Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 4

AWIT BLG. 18 Salamat sa Pantubos

Ano ang Itinuturo sa Atin ng Pantubos?

Ano ang Itinuturo sa Atin ng Pantubos?

“Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos.”1 JUAN 4:9.

MATUTUTUHAN

Ang itinuturo ng pantubos tungkol sa magagandang katangian ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo.

1. Bakit nakakatulong sa atin ang pagdalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo taon-taon?

 NAPAKAGANDANG regalo ng pantubos! (2 Cor. 9:15) Dahil namatay si Jesus para sa atin, puwede tayong maging kaibigan ng Diyos na Jehova. Puwede rin tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kaya tama lang na magpasalamat tayo kay Jehova dahil mahal na mahal niya tayo at ibinigay niya ang pantubos! (Roma 5:8) Para hindi natin makalimutan ang ginawa ni Jehova at ni Jesus, pinasimulan ni Jesus ang Memoryal ng kamatayan niya.—Luc. 22:19, 20.

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Ngayong taon, aalalahanin natin ang Memoryal sa Sabado, Abril 12, 2025. Siguradong gagawin natin ang lahat para makadalo. At mas makikinabang tayo kung pag-iisipan nating mabuti sa panahon ng Memoryal ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang itinuturo sa atin ng pantubos tungkol kay Jehova at sa Anak niya. Malalaman naman natin sa susunod na artikulo kung paano tayo puwedeng makinabang sa pantubos at kung paano natin ipapakita na ipinagpapasalamat natin ito.

ANG ITINUTURO NG PANTUBOS TUNGKOL KAY JEHOVA

3. Paano maililigtas ng kamatayan ng isang tao ang buhay ng milyon-milyon? (Tingnan din ang larawan.)

3 Itinuturo ng pantubos ang tungkol sa katarungan ni Jehova. (Deut. 32:4) Paano? Pag-isipan ito: Nagkakasala tayo at namamatay dahil sa pagsuway ni Adan. (Roma 5:12) Kaya para mapalaya tayo sa kasalanan at kamatayan, ibinigay ni Jehova si Jesus para maging pantubos. Pero paano maililigtas ng kamatayan ng isang perpektong tao ang buhay ng milyon-milyon? Ipinaliwanag iyan ni apostol Pablo: “Dahil lang sa pagsuway ng isang tao [si Adan], marami ang naging makasalanan, pero dahil sa pagkamasunurin ng isang tao [si Jesus], marami ang magiging matuwid.” (Roma 5:19; 1 Tim. 2:6) Sinasabi dito ni Pablo na naging makasalanan at namamatay ang lahat ng tao dahil sinuway ng isang perpektong tao ang Diyos. Kaya para mapalaya tayo sa kasalanan at kamatayan, kailangan ang isang perpektong tao na magiging masunurin sa Diyos.

Isang tao ang dahilan kung bakit tayo naging alipin ng kasalanan at kamatayan. Kaya isang tao rin ang kailangan para mapalaya tayo (Tingnan ang parapo 3)


4. Bakit hindi na lang hinayaan ni Jehova na mabuhay magpakailanman ang mga naging anak ni Adan na sumunod sa Diyos?

4 Kailangan ba talagang mamatay ni Jesus para mailigtas tayo? Puwede naman sanang hayaan na lang ni Jehova na mabuhay magpakailanman ang mga naging anak ni Adan na sumunod sa Diyos. Sa pananaw ng di-perpektong tao, magandang solusyon iyan. Pero hindi maipapakita ng solusyong iyan ang perpektong katarungan ni Jehova. Dahil makatarungan siya, hindi niya puwedeng bale-walain ang pagsuway ni Adan.

5. Bakit tayo makakasigurado na laging gagawin ni Jehova ang tama?

5 Kung hindi ibinigay ni Jehova ang pantubos at hinayaan niyang mabuhay magpakailanman ang mga di-perpektong inapo ni Adan, ibig sabihin, binale-wala niya ang pamantayan niya ng tama at mali. Kaya baka mag-alala ang mga tao na posible niyang ulitin iyon. Baka hindi na niya gawin ang mga sinabi niyang gagawin niya, gaya ng mga pangako niya. Pero alam nating hindi iyon mangyayari. Ginawa ni Jehova kung ano ang makatarungan kahit kailangan niyang isakripisyo ang pinakamamahal niyang Anak. Kaya makakasigurado tayo na lagi niyang gagawin ang tama.

6. Ano pang katangian ni Jehova ang itinuturo sa atin ng pantubos? (1 Juan 4:9, 10)

6 Natutuhan natin na makatarungan si Jehova. Pero mas makikita natin sa pantubos ang pag-ibig niya—kung gaano niya tayo kamahal. (Juan 3:16; basahin ang 1 Juan 4:9, 10.) Ibinigay ni Jehova ang Anak niya para sa atin dahil gusto niya tayong mabuhay magpakailanman at gusto rin niya na maging bahagi tayo ng pamilya niya. Nang magkasala kasi si Adan, hindi na siya bahagi ng pamilya ni Jehova. Kaya ganiyan na rin ang sitwasyon natin ngayon. Pero dahil sa pantubos, posible nang maging bahagi ng pamilya ni Jehova sa hinaharap ang mga nananampalataya at sumusunod sa Kaniya. At ngayon pa lang, pinapatawad na ni Jehova ang mga kasalanan natin. Puwede na rin tayong maging malapít sa kaniya at sa iba pang sumasamba sa kaniya. Mahal na mahal talaga tayo ni Jehova!—Roma 5:10, 11.

7. Talagang nagdusa si Jesus para ilaan ang pantubos. Paano nito idiniin ang pag-ibig ni Jehova sa atin?

7 Mas maiintindihan natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova kung pag-iisipan natin ang sakit na naramdaman niya para ilaan ang pantubos. Sinabi ni Satanas na walang mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok. Para patunayang mali si Satanas, hinayaan ni Jehova na magdusa si Jesus bago siya mamatay. (Job 2:1-5; 1 Ped. 2:21) Kitang-kita ni Jehova kung paano ipinahiya si Jesus ng mga kaaway niya, binugbog ng mga sundalo, at ipinako sa tulos. Nakita rin ni Jehova habang unti-unting nagdurusa si Jesus bago siya mamatay. (Mat. 27:28-31, 39) Kayang-kayang pigilan ni Jehova ang lahat ng iyon. Halimbawa, noong sabihin ng mga tao, ‘Iligtas siya ng Diyos ngayon kung mahal niya siya,’ puwede sanang gawin iyon ni Jehova. (Mat. 27:42, 43) Pero kapag ginawa niya iyon, hindi mailalaan ang pantubos at hindi tayo magkakaroon ng pag-asa. Kaya hinayaan ni Jehova na magdusa ang Anak niya hanggang kamatayan.

8. Paano natin nalaman na nasaktan si Jehova nang makita niyang nagdurusa ang Anak niya? Ipaliwanag. (Tingnan din ang larawan.)

8 Makapangyarihan-sa-Lahat si Jehova, pero hindi ibig sabihin nito na wala siyang nararamdaman. Dahil ginawa tayo ayon sa larawan niya at mayroon tayong emosyon, siguradong mayroon ding emosyon si Jehova. Sinasabi ng Bibliya na nasasaktan siya. (Awit 78:40, 41) Pag-isipan ang nangyari kina Abraham at Isaac. Inutusan si Abraham na ihandog ang kaisa-isa niyang anak. (Gen. 22:9-12; Heb. 11:17-19) Nai-imagine ba ninyo ang iba’t ibang emosyon ni Abraham mula nang marinig niya iyon hanggang sa puntong papatayin na niya ang anak niya? Siguradong mas matindi pa ang naramdaman ni Jehova nang makita niyang pinahirapan at pinatay ang Anak niya!—Tingnan sa jw.org ang video na Tularan ang Kanilang Pananampalataya—Abraham, Bahagi 2.

Napakasakit kay Jehova na makitang nagdurusa ang Anak niya (Tingnan ang parapo 8)


9. Ano ang matututuhan mo sa Roma 8:32, 38, 39 tungkol sa pag-ibig ni Jehova?

9 Itinuturo ng pantubos na wala nang mas magmamahal sa atin kaysa kay Jehova—kahit pa ang pinakamalapít nating kapamilya o kaibigan. (Basahin ang Roma 8:32, 38, 39.) Mahal natin ang sarili natin, pero mas matindi pa doon ang pagmamahal ni Jehova. Hindi ba gusto mong mapatawad ang mga kasalanan mo at magkaroon ng buhay na walang hanggan? Mas gusto iyan ni Jehova para sa iyo at handa siyang gawin iyan! Ang hiling lang niya ay tanggapin natin ang pantubos, manampalataya sa kaniya, at sundin siya. Napakagandang regalo ng pantubos at patunay iyon na mahal na mahal tayo ni Jehova. At sa bagong sanlibutan, mas marami pa tayong matututuhan tungkol sa pag-ibig ni Jehova.—Ecles. 3:11.

ANG ITINUTURO NG PANTUBOS TUNGKOL KAY JESUS

10. (a) Bakit nag-alala si Jesus nang papatayin na siya? (b) Ano ang napatunayan ng kamatayan ni Jesus? (Tingnan din ang kahong “ Naipagbangong-Puri ang Pangalan ni Jehova Dahil sa Katapatan ni Jesus.”)

10 Napakahalaga kay Jesus ng pangalan ng Ama niya. (Juan 14:31) Nag-alala si Jesus na baka masiraan ang pangalan ng Ama niya dahil inakusahan siya ng pamumusong at sedisyon. Iyan ang dahilan kaya ipinanalangin niya: “Ama ko, kung maaari, alisin mo sa akin ang kopang ito.” (Mat. 26:39) Dahil nanatili siyang tapat kay Jehova hanggang kamatayan, naipagbangong-puri ni Jesus ang pangalan ng Ama niya.

11. Paano ipinakita ni Jesus na mahal na mahal niya ang mga tao? (Juan 13:1)

11 Itinuturo din ng pantubos na mahal na mahal ni Jesus ang mga tao, lalo na ang mga alagad niya. (Kaw. 8:31; basahin ang Juan 13:1.) Alam ni Jesus na hindi magiging madali ang atas niya dito sa lupa, lalo na ang kamatayan niya. Pero ginawa pa rin niya ang mahihirap na bagay na iyon, hindi lang dahil iniutos iyon sa kaniya, kundi dahil mahal na mahal niya ang mga tao. Ginawa niya ang lahat para mapangaralan, maturuan, at matulungan sila. Kahit noong araw na mamamatay na siya, hinugasan pa rin niya ang paa ng mga apostol niya para turuan sila. At pinatibay niya rin sila. (Juan 13:12-15) Noong nakapako na siya sa tulos, nakapagbigay siya ng pag-asa sa kriminal na katabi niya at naihabilin pa nga ang nanay niya sa iba. (Luc. 23:42, 43; Juan 19:26, 27) Kaya naipakita ni Jesus na mahal na mahal niya ang mga tao, hindi lang nang mamatay siya, kundi sa buong buhay niya.

12. Paano patuloy na nagsasakripisyo si Jesus para sa atin?

12 Namatay si Jesus “nang minsanan” para sa atin, pero patuloy pa rin siyang nagsasakripisyo hanggang ngayon. (Roma 6:10) Paano? May mga ginagawa pa rin siya hanggang ngayon para makinabang tayo sa pantubos. Halimbawa, naglilingkod siya bilang Hari, Mataas na Saserdote, at ulo ng kongregasyon. (1 Cor. 15:25; Efe. 5:23; Heb. 2:17) Siya ang nangunguna sa pagtitipon ng mga pinahiran at ng malaking pulutong, isang gawain na aabot bago matapos ang malaking kapighatian. a (Mat. 25:32; Mar. 13:27) Sinisigurado rin ni Jesus na may saganang espirituwal na pagkain ang mga lingkod niya sa mga huling araw na ito. (Mat. 24:45) At sa Sanlibong-Taóng Paghahari niya, marami pa siyang gagawin para sa mga tao. Talagang ibinigay ni Jehova ang Anak niya para sa atin!

PATULOY NA MATUTO

13. Paano ka patuloy na matututo tungkol sa pag-ibig ng Diyos at ni Kristo para sa atin?

13 Matututo ka pa tungkol sa pag-ibig ng Diyos na Jehova at ni Kristo Jesus kung patuloy mo itong pag-iisipan. Ngayong panahon ng Memoryal, puwede mong basahin ang isa o higit pa sa mga Ebanghelyo. Huwag mong madaliin ang pagbabasa. Maghanap ng iba pang dahilan para mahalin si Jehova at si Jesus. Pagkatapos, sabihin mo sa iba ang mga natututuhan mo.

14. Gaya ng sinasabi sa Awit 119:97 at talababa, paano makakatulong ang pagre-research para matuto pa tayo tungkol sa pantubos at iba pang mga turo? (Tingnan din ang larawan.)

14 Baka matagal ka nang nasa katotohanan at maisip mo kung posible ba talagang may bago kang matutuhan sa mga bagay na alam mo na, gaya ng katarungan ng Diyos, pag-ibig niya, at pantubos. Pero ang totoo, mayroon at mayroon ka pa ring matututuhan tungkol sa mga bagay na ito. Kaya ano ang puwede mong gawin? Basahin at pag-aralang mabuti ang mga salig-Bibliyang publikasyon natin. Kapag may hindi ka naintindihan sa binabasa mo sa Bibliya, mag-research pa. At sa buong araw, pag-isipang mabuti ang mga bagay na natutuhan mo tungkol kay Jehova, sa Anak niya, at sa pag-ibig nila sa iyo.—Basahin ang Awit 119:97 at talababa.

Kahit matagal na tayong nasa katotohanan, puwede pa ring lumalim ang pagpapahalaga natin sa pantubos (Tingnan ang parapo 14)


15. Bakit dapat tayong patuloy na maghanap ng mga katotohanan sa Bibliya na bago sa atin?

15 Huwag kang malungkot kung wala kang nakita o natutuhang bago sa pagbabasa at pagre-research mo. Isipin ang mga naghahanap ng ginto. Baka maraming oras o araw ang kailangan bago sila makakita ng ginto. Pero hindi sila humihinto kasi napakahalaga ng bawat piraso nito. Mas mahalaga pa diyan ang bawat katotohanan sa Bibliya! (Awit 119:127; Kaw. 8:10) Kaya ipagpatuloy mo lang ang schedule mo ng pagbabasa ng Bibliya.—Awit 1:2.

16. Paano natin matutularan si Jehova at si Jesus?

16 Habang nag-aaral ka, pag-isipan kung paano mo isasabuhay ang mga natututuhan mo. Halimbawa, para matularan mo ang katarungan ni Jehova, maging patas sa lahat. Matutularan mo naman ang pag-ibig ni Jesus sa kaniyang Ama at sa iba kung handa mong gawin ang gusto ni Jehova at tulungan ang iba, kahit mahirap iyon kung minsan. Matutularan mo rin si Jesus kung mangangaral ka sa iba para malaman din nila ang napakagandang regalo ni Jehova.

17. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

17 Habang mas naiintindihan at napapahalagahan natin ang pantubos, mas mamahalin natin si Jehova at ang Anak niya. Dahil diyan, mas mamahalin din nila tayo. (Juan 14:21; Sant. 4:8) Kaya patuloy nating gawin ang lahat para matuto pa tungkol sa pantubos. Tatalakayin naman sa susunod na artikulo kung paano tayo puwedeng makinabang sa pantubos at kung paano natin maipapakita na ipinagpapasalamat natin ang pag-ibig ni Jehova.

AWIT BLG. 107 Tularan ang Pag-ibig ni Jehova

a Ang pagtitipon sa “mga bagay sa langit” na binanggit ni Pablo sa Efeso 1:10 ay iba sa pagtitipon sa “mga pinili” na binanggit ni Jesus sa Mateo 24:31 at Marcos 13:27. Ang tinutukoy ni Pablo ay ang panahong pinipili ni Jehova ang mga makakasama ni Jesus na mamahala sa langit at pinapahiran sila ng banal na espiritu. Ang tinutukoy naman ni Jesus ay ang panahon kung kailan titipunin sa langit ang mga natitirang pinahiran dito sa lupa sa panahon ng malaking kapighatian.