Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 1

AWIT BLG. 2 Jehova ang Iyong Ngalan

Ibigay kay Jehova ang Kaluwalhatian

Ibigay kay Jehova ang Kaluwalhatian

TAUNANG TEKSTO PARA SA 2025: “Ibigay ninyo kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa pangalan niya.”AWIT 96:8.

MATUTUTUHAN

Kung paano natin ibibigay kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya.

1. Saan nakapokus ang maraming tao sa ngayon?

 MARAMING tao sa ngayon ang nakapokus lang sa sarili nila. Halimbawa, ginagamit ng ilan ang social media para ipagyabang ang sarili nila at ang mga nagagawa nila. Pero kaunti lang sa ngayon ang nagbibigay ng kaluwalhatian o papuri sa Diyos na Jehova. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang ibig sabihin ng pagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova at kung bakit dapat nating gawin iyon. Malalaman din natin kung paano natin luluwalhatiin ang Diyos at kung paano niya luluwalhatiin ang pangalan niya sa hinaharap.

ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAGBIBIGAY NG KALUWALHATIAN KAY JEHOVA?

2. Paano ipinakita ni Jehova ang kaluwalhatian niya sa Bundok Sinai? (Tingnan din ang larawan.)

2 Ano ang kaluwalhatian? Sa Bibliya, tumutukoy ang salitang “kaluwalhatian” sa anumang bagay na nagiging dahilan para purihin at maging kahanga-hanga ang isa. Ipinakita ni Jehova ang kaluwalhatian niya pagkatapos na pagkatapos mapalaya ang mga Israelita mula sa Ehipto. Isipin ito: Milyon-milyong Israelita ang nasa paanan ng Bundok Sinai para pakinggan ang sasabihin ng Diyos sa kanila. Pagkatapos, natakpan ng makapal na ulap ang bundok. Biglang lumindol at nagkaroon ng usok sa paligid. Kumulog din at kumidlat, at narinig nila ang napakalakas na tunog ng tambuli. (Ex. 19:16-18; 24:17; Awit 68:8) Nang ipakita ni Jehova ang kaluwalhatian niya, siguradong hangang-hanga ang mga Israelita.

Sa Bundok Sinai, ipinakita ni Jehova ang kaluwalhatian niya sa mga Israelita (Tingnan ang parapo 2)


3. Ano ang ibig sabihin ng pagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova?

3 Magagawa ba ng mga tao na magbigay ng kaluwalhatian kay Jehova? Oo. Paano? Kapag sinasabi natin sa iba ang mga kamangha-manghang ginawa niya at ang magagandang katangian niya. Maluluwalhati rin natin siya kapag ibinibigay natin sa kaniya ang papuri para sa mga nagagawa natin. (Isa. 26:12) Tingnan ang halimbawa ni Haring David. Habang nananalangin si David sa harap ng Israel, sinabi niya sa Diyos: “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kaluwalhatian at ang karingalan, dahil ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo.” Pagkatapos manalangin ni David, “pinuri ng buong kongregasyon si Jehova.”—1 Cro. 29:11, 20.

4. Paano niluwalhati ni Jesus si Jehova?

4 Noong nasa lupa si Jesus, niluwalhati niya ang Ama niya nang sabihin niyang sa Kaniya nagmula ang kapangyarihang gumawa ng mga himala. (Mar. 5:18-20) Niluwalhati rin ni Jesus si Jehova dahil sa mga sinabi niya tungkol sa Ama niya at sa paraan ng pakikitungo niya sa iba. Minsan, nagtuturo si Jesus sa sinagoga. Nakikinig sa kaniya ang isang babaeng 18 taon nang may kapansanan at hindi makatayo nang tuwid dahil sinasapian ito ng demonyo. Napakahirap ng kalagayan ng babae. Naawa si Jesus, kaya nilapitan niya ito at mabait niyang sinabi: “Mawawala na ang kapansanan mo.” Hinawakan ni Jesus ang babae, “at agad itong nakatayo nang tuwid at niluwalhati ang Diyos.” (Luc. 13:10-13) Tama lang na luwalhatiin ng babae si Jehova, at ganiyan din dapat tayo.

BAKIT NATIN NILULUWALHATI SI JEHOVA?

5. Ano ang mga dahilan kung bakit natin nirerespeto si Jehova?

5 Malaki ang respeto natin kay Jehova. Marami tayong dahilan para irespeto si Jehova. Siya ang Makapangyarihan-sa-Lahat; kayang-kaya niyang gawin ang anumang gusto niya. (Awit 96:4-7) Kitang-kita ang karunungan niya sa mga nilalang niya. Siya rin ang nagbigay ng buhay natin at ng lahat ng kailangan natin para manatiling buháy. (Apoc. 4:11) Tapat siya. (Apoc. 15:4) Nagtatagumpay ang lahat ng ginagawa niya at lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. (Jos. 23:14) Sinabi nga ni propeta Jeremias tungkol kay Jehova: “Walang sinumang marunong sa lahat ng kaharian ang makapapantay sa iyo”! (Jer. 10:6, 7) Marami talaga tayong dahilan para respetuhin ang Ama natin sa langit. Pero hindi lang natin siya nirerespeto—mahal din natin siya.

6. Bakit natin mahal si Jehova?

6 Mahal na mahal natin si Jehova. Dahil iyan sa magagandang katangian niya. Maawain siya at mapagmalasakit. (Awit 103:13; Isa. 49:15) Nasasaktan din siya kapag nasasaktan tayo. (Zac. 2:8) Tinutulungan niya tayong mapalapit sa kaniya at maging kaibigan niya. (Awit 25:14; Gawa 17:27) Mapagpakumbaba rin siya kasi “yumuyuko siya para tumingin sa langit at sa lupa, at ibinabangon niya ang hamak mula sa alabok.” (Awit 113:6, 7) Napakarami talaga nating dahilan para purihin ang Diyos natin.—Awit 86:12.

7. May pribilehiyo tayong gawin ang ano?

7 Gusto nating makilala ng iba si Jehova. Marami ang hindi nakakaalam ng katotohanan tungkol sa kaniya. Bakit? Naniniwala kasi sila sa mga kasinungalingan ni Satanas tungkol kay Jehova. (2 Cor. 4:4) Napaniwala niya sila na magagalitin ang Diyos at walang malasakit. Iniisip din ng ilan na Diyos ang dahilan ng mga pagdurusa natin. Pero alam nating hindi totoo ang mga iyan. At may pribilehiyo tayong sabihin sa iba ang totoo tungkol sa Diyos para mapapurihan siya. (Isa. 43:10) Maganda ang sinasabi ng Awit 96 tungkol sa pagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova. Habang tinatalakay natin ito, tingnan kung paano mo maibibigay kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya.

PAANO NATIN MAIBIBIGAY KAY JEHOVA ANG KALUWALHATIANG NARARAPAT SA KANIYA?

8. Paano natin maluluwalhati si Jehova? (Awit 96:1-3)

8 Basahin ang Awit 96:1-3. Maluluwalhati natin si Jehova sa mga sinasabi natin tungkol sa kaniya. Sinasabi sa atin ng mga talatang ito na ‘umawit kay Jehova,’ ‘purihin ang pangalan niya,’ ‘ihayag ang mabuting balita ng pagliligtas niya,’ at ‘isaysay sa mga bansa ang kaluwalhatian niya.’ Kapag ginawa natin ang mga iyan, napapapurihan natin ang Ama natin sa langit. Gustong-gusto ng mga lingkod ni Jehova noon na ipaalam sa iba ang tungkol sa magagandang katangian ng Diyos at sa mga nagawa niya para sa kanila. (Dan. 3:16-18; Gawa 4:29) Paano kaya natin sila matutularan?

9-10. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Angelena? (Tingnan din ang larawan.)

9 Tingnan ang karanasan ni Angelena, a isang sister na nakatira sa United States. Lakas-loob niyang ipinagtanggol si Jehova sa kompanyang pinagtatrabahuhan niya. Bagong empleado si Angelena. Inimbitahan siya sa isang meeting kung saan nagpapakilala ang mga baguhan. Gusto niyang ipakita kung gaano siya kasayang maging isang Saksi ni Jehova, kaya gumawa siya ng isang slide show. Kaso may nauna sa kaniya na nagpakilala na pinalaking Saksi, at siniraan nito ang mga paniniwala natin. Sabi ni Angelena: “Kabadong-kabado ako. Pero naisip ko: ‘Hahayaan ko na lang bang may magsabi ng masama tungkol kay Jehova? O ipagtatanggol ko siya?’”

10 Pagkatapos magsalita ng katrabaho niya, nanalangin si Angelena nang maikli. Pagkatapos, mabait niyang sinabi sa katrabaho niya: “Pareho tayo. Pinalaki rin akong Saksi ni Jehova, at Saksi pa rin ako ngayon.” Kahit kinakabahan, kalmado pa rin si Angelena. Ipinakita niya ang mga picture niya at ng mga kaibigan niya habang masaya silang naglilingkod kay Jehova. Magalang niya ring ipinaliwanag ang mga paniniwala natin. (1 Ped. 3:15) Ang resulta? Pagkatapos magsalita ni Angelena, bumait ang lalaki. Inamin pa nga ng lalaki na may magaganda siyang karanasan noong bata pa siya at sumasama sa mga Saksi. Sabi ni Angelena: “Dapat lang na ipagtanggol si Jehova. At karangalan kong gawin iyon.” Pribilehiyo rin nating purihin si Jehova kapag sinisiraan siya.

Maluluwalhati natin si Jehova sa mga sinasabi natin (Tingnan ang parapo 9-10) b


11. Paano sinusunod ng mga tunay na mananamba mula noon ang prinsipyo sa Awit 96:8?

11 Basahin ang Awit 96:8. Maluluwalhati natin si Jehova gamit ang mga pag-aari natin. Matagal nang ginagawa iyan ng mga tunay na mananamba ni Jehova. (Kaw. 3:9) Halimbawa, nagbigay ng mga materyal na bagay ang mga Israelita noon para sa pagtatayo at pagkukumpuni ng templo. (2 Hari 12:4, 5; 1 Cro. 29:3-9) Ginamit din ng mga alagad “ang sarili nilang pag-aari” para paglingkuran si Kristo at ang mga apostol niya. (Luc. 8:1-3) Nagbigay rin ng tulong ang mga Kristiyano noon sa mga kapatid nila. (Gawa 11:27-29) Maluluwalhati rin natin ngayon si Jehova gamit ang mga donasyon natin.

12. Paano nakakatulong ang mga donasyon natin para maluwalhati si Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

12 Tingnan kung paano nakatulong ang mga donasyon natin para maluwalhati si Jehova. Noong 2020, nagkaroon ng mahabang tagtuyot sa Zimbabwe. Dahil diyan, milyon-milyon ang muntik nang mamatay dahil sa gutom, kasama na si Prisca. Pero sinunod pa rin niya ang schedule niya ng pangangaral tuwing Miyerkules at Biyernes, kahit panahon na ng pagtatanim. Pinagtawanan siya ng mga kapitbahay niya kasi mas inuna pa niya ang pangangaral. Sinabi nila, “Magugutom ka sa ginagawa mo.” Pero laging sinasabi ni Prisca sa kanila, “Hindi pinapabayaan ni Jehova ang mga lingkod niya.” Di-nagtagal, nakatanggap si Prisca ng relief mula sa organisasyon. Naging posible ang relief na iyon dahil sa mga donasyon natin. Humanga ang mga kapitbahay ni Prisca. Sinabi nila, “Hindi ka talaga pinabayaan ng Diyos mo, kaya gusto namin siyang makilala.” Dahil sa nangyaring iyon, pito sa mga kapitbahay niya ang nagsimulang dumalo sa mga pulong.

Maluluwalhati natin si Jehova gamit ang mga pag-aari natin (Tingnan ang parapo 12) c


13. Paano natin maluluwalhati si Jehova sa paggawi natin? (Awit 96:9)

13 Basahin ang Awit 96:9. Maluluwalhati natin si Jehova sa paggawi natin. Kailangang maging malinis sa pisikal ang mga saserdote na naglilingkod sa templo ni Jehova. (Ex. 40:30-32) Pero may mas mahalaga pa dito—ang malinis na paggawi. (Awit 24:3, 4; 1 Ped. 1:15, 16) Kailangan nating magsikap na hubarin “ang lumang personalidad,” o ang mga katangian at paggawi na ayaw ni Jehova. Pagkatapos, kailangan din nating isuot “ang bagong personalidad,” o paraan ng pag-iisip at pagkilos na kagaya ng kay Jehova. (Col. 3:9, 10) Sa tulong niya, puwedeng magbago kahit ang mga taong napakaimoral at marahas, at makapagsuot ng bagong personalidad.

14. Ano ang natutuhan natin sa karanasan ni Jack? (Tingnan din ang larawan.)

14 Isang halimbawa diyan si Jack. Napakarahas niyang kriminal. At sa sobrang sama niya, tinawag siyang “Ang Demonyo.” Sinentensiyahan si Jack na mamatay. Habang hinihintay iyon, nagpa-Bible study siya sa isang brother na dumadalaw sa bilangguang iyon. Kahit napakarami niyang ginawang masama, nagbago siya at naging kuwalipikado na magpabautismo. Sobrang laki ng ipinagbago ni Jack, kaya naiyak pa nga ang ilang bantay ng bilangguan noong araw na ilalapat na ang hatol sa kaniya. Sabi ng isang opisyal na nagtatrabaho sa bilangguan: “Noon, si Jack ang pinakamalalang preso namin. Pero ngayon, isa na siya sa pinakamabait.” Nang sumunod na linggo, bumalik ang mga brother sa bilangguan para magdaos ng pulong. May nakilala silang isang preso na unang beses dumalo. Namangha kasi siya sa pagbabago ni Jack, at gusto niyang malaman kung paano niya rin sasambahin si Jehova. Talagang nagbibigay ng kaluwalhatian sa Ama natin sa langit ang mga paggawi natin!—1 Ped. 2:12.

Maluluwalhati natin si Jehova sa paggawi natin (Tingnan ang parapo 14) d


PAANO LULUWALHATIIN NI JEHOVA ANG PANGALAN NIYA SA HINAHARAP?

15. Paano ipapakita ni Jehova sa hinaharap na dapat siyang luwalhatiin ng lahat? (Awit 96:10-13)

15 Basahin ang Awit 96:10-13. Makikita sa mga huling talata ng Awit 96 na matuwid na Hukom at Hari si Jehova. Paano ipapakita ni Jehova sa hinaharap na dapat siyang luwalhatiin ng lahat? Magiging matuwid siya sa mga hatol niya. Malapit na niyang puksain ang Babilonyang Dakila dahil siniraan nito ang pangalan niya. (Apoc. 17:5, 16; 19:1, 2) Pero may ilang makakasaksi sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila na posibleng sumama sa atin sa tunay na pagsamba. At sa Armagedon, tuluyan nang aalisin ni Jehova ang sistemang ito ni Satanas. Kaya mawawala na ang lahat ng kumakalaban sa kaniya at naninira sa pangalan niya. Pero ililigtas niya ang lahat ng nagmamahal, sumusunod, at nagbibigay ng kaluwalhatian sa kaniya. (Mar. 8:38; 2 Tes. 1:6-10) Pagkatapos ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, magkakaroon ng huling pagsubok. Kapag natapos na iyon, lubusan nang naluwalhati ni Jehova ang pangalan niya. (Apoc. 20:7-10) Sa panahong iyon, “ang lupa ay mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Hab. 2:14.

16. Ano ang determinado mong gawin? (Tingnan din ang larawan.)

16 Talagang napakasayang makita ang panahon na ibinibigay ng lahat kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya! Pero ngayon pa lang, puwede na nating gawin ang buong makakaya natin para maluwalhati si Jehova sa mga sinasabi at ginagawa natin. At para madiin sa atin kung gaano ito kahalaga, pinili ng Lupong Tagapamahala ang Awit 96:8 na maging taunang teksto natin para sa 2025: “Ibigay ninyo kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa pangalan niya.”

Sa hinaharap, ibibigay ng lahat kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa pangalan niya! (Tingnan ang parapo 16)

AWIT BLG. 12 Dakilang Diyos, Jehova

a Binago ang ilang pangalan.

b LARAWAN: Pagsasadula ng karanasan ni Angelena.

c LARAWAN: Pagsasadula ng karanasan ni Prisca.

d LARAWAN: Pagsasadula ng karanasan ni Jack.