Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagpapasalamat sa Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos

Nagpapasalamat sa Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos

“Tayong lahat ay tumanggap . . . ng di-sana-nararapat na kabaitan sa di-sana-nararapat na kabaitan.”—JUAN 1:16.

AWIT: 95, 13

1, 2. (a) Ilahad ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa may-ari ng ubasan. (b) Paano ipinakikita ng ilustrasyon ang mga katangiang gaya ng pagkabukas-palad at di-sana-nararapat na kabaitan?

MAAGANG pumunta sa pamilihan ang isang may-ari ng ubasan para umupa ng mga magtatrabaho para sa kaniya. Nakakita siya ng mga lalaking payag sa halagang ibabayad niya at nagsimula silang magtrabaho. Pero kulang pa rin ang mga ito, kaya maghapon siyang nagpabalik-balik sa pamilihan para umupa ng mas maraming manggagawa, at nag-alok siya ng makatuwirang bayad kahit doon sa mga inupahan niya nang bandang hapon. Sa kinagabihan, tinipon niya ang mga manggagawa para bayaran sila, at pare-pareho ang ibinayad niya sa mga ito, nagtrabaho man sila nang maraming oras o isang oras lang. Nang malaman ito ng mga unang inupahan niya, nagreklamo sila. Sumagot ang may-ari ng ubasan: ‘Pumayag kayo sa inialok kong bayad, hindi ba? Wala ba akong karapatang ibigay sa mga manggagawa ko ang anumang gusto ko? Naghihinanakit ba kayo dahil bukas-palad ako?’—Mat. 20:1-15.

2 Ipinaaalaala ng talinghaga ni Jesus ang isang katangian ni Jehova na madalas banggitin sa Bibliya—ang kaniyang “di-sana-nararapat na kabaitan.” [1] (Basahin ang 2 Corinto 6:1.) Parang hindi karapat-dapat sa buong kabayaran ang mga nagtrabaho lang nang isang oras, pero pinagpakitaan sila ng may-ari ng ubasan ng pambihirang kabaitan. Tungkol sa salita para sa “di-sana-nararapat na kabaitan,” na isinalin ding “biyaya” at “kagandahang-loob” sa maraming bersiyon ng Bibliya, isinulat ng isang iskolar: “Ang buong saligang ideya ng salitang ito ay yaong walang-bayad at di-sana-nararapat na kaloob, isang bagay na ibinigay sa isang tao nang hindi pinagpaguran ni nauukol man.”

ANG SAGANANG KALOOB NI JEHOVA

3, 4. Bakit at paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa buong sangkatauhan?

3 Binabanggit sa Kasulatan ang tungkol sa “walang-bayad na kaloob ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (Efe. 3:7) Bakit at paano ibinibigay ni Jehova ang “walang-bayad na kaloob” na ito? Kung perpekto nating naaabot ang lahat ng kahilingan ni Jehova, magiging karapat-dapat tayo sa kabaitan niya. Pero hindi ganoon ang sitwasyon. Kaya isinulat ng matalinong si Haring Solomon: “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” (Ecles. 7:20) Sinabi rin ni apostol Pablo: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” at “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 3:23; 6:23a) Iyan ang nararapat sa atin.

4 Pero ipinahayag ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa makasalanang sangkatauhan sa pamamagitan ng isang pambihirang gawa ng di-sana-nararapat na kabaitan. Isinugo niya sa lupa ang pinakadakilang regalo niya, “ang kaniyang bugtong na Anak,” para mamatay alang-alang sa atin. (Juan 3:16) Kaya isinulat ni Pablo na si Jesus ay “pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan dahil sa pagdurusa ng kamatayan, upang sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao.” (Heb. 2:9) Oo, “ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 6:23b.

5, 6. Ano ang resulta kapag pinamamahalaan tayo (a) ng kasalanan? (b) ng di-sana-nararapat na kabaitan?

5 Paano ba nagmana ng kasalanan at kamatayan ang tao? Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Dahil sa pagkakamali ng isang tao [si Adan] ang kamatayan ay namahala bilang hari” sa mga inapo ni Adan. (Roma 5:12, 14, 17) Mabuti na lang, puwede tayong magpasiya na huwag nang magpasakop, o mapamahalaan, ng kasalanan. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo, nagpapasakop tayo sa pamamahala ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Paano? “Kung saan nanagana ang kasalanan, ang di-sana-nararapat na kabaitan ay nanagana nang higit pa. Sa anong layunin? Upang, kung paanong ang kasalanan ay namahala bilang hari kasama ang kamatayan, sa gayunding paraan ang di-sana-nararapat na kabaitan ay makapamahala bilang hari sa pamamagitan ng katuwiran tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”—Roma 5:20, 21.

6 Makasalanan pa rin tayo, pero hindi tayo sumusuko at basta na lang hinahayaang mamahala sa ating buhay ang kasalanan. Sakaling magkasala tayo, humihingi tayo ng kapatawaran kay Jehova. Nagbabala si Pablo sa mga Kristiyano: “Ang kasalanan ay hindi dapat mamanginoon sa inyo, yamang wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng di-sana-nararapat na kabaitan.” (Roma 6:14) Kung gayon, nasa ilalim na tayo ng pamamahala ng di-sana-nararapat na kabaitan. Ano ang resulta? Ipinaliwanag ni Pablo: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos [ay nagtuturo sa atin] na itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:11, 12.

DI-SANA-NARARAPAT NA KABAITAN NA “IPINAMAMALAS SA IBA’T IBANG PARAAN”

7, 8. Ano ang ibig sabihin ng “ipinamamalas sa iba’t ibang paraan” ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova? (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.)

7 Isinulat ni apostol Pedro: “Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” (1 Ped. 4:10) Ano ang ibig sabihin nito? Na anumang uri ng pagsubok ang mapaharap sa atin, matutulungan tayo ni Jehova na makayanan iyon. (1 Ped. 1:6) Laging ipamamalas ng Diyos ang kaniyang kabaitan sa paraang matatapatan nito ang bawat pagsubok.

8 Oo, ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova ay ipinamamalas sa iba’t ibang paraan. Isinulat ni apostol Juan: “Tayong lahat ay tumanggap mula sa kalubusan niya, maging ng di-sana-nararapat na kabaitan sa di-sana-nararapat na kabaitan.” (Juan 1:16) Dahil sa iba’t ibang kapahayagang ito ng kabaitan ni Jehova, tumatanggap tayo ng maraming pagpapala. Ano ang ilan sa mga ito?

9. Paano tayo nakikinabang sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, at paano natin maipakikita ang pasasalamat natin?

9 Kapatawaran ng ating mga kasalanan. Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, napapatawad ang ating mga kasalanan kung magsisisi tayo at patuloy na paglalabanan ang ating makasalanang mga hilig. (Basahin ang 1 Juan 1:8, 9.) Nagpapasalamat tayo sa awa ng Diyos at niluluwalhati natin siya dahil dito. Sumulat si Pablo sa kaniyang mga kapuwa pinahirang Kristiyano: “Iniligtas niya [ni Jehova] tayo mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig, na sa pamamagitan niya ay taglay natin ang ating paglaya sa pamamagitan ng pantubos, ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1:13, 14) Kapag napatawad ang ating mga kasalanan, tatanggap tayo ng iba pang magagandang pagpapala.

10. Ano ang tinatamasa natin dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?

10 Mapayapang kaugnayan sa Diyos. Dahil sa ating minanang kasalanan, mga kaaway na tayo ng Diyos mula nang isilang tayo. Kinilala ito ni Pablo: “Noong tayo ay mga kaaway pa, naipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” (Roma 5:10) Dahil sa pakikipagkasundong ito, nagkaroon tayo ng mapayapang kaugnayan kay Jehova. Iniugnay ni Pablo ang pribilehiyong ito sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova nang sabihin niya sa mga pinahirang kapatid niya: “Ngayon na ipinahayag na tayong matuwid dahil sa pananampalataya, tamasahin natin ang kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na sa pamamagitan din niya ay nakamit natin ang ating paglapit sa pamamagitan ng pananampalataya tungo sa di-sana-nararapat na kabaitang ito na kinatatayuan natin ngayon.” (Roma 5:1, 2) Isa nga itong pagpapala!

Mga kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos: Pagpapalang marinig ang mabuting balita (Tingnan ang parapo 11)

11. Paano dinadala ng mga pinahiran ang “ibang mga tupa” tungo sa katuwiran?

11 Dinala tayo tungo sa katuwiran. Lahat tayo ay likas na di-matuwid. Pero inihula ni propeta Daniel na sa panahon ng kawakasan, ang mga “may kaunawaan”—ang mga pinahirang nalabi—ay ‘magdadala ng marami tungo sa katuwiran.’ (Basahin ang Daniel 12:3.) Sa pamamagitan ng kanilang pangangaral at pagtuturo, natulungan nila ang milyon-milyong “ibang mga tupa” na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. (Juan 10:16) Pero naging posible lang ito dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Ipinaliwanag ni Pablo: “Isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.”—Roma 3:23, 24.

Pribilehiyo ng panalangin (Tingnan ang parapo 12)

12. Ano ang kaugnayan ng panalangin sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?

12 Paglapit sa trono ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, binigyan niya tayo ng pribilehiyong lumapit sa kaniyang makalangit na trono sa pamamagitan ng panalangin. Sa katunayan, tinawag ni Pablo ang trono ni Jehova na “trono ng di-sana-nararapat na kabaitan” at inaanyayahan niya tayong lumapit “nang may kalayaan sa pagsasalita.” (Heb. 4:16a) Ibinigay ni Jehova sa atin ang pribilehiyong ito sa pamamagitan ng kaniyang Anak, “na sa pamamagitan niya ay mayroon tayo nitong kalayaan sa pagsasalita at paglapit taglay ang pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya.” (Efe. 3:12) Napakagandang kapahayagan nga ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova ang malayang paglapit natin sa kaniya sa panalangin!

Tulong sa tamang panahon (Tingnan ang parapo 13)

13. Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan, paano tayo makapagtatamo ng “tulong sa tamang panahon”?

13 Tulong sa tamang panahon. Pinasigla tayo ni Pablo na malayang lapitan si Jehova sa panalangin, “upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.” (Heb. 4:16b) Kapag napapaharap sa mga pagsubok o kabalisahan, makahihingi tayo ng tulong kay Jehova. Kahit hindi tayo karapat-dapat, sinasagot niya tayo, kadalasan, sa pamamagitan ng ating mga kapuwa Kristiyano, para “tayo ay magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: ‘Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’”—Heb. 13:6.

14. Paano nakikinabang ang ating puso sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova?

14 Kaaliwan para sa ating puso. Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, nagkakaroon ng kaaliwan ang ating nasasaktang puso. (Awit 51:17) Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica, na dumaranas noon ng pag-uusig: “Nawa’y ang ating Panginoong Jesu-Kristo mismo at ang Diyos na ating Ama, na umibig sa atin at nagbigay ng walang-hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan, ay umaliw sa inyong mga puso at magpatatag sa inyo.” (2 Tes. 2:16, 17) Nakaaaliw ngang malaman na dahil sa kaniyang saganang kabaitan, pinangangalagaan tayo ni Jehova!

15. Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, ano ang pag-asa natin?

15 Pag-asang buhay na walang hanggan. Bilang mga makasalanan, wala tayong pag-asa sa ganang sarili. (Basahin ang Awit 49:7, 8.) Pero binigyan tayo ni Jehova ng isang magandang pag-asa. Ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat isa na nakakakita sa Anak at nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:40) Oo, ang pag-asang buhay na walang hanggan ay isang regalo, isang napakagandang kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Tiyak na pinahalagahan ito ni Pablo. Sinabi niya: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng uri ng tao ay nahayag na.”—Tito 2:11.

HUWAG ABUSUHIN ANG DI-SANA-NARARAPAT NA KABAITAN NG DIYOS

16. Paano inabuso ng ilang unang Kristiyano ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?

16 Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, tumatanggap tayo ng maraming pagpapala. Pero hindi tayo dapat maging pangahas at isiping kukunsintihin niya ang lahat ng paggawi. May ilan sa unang mga Kristiyano noon na “ginagawang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng . . . Diyos para sa mahalay na paggawi.” (Jud. 4) Marahil inakala ng di-tapat na mga Kristiyanong iyon na puwede silang magkasala dahil patatawarin naman sila ni Jehova. Mas malala pa, hinihikayat nila ang kanilang mga kapatid na samahan sila sa kanilang kasamaan. Kahit ngayon, ang sinumang gumagawa nito ay “[lumalapastangan] sa espiritu ng di-sana-nararapat na kabaitan.”—Heb. 10:29.

17. Anong matinding payo ang ibinigay ni Pedro?

17 Sa ngayon, nadaya ni Satanas ang ilang Kristiyano sa pag-aakalang puwede nilang abusuhin ang awa ng Diyos at magkasala nang hindi naparurusahan. Kahit pinatatawad ni Jehova ang mga nagsisising makasalanan, inaasahan pa rin niya na paglalabanan natin ang ating tendensiyang gumawa ng kasalanan. Kinasihan niya si Pedro na isulat: “Kaya nga, kayo, mga minamahal, yamang taglay ninyo ang patiunang kaalamang ito, maging mapagbantay upang hindi kayo mailayong kasama nila sa pamamagitan ng kamalian ng mga taong sumasalansang sa batas at mahulog mula sa inyong sariling katatagan. Hindi, kundi patuloy kayong lumago sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.”—2 Ped. 3:17, 18.

MGA PANANAGUTANG KAAKIBAT NG DI-SANA-NARARAPAT NA KABAITAN

18. Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, ano ang mga pananagutan natin?

18 Ipinagpapasalamat natin na tumanggap tayo ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Dahil dito, pananagutan natin na gamitin ang ating mga kaloob para parangalan ang Diyos at makinabang ang ating kapuwa. Paano natin magagawa iyan? Ganito ang sagot ni Pablo: “Yamang mayroon tayong mga kaloob na nagkakaiba-iba ayon sa di-sana-nararapat na kabaitan na ibinigay sa atin, kung . . . isang ministeryo, maging abala tayo sa ministeryong ito; o siya na nagtuturo, maging abala siya sa kaniyang pagtuturo; o siya na nagpapayo, maging abala siya sa kaniyang pagpapayo; . . . siya na nagpapakita ng awa, gawin niya iyon nang masaya.” (Roma 12:6-8) Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitang ipinakita ni Jehova sa atin, obligasyon natin na maging abala sa ministeryong Kristiyano, sa pagtuturo ng Bibliya sa iba, sa pagpapatibay sa ating mga kapuwa Kristiyano, at sa pagpapatawad sa sinumang nagkamali sa atin.

19. Anong pananagutan natin ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 Dahil sa saganang pag-ibig na ipinakita sa atin ng Diyos, dapat nating gawin ang ating buong makakaya na “lubusang magpatotoo sa mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (Gawa 20:24) Detalyadong tatalakayin ang pananagutang ito sa susunod na artikulo.

^ [1] (parapo 2) Tingnan ang “Kabaitan,” subtitulong “Ang Di-Sana-Nararapat na Kabaitan,” sa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, p. 1297.