Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 2

AWIT BLG. 19 Ang Hapunan ng Panginoon

Handa Ka Na Ba Para sa Pinakamahalagang Araw ng Taon?

Handa Ka Na Ba Para sa Pinakamahalagang Araw ng Taon?

“Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”​—LUCAS 22:19.

MATUTUTUHAN

Kung bakit napakahalaga ng Memoryal, kung paano tayo makakapaghanda para dito, at kung paano natin matutulungan ang iba na makadalo.   

1. Bakit ang Memoryal ang pinakamahalagang araw ng taon? (Lucas 22:​19, 20)

 PARA sa mga lingkod ni Jehova, ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ang pinakamahalagang araw ng taon. Ito lang ang okasyon na iniutos ni Jesus na alalahanin ng mga tagasunod niya. (Basahin ang Lucas 22:​19, 20.) Pag-usapan natin ang ilang dahilan kung bakit natin pinapanabikan ang araw ng Memoryal.

2. Ano ang ilang dahilan kung bakit pinapanabikan natin ang Memoryal?

2 Tinutulungan tayo ng Memoryal na mapag-isipan kung gaano kahalaga ang pantubos. Ipinapaalala rin nito kung paano natin maipapakita ang pagpapahalaga natin sa sakripisyo ni Jesus. (2 Cor. 5:​14, 15) May pagkakataon din tayong “makapagpatibayan” sa mga kapatid. (Roma 1:12) Marami ring inactive ang dumadalo sa Memoryal taon-taon. May ilan pa nga na napapakilos na manumbalik kay Jehova dahil sa pagtanggap sa kanila ng mga kapatid. At marami ang nagpapa-Bible study dahil sa mga nakita at narinig nila. Kaya talagang espesyal ang Memoryal para sa atin!

3. Paano pinagkakaisa ng Memoryal ang mga kapatid sa buong mundo? (Tingnan din ang larawan.)

3 Isipin din kung paano pinagkakaisa ng Memoryal ang mga kapatid sa buong mundo. Nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova pagkalubog ng araw sa iba’t ibang parte ng mundo. Lahat tayo, nakakapakinig ng pahayag na tumatalakay sa kahalagahan ng pantubos. Kumakanta rin tayo ng dalawang awit, ipinapasa ang mga emblema, at buong puso tayong nagsasabi ng “Amen” sa apat na panalangin. Sa loob lang ng mga 24 na oras, nagawa na iyan ng lahat ng kongregasyon. Siguradong napakasaya ni Jehova at ni Jesus na makita tayong nagkakaisa at pinaparangalan sila sa ganitong paraan!

Pinagkakaisa ng Memoryal ang mga kapatid sa buong mundo (Tingnan ang parapo 3)⁠ f


4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Tatalakayin sa artikulong ito ang mga tanong na ito: Paano natin maihahanda ang puso natin para sa Memoryal? Paano natin matutulungan ang iba na makinabang dito? At paano natin matutulungan ang mga inactive? Tutulong sa atin ang sagot sa mga tanong na iyan na maging handa sa napakahalagang okasyong ito.

PAANO NATIN MAIHAHANDA ANG PUSO NATIN PARA SA MEMORYAL?

5. (a) Bakit dapat nating pag-isipan ang kahalagahan ng pantubos? (Awit 49:​7, 8) (b) Ano ang natutuhan mo sa video na Bakit Namatay si Jesus?

5 Maihahanda natin ang puso natin para sa Memoryal kung pag-iisipan natin ang kahalagahan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo. Hinding-hindi natin matutubos ang sarili natin mula sa kasalanan at kamatayan. (Basahin ang Awit 49:​7, 8; tingnan din ang video na Bakit Namatay si Jesus?) a Kaya para mailigtas tayo, ibinigay ni Jehova ang buhay ng pinakamamahal niyang Anak. Napakalaki ng isinakripisyo ni Jehova at ni Jesus para sa atin. (Roma 6:23) Kapag lagi nating pinag-iisipan ang isinakripisyo nila para sa atin, mas mapapahalagahan natin ang pantubos. Tatalakayin natin ang ilan sa mga bagay na handa nilang gawin para maibigay ang pantubos. Pero ano ba ang pantubos?

6. Ano ang pantubos, at bakit ito kailangang bayaran ni Jesus?

6 Ang pantubos ang halagang ibinabayad para mabawi ang isang bagay na nawala. Nang lalangin ang unang tao na si Adan, perpekto siya. Nang magkasala siya, naiwala niya ang pag-asa niya at ng mga anak niya na mabuhay magpakailanman. Para mabawi ang naiwala ni Adan, ibinigay ni Jesus ang perpektong buhay niya. Noong nasa lupa si Jesus, “hindi siya nagkasala, at hindi rin siya nagsalita nang may panlilinlang.” (1 Ped. 2:22) Nang mamatay si Jesus, ang perpektong buhay niya ay katumbas ng buhay na naiwala ni Adan.​—1 Cor. 15:45; 1 Tim. 2:6.

7. Ano ang ilan sa mahihirap na sitwasyon na napaharap kay Jesus noong nasa lupa siya?

7 Noong nasa lupa si Jesus, lubusan niyang sinunod ang kaniyang Ama sa langit kahit sa mahihirap na sitwasyon. Noong bata si Jesus, kahit perpekto siya, kinailangan niyang magpasakop sa mga magulang niya na hindi perpekto. (Luc. 2:51) Noong kabataan siya, kinailangan niyang labanan ang pressure na sumuway o maging di-tapat. At noong adulto na siya, kinailangan niyang labanan si Satanas na Diyablo, na tumukso sa kaniya at direktang nagsabi na suwayin niya ang Diyos. (Mat. 4:​1-11) Determinado si Satanas na gawin ang lahat para magkasala si Jesus at hindi niya mabayaran ang pantubos.

8. Ano pang mahihirap na sitwasyon ang napaharap kay Jesus?

8 Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, napaharap siya sa iba pang mahihirap na sitwasyon. Pinag-usig siya at pinagbantaan ang buhay niya. (Luc. 4:​28, 29; 13:31) Kinailangan din niyang pagtiisan ang mga kahinaan at pagkakamali ng mga tagasunod niya. (Mar. 9:​33, 34) Noong nililitis siya, pinahirapan siya at tinuya. Napakahirap din ng naging kamatayan niya sa pahirapang tulos, at itinuring siya na parang kriminal. (Heb. 12:​1-3) Kinailangan niyang tiisin ito nang wala ang proteksiyon ni Jehova. bMat. 27:46.

9. Ano ang epekto sa iyo ng sakripisyo ni Jesus? (1 Pedro 1:8)

9 Talagang nagdusa si Jesus para mailaan ang pantubos. Kapag pinag-iisipan natin ang lahat ng sakripisyo na kusang loob na ginawa niya para sa atin, mas lalo natin siyang minamahal.​—Basahin ang 1 Pedro 1:8.

10. Ano ang isinakripisyo ni Jehova para mailaan ang pantubos?

10 Ano naman ang isinakripisyo ni Jehova para maibigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos? Sa lahat ng mag-ama, si Jehova at si Jesus ang pinakamalapít sa isa’t isa. (Kaw. 8:30) Isipin na lang ang nararamdaman ni Jehova habang nakikita niya ang mga paghihirap ni Jesus sa lupa. Siguradong napakasakit para sa kaniya na makita ang Anak niya na pinagmamalupitan, itinatakwil, at nagdurusa.

11. Magbigay ng halimbawa na nagpapakita ng naramdaman ni Jehova nang patayin si Jesus.

11 Siguradong alam ng isang magulang na namatayan ng anak kung gaano iyon kahirap at kasakit. Naniniwala tayo sa pagkabuhay-muli, pero masakit pa rin sa atin kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. Makakatulong sa atin iyan para maintindihan ang naramdaman ni Jehova nang makita niyang nagdusa at namatay ang minamahal niyang Anak noong 33 C.E. cMat. 3:17.

12. Ano ang puwede nating gawin para maihanda ang puso natin para sa Memoryal?

12 Mula ngayon hanggang bago mag-Memoryal, puwede ninyong gawing study project o isama sa Family Worship ang tungkol sa pantubos. Gamitin ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova o iba pang publikasyon natin na nagpapaliwanag tungkol dito. d Sundin mo rin ang iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal na makikita sa Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong. Sa araw ng Memoryal, siguraduhin mo ring mapapanood mo ang espesyal na Pang-umagang Pagsamba. Kapag inihanda natin ang puso natin para sa Memoryal, matutulungan natin ang iba na makinabang din dito.​—Ezra 7:10.

TULUNGAN ANG IBA NA MAKINABANG SA MEMORYAL

13. Ano ang una nating dapat gawin para matulungan ang iba na makinabang sa Memoryal?

13 Paano natin matutulungan ang iba na makinabang sa Memoryal? Siyempre, ang una nating dapat gawin, imbitahan sila. Bukod sa mga nakakausap natin sa ministeryo, puwede nating ilista ang mga gusto nating imbitahan. Kasama dito ang mga kamag-anak natin, katrabaho, kaeskuwela, at iba pa. Kung kulang ang inimprentang imbitasyon, puwede tayong mag-share ng link nito sa website natin. Malay mo, marami ang makadalo!—Ecles. 11:6.

14. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang epektibo ang pagbibigay ng imbitasyon.

14 Epektibo ang pagbibigay ng imbitasyon. Nagulat ang isang sister na may asawang di-Saksi nang sabihin nito sa kaniya na dadalo ito sa Memoryal. Bakit nagulat ang sister? Kasi lagi niyang niyayaya ang asawa niya na dumalo, pero hindi ito sumasama. Bakit dadalo na ngayon ang asawa niya? Sinabi nito, “May nagbigay sa akin ng imbitasyon.” Ibinigay ito sa kaniya ng elder na kakilala niya. Dumalo ang asawa ng sister nang taóng iyon at nang sumunod pang mga taon.

15. Ano ang dapat nating tandaan kapag nag-iimbita tayo para sa Memoryal?

15 Tandaan na baka may mga tanong ang mga inimbitahan natin—lalo na kung hindi pa sila nakadalo sa mga pulong. Kaya pag-isipan natin ang mga puwede nilang itanong at maging handa na sagutin ang mga iyon. (Col. 4:6) Halimbawa, baka maisip ng ilan: ‘Ano ang gagawin doon?’ ‘Gaano iyon katagal?’ ‘Ano ang dapat kong isuot?’ ‘May bayad ba iyon?’ ‘May nangongolekta ba ng pera doon?’ Kaya kapag may inimbitahan tayo sa Memoryal, puwede na nating sabihin sa kaniya, “May mga tanong ka ba?” Pagkatapos, sagutin natin ang mga iyon. Puwede rin nating gamitin ang mga video na Alalahanin ang Kamatayan ni Jesus at Ano’ng Mayroon sa Kingdom Hall? para tulungan siyang maintindihan ang mga nangyayari sa mga pulong natin. May magagandang punto rin sa aralin 28 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman na puwede nating sabihin sa kaniya.

16. Ano pa ang mga posibleng itanong ng mga inimbitahan natin sa Memoryal?

16 Pagkatapos ng Memoryal, baka may mga tanong pa ang mga inimbitahan natin. Baka nagtataka sila kung bakit kaunti lang o wala pa ngang nakibahagi sa mga emblema. Baka iniisip din nila kung gaano kadalas tayong nagdiriwang ng Memoryal. At baka gusto rin nilang malaman kung ganoon din ang nangyayari sa lahat ng pulong ng mga Saksi ni Jehova. Kahit natalakay na sa pahayag sa Memoryal ang karamihan sa mga tanong na iyon, baka kailangan pa rin nila ng mas detalyadong paliwanag. Makakatulong ang artikulong “Bakit Naiiba sa Ibang Relihiyon ang Pagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova sa Hapunan ng Panginoon?” na nasa jw.org para masagot ang ilan sa mga tanong nila. Gusto nating gawin ang lahat—bago, habang, at pagkatapos ng Memoryal—para tulungan ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan” na makinabang sa pagdiriwang na ito.​—Gawa 13:48.

TULUNGAN ANG MGA INACTIVE

17. Paano matutulungan ng mga elder ang mga inactive? (Ezekiel 34:​12, 16)

17 Kung isa kang elder, paano mo matutulungan ang mga inactive sa panahon ng Memoryal? Magpakita ng malasakit sa kanila. (Basahin ang Ezekiel 34:​12, 16.) Siguraduhing makokontak mo sila bago mag-Memoryal. Iparamdam mong mahalaga sila at sabihing gusto mo silang tulungan. Imbitahan mo sila sa Memoryal. Kapag dumalo sila, iparamdam mong welcome sila. Pagkatapos ng Memoryal, patuloy na dalawin o tawagan ang mahal nating mga kapatid na ito at ibigay ang anumang tulong na kailangan nila para makapanumbalik sila kay Jehova.​—1 Ped. 2:25.

18. Paano tayo makakatulong sa mga inactive? (Roma 12:10)

18 Lahat tayo, makakatulong sa mga inactive na dumalo sa Memoryal. Paano? Magpakita tayo sa kanila ng pag-ibig, kabaitan, at paggalang. (Basahin ang Roma 12:10.) Tandaan na baka hindi ganoon kadali sa kanila na dumalo ulit sa mga pulong. Baka natatakot sila sa sasabihin ng mga kapatid. e Kaya huwag magtanong ng puwede nilang ikapahiya o magsalita nang makakasakit sa kanila. (1 Tes. 5:11) Mga kapatid natin sila. At masaya tayong makasama ulit sila sa pagsamba!—Awit 119:176; Gawa 20:35.

19. Ano ang mga pakinabang ng pag-alala sa kamatayan ni Jesus?

19 Talagang nagpapasalamat tayo na iniutos ni Jesus na alalahanin natin ang kamatayan niya taon-taon. Alam natin kung bakit napakahalaga nito. Kapag dumadalo tayo sa Memoryal, nakikinabang tayo at ang iba sa maraming paraan. (Isa. 48:​17, 18) Lalong lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova at kay Jesus. Naipapakita natin na talagang pinapahalagahan natin ang ginawa nila para sa atin. Mas napapalapit tayo sa mga kapatid. At baka matulungan natin ang iba na malaman kung paano rin sila makikinabang sa pantubos. Kaya gawin natin ang lahat para maging handa tayo sa Memoryal—ang pinakamahalagang araw ng taon!

PAANO NATIN . . .

  • maihahanda ang puso natin para sa Memoryal?

  • matutulungan ang iba na makinabang dito?

  • matutulungan ang mga inactive?

AWIT BLG. 18 Salamat sa Pantubos

a Gamitin ang search feature sa jw.org para makita ang mga artikulo at video na binanggit sa artikulong ito.

b Tingnan ang artikulong “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Abril 2021.

d Tingnan ang kahong “ Mga Puwedeng I-research.”

e Tingnan ang mga larawan at ang kahong “ Paano Sila Tinanggap ng mga Kapatid?” Nag-aalangang pumasok sa Kingdom Hall ang isang brother na inactive, pero pumasok pa rin siya. Masaya siyang tinanggap ng mga kapatid, at nag-enjoy siya doon.

f LARAWAN: Habang nagdiriwang ng Memoryal ang mga lingkod ni Jehova sa isang lugar, naghahanda naman para dito ang mga kapatid na nasa kabilang panig ng mundo.