihirap niya. Siguradong iniisip niya na wala na siyang pag-asa. Kaya isipin na lang ang pasasalamat niya nang palayasin ni Jesus ang mga demonyong iyon sa katawan niya! Sa laki ng pasasalamat niya, naging tagasunod siya ni Jesus. Ginamit niya ang panahon niya, lakas, at mga pag-aari para suportahan siya sa ministeryo. (Luc. 8:1-3) Ganoon na lang ang pagpapahalaga ni Maria sa ginawa ni Jesus para sa kaniya kahit hindi niya alam na higit pa roon ang gagawin ni Jesus. Ibibigay ni Jesus ang buhay niya alang-alang sa mga tao “para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya” ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Sa pananatiling tapat ni Maria, ipinakita niyang nagpapasalamat siya kay Jesus. Noong nasa pahirapang tulos si Jesus, naroon si Maria para damayan siya at ang iba. (Juan 19:25) Nang mamatay si Jesus, nagpunta si Maria at ang dalawa pang babae sa libingan ni Jesus at nagdala ng mababangong sangkap para ipahid sa katawan niya. (Mar. 16:1, 2) Talagang pinagpala ang katapatan ni Maria. Tuwang-tuwa siya nang makita niya at makausap ang binuhay-muling si Jesus—isang pribilehiyo na hindi naranasan ng maraming alagad.—Juan 20:11-18.
5. Paano natin maipapakita ang pasasalamat sa lahat ng ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin?
5 Maipapakita rin natin ang pasasalamat natin sa lahat ng ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin kung gagamitin natin ang ating panahon, lakas, at pera para suportahan ang gawaing pang-Kaharian. Halimbawa, puwede tayong magboluntaryo sa pagtatayo at pagmamantini ng mga gusaling ginagamit natin sa dalisay na pagsamba.
PAPAKILUSIN TAYO NG PAG-IBIG KAY JEHOVA AT KAY JESUS NA MAHALIN ANG IBA
6. Bakit natin masasabi na regalo para sa bawat isa sa atin ang pantubos?
6 Kapag iniisip natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova at ni Jesus, napapakilos tayo na mahalin din sila. (1 Juan 4:10, 19) At lalo natin silang minamahal kapag naaalala natin na namatay si Jesus para sa bawat isa sa atin. Totoo iyan para kay apostol Pablo at ipinakita niya ang pasasalamat niya nang sumulat siya sa mga taga-Galacia. Sinabi niya: ‘Ang Anak ng Diyos ay nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.’ (Gal. 2:20) Sa bisa ng pantubos, inilapit ka ni Jehova sa kaniya para maging kaibigan niya. (Juan 6:44) Hindi ba’t nakakatuwang malaman na may nakitang mabuti si Jehova sa iyo at na ang laki ng ibinayad niya para maging kaibigan ka niya? Hindi ba’t lalo mong minahal si Jehova at si Jesus? Kaya tanungin ang sarili, ‘Paano ako mapapakilos ng pag-ibig na iyan?’
7. Gaya ng nasa larawan, paano natin maipapakita ang pag-ibig natin para kay Jehova at kay Jesus? (2 Corinto 5:14, 15; 6:1, 2)
7 Napapakilos tayo ng pag-ibig sa Diyos at kay Kristo na magpakita ng pag-ibig sa iba. (Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15; 6:1, 2.) Maipapakita natin ang pag-ibig na iyan kung masigasig tayong mangangaral. Kinakausap natin ang lahat ng tao. Hindi tayo namimili ng kakausapin dahil sa kanilang lahi, tribo, katayuan sa buhay, o pinag-aralan. Sa ganitong paraan, nagagawa natin ang kalooban ni Jehova dahil gusto niyang “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Tim. 2:4.
8. Paano natin maipapakitang mahal natin ang mga kapatid?
8 Maipapakita rin natin ang pag-ibig sa Diyos at kay Kristo kung mamahalin natin ang mga kapatid. (1 Juan 4:21) Talagang nagmamalasakit tayo at tinutulungan natin sila kapag may mga problema sila. Dinadamayan natin sila kapag namatayan sila ng mahal sa buhay, dinadalaw kapag may sakit sila, at ginagawa ang makakaya natin para mapatibay sila kapag nasisiraan sila ng loob. (2 Cor. 1:3-7; 1 Tes. 5:11, 14) Lagi natin silang ipinapanalangin, dahil alam natin na “napakalaki ng nagagawa ng pagsusumamo ng taong matuwid.”—Sant. 5:16.
9. Ano ang isa pang paraan para maipakita nating mahal natin ang mga kapatid?
9 Maipapakita rin nating mahal natin ang mga kapatid kung sisikapin nating makipagpayapaan sa kanila. Gusto nating tularan ang pagpapatawad ni Jehova. Hinayaan ni Jehova na mamatay ang kaniyang Anak para matubos ang mga kasalanan natin, kaya dapat na handa rin tayong magpatawad sa mga kapatid kapag nagkasala sila sa atin. Ayaw nating maging katulad ng masamang alipin na binanggit sa isang ilustrasyon ni Jesus. Kinansela ng hari ang napakalaking utang ng alipin, pero hindi nito nagawang patawarin ang kapuwa alipin niya na may mas maliit na utang sa kaniya. (Mat. 18:23-35) Kung may nakatampuhan ka sa kongregasyon ninyo, puwede ka bang maunang makipagpayapaan bago dumating ang araw ng Memoryal? (Mat. 5:23, 24) Kapag ginawa mo iyan, maipapakita mo na talagang mahal mo si Jehova at si Jesus.
10-11. Paano maipapakita ng mga elder na mahal nila si Jehova at si Jesus? (1 Pedro 5:1, 2)
10 Paano maipapakita ng mga elder na mahal nila si Jehova at si Jesus? Isang mahalagang paraan ay ang pangangalaga sa mga tupa ni Jesus. (Basahin ang 1 Pedro 5:1, 2.) Nilinaw iyan ni Jesus kay apostol Pedro. Matapos niyang ikaila si Jesus nang tatlong beses, gustong-gusto ni Pedro na patunayang mahal niya si Jesus. Nang buhaying muli si Jesus, tinanong niya si Pedro: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sigurado tayong gagawin ni Pedro ang lahat para patunayang mahal niya ang kaniyang Panginoon. Sinabi ni Jesus kay Pedro: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) At sa natitirang buhay ni Pedro, pinangalagaan niya ang mga tupa ng kaniyang Panginoon para patunayang mahal niya si Jesus.
11 Mga elder, sa panahon ng Memoryal, paano ninyo mapapatunayan na mahalaga sa inyo ang mga sinabi ni Jesus kay Pedro? Maipapakita ninyong mahal ninyo si Jehova at si Jesus kung regular ninyong papastulan ang kawan ng Diyos at kung magsisikap kayong tulungan ang mga di-aktibo na manumbalik kay Jehova. (Ezek. 34:11, 12) Puwede rin ninyong patibayin ang mga dadalo sa Memoryal gaya ng mga Bible study at mga interesado. Gusto nating maramdaman nila na welcome sila, dahil umaasa tayong magiging tagasunod din sila ni Jesus.
PAPAKILUSIN TAYO NG PAG-IBIG KAY KRISTO NA MAGPAKALAKAS-LOOB
12. Paano tayo matutulungan ng mga sinabi ni Jesus noong gabi bago siya mamatay na magkaroon ng lakas ng loob? (Juan 16:32, 33)
12 Noong gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan, pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Basahin ang Juan 16:32, 33.) Ano ang nakatulong kay Jesus na harapin ang mga kaaway niya nang may lakas ng loob at manatiling tapat hanggang kamatayan? Nagtiwala siya kay Jehova. Dahil alam niyang mararanasan din iyon ng mga tagasunod niya, hiniling ni Jesus kay Jehova na bantayan sila. (Juan 17:11) Bakit nagbibigay ito sa atin ng lakas ng loob? Dahil mas malakas si Jehova kaysa sa sinumang kaaway natin. (1 Juan 4:4) Nakikita ni Jehova ang lahat. Kumbinsido tayo na kung magtitiwala tayo kay Jehova, malalabanan natin ang takot at magkakaroon tayo ng lakas ng loob.
13. Paano nagpakita ng lakas ng loob si Jose ng Arimatea?
13 Tingnan ang halimbawa ni Jose ng Arimatea. Talagang iginagalang siya ng mga Judio dahil isa siyang miyembro ng Sanedrin, ang korte suprema ng mga Judio. Pero noong panahon ng ministeryo ni Jesus dito sa lupa, wala siyang lakas ng loob na magpakilalang alagad siya ni Jesus. Sinabi ni Juan na si Jose ay “alagad … ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.” (Juan 19:38) Kahit interesado si Jose sa mensahe ng Kaharian, hindi niya sinabi sa iba na nananampalataya siya kay Jesus. Natakot siya na baka mawala ang paggalang sa kaniya ng mga Judio kapag nalaman nila ito. Pero nang mamatay si Jesus, sinasabi ng Bibliya na si Jose ay “naglakas-loob [na] pumunta kay Pilato at hiningi niya ang katawan ni Jesus.” (Mar. 15:42, 43) Sa wakas, hindi na inilihim ni Jose sa mga tao na alagad siya ni Jesus.
14. Ano ang dapat mong gawin kung natatakot ka sa tao?
14 Naranasan mo na rin bang matakot sa tao, gaya ni Jose? Kapag nasa eskuwelahan ka o trabaho, nahihiya ka ba kung minsan na magpakilala na isa kang Saksi ni Jehova? Nagdadalawang-isip ka bang mangaral o magpabautismo dahil nag-aalala ka sa iisipin ng iba sa iyo? Huwag mong hayaan ang mga damdaming iyan na makapigil sa iyo na gawin ang tama. Manalangin nang marubdob kay Jehova. Humingi ng lakas ng loob para magawa ang kalooban niya. Habang nakikita mong sinasagot ni Jehova ang mga panalangin mo, lalong lalakas ang loob mo.—Isa. 41:10, 13.
PAPAKILUSIN TAYO NG KAGALAKAN NA PATULOY NA MAGLINGKOD KAY JEHOVA
15. Paano napakilos ng kagalakan ang mga alagad nang magpakita si Jesus sa kanila? (Lucas 24:52, 53)
15 Lungkot na lungkot ang mga alagad nang mamatay si Jesus. Isipin mong isa ka sa kanila. Namatayan sila ng mahal na kaibigan at posibleng nawalan rin sila ng pag-asa. (Luc. 24:17-21) Pero nang magpakita sa kanila si Jesus, tinulungan niya silang maintindihan kung ano ang papel niya sa pagtupad ng mga hula sa Bibliya. Binigyan din niya sila ng isang mahalagang gawain. (Luc. 24:26, 27, 45-48) Pagkalipas ng 40 araw, pag-akyat ni Jesus sa langit, napalitan ng kagalakan ang kalungkutan ng mga alagad dahil alam nilang buháy ang Panginoon nila at na tutulungan niya sila na magawa ang bago nilang atas. Ang kagalakan nilang iyon ang nagpakilos sa kanila na patuloy na purihin si Jehova.—Basahin ang Lucas 24:52, 53; Gawa 5:42.
16. Paano natin matutularan ang mga alagad ni Jesus?
16 Paano natin matutularan ang mga alagad ni Jesus? Magiging masaya rin tayo sa pagsamba kay Jehova, hindi lang sa panahon ng Memoryal, kundi sa buong taon. Para magawa iyan, kailangan nating unahin ang Kaharian ng Diyos sa buhay natin. Halimbawa, marami ang nag-adjust ng oras ng trabaho nila para makapangaral, makadalo sa mga pulong, at regular na makapag-family worship. May mga kapatid pa nga na hindi na bumili ng ilang materyal na bagay na iniisip ng iba na mahalaga. Ginawa nila iyon para mas magamit sila sa kongregasyon o makapaglingkod kung saan may mas malaking pangangailangan. Kailangan natin ng pagtitiis para patuloy na mapaglingkuran si Jehova, pero ipinapangako niya sa atin na pagpapalain niya tayo kung uunahin natin ang Kaharian.—Kaw. 10:22; Mat. 6:32, 33.
17. Ano ang determinado mong gawin sa panahon ng Memoryal? (Tingnan ang larawan.)
17 Nasasabik na tayong ipagdiwang ang Memoryal sa Martes, Abril 4. Pero hindi na natin kailangan pang hintayin ang araw na iyon para pag-isipan ang buhay at kamatayan ni Jesus, pati na ang pag-ibig na ipinakita niya at ni Jehova para sa atin. Samantalahin ang bawat pagkakataon mo na gawin iyan sa panahon ng Memoryal. Halimbawa, puwede mong basahin at pag-isipan ang mga pangyayaring nasa chart na “Huling Linggo ng Buhay ni Jesus sa Lupa” na makikita sa Apendise B12 ng Bagong Sanlibutang Salin. Habang ginagawa mo iyan, tingnan ang mga teksto na tutulong sa iyo na lalo pang magpakita ng pasasalamat, pag-ibig, lakas ng loob, at kagalakan. Pagkatapos, humanap ng mga paraan kung paano mo maipapakita ang pagpapahalaga mo. Makakatiyak kang hindi malilimutan ni Jesus ang lahat ng pagsisikap mo na alalahanin siya sa panahon ng Memoryal.—Apoc. 2:19.
AWIT 17 Handang Tumulong
a Sa panahon ng Memoryal, pinapasigla tayo na pag-isipang mabuti ang buhay ni Jesus at ang kamatayan niya, pati na ang pag-ibig na ipinakita niya at ng kaniyang Ama para sa atin. Kung gagawin natin iyan, mapapakilos tayo nito na ipakita ang pasasalamat natin sa pantubos at sa pag-ibig ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Tatalakayin sa artikulong ito ang ilang paraan para magawa iyan. Tatalakayin din natin kung paano tayo mapapakilos na mahalin ang mga kapatid, magkaroon ng lakas ng loob, at maging masaya sa paglilingkod.