Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 2

AWIT BLG. 132 Tayo’y Isa Na

Mga Asawang Lalaki, Parangalan ang Inyong Asawang Babae

Mga Asawang Lalaki, Parangalan ang Inyong Asawang Babae

‘Kayong mga asawang lalaki, bigyan ninyo sila ng karangalan.’1 PED. 3:7.

MATUTUTUHAN

Kung paano mapaparangalan ng asawang lalaki ang asawang babae sa mga sinasabi at ginagawa niya.

1. Ano ang isang dahilan kung bakit pinasimulan ni Jehova ang pag-aasawa?

 “MALIGAYANG Diyos” si Jehova, at gusto niya rin tayong maging masaya. (1 Tim. 1:11) Binigyan niya tayo ng napakaraming regalo para ma-enjoy ang buhay. (Sant. 1:17) Isa sa mga regalong iyon ang pag-aasawa. Kapag naging mag-asawa ang isang lalaki’t babae, nangangako silang mamahalin, irerespeto, at papahalagahan nila ang isa’t isa. Kung papanatilihin nila ang malapít na ugnayan nila, talagang magiging masaya sila.—Kaw. 5:18.

2. Ano ang kalagayan ng maraming mag-asawa ngayon?

2 Nakakalungkot, hindi tinutupad ng maraming mag-asawa ngayon ang pangako nila noong ikasal sila. Dahil dito, hindi sila masaya. Ayon sa kamakailang report ng World Health Organization, maraming asawang lalaki ang nananakit sa asawa nila, nagsasalita ng masama sa mga ito, o nang-aabuso sa iba pang paraan. Baka napakabait nila sa asawa nila kapag nasa harap ng iba, pero minamaltrato naman ito kapag nasa bahay na. Marami ring nasirang pagsasama dahil nanonood ang lalaki ng pornograpya.

3. Bakit mapang-abuso ang ilang asawang lalaki?

3 Ano ang mga posibleng dahilan kung bakit mapang-abuso ang isang asawang lalaki? Baka mapang-abuso ang tatay niya, kaya akala niya, normal lang iyon. Posible ring nakaimpluwensiya sa kaniya ang kultura niya. Baka sa kanila, hindi ka “tunay na lalaki” kung hindi mo napupuwersang pasunurin ang asawa mo. May ilang lalaki naman na hindi natutong kontrolin ang emosyon nila, kasama na ang galit nila. Nagkaroon naman ng maling pananaw ang ilang lalaki sa mga babae at sa sex dahil sa panonood ng pornograpya. Bukod diyan, sinasabi ng mga report na pinalala pa ng COVID-19 pandemic ang mga problemang ito. Pero hindi dahilan ang alinman sa mga ito para abusuhin ng lalaki ang asawa niya.

4. Saan dapat mag-ingat ang mga Kristiyanong asawang lalaki, at bakit?

4 Dapat mag-ingat ang mga Kristiyanong asawang lalaki na magkaroon ng maling pananaw sa mga babae. a Bakit? Kasi kadalasan nang nagagawa ng isang tao kung ano ang nasa isip niya. Sinabihan ni apostol Pablo ang mga pinahirang Kristiyano sa Roma na “huwag [nang] magpahubog sa sistemang ito.” (Roma 12:1, 2) Noong sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Roma, lumilitaw na matagal na silang mga Kristiyano. Pero ipinapakita ng mga sinabi ni Pablo na may ilan sa kongregasyon na naiimpluwensiyahan pa rin ng mga kaugalian at kaisipan ng mundo. Kaya pinayuhan niya sila na baguhin ang pag-iisip nila at paggawi. Para din iyan sa mga Kristiyanong asawang lalaki sa ngayon. Nakakalungkot, may ilan na naimpluwensiyahan ng kaisipan ng mundo at naging mapang-abuso pa nga sa asawa nila. b Paano nga ba gusto ni Jehova na pakitunguhan ng lalaki ang asawa niya? Makikita natin ang sagot sa temang teksto ng artikulong ito.

5. Ayon sa 1 Pedro 3:7, paano dapat pakitunguhan ng lalaki ang asawa niya?

5 Basahin ang 1 Pedro 3:7. Inutusan ni Jehova ang mga lalaki na parangalan ang asawa nila. Kapag pinaparangalan mo ang isang tao, ipinapakita mo sa salita at gawa na iginagalang mo siya. Kaya napaparangalan ng lalaki ang asawa niya kapag nakikitungo siya dito nang mabait at may pagmamahal. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano iyan magagawa ng asawang lalaki. Pero pag-usapan muna natin ang mga paggawing nakakawalang-dangal sa asawang babae.

HUWAG GUMAWA NG ANUMANG BAGAY NA MAGWAWALANG-DANGAL SA ASAWA MO

6. Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag sinasaktan o binubugbog ng lalaki ang asawa niya? (Colosas 3:19)

6 Pananakit o pambubugbog. Galit si Jehova sa mararahas. (Awit 11:5) Espesipiko niyang binanggit na galit siya sa mga lalaking inaabuso ang asawa nila. (Mal. 2:16; basahin ang Colosas 3:19.) Base sa 1 Pedro 3:7, na temang teksto natin, kapag minamaltrato ng lalaki ang asawa niya, masisira ang kaugnayan niya sa Diyos. Binanggit doon na hindi papakinggan ni Jehova ang mga panalangin niya.

7. Ayon sa Efeso 4:31, 32, anong klase ng pananalita ang dapat iwasan ng mga asawang lalaki? (Tingnan din ang “Karagdagang Paliwanag.”)

7 Mapang-abusong pananalita. May mga lalaki na galit makipag-usap sa asawa nila at masakit magsalita. Pero ayaw ni Jehova sa “galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita.” c (Basahin ang Efeso 4:31, 32.) Naririnig ni Jehova ang lahat. Mahalaga kay Jehova kung paano nakikipag-usap ang lalaki sa asawa niya kahit nasa bahay lang sila. Kapag masakit magsalita ang lalaki sa asawa niya, hindi lang pagsasama nila ang nasisira, kundi pati ang kaugnayan niya sa Diyos.—Sant. 1:26.

8. Ano ang tingin ni Jehova sa pornograpya, at bakit?

8 Panonood ng pornograpya. Ano ang tingin ni Jehova sa pornograpya? Kinamumuhian niya ito. Kaya kapag tumitingin ang asawang lalaki sa malalaswang larawan o video, nasisira ang kaugnayan niya kay Jehova at nawawalang-dangal ang asawa niya. d Inaasahan ni Jehova na magiging tapat ang lalaki sa asawa niya, hindi lang sa mga ginagawa niya, kundi pati sa mga iniisip niya. Sinabi ni Jesus na ang isang lalaking tumitingin sa ibang babae nang may pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya “sa puso niya.” eMat. 5:28, 29.

9. Bakit galit si Jehova kapag pinipilit ng lalaki ang asawa niya na gawin ang isang bagay na hindi nito gusto kapag nagse-sex?

9 Pamimilit sa asawang babae na gawin ang hindi nito gusto kapag nagse-sex. Ginagawa iyan ng ilang asawang lalaki, kaya pakiramdam ng mga asawang babae, inaabuso sila at hindi minamahal. Ayaw na ayaw ni Jehova ang ganiyang makasariling paggawi ng asawang lalaki. Inaasahan niya na mamahalin at papahalagahan ng mga lalaki ang asawa nila at igagalang ang nararamdaman nito. (Efe. 5:28, 29) Paano kung naging mapang-abuso na ang isang Kristiyanong asawang lalaki o nanonood ng pornograpya? Paano niya mababago ang kaisipan at paggawi niya?

KUNG PAANO MAAALIS ANG MALING KAISIPAN AT PAGGAWI

10. Ano ang matututuhan ng mga asawang lalaki sa halimbawa ni Jesus?

10 Ano ang makakatulong sa mga asawang lalaki na maitigil ang mapang-abusong pananalita at paggawi? Dapat nilang sikaping tularan si Jesus. Totoo, hindi nag-asawa si Jesus. Pero matututo sila sa halimbawa niya kung paano nila dapat pakitunguhan ang asawa nila. (Efe. 5:25) Tingnan natin ngayon kung paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga apostol at kung paano siya nakikipag-usap sa kanila.

11. Paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga apostol niya?

11 Mabait si Jesus sa mga apostol niya at binibigyan niya sila ng dangal. Kahit kailan, hindi siya naging malupit sa kanila o dominante. Makapangyarihan si Jesus, pero hindi niya ginamit iyon para takutin sila o pasunurin. Sa halip, mapagpakumbaba siyang naglingkod sa kanila. (Juan 13:12-17) Sinabi niya sa mga alagad niya: “Matuto kayo sa akin, dahil ako ay mahinahon at mapagpakumbaba, at magiginhawahan kayo.” (Mat. 11:28-30) Pansinin na mahinahon si Jesus. Iniisip ng ilan na kahinaan ito. Pero ang totoo, malakas ang ganitong mga tao kasi nakokontrol nila ang sarili nila. Kahit galitin si Jesus, nananatili siyang kalmado at nakokontrol niya ang emosyon niya.

12. Paano makipag-usap si Jesus?

12 Kapag nakikipag-usap si Jesus, nakakapagpatibay ito at nakakarepresko. Hindi siya masakit magsalita sa mga tagasunod niya. (Luc. 8:47, 48) Kahit na iniinsulto siya at ginagalit ng mga kaaway niya, “hindi siya gumanti ng pang-iinsulto.” (1 Ped. 2:21-23) May pagkakataon pa ngang nanahimik na lang siya kaysa magsalita ng masama. (Mat. 27:12-14) Talaga ngang napakagandang halimbawa niya para sa mga Kristiyanong asawang lalaki!

13. Gaya ng mababasa sa Mateo 19:4-6, paano “mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae” ang asawang lalaki? (Tingnan din ang larawan.)

13 Inutusan ni Jesus ang mga asawang lalaki na manatiling tapat sa asawa nila. Inulit niya ang sinabi ng Ama niya na dapat ‘mamuhay kasama ng kaniyang asawang babae’ ang asawang lalaki. (Basahin ang Mateo 19:4-6.) Ang pandiwang Griego na ginamit sa pananalitang “mamumuhay kasama ng” ay literal na nangangahulugang “pagdikitin.” Kaya dapat na maging sobrang tibay ng pagsasama ng mag-asawa, na para bang magkadikit sila. Kapag naputol ang ganiyang ugnayan, siguradong may pinsalang maiiwan sa bawat isa. Kung ganiyan kalapít ang lalaki sa asawa niya, hinding-hindi siya titingin sa anumang uri ng pornograpya. Ilalayo niya agad ang “paningin [niya] sa mga bagay na walang kabuluhan.” (Awit 119:37) Para bang nakikipagtipan siya sa mata niya na hindi siya titingin sa ibang babae nang may pagnanasa.—Job 31:1.

Hindi tumitingin sa pornograpya ang tapat na asawang lalaki (Tingnan ang parapo 13) g


14. Ano ang mga kailangang gawin ng mapang-abusong asawang lalaki para maayos ang kaugnayan niya kay Jehova at sa asawa niya?

14 May mga kailangang gawin ang isang asawang lalaki na nananakit o nagsasalita nang mapang-abuso sa asawa niya para maayos ang kaugnayan niya dito at kay Jehova. Ano-ano ang mga ito? Una, dapat niyang aminin na masama ang ginagawa niya. Wala siyang maitatago kay Jehova. (Awit 44:21; Ecles. 12:14; Heb. 4:13) Ikalawa, dapat niyang itigil ang pang-aabuso sa asawa niya at baguhin ang ugali niya. (Kaw. 28:13) Ikatlo, dapat siyang humingi ng tawad sa asawa niya at kay Jehova. (Gawa 3:19) Dapat din siyang magsumamo kay Jehova na bigyan siya ng kagustuhang magbago at tulungan siyang kontrolin ang mga iniisip, sinasabi, at ginagawa niya. (Awit 51:10-12; 2 Cor. 10:5; Fil. 2:13) Ikaapat, kikilos siya kaayon ng mga panalangin niya. Sisikapin niyang kapootan ang lahat ng uri ng karahasan at mapang-abusong pananalita. (Awit 97:10) Ikalima, kailangan niyang lumapit agad sa mapagmahal na mga elder sa kongregasyon. (Sant. 5:14-16) Ikaanim, gagawa siya ng plano na tutulong sa kaniya na maiwasang maulit ang lahat ng masamang ginagawa niya. Iyan din ang mga dapat gawin ng mga asawang lalaki na nanonood ng pornograpya. Pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap nila na magbago. (Awit 37:5) Pero hindi sapat na iwasan lang ng asawang lalaki ang mga bagay na nakakasakit sa asawa niya. Kailangan din niyang matutuhan na parangalan ang asawa niya. Paano niya magagawa iyan?

KUNG PAANO PAPARANGALAN ANG ASAWA MO

15. Paano maipapakita ng lalaki na mahal niya ang asawa niya?

15 Ipakitang mahal mo siya. Nakasanayan ng ilang brother na masaya sa pag-aasawa na gumawa ng isang bagay araw-araw na nagpapakitang mahal nila ang asawa nila. (1 Juan 3:18) Kahit sa maliliit na bagay, puwedeng iparamdam ng lalaki ang pagmamahal niya sa asawa niya, gaya ng paghawak sa kamay nito o pagyakap dito. Puwede siyang magtext at sabihing “Miss na kita” o “Kumusta ka?” Paminsan-minsan, puwede rin siyang gumawa ng sulat-kamay na card para sa asawa niya. Kapag ginagawa ito ng asawang lalaki, napaparangalan niya ang asawa niya at tumitibay ang pagsasama nila.

16. Bakit dapat purihin ng lalaki ang asawa niya?

16 Sabihin sa kaniya kung gaano siya kahalaga sa iyo. Kapag pinaparangalan ng lalaki ang asawa niya, mararamdaman ng babae na minamahal siya at pinapahalagahan. Magagawa niya ito kung lagi niyang papasalamatan ang asawa niya sa lahat ng ginagawa nito para suportahan siya. (Col. 3:15) Kapag ginagawa ito nang mula sa puso, siguradong mapapahalagahan ito ng asawang babae. Magiging panatag siya, at mararamdaman niyang minamahal siya at pinaparangalan.—Kaw. 31:28.

17. Paano maipapakita ng lalaki na iginagalang niya ang asawa niya?

17 Maging mabait at magalang. Kapag mahal ng lalaki ang asawa niya, pinapahalagahan niya ito at inaalagaan. Itinuturing niya itong isang napakagandang regalo mula kay Jehova. (Kaw. 18:22; 31:10) Kaya pinapakitunguhan niya ito nang mabait at may paggalang, kahit pa nga sa pribadong mga bagay na pangmag-asawa. Hindi pipilitin ng lalaki ang asawa niya na gawin ang mga bagay na ayaw nito kapag nagse-sex. Baka kasi hindi komportable ang babae, pakiramdam niya naaabuso siya, o nababagabag ang konsensiya niya. f Pagsisikapan din ng asawang lalaki na panatilihin ang malinis na konsensiya sa harap ni Jehova.—Gawa 24:16.

18. Ano ang dapat na maging determinasyon ng mga asawang lalaki? (Tingnan din ang kahong “ Apat na Paraan Kung Paano Magpapakita ng Paggalang ang Asawang Lalaki.”)

18 Mga asawang lalaki, makakasigurado kayo na nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap ninyo na parangalan ang asawa ninyo sa lahat ng sinasabi at ginagawa ninyo. Maging determinadong iwasan ang mga bagay na makakasakit sa kanila. Maging mabait, magalang, at mapagmahal para maparangalan sila. Sa ganitong paraan, maipaparamdam ninyong mahal ninyo sila at pinapahalagahan. Kapag pinaparangalan ninyo ang asawa ninyo, mapoprotektahan ninyo ang pinakamahalagang bagay sa buhay ninyo—ang pakikipagkaibigan ninyo kay Jehova.—Awit 25:14.

AWIT BLG. 131 Ang Pinagsama ng Diyos

a Makakatulong sa mga asawang lalaki ang artikulong “Tinutularan Mo Ba ang Pakikitungo ni Jehova sa mga Babae?” sa Bantayan, isyu ng Enero 2024.

b Makakatulong sa mga biktima ng pang-aabuso ang artikulong “Tulong sa mga Biktima ng Pang-aabuso sa Loob ng Pamilya” sa serye ng mga artikulong “Iba Pang Paksa” na nasa jw.org at JW Library®.

c KARAGDAGANG PALIWANAG: Kasama sa “mapang-abusong pananalita” ang mapanlait na mga bansag, pang-iinsulto, o iba pang masakit na pananalita na nakakawalang-dangal. Kaya anumang sabihin ng lalaki sa asawang babae na nakakasakit o nakakainsulto ay maituturing na mapang-abuso.

d Tingnan ang artikulong “Puwedeng Sirain ng Pornograpya ang Pagsasama Ninyong Mag-asawa” na nasa jw.org at JW Library.

e Kung nanonood ng pornograpya ang asawang lalaki, makakatulong sa asawang babae ang artikulong “Kapag Nanonood ng Pornograpya ang Asawa Mo” sa Bantayan, isyu ng Agosto 2023.

f Hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya kung ano ang puwede at hindi puwedeng gawin ng mag-asawa kapag nagse-sex. Sila ang magpapasiya dito. Titiyakin nila na nagpaparangal ito kay Jehova at sa isa’t isa at na mapapanatili nila ang malinis na konsensiya. Karaniwan na, hindi dapat ikuwento ng mag-asawa sa iba ang pribadong bagay na ito.

g LARAWAN: Isang brother ang tinatawag ng mga katrabaho niyang di-Saksi para tumingin sa isang pornograpikong magasin.