Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 4

Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagsisikap na Ipagdiwang ang Memoryal

Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagsisikap na Ipagdiwang ang Memoryal

“Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”—LUC. 22:19.

AWIT 19 Ang Hapunan ng Panginoon

NILALAMAN a

1-2. Bakit tayo dumadalo sa Memoryal taon-taon?

 HALOS 2,000 taon na ang nakakaraan, ibinigay ni Jesus ang buhay niya para sa atin, kaya nagkaroon tayo ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. Noong gabi bago siya mamatay, inutusan ni Jesus ang mga tagasunod niya na alalahanin ang sakripisyong ginawa niya. Gagawin nila ito sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya na may tinapay at alak.—1 Cor. 11:23-26.

2 Sinusunod natin ang utos na ito ni Jesus dahil mahal na mahal natin siya. (Juan 14:15) Taon-taon sa panahon ng Memoryal, nagbibigay tayo ng panahon para manalangin at pag-isipan ang ibig sabihin ng kamatayan niya para ipakitang pinapahalagahan natin ang ginawa niya. Mas maraming panahon din ang ibinibigay natin sa ministeryo para imbitahan ang mas maraming tao sa espesyal na okasyong ito. At siyempre, hindi natin hahayaang may makahadlang sa pagdalo natin sa Memoryal.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong paraan kung saan ginawa ng bayan ni Jehova ang lahat ng magagawa nila para alalahanin ang kamatayan ni Jesus: (1) pagsunod sa halimbawang ibinigay ni Jesus, (2) pag-iimbita sa iba na dumalo sa Memoryal, at (3) pagdiriwang ng Memoryal kahit mahirap ang kalagayan.

PAGSUNOD SA HALIMBAWANG IBINIGAY NI JESUS

4. Anong mga katotohanan ang tinatalakay sa Memoryal taon-taon, at bakit napakahalaga sa atin ng mga katotohanang iyon? (Lucas 22:19, 20)

4 Taon-taon sa Memoryal, nakakapakinig tayo ng isang pahayag mula sa Bibliya at sinasagot nito ang ilang tanong. Nalalaman natin kung bakit kailangan ng mga tao ang pantubos at kung paano mababayaran ng kamatayan ng isang tao ang kasalanan ng marami. Ipinapaalala rin sa atin nito kung ano ang inilalarawan ng tinapay at alak at kung sino lang ang dapat makibahagi sa mga ito. (Basahin ang Lucas 22:19, 20.) At binubulay-bulay natin ang mga pagpapalang naghihintay sa mga may pag-asang mabuhay magpakailanman dito sa lupa. (Isa. 35:5, 6; 65:17, 21-23) Mahalaga sa atin ang mga katotohanang ito. Hindi iyan alam ng bilyon-bilyong tao, at hindi nila naiintindihan kung gaano kahalaga ang sakripisyo ni Jesus. Hindi rin nila ipinagdiriwang ang Memoryal ng kamatayan niya ayon sa halimbawang ibinigay niya. Bakit?

5. Ano ang nangyari sa halimbawang ibinigay ni Jesus pagkamatay ng karamihan ng apostol?

5 Nang mamatay ang halos lahat ng apostol ni Jesus, nakapasok sa loob ng kongregasyon ang mga huwad na Kristiyano. (Mat. 13:24-27, 37-39) ‘Pinipilipit nila ang katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.’ (Gawa 20:29, 30) Halimbawa, ginawa nila ito nang ituro nila na hindi inihandog ni Jesus ang katawan niya “nang minsanan para dalhin ang kasalanan ng marami,” gaya ng sinasabi ng Bibliya. (Heb. 9:27, 28) Sa halip, sinasabi nilang dapat itong gawin nang paulit-ulit. Sa ngayon, maraming tao ang naniniwala sa maling turong ito. Regular silang nagsisimba—araw-araw pa nga kung minsan—para isagawa ang tinatawag nilang “Banal na Komunyon.” b May ilang relihiyon naman na bihirang ipagdiwang ang kamatayan ni Jesus, at hindi naman talaga naiintindihan ng karamihan ng miyembro nila ang kahulugan ng sakripisyo ni Jesus. Baka may magtanong, ‘Talaga bang kayang mapatawad ng kamatayan ni Jesus ang mga kasalanan ko?’ Bakit nila itinatanong iyan? Kasi naimpluwensiyahan sila ng mga taong hindi naniniwala rito. Ano ang ginawa ng mga tunay na tagasunod ni Jesus para tulungan ang mga tao na maunawaan ang tungkol dito?

6. Noong 1872, ano ang naintindihan ng isang grupo ng mga estudyante ng Bibliya?

6 Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, masikap na pinag-aralan ng isang grupo ng mga estudyante ng Bibliya, sa pangunguna ni Charles Taze Russell, ang Kasulatan. Gusto nilang malaman ang katotohanan tungkol sa sakripisyo ni Jesus at kung paano dapat alalahanin ang kamatayan niya. Noong 1872, naging malinaw sa pag-aaral nila ng Bibliya na talagang ibinigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos para sa lahat ng tao. Hindi nila sinarili ang nalaman nila. Sa halip, gumamit sila ng mga aklat, diyaryo, at mga magasin para malaman din ito ng iba. Di-nagtagal, nagtitipon na rin sila nang isang beses sa isang taon para ipagdiwang ang Memoryal, gaya ng ginawa ng mga Kristiyano noong unang siglo.

7. Paano tayo nakikinabang sa ginawang pag-aaral ng mga estudyante ng Bibliya?

7 Nakikinabang din tayo sa pag-aaral na ginawa ng tapat na mga Kristiyanong iyon. Paano? Sa tulong ni Jehova, naintindihan natin ang kahulugan ng sakripisyo ni Jesus at kung ano ang gagawin nito para sa atin. (1 Juan 2:1, 2) Natutuhan din natin sa Bibliya na may dalawang pag-asang ibinibigay ang Diyos sa mga taong sinasang-ayunan niya—imortal na buhay sa langit para sa ilan at buhay na walang hanggan sa lupa para sa milyon-milyong iba pa. Lalo tayong napapalapit kay Jehova kapag pinag-iisipan natin kung gaano niya tayo kamahal at kung paano tayo personal na makikinabang sa sakripisyo ni Jesus. (1 Ped. 3:18; 1 Juan 4:9) Kaya gaya ng tapat na mga kapatid natin noon, iniimbitahan din natin ang iba sa pagdiriwang natin ng Memoryal ayon sa halimbawang ibinigay ni Jesus.

PAG-IIMBITA SA IBA NA DUMALO SA MEMORYAL

Ano ang puwede mong gawin para mas marami kang magawa para sa kampanya ng pag-iimbita sa Memoryal? (Tingnan ang parapo 8-10) e

8. Ano ang mga ginawa ng bayan ni Jehova para maimbitahan ang iba sa Memoryal? (Tingnan ang larawan.)

8 Maraming taon nang iniimbitahan ng bayan ni Jehova ang mga tao na ipagdiwang ang Memoryal. Mula pa noong 1881, iniimbitahan na ang mga kapatid sa United States na magtipong sama-sama sa isang bahay ng kapatid sa Allegheny, Pennsylvania, para ipagdiwang ang espesyal na okasyong ito. Nang maglaon, nagdiriwang na ng Memoryal ang bawat kongregasyon. Noong Marso 1940, sinabihan ang mga mamamahayag na puwede nilang imbitahan ang mga interesado sa teritoryo nila. At sa kauna-unahang pagkakataon, noong 1960, nagpadala ang Bethel sa mga kongregasyon ng mga inimprentang imbitasyon. Mula noon, bilyon-bilyong imbitasyon sa Memoryal ang ipinapamahagi. Bakit ganoon na lang ang pagsisikap nating maimbitahan ang iba?

9-10. Sino ang matutulungan natin kapag sinisikap nating imbitahan ang iba sa Memoryal? (Juan 3:16)

9 Nag-iimbita tayo sa Memoryal para malaman ng mga unang beses pa lang makakadalo rito ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa mga tao. (Basahin ang Juan 3:16.) Umaasa tayo na mapapakilos sila ng makikita at maririnig nila sa Memoryal para kumuha pa ng higit na impormasyon at maging mga lingkod ni Jehova. Pero hindi lang sila ang matutulungan ng Memoryal.

10 Iniimbitahan din natin ang mga huminto sa paglilingkod kay Jehova para ipaalala sa kanila na mahal pa rin sila ng Diyos. Marami sa kanila ang dumalo, at masayang-masaya tayong makita sila. Ipinaalala sa kanila ng Memoryal kung gaano sila kasaya noong naglilingkod pa sila kay Jehova. Tingnan ang halimbawa ni Monica. c Naging aktibong mamamahayag siya ulit nitong panahon ng COVID-19 pandemic. Nang makadalo siya ng Memoryal noong 2021, sinabi niya: “Napakaespesyal ng Memoryal na ito para sa ’kin. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 20 taon, nakapangaral ulit ako sa mga tao at naimbitahan sila sa Memoryal. Talagang ginawa ko ang lahat para imbitahan ang iba, kasi ang laki ng pasasalamat ko sa ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa ’kin.” (Awit 103:1-4) Dumalo man o hindi ang mga inimbitahan natin, sinisikap pa rin nating maimbitahan ang mga tao sa Memoryal kasi alam nating natutuwa si Jehova sa mga pagsisikap natin.

11. Paano pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap nating imbitahan ang mga tao sa Memoryal? (Hagai 2:7)

11 Talagang pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap natin na maimbitahan ang mga tao sa Memoryal. Noong 2021, mayroong 21,367,603 dumalo sa Memoryal kahit may mga restriksiyon dahil sa COVID-19 pandemic. Mahigit doble iyan ng bilang ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo! Pero siyempre, hindi lang naman interesado si Jehova sa bilang. Interesado siya sa bawat isa sa atin. (Luc. 15:7; 1 Tim. 2:3, 4) Makakasiguro tayo na ginagamit ni Jehova ang mga imbitasyon para tulungan tayong makita ang tapat-pusong mga tao.—Basahin ang Hagai 2:7.

PAGDIRIWANG NG MEMORYAL KAHIT MAHIRAP ANG KALAGAYAN

Pinagpapala ni Jehova ang mga pagsisikap natin na ipagdiwang ang Memoryal (Tingnan ang parapo 12) f

12. Anong mga kalagayan ang puwedeng makahadlang sa atin para ipagdiwang ang Memoryal? (Tingnan ang larawan.)

12 Inihula ni Jesus na sa mga huling araw, daranas tayo ng maraming paghihirap—pagsalansang ng kapamilya, pag-uusig, digmaan, epidemya, at marami pang iba. (Mat. 10:36; Mar. 13:9; Luc. 21:10, 11) Dahil sa mga ito, nahihirapan tayo kung minsan na alalahanin ang kamatayan ni Jesus. Ano ang ginawa ng mga kapatid natin para malampasan ang gayong mahihirap na kalagayan, at paano sila tinulungan ni Jehova?

13. Paano pinagpala ni Jehova ang lakas ng loob at determinasyon ni Artem na ipagdiwang ang Memoryal kahit nakabilanggo siya?

13 Pagkabilanggo. May mga kapatid tayo na nabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya, pero ginawa pa rin nila ang lahat para alalahanin ang kamatayan ni Jesus. Tingnan ang halimbawa ni Artem. Noong Memoryal ng 2020, nakakulong siya sa isang selda na may sukat na 17-metro-kuwadrado at kasya rito ang hanggang limang bilanggo. Kahit nakabilanggo siya, nakakuha pa rin siya ng mga emblemang puwedeng gamitin sa Memoryal, at naisip niyang magpahayag para makinabang siya sa Memoryal. Kaya lang, naninigarilyo at nagmumura ang mga kasama niya sa selda. Ano ang ginawa niya? Pinakiusapan niya sila kung puwedeng huwag silang magmura at manigarilyo sa loob lang ng isang oras. Nagulat si Artem kasi pumayag sila. Sinabi ni Artem, “Sinubukan kong ikuwento sa kanila ang tungkol sa Memoryal.” Tumanggi sila, pero nang makita nila at marinig kung paano ipinagdiwang ni Artem ang Memoryal, nagtanong sila sa kaniya tungkol dito.

14. Ano ang ginawa ng mga kapatid para maipagdiwang ang Memoryal kahit may COVID-19 pandemic?

14 COVID-19 pandemic. Dahil sa pandemic, pansamantalang inihinto ng bayan ng Diyos ang in-person na pagdiriwang ng Memoryal. Pero hindi iyan naging hadlang para ipagdiwang nila ito. d Ang mga kongregasyon na may Internet ay nakapagdiwang ng Memoryal gamit ang videoconference. Pero paano naman ang milyon-milyon na walang Internet? Sa ilang bansa, gumawa ng mga kaayusan para mai-broadcast ang pahayag sa TV o sa radyo. Bukod diyan, nagrekord din ang mga sangay ng pahayag sa mahigit 500 wika para maipagdiwang din ang Memoryal kahit ng mga nasa liblib na lugar. May mga brother naman na nagdala ng mga rekording na ito sa mga kapatid na nangangailangan nito.

15. Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ng Bible study na si Sue?

15 Pagsalansang ng kapamilya. Nahihirapan ang ilan na magdiwang ng Memoryal dahil sa pagsalansang ng kapamilya nila. Tingnan ang halimbawa ng Bible study na si Sue. Noong 2021, bago ang araw ng Memoryal, sinabi ni Sue sa nagba-Bible study sa kaniya na hindi siya makakadalo ng Memoryal dahil sinasalansang siya ng ilang kapamilya niya. Binasa ng nagtuturo sa kaniya ang Lucas 22:44. Pagkatapos, sinabi nito na kapag may mga problema tayo, dapat nating tularan ang halimbawa ni Jesus—manalangin kay Jehova at lubos na magtiwala sa Kaniya. Kinabukasan, inihanda ni Sue ang mga emblema at nanood ng espesyal na programa ng Pang-umagang Pagsamba sa jw.org. Nang gabing iyon sa kuwarto niya, kumonek siya sa Memoryal gamit ang cellphone niya. Pagkatapos, sumulat si Sue sa nagba-Bible study sa kaniya: “Napatibay mo ako kahapon. Ginawa ko ang lahat ng magagawa ko para makadalo sa Memoryal, at talagang tinulungan ako ni Jehova. Sobrang saya ko! Maraming salamat talaga.” Sa tingin mo, matutulungan ka rin kaya ni Jehova kapag nakaranas ka ng ganiyan?

16. Bakit tayo makakapagtiwala na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap natin na makadalo sa Memoryal? (Roma 8:31, 32)

16 Talagang pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap natin para alalahanin ang kamatayan ni Jesus. Siguradong pagpapalain niya tayo kapag ipinapakita nating nagpapasalamat tayo sa mga ginawa niya para sa atin. (Basahin ang Roma 8:31, 32.) Kaya tiyakin natin na makakadalo tayo sa Memoryal sa taóng ito at gawin ang makakaya natin para lubos na makibahagi sa espirituwal na mga gawain sa panahon ng Memoryal.

AWIT 18 Salamat sa Pantubos

a Sa Martes, Abril 4, 2023, ipagdiriwang ng milyon-milyon sa buong mundo ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Marami ang ngayon pa lang makakadalo rito. May mga naging di-aktibong Saksi sa loob ng maraming taon na ngayon lang ulit makakadalo. Ang ilan naman ay mapapaharap sa mabibigat na problema para lang madaluhan ito. Anuman ang sitwasyon mo, makakatiyak ka na pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap mong makadalo.

b Naniniwala ang mga miyembro nila na kapag isinasagawa nila ito, ang tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Kristo. Iniisip nila na inihahain ang katawan at dugo ni Jesus sa tuwing nakikibahagi ang isa sa seremonyang ito.

c Binago ang ilang pangalan.

d Tingnan din sa jw.org ang mga artikulo na may pamagat na “2021 Memoryal.”

e LARAWAN: Mula pa noong 1960’s, malaki na ang ipinagbago ng mga imbitasyon natin sa Memoryal at available na ito ngayon sa printed at electronic format.

f LARAWAN: Pagsasadula​—Nagdiriwang ang mga kapatid ng Memoryal kahit may kaguluhan sa lipunan.