Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Huwag Kang Matakot. Ako ang Tutulong sa Iyo”

“Huwag Kang Matakot. Ako ang Tutulong sa Iyo”

ISIPING naglalakad ka sa lansangan nang gabing-gabi. Bigla mong naramdamang may sumusunod sa iyo. Nang huminto ka, huminto rin siya. Nang bilisan mo ang paglalakad, ganoon din ang ginawa niya. Tumakbo ka na papunta sa bahay ng isang kaibigan na nasa malapit. Nang pagbuksan ka niya at papasukin, nakahinga ka nang maluwag.

Baka hindi pa nangyari sa iyo ang ganiyan, pero ibang kabalisahan naman sa buhay ang pinangangambahan mo. Halimbawa, may pinaglalabanan ka bang kahinaan pero paulit-ulit mo pa rin itong nagagawa? Matagal ka na bang walang trabaho at hindi makahanap, sa kabila ng mga pagsisikap mo? Nag-aalala ka ba sa pagtanda at sa iyong kalusugan? O may iba ka pang ikinababahala?

Anuman ang problema mo, tiyak na magpapasalamat ka kung may kaibigan kang matatakbuhan na handang dumamay at tumulong sa iyo. May ganiyan ka bang kaibigan? Siyempre naman! Ganiyan si Jehova sa iyo, kung paanong naging kaibigan siya sa patriyarkang si Abraham, ayon sa Isaias 41:8-13. Sa talata 10 at 13, sinasabi ni Jehova sa kaniyang mga lingkod: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran. Sapagkat ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’”

“TALAGANG AALALAYAN KITANG MABUTI”

Napatibay ka ba ng mga salitang ito? Ilarawan sa isip ang pangakong ito sa iyo ni Jehova. Dito, masarap sanang isipin na magkahawak-kamay kayong naglalakad ni Jehova. Pero kung ganoon nga, kaliwang kamay mo ang mahahawakan ng kaniyang kanang kamay. Sa halip, ang “kanang kamay ng katuwiran” ni Jehova ay nakahawak sa “iyong kanang kamay,” na para bang iniaahon ka niya mula sa isang napakahirap na kalagayan sa buhay. At habang ginagawa niya ito, sinasabi niya sa iyo: “Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.”

Nakikita mo ba si Jehova bilang maibiging Ama at Kaibigan na handang dumamay sa iyo kapag may problema ka? Mahalaga ka sa kaniya, nagmamalasakit siya sa iyo, at gusto ka niyang tulungan. Kapag napapaharap ka sa mga pagsubok, gusto ni Jehova na mapanatag ka dahil mahal na mahal ka niya. Talagang siya ay “isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.”—Awit 46:1.

NAKOKONSENSIYA DAHIL SA MGA DATING PAGKAKAMALI

Ang ilan ay nababagabag pa rin dahil sa kanilang dating pagkakamali at nag-iisip kung napatawad na ba sila ng Diyos. Kung ganiyan ang nararanasan mo, alalahanin ang tapat na lalaking si Job na umaming nakagawa siya ng ‘mga kamalian noong kaniyang kabataan.’ (Job 13:26) Ganiyan din ang nadama ng salmistang si David at nagsumamo siya kay Jehova: “Ang mga kasalanan ng aking kabataan at ang aking mga pagsalansang O huwag mong alalahanin.” (Awit 25:7) Dahil hindi tayo sakdal, lahat tayo ay “nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23.

Ang mensahe sa Isaias kabanata 41 ay para sa sinaunang bayan ng Diyos. Napakalubha ng kanilang kasalanan kung kaya hinatulan sila ni Jehova at ipinatapon sa Babilonya. (Isa. 39:6, 7) Pero nangako ang Diyos na palalayain niya ang mga magsisisi at manunumbalik sa kaniya! (Isa. 41:8, 9; 49:8) Sa ngayon, ipinakikita pa rin ni Jehova ang kaniyang pag-ibig at awa sa mga talagang gustong magkamit ng kaniyang pagsang-ayon.—Awit 51:1.

Kuning halimbawa si Takuya, * na nakipaglaban sa maruruming bisyo ng pornograpya at masturbasyon. Paulit-ulit na bumabalik ang kaniyang mga bisyo. Ano ang nadama niya? “Pakiramdam ko, wala na talaga akong kuwenta. Pero kapag lumalapit ako kay Jehova sa panalangin para humingi ng tawad, ibinabangon niya ako mula sa aking miserableng kalagayan.” Paano iyan ginawa ni Jehova? Nag-alok ang mga elder na kakongregasyon ni Takuya na tawagan niya sila kapag bumabalik ang mga bisyo niya. Inamin niya: “Hindi iyon madali, pero sa tuwing tinatawagan ko sila, napapalakas ako.” Pagkatapos, isinaayos ng mga elder na dalawin si Takuya ng tagapangasiwa ng sirkito. Sinabi ng tagapangasiwa ng sirkito kay Takuya: “Sinadya talaga kitang puntahan. Pinakisuyuan ako ng mga elder. Gusto nila na ma-shepherding visit ka.” Naalaala ni Takuya: “Ako ang nagkasala, pero si Jehova, sa pamamagitan ng mga elder, ang nag-alok ng tulong sa akin.” Sumulong si Takuya hanggang sa maging regular pioneer at ngayon ay naglilingkod na siya sa isang tanggapang pansangay. Gaya ng naranasan ng brother na ito, ibabangon ka rin ng Diyos mula sa miserableng kalagayan.

NABABALISA TUNGKOL SA PAGHAHANAPBUHAY

Marami ang nababalisa dahil sa kawalan ng trabaho. Ang ilan ay nawalan ng trabaho at hindi makakita ng ibang pagkakakitaan. Isip-isipin ang madarama mo kung sunod-sunod kang tatanggihan ng mga inaaplayan mo. Sa gayong sitwasyon, nawawalan ng paggalang sa sarili ang ilan. Paano ka maaaring tulungan ni Jehova? Baka hindi ka naman niya agad bigyan ng magandang trabaho, pero maaaring ipaalaala niya sa iyo ang naobserbahan ni Haring David: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Awit 37:25) Oo, mahalaga ka kay Jehova, at sa pamamagitan ng kaniyang “kanang kamay ng katuwiran,” ilalaan niya ang mga pangangailangan mo para patuloy kang makapaglingkod sa kaniya.

Paano ka maaaring tulungan ni Jehova kung mawalan ka ng trabaho?

Naranasan ni Sara, na nakatira sa Colombia, ang kakayahang magligtas ni Jehova. Mataas ang suweldo niya sa isang kilaláng kompanya pero nakakapagod ang trabaho niya. Dahil gusto niyang mas makapaglingkod kay Jehova, nag-resign siya at nagpayunir. Pero nahirapan siyang maghanap ng part-time na trabaho. Nagbukas siya ng maliit na tindahan ng ice cream pero unti-unting naubos ang puhunan niya at nagsara siya. “Tatlong mahahabang taon ang lumipas, pero salamat kay Jehova, nakaraos ako,” ang sabi ni Sara. Natutuhan niya ang pagkakaiba ng luho at ng pangangailangan, at hindi na siya nababalisa para sa susunod na araw. (Mat. 6:33, 34) Nang maglaon, tinawagan siya ng dati niyang boss at inialok sa kaniya ang dati niyang posisyon. Sinabi ni Sara na part-time lang ang tatanggapin niya, at iyon ay kung papayagan siyang mag-day off para sa kaniyang espirituwal na mga gawain. Hindi man kasinlaki ng dati ang kinikita niya, nakapagpapayunir naman siya. Sa lahat ng pinagdaanan niya, nasabi niya, “Damang-dama ko ang maibiging kamay ni Jehova.”

NAG-AALALA TUNGKOL SA PAGTANDA

Ang isa pang pangunahing pinoproblema ng mga tao ay ang pagtanda. Marami ang malapit nang magretiro at nag-iisip kung may sapat silang pera para mamuhay nang komportable. Nag-aalala rin sila sa kanilang kalusugan habang nagkakaedad. Malamang na si David ang nakiusap nang ganito kay Jehova: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag nanghihina na ang aking kalakasan ay huwag mo akong iwan.”—Awit 71:9, 18.

Kung gayon, paano makadarama ng kapanatagan ang mga lingkod ni Jehova sa kanilang pagtanda? Kailangan nilang patuloy na patibayin ang kanilang pananampalataya sa Diyos, na nagtitiwalang ilalaan niya ang mga pangangailangan nila. Siyempre pa, kung nakatikim sila ng maluhong buhay noon, baka kailangan nilang pasimplehin ang kanilang buhay at masiyahan sa mas kaunting materyal na mga bagay. Baka nga makita nilang mas kasiya-siya at mabuti sa kalusugan ang “pagkaing gulay” kaysa sa “pinatabang toro”! (Kaw. 15:17) Kung nakapokus ka sa paglilingkod kay Jehova, paglalaanan ka niya maging sa pagtanda mo.

Sina José at Rose kasama sina Tony at Wendy

Halimbawa, sina José at Rose ay mahigit nang 65 taóng naglilingkod nang buong panahon kay Jehova. Sa loob ng maraming taon, kinailangan nilang alagaan ang tatay ni Rose nang araw at gabi. Naoperahan din si José dahil sa kanser at nagpa-chemotherapy. Iniabot ba ni Jehova ang kaniyang kanang kamay sa tapat na mag-asawang ito? Oo, pero paano? Ginamit niya sina Tony at Wendy, mag-asawang kakongregasyon nina José at Rose. Pinatira sila nina Tony at Wendy nang libre sa kanilang apartment. Naalaala ni Tony na noong nasa high school siya, natatanaw niya mula sa bintana sina José at Rose na regular na nangangaral. Minahal niya sila dahil sa kanilang sigasig, at malaki ang naging epekto nito sa kaniya. Dahil nakita nina Tony at Wendy na ginamit nina José at Rose ang kanilang buhay para kay Jehova, naudyukan silang kupkupin ang mag-asawa. Sa nakalipas na 15 taon, tinulungan nila sina José at Rose, na ngayon ay mahigit 80 anyos na. Para kina José at Rose, ang tulong nina Tony at Wendy ay regalo mula kay Jehova.

Iniaalok din ng Diyos sa iyo ang kaniyang “kanang kamay ng katuwiran.” Iaabot mo ba ang iyong kamay sa Isa na nangangako sa iyo: “Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo”?

^ par. 11 Binago ang ilang pangalan.