Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 3

AWIT BLG. 124 Ipakita ang Katapatan

Tutulungan Ka ni Jehova sa Mahihirap na Panahon

Tutulungan Ka ni Jehova sa Mahihirap na Panahon

“[Si Jehova] ang magpapatatag sa iyo.”​—ISA. 33:6.

MATUTUTUHAN

Kung ano ang puwede nating gawin para makinabang sa tulong ni Jehova sa mahihirap na panahon.

1-2. Anong mga problema ang nararanasan ng tapat na mga lingkod ni Jehova?

 PUWEDENG biglang magbago ang buhay natin nang hindi inaasahan. Halimbawa, nalaman ng tapat na brother na si Luis a na mayroon siyang kanser. Sinabi ng doktor na ilang buwan na lang ang itatagal niya. Napaka-busy ni Monika at ng asawa niyang elder sa espirituwal na mga gawain. Pero isang araw, nalaman ni Monika na lihim na gumagawa ng kasalanan ang asawa niya sa loob ng maraming taon. Napilitang lumikas ang single sister na si Olivia dahil may paparating na malakas na bagyo. Pagbalik niya, wasak na ang bahay niya. Sa isang iglap lang, biglang nagbago ang buhay ng mga kapatid na ito. Nakaka-relate ka ba sa kanila? Nagkaroon ka na rin ba ng problema na biglang nagpabago sa buhay mo?

2 Kahit tapat na lingkod tayo ni Jehova, nagkakasakit din tayo at nagkakaroon ng mga problema gaya ng ibang tao. Baka sinasalansang din tayo o pinag-uusig ng mga taong galit sa bayan ng Diyos. Kahit pinapahintulutan ni Jehova ang mga ito, nangangako siya na tutulungan niya tayo. (Isa. 41:10) Dahil diyan, nakakagawa tayo ng tamang mga desisyon at nakakapanatili tayong masaya at tapat kahit mahirap ang sitwasyon. Tatalakayin sa artikulong ito ang apat na tulong na ibinibigay ni Jehova kapag may pinagdadaanan tayo. Pag-uusapan din natin kung ano ang kailangan nating gawin para makinabang sa tulong niya.

BABANTAYAN KA NI JEHOVA

3. Kapag may pinagdadaanan tayo, anong mga bagay ang baka nahihirapan tayong gawin?

3 Ang problema. Kapag may pinagdadaanan tayo, baka mahirapan tayong mag-isip nang maayos at gumawa ng mga desisyon. Bakit? Dahil baka nasasaktan tayo o sobrang nag-aalala. Baka pakiramdam natin, para tayong nangangapa sa dilim at hindi natin alam ang gagawin. Ikinuwento ng dalawang sister, na binanggit kanina, ang naramdaman nila noong may problema sila. Sinabi ni Olivia, “Nang wasakin ng bagyo ang bahay ko, hindi ko alam ang gagawin ko.” Sinabi ni Monika, na pinagtaksilan ng asawa: “Sobrang sakit ng naramdaman ko. Parang sinaksak ang puso ko. Nahirapan akong gawin kahit ang simpleng mga bagay. Hindi ko akalaing mangyayari sa akin ito.” Anong tulong ang ipinangako ni Jehova kapag may mabigat tayong problema?

4. Ayon sa Filipos 4:​6, 7, ano ang ipinapangako sa atin ni Jehova?

4 Ang tulong ni Jehova. Ipinapangako niya na bibigyan niya tayo ng “kapayapaan ng Diyos.” (Basahin ang Filipos 4:​6, 7.) Tumutukoy ito sa kapayapaan ng isip at pagiging panatag natin dahil sa magandang kaugnayan natin sa kaniya. “Nakahihigit [ito] sa lahat ng kaisipan”; mas kahanga-hanga ito kaysa sa anumang maiisip natin. Nanalangin ka na ba nang marubdob kay Jehova at pagkatapos, naging kalmado ka na? Iyon ang “kapayapaan ng Diyos.”

5. Paano binabantayan ng kapayapaan ng Diyos ang puso at isip natin?

5 Sinasabi rin ng teksto na ang kapayapaan ng Diyos ay “magbabantay [o, poprotekta] sa inyong puso at isip.” Ang salitang isinaling “magbabantay” ay terminong pangmilitar. Tumutukoy ito sa mga sundalong nagbabantay sa isang lunsod; inililigtas nila ito kapag may sumalakay. Dahil dito, nakakatulog nang panatag ang mga nakatira sa lunsod. Kaya kapag binabantayan ng kapayapaan ng Diyos ang puso at isip natin, panatag tayo kasi alam nating ligtas tayo. (Awit 4:8) Gaya ni Hana, kahit hindi agad magbago ang sitwasyon natin, nagiging payapa na ang isip natin. (1 Sam. 1:​16-18) Kaya mas nakakapag-isip tayo nang maayos at mas nakakagawa tayo ng tamang desisyon.

Manalangin hanggang sa maramdaman mo ang “kapayapaan ng Diyos,” na magbabantay sa puso at isip mo (Tingnan ang parapo 4-6)


6. Ano ang puwede nating gawin para makinabang sa kapayapaan ng Diyos? (Tingnan din ang larawan.)

6 Ang kailangan nating gawin. Kapag nag-aalala ka, tawagin mo ang “mga bantay.” Paano? Manalangin ka hanggang sa maramdaman mo ang kapayapaan ng Diyos. (Luc. 11:9; 1 Tes. 5:17) Sinabi ni Luis, na binanggit kanina, kung ano ang nakatulong sa kanila ng asawa niyang si Ana nang malaman nilang may taning na ang buhay niya: “Sa ganitong sitwasyon, napakahirap magdesisyon tungkol sa pagpapagamot at sa iba pang bagay. Pero napakalaking tulong ng panalangin para maging payapa ang isip namin.” Marubdob at paulit-ulit na nanalangin si Luis at ang asawa niya. Hiniling nila kay Jehova na bigyan sila ng kapayapaan ng isip, panatag na puso, at karunungan para makapagdesisyon nang tama. At naramdaman nila ang tulong niya. Kung may pinagdadaanan ka ngayon, magmatiyaga ka sa pananalangin at mararamdaman mo ang kapayapaang ibinibigay ni Jehova, na magbabantay sa puso at isip mo.​—Roma 12:12.

PATATATAGIN KA NI JEHOVA

7. Ano ang posibleng maramdaman natin kapag may mabigat tayong pinagdadaanan?

7 Ang problema. Kapag may mabigat tayong pinagdadaanan, baka mahirapan tayong kontrolin ang nararamdaman, iniisip, at reaksiyon natin. Baka maging pabago-bago ang emosyon natin. Ganiyan ang naranasan ni Ana nang mamatay ang asawa niyang si Luis. Sinabi niya: “Kapag nade-depress ako, naaawa ako sa sarili ko. Nagagalit din ako kasi wala na siya.” Isa pa, nalulungkot din si Ana at naiinis kapag kailangan niyang magdesisyon sa ilang bagay. Dati kasi, si Luis ang gumagawa nito, at mahusay siyang magdesisyon. Minsan, pakiramdam ni Ana, para siyang binabagyo sa gitna ng dagat. Paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag nadadaig tayo ng emosyon natin?

8. Ayon sa Isaias 33:​6, ano ang tinitiyak ni Jehova sa atin?

8 Ang tulong ni Jehova. Tinitiyak niya sa atin na patatatagin niya tayo. (Basahin ang Isaias 33:6.) Kapag may bagyo, puwedeng tumaob ang isang barko dahil sa malalakas na hampas ng alon. Kaya maraming barko ang may mga stabilizer sa magkabilang gilid. Nasa ilalim ito ng tubig, at nakakatulong ito para mabawasan ang pag-alog ng barko. Kaya mas ligtas ang mga pasahero at mas komportable ang biyahe. Pero marami sa mga stabilizer ang magagamit lang nang husto kung patuloy na umaandar ang barko. Ganiyan din ang ginagawa ni Jehova. Patatatagin niya tayo kung patuloy tayong maglilingkod nang tapat kahit may mga problema.

Tutulong sa iyo ang mga tool sa pagre-research para maging matatag ka (Tingnan ang parapo 8-9)


9. Paano makakatulong ang mga tool sa pagre-research para makapanatili tayong balanse at makontrol ang emosyon natin? (Tingnan din ang larawan.)

9 Ang kailangan nating gawin. Kapag nadadaig ka ng emosyon mo, huwag mong pabayaan ang espirituwal na rutin mo. Kahit hindi na kasindami ng dati ang nagagawa mo ngayon, tandaan na makatuwiran si Jehova. (Ihambing ang Lucas 21:​1-4.) Bilang bahagi ng espirituwal na rutin mo, maglaan ng panahon para sa personal study at pagbubulay-bulay. Bakit? Maraming nakakapagpatibay na impormasyon ang inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng organisasyon niya. Tutulong ang mga ito para makapanatili tayong balanse. Puwede mong gamitin ang mga tool na available sa wika mo para makapag-research, gaya ng JW Library® app, Watch Tower Publications Index, at Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Iyan ang ginawa ni Monika, na binanggit kanina. Nag-research siya ng mga payo na makakatulong sa kaniya noong nadadaig siya ng emosyon niya. Halimbawa, ni-research niya ang salitang “galit.” Ni-research din niya ang “pagtataksil” at “katapatan.” Nagbasa siya nang nagbasa hanggang sa gumaan ang pakiramdam niya. Sinabi niya: “Habang nagre-research ako, napakalungkot ko. Pero dahil sa mga nababasa ko, para akong niyayakap ni Jehova. Na-realize ko na naiintindihan ni Jehova ang mga nararamdaman ko at na tinutulungan niya ako.” Kung gagawin mo rin iyan, tutulungan ka ni Jehova na makontrol ang emosyon mo hanggang sa maging payapa na ang isip mo.​—Awit 119:​143, 144.

AALALAYAN KA NI JEHOVA

10. Ano ang nararamdaman natin kapag may nangyaring hindi maganda sa atin?

10 Ang problema. Kapag may nangyaring hindi maganda sa atin, may mga panahong nanghihina tayo. Baka para tayong atleta na mabilis tumakbo dati, pero ngayon, paika-ika na. Baka nahihirapan tayong gawin ang mga bagay na madali lang para sa atin dati. Baka mawalan na rin tayo ng gana sa mga gawaing nae-enjoy natin dati. Gaya ni Elias, parang ang hirap bumangon. Baka gusto na lang nating matulog. (1 Hari 19:​5-7) Ano ang ipinapangako ni Jehova kapag nanghihina tayo?

11. Ano ang isa pang tulong ni Jehova sa atin? (Awit 94:18)

11 Ang tulong ni Jehova. Ipinapangako niya na aalalayan niya tayo. (Basahin ang Awit 94:18.) Baka kailangang alalayan ang isang na-injure na atleta para makalakad siya. Baka kailangan din natin ng tulong para patuloy nating mapaglingkuran si Jehova. Tinitiyak niya sa atin: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa kanang kamay mo, ang nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Tutulungan kita.’” (Isa. 41:13) Naranasan iyan ni Haring David. Nang mapaharap siya sa mga pagsubok at banta ng mga kaaway, sinabi niya kay Jehova: “Inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.” (Awit 18:35) Pero paano tayo inaalalayan ni Jehova?

Tanggapin ang pag-alalay ng mga kapamilya at kaibigan mo at ng mga elder (Tingnan ang parapo 11-13)


12. Sino ang puwedeng gamitin ni Jehova kapag nanghihina tayo?

12 Kadalasan na, ginagamit ni Jehova ang iba para alalayan tayo. Halimbawa, nang manghina si David, pinuntahan siya ng kaibigan niyang si Jonatan para patibayin siya. (1 Sam. 23:​16, 17) Ginamit din ni Jehova si Eliseo para tulungan si Elias. (1 Hari 19:​16, 21; 2 Hari 2:2) Puwede ring gamitin ni Jehova ang mga kapamilya at kaibigan natin at ang mga elder para alalayan tayo. Pero kapag nade-depress tayo, baka layuan natin sila kasi gusto nating mapag-isa. Normal lang na maramdaman mo iyan. Pero ano ang puwede nating gawin para maalalayan tayo ni Jehova?

13. Ano ang kailangan nating gawin para makinabang sa pag-alalay ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

13 Ang kailangan nating gawin. Sikaping huwag ibukod ang sarili mo. Kung gagawin natin iyan, baka magpokus lang tayo sa sarili natin at sa mga problema natin. Makakaapekto iyan sa mga desisyon natin. (Kaw. 18:1) Siyempre, may mga pagkakataong kailangan nating mapag-isa, lalo na kapag may mabigat tayong pinagdadaanan. Pero paano natin matatanggap ang pag-alalay ni Jehova kung matagal nating ibubukod ang ating sarili? Kaya kahit mahirap, tanggapin ang tulong ng mga kapamilya at kaibigan mo at ng mga elder. Sila ang ginagamit ni Jehova para alalayan ka.​—Kaw. 17:17; Isa. 32:​1, 2.

PALALAKASIN NI JEHOVA ANG LOOB MO

14. Anong nakakatakot na mga sitwasyon ang puwede nating maranasan?

14 Ang problema. Baka may mga pagkakataong natatakot tayo. Sa Bibliya, may mga pagkakataong natakot din ang tapat na mga lingkod ng Diyos dahil sa mga kaaway o iba pang problema. (Awit 18:4; 55:​1, 5) Baka sinasalansang tayo ng mga kaeskuwela, katrabaho, o kapamilya natin o ng mga nasa gobyerno. Kung may malubha tayong sakit, baka natatakot din tayong mamatay. Sa ganiyang mga sitwasyon, baka para tayong maliit na bata na takot na takot. Paano tayo tinutulungan ni Jehova?

15. Ano ang tinitiyak sa atin ng Awit 94:19?

15 Ang tulong ni Jehova. Pinapalakas niya ang loob natin—pinapayapa niya ang kalooban natin at pinapaginhawa tayo. (Basahin ang Awit 94:19.) Isipin ang isang maliit na batang babae na takot na takot at hindi makatulog dahil sa kulog at kidlat. Pinuntahan siya ng tatay niya at niyakap hanggang sa makatulog siya. Kumikidlat pa rin, pero panatag siya dahil sa yakap ng tatay niya. Kapag napapaharap tayo sa nakakatakot na mga sitwasyon, kailangan din natin ang “yakap” ng Ama natin sa langit hanggang sa mapanatag ang kalooban natin. Paano natin matatanggap ang pampatibay-loob na ibinibigay ni Jehova?

Pakinggan mo ang mga pampatibay-loob ni Jehova sa iyo mula sa Kasulatan (Tingnan ang parapo 15-16)


16. Ano ang puwede mong gawin para mapalakas ni Jehova ang loob mo? (Tingnan din ang larawan.)

16 Ang kailangan nating gawin. Regular na makipag-usap kay Jehova—manalangin at basahin ang Salita niya. (Awit 77:​1, 12-14) Kung gagawin mo iyan, ang una mong maiisip kapag nai-stress ka ay lumapit sa iyong Ama sa langit. Sabihin mo kay Jehova ang mga ikinakatakot at problema mo. Pakinggan mo ang mga pampatibay-loob niya sa iyo mula sa Kasulatan. (Awit 119:28) Kapag natatakot ka, baka may mga partikular na bahagi ng Bibliya ang makakapagpatibay sa iyo, gaya ng mga aklat ng Job, Awit, at Kawikaan at ng mga sinabi ni Jesus sa Mateo kabanata 6. Mapapalakas ni Jehova ang loob mo kung mananalangin ka sa kaniya at babasahin mo ang Salita niya.

17. Saan tayo makakasigurado?

17 Makakasigurado tayo na tutulungan tayo ni Jehova sa mahihirap na panahon. Hinding-hindi niya tayo iiwan. (Awit 23:4; 94:14) Nangako siya na babantayan niya tayo, patatatagin, aalalayan, at palalakasin ang loob natin. Sinasabi ng Isaias 26:3 tungkol kay Jehova: “Iingatan mo ang mga lubos na umaasa sa iyo; patuloy mo silang bibigyan ng kapayapaan, dahil sa iyo sila nagtitiwala.” Kaya magtiwala kay Jehova at tanggapin ang tulong na ibinibigay niya. Mapapalakas ka nito kahit sa mahihirap na panahon.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Kailan natin kailangang-kailangan ang tulong ni Jehova?

  • Ano ang apat na tulong na ibinibigay ni Jehova sa mahihirap na panahon?

  • Ano ang puwede nating gawin para makinabang sa tulong ni Jehova?

AWIT BLG. 12 Dakilang Diyos, Jehova

a Binago ang ilang pangalan.