Tinutularan Mo Ba ang Pakikitungo ni Jehova sa mga Babae?
PRIBILEHIYO nating makasama sa paglilingkod kay Jehova ang maraming tapat at masisipag na sister. Mahal natin sila at pinapahalagahan. a Kaya mga brother, sikaping maging mabait, patas, at magalang sa kanila. Pero dahil hindi tayo perpekto, baka mahirapan tayong gawin iyan kung minsan, lalo na ang ilang brother.
Sa ilang kultura, itinuturing ng mga lalaki na nakakababa ang mga babae. Sinabi ni Hans, isang tagapangasiwa ng sirkito sa Bolivia, “Dahil lumaki ang ilang lalaki sa isang macho culture, iniisip nila na nakakahigit sila sa mga babae.” b Sinabi naman ni Shengxian, isang elder sa Taiwan: “Sa lugar namin, iniisip ng maraming lalaki na hindi sila dapat pakialaman ng mga babae. Kapag binanggit ng isang lalaki sa mga kausap niyang lalaki ang tungkol sa opinyon ng isang babae, posibleng isipin nila na mahina siya.” Ang iba naman, hindi masyadong halata ang panghahamak nila sa mga babae. Halimbawa, baka idinadaan lang nila ito sa biro.
Buti na lang, puwedeng magbago ang isang lalaki, anuman ang kulturang kinalakhan niya. Puwede niyang matutuhang tanggapin na magkapantay lang ang mga lalaki at ang mga babae. (Efe. 4:22-24) Magagawa niya iyan kung tutularan niya si Jehova. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano pinapakitunguhan ni Jehova ang mga babae at kung paano siya matutularan ng mga brother, lalo na ng mga elder.
PAANO PINAPAKITUNGUHAN NI JEHOVA ANG MGA BABAE?
Nagpakita ng perpektong halimbawa si Jehova sa pakikitungo sa mga babae. Bilang isang mapagmahal na Ama, mahalaga sa kaniya ang lahat ng anak niya. (Juan 3:16) At itinuturing niyang minamahal na mga anak ang tapat na mga sister. Tingnan ang ilang paraan kung paano ipinapakita ni Jehova na mahalaga sa kaniya ang mga babae.
Patas siyang makitungo sa kanila. Parehong nilalang ni Jehova ang mga lalaki at mga babae Gen. 1:27) Hindi niya ginawang mas matalino o mas maabilidad ang mga lalaki kaysa sa mga babae. Pantay ang tingin niya sa kanila. (2 Cro. 19:7) Pareho niya silang binigyan ng kakayahan na maintindihan ang mga katotohanan sa Bibliya at matularan ang magagandang katangian niya. Mahalaga kay Jehova ang lahat ng tapat na lingkod niya. Pareho niyang binigyan ang mga lalaki at mga babae ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa o ng pag-asang maglingkod bilang mga hari at saserdote sa langit. (2 Ped. 1:1, tlb.) Malinaw na hindi mababa ang tingin ni Jehova sa mga babae.
ayon sa kaniyang larawan. (Pinapakinggan niya sila. Mahalaga kay Jehova ang nararamdaman ng mga babae, at nagmamalasakit siya sa kanila kapag may pinagdadaanan sila. Halimbawa, pinakinggan niya at sinagot ang mga panalangin nina Raquel at Hana. (Gen. 30:22; 1 Sam. 1:10, 11, 19, 20) Ipinasulat din ni Jehova sa Bibliya ang ulat ng mga lalaki na nakinig sa mga babae. Halimbawa, sinunod ni Abraham ang utos ni Jehova na pakinggan ang asawa niyang si Sara. (Gen. 21:12-14) Pinakinggan ni Haring David si Abigail. Ang totoo, inisip pa nga niya na si Jehova ang nagsugo kay Abigail para kausapin siya. (1 Sam. 25:32-35) Perpektong natularan ni Jesus ang kaniyang Ama, at pinakinggan niya ang nanay niyang si Maria. (Juan 2:3-10) Sa mga halimbawang ito, ipinakita ni Jehova na ang pakikinig sa mga babae ay isang paraan para maipadama ang paggalang sa kanila.
Nagtitiwala siya sa kanila. Halimbawa, pinagkatiwalaan ni Jehova si Eva na tumulong sa pangangalaga ng buong lupa. (Gen. 1:28) Ipinakita dito ni Jehova na hindi niya itinuring na nakakababa si Eva kay Adan, kundi isang katuwang ng asawa niya. Pinagkatiwalaan din ni Jehova ang mga propetisang sina Debora at Hulda na magbigay ng payo sa bayan niya, pati na sa isang hukom at hari. (Huk. 4:4-9; 2 Hari 22:14-20) Sa ngayon, pinagkakatiwalaan din ni Jehova ang tapat na mga sister. Naglilingkod sila bilang mga mamamahayag, payunir, at misyonera. May mga sister naman na tumutulong sa pagdidisenyo, pagtatayo, at pagmamantini ng mga Kingdom Hall at mga pasilidad ng sangay. Mayroon ding mga naglilingkod sa Bethel o sa mga remote translation office. Ang mga sister na ito ay gaya ng isang malaking hukbo na ginagamit ni Jehova para isagawa ang kalooban niya. (Awit 68:11) Maliwanag, para kay Jehova, may-kakayahan ang mga sister at marami silang magagawa.
PAANO MATUTULARAN NG MGA BROTHER SI JEHOVA SA PAKIKITUNGO SA MGA BABAE?
Mga brother, paano natin malalaman kung natutularan natin si Jehova sa pakikitungo sa mga sister? Kailangan nating maging tapat sa sarili habang sinusuri ang pag-iisip at pagkilos natin. Kailangan natin ng tulong para magawa iyan. Halimbawa, makakatulong ang isang X-ray machine para makita kung may problema sa literal na puso ng isang tao. Makakatulong din ang isang kaibigan at ang Salita ng Diyos para makita kung may negatibong pananaw tayo sa mga babae. Paano?
Magtanong sa isang kaibigan. (Kaw. 18:17) Puwede nating itanong sa isang kaibigan na kilalang mapagkakatiwalaan, mabait, at makatuwiran: “Sa nakikita mo, paano ako nakikitungo sa mga sister? Masasabi ba nila na iginagalang ko sila? May kailangan ba akong pasulungin?” Kung sabihin ng kaibigan mo ang mga kailangan mong baguhin, huwag magdamdam. Sikapin mong gawin ang mga iyon.
Pag-aralan ang Salita ng Diyos. Ang pinakamagandang paraan para malaman kung tama ang pakikitungo natin sa mga sister ay ang paggamit ng Salita ng Diyos para masuri ang pag-iisip at pagkilos natin. (Heb. 4:12) Habang pinag-aaralan natin ang Bibliya, makikilala natin ang mga lalaking mabuti ang pakikitungo sa mga babae at ang mga lalaking masama ang pagtrato sa kanila. Puwede nating ikumpara ang mga ginawa nila sa mga ginagawa natin. Isa pa, kung pagkukumparahin natin ang mga teksto sa Bibliya, maiiwasan nating magkamali ng intindi sa isang teksto na para bang nagpapakita na nakakababa ang mga babae. Halimbawa, ayon sa 1 Pedro 3:7, ang asawang babae ay dapat bigyan ng “karangalang gaya ng sa mas mahinang sisidlan.” c Ibig sabihin ba nito, mas nakakababa ang mga babae at mas matalino o maabilidad ang mga lalaki? Siyempre, hindi! Ikumpara natin ang sinabi ni Pedro sa Galacia 3:26-29. Sinasabi doon na bukod sa mga lalaki, pumili rin si Jehova ng mga babae na magiging kasamang tagapamahala ni Jesus sa langit. Kaya kung pag-aaralan natin ang Salita ng Diyos at magtatanong tayo sa isang kaibigan, malalaman natin ang tamang pakikitungo sa mga sister.
PAANO MAIPAPAKITA NG MGA ELDER NA IGINAGALANG NILA ANG MGA SISTER?
Magandang halimbawa ang mga elder pagdating sa pakikitungo nang may paggalang sa mga sister. Ano ang matututuhan ng ibang brother sa kanila?
Kinokomendahan nila ang mga sister. Magandang tularan ng mga elder si apostol Pablo. Kinomendahan niya ang ilang sister sa liham niya sa mga taga-Roma. (Roma 16:12) Siguradong napakasaya ng mga sister na iyon nang basahin ang liham niya sa kongregasyon! Gaya ni Pablo, lagi ring kinokomendahan ng mga elder ang mga sister sa magagandang katangian nila at sa paglilingkod nila kay Jehova. Dahil dito, nararamdaman ng mga sister na iginagalang sila at pinapahalagahan. Makakatulong ang pampatibay na ibinibigay ng mga elder sa mga sister para patuloy silang makapaglingkod nang tapat kay Jehova.—Kaw. 15:23.
Kapag nagbibigay ng komendasyon ang mga elder sa mga sister, mula ito sa puso at espesipiko. Bakit? Sinabi ng sister na si Jessica: “Nakakatuwa naman kapag sinasabihan ng mga brother ang isang sister na ‘mahusay ang ginagawa mo.’ Pero talagang naa-appreciate namin kapag espesipiko
ang komendasyon nila. Halimbawa, kapag pinapasalamatan nila kami kasi naturuan namin ang mga anak namin na umupo nang tahimik sa mga pulong o kapag may sinundo kaming Bible study para makadalo.” Kapag espesipiko ang komendasyon ng mga elder sa mga sister, nararamdaman nilang mahalaga sila sa kongregasyon.Pinapakinggan nila ang mga sister. Alam ng mapagpakumbabang mga elder na puwede ring makapagbigay ng magagandang ideya ang iba. Kaya hinihingi nila ang opinyon ng mga sister at pinapakinggan nilang mabuti ang mga ito. Dahil dito, napapatibay ang mga sister at natututo rin ang mga elder. Sinabi ni Gerardo, isang elder na naglilingkod sa Bethel: “Kapag nagtatanong ako sa mga sister, nagagawa ko nang mas mahusay ang atas ko. Madalas, mas matagal na nilang ginagawa ang atas kaysa sa karamihan sa mga brother.” Sa kongregasyon, maraming sister ang payunir, kaya malamang na kabisado na nila ang mga tao sa teritoryo. Sinabi ng elder na si Bryan: “Malaki ang maitutulong ng mga sister sa organisasyon. Kaya sikapin nating matuto sa karanasan nila.”
Hindi binabale-wala ng mga elder ang opinyon ng mga sister. Bakit? Sinabi ng elder na si Edward, “Puwedeng makatulong ang opinyon at karanasan ng isang sister para makita ng isang brother ang lahat ng anggulo ng isang sitwasyon at maging mas maunawain ito sa iba.” (Kaw. 1:5) Kahit sa tingin ng isang elder, hindi niya magagamit ang mungkahi ng isang sister, magandang pasalamatan pa rin niya ito.
Sinasanay nila ang mga sister. Naghahanap ng pagkakataon ang mga elder para sanayin ang mga sister. Halimbawa, puwede nilang turuan ang mga sister na manguna sa meeting for field service kapag walang kasama na bautisadong brother. Puwedeng turuan ang mga sister na mag-operate ng mga tools o makina para makatulong sila sa mga proyekto ng organisasyon sa pagtatayo at pagmamantini. Sa Bethel, sinanay ng mga overseer ang mga sister sa iba’t ibang atas, gaya ng maintenance, purchasing, accounting, computer programming, at iba pa. Naipapakita ng mga elder na itinuturing nilang may kakayahan at mapagkakatiwalaan ang mga sister kapag sinasanay nila ang mga ito.
Ginagamit ng maraming sister ang pagsasanay na natanggap nila sa mga elder para tumulong sa iba. Halimbawa, dahil natuto ang ilang sister sa construction, tumutulong sila para itayong muli ang bahay ng mga kapatid na nasira ng likas na sakuna. Ang ibang sister naman, itinuturo din nila sa ibang sister ang mga itinuro sa kanila tungkol sa public witnessing. Ano ang masasabi ng mga sister tungkol sa mga elder na nagsanay sa kanila? Sinabi ni Jennifer: “Sa isang Kingdom Hall construction project, sinanay ako ng isang overseer. Na-appreciate niya ang trabaho ko, at kinomendahan niya ako. Gusto ko siyang katrabaho kasi nararamdaman kong mahalaga ako at pinagkakatiwalaan.”
ANG MAGAGANDANG RESULTA
Gaya ni Jehova, mahal natin ang tapat na mga sister. Pamilya ang turing natin sa kanila. (1 Tim. 5:1, 2) Proud tayo sa kanila, at masaya tayong makasama sila sa paglilingkod. At natutuwa tayo kapag ramdam nila ang pag-ibig at suporta natin sa kanila. Sinabi ni Vanessa: “Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova na bahagi ako ng organisasyon niya. Maraming brother dito na talagang nagpapatibay sa akin.” Sinabi ng isang sister sa Taiwan: “Malaki ang pasasalamat ko kay Jehova at sa organisasyon niya, kasi talagang pinapahalagahan nila kaming mga babae at ang nararamdaman namin. Dahil dito, napapatibay ang pananampalataya ko at lalo kong napapahalagahan ang pribilehiyo kong maging bahagi ng organisasyon ni Jehova.”
Siguradong masayang-masaya si Jehova kapag tinutularan ng mga brother ang pakikitungo niya sa mga babae! (Kaw. 27:11) “Sa sanlibutan, mababa ang tingin nila sa mga babae,” ang sabi ni Benjamin, isang elder sa Scotland. “Kaya ayaw nating maramdaman iyon ng mga sister kapag nasa Kingdom Hall sila.” Sikapin sana nating tularan si Jehova at pakitunguhan ang mga sister nang may pag-ibig at paggalang. Karapat-dapat sila dito!—Roma 12:10.
a Sa artikulong ito, ang terminong “sister” ay tumutukoy sa babaeng Kristiyano, hindi sa literal na kapatid na babae.
b Ang terminong “macho” o “machismo” ay tumutukoy sa mga lalaki na sobrang proud sa pagiging lalaki o malakas nila. Mataas ang tingin nila sa mga pananaw at ugali ng lalaki. Mababa naman ang tingin nila sa mga babae.
c Para sa detalyadong paliwanag tungkol sa pananalitang “mas mahinang sisidlan,” tingnan ang mga artikulong “Ang Halaga ng ‘Isang Mas Mahinang Sisidlan’” sa Bantayan, isyu ng Mayo 15, 2006 at “Matalinong Patnubay Para sa mga Mag-asawa” sa Bantayan, isyu ng Marso 1, 2005.