Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Mahabagin sa “Lahat ng Uri ng mga Tao”

Maging Mahabagin sa “Lahat ng Uri ng mga Tao”

NANG turuan ni Jesus ang kaniyang mga alagad kung paano mangangaral ng mabuting balita, sinabi niyang hindi laging tatanggapin ng mga tao ang mensahe ng Kaharian. (Luc. 10:3, 5, 6) Sa ating ministeryo, maaari tayong makatagpo ng masusungit na tao o agresibo pa nga. Kapag ganiyan ang pinangangaralan natin, mahirap talagang mapanatili ang pagkamahabagin.

Nakikita ng mahabaging tao ang pangangailangan at problema ng iba, nakadarama siya ng simpatiya sa kanila, at gusto niyang makatulong. Pero kung hindi tayo magiging mahabagin sa mga natatagpuan natin sa ministeryo, baka hindi na rin tayo maging masigasig at epektibo sa pangangaral. Pero kung mahabagin tayo, para tayong nagdaragdag ng panggatong sa apoy—pinananatili nating nagliliyab ang ating sigasig sa ministeryo!—1 Tes. 5:19.

Paano tayo magiging mahabagin kahit mahirap itong gawin? Talakayin natin ang tatlong halimbawa na karapat-dapat tularan—ang halimbawa ni Jehova, ni Jesus, at ni apostol Pablo.

TULARAN ANG PAGKAMAHABAGIN NI JEHOVA

Libo-libong taon nang nagtitiis si Jehova sa mga upasalang idinudulot sa kaniyang pangalan. Pero nananatili pa rin siyang “mabait sa mga walang utang-na-loob at balakyot.” (Luc. 6:35) Makikita sa kaniyang pagtitiis ang kaniyang kabaitan. Gusto ni Jehova na maligtas ang “lahat ng uri ng mga tao.” (1 Tim. 2:3, 4) Kahit napopoot ang Diyos sa kasamaan, mahalaga pa rin sa kaniya ang mga tao at ayaw niyang mamatay ang sinuman sa kanila.—2 Ped. 3:9.

Alam ni Jehova kung gaano kahusay si Satanas sa pagbulag sa isip ng mga di-sumasampalataya. (2 Cor. 4:3, 4) Marami ang naturuan ng maling paniniwala at pag-uugali mula pa sa pagkabata, kung kaya hiráp silang tanggapin ang katotohanan. Gustong-gusto ni Jehova na tulungan ang gayong mga tao. Paano natin ito nalaman?

Tingnan natin ang naging pananaw ni Jehova sa sinaunang Ninevita. Kahit mararahas sila, sinabi pa rin ni Jehova kay Jonas: “Hindi ba ako dapat manghinayang sa Nineve na dakilang lunsod, kung saan may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa?” (Jon. 4:11) Alam ni Jehova na hindi pa napapangaralan ang mga Ninevita, kaya naawa siya at isinugo si Jonas para babalaan sila.

Gaya ni Jehova, mahalaga rin sa atin ang mga tao. Matutularan natin siya kung may-pananabik nating tutulungan ang sinumang makikinig sa atin, kahit parang hindi sila tutugon.

TULARAN ANG PAGKAMAHABAGIN NI JESUS

Tulad ng kaniyang Ama, nahabag din si Jesus sa mga taong gutóm sa espirituwal. “Pagkakita sa mga pulutong ay nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Nauunawaan ni Jesus ang kalagayan nila; alam niyang ang mga taong dumarating para makinig sa kaniya ay naturuan ng kasinungalingan at pinagmalupitan ng mga lider ng kanilang relihiyon. Kahit alam niyang marami ang hindi tutugon dahil sa iba’t ibang hadlang, nagpatuloy pa rin si Jesus sa ‘pagtuturo sa kanila ng maraming bagay.’—Mar. 4:1-9.

Huwag mainis kung sa simula ay hindi magpakita ng interes ang isang tao

Nagbabago ang kalagayan ng buhay, kaya posible ring magbago ang saloobin ng isang tao sa katotohanan

Kapag hindi nakikinig ang mga tao sa ating mensahe, unawain natin ang kanilang kalagayan at tanungin ang ating sarili kung bakit sila ganoon. Maaaring ang ilan ay hindi interesado sa Bibliya o sa Kristiyanismo dahil sa masasamang ginagawa ng mga nag-aangking Kristiyano. Marahil ang iba ay nasabihan ng kasinungalingan tungkol sa ating paniniwala. Baka ang iba naman ay tuyain ng kanilang mga kapitbahay o kapamilya kung makikinig sila sa atin.

Baka hindi tumutugon ang ilang nakakausap natin sa ministeryo dahil na-trauma sila mula sa di-magagandang karanasan. Sinabi ng misyonerang si Kim: “Sa isang lugar sa aming teritoryo, marami ang naging biktima ng digmaan at nawala ang lahat ng kanilang ari-arian. Nawalan na sila ng pag-asa sa hinaharap. Dismayado sila at nawalan ng tiwala sa iba. Kaya lagi kaming nakakatagpo dito ng mga salansang. Minsan, may nanakit sa akin habang nangangaral ako.”

Paano napanatili ni Kim ang pagkamahabagin sa kabila ng gayong pakikitungo? Sinabi niya: “Kapag pinakitunguhan ako nang di-maganda, iniisip ko ang Kawikaan 19:11, na nagsasabi: ‘Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.’ Kapag iniisip ko ang pinagdaanan ng mga tao sa aming teritoryo, nahahabag ako sa kanila. At hindi naman lahat ay salansang. May mababait din kaming return visit.”

Baka maitanong natin sa ating sarili, ‘Paano kaya ako tutugon sa mensahe ng Kaharian kung ako ang nasa kalagayan ng mga taong pinangangaralan namin?’ Halimbawa, paano kung paulit-ulit tayong nasabihan ng kasinungalingan tungkol sa mga Saksi ni Jehova? Baka negatibo rin ang maging pagtugon natin at kailangan ding pagpakitaan ng habag. Kapag inisip natin ang utos ni Jesus na pakitunguhan ang iba sa paraang gusto nating pakitunguhan tayo, mauudyukan tayong magpakita ng habag kahit mahirap itong gawin.—Mat. 7:12.

TULARAN ANG PAGKAMAHABAGIN NI PABLO

Naging mahabagin si apostol Pablo kahit sa mararahas na mananalansang. Bakit? Alam niya kasing ganoon siya dati. Sinabi niya: “Ako ay dating isang mamumusong at isang mang-uusig at isang taong walang pakundangan. Gayunpaman, ako ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat ako ay walang-alam at kumilos dahil sa kawalan ng pananampalataya.” (1 Tim. 1:13) Aminado siyang pinagpakitaan siya ni Jehova at ni Jesus ng malaking awa. Malamang na nakikita niya ang dati niyang pagkatao sa ilang taong pinangangaralan niya.

May mga pagkakataong napaharap si Pablo sa mga nanghahawakang mahigpit sa maling paniniwala. Ano ang naging reaksiyon niya? Binabanggit ng Gawa 17:16 na habang nasa Atenas si Pablo, “ang kaniyang espiritu sa loob niya ay nainis sa pagkakita na ang lunsod ay punô ng mga idolo.” Pero ang mismong dahilan ng pagkainis ni Pablo ang ginamit niya para makapagpatotoo. (Gawa 17:22, 23) Ang kaniyang paraan ng pangangaral ay ibinagay niya sa kalagayan ng iba’t ibang uri ng tao para “sa anumang paraan ay mailigtas [niya] ang ilan.”—1 Cor. 9:20-23.

Matutularan natin si Pablo kung aalamin muna natin ang negatibong pag-uugali o maling paniniwala na nakikita natin at pagkatapos ay mabisang ihaharap ang “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” (Isa. 52:7) Sinabi ng sister na si Dorothy: “Sa teritoryo namin, marami ang naturuang malupit daw at mapanghatol ang Diyos. Pinupuri ko ang gayong mga tao dahil talagang naniniwala sila sa Diyos at saka ko inaakay ang pansin nila sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa maibiging personalidad ni Jehova at sa mga pangako niya sa hinaharap.”

“PATULOY NA DAIGIN NG MABUTI ANG MASAMA”

Habang papalapít tayo sa wakas ng “mga huling araw,” aasahan nating “magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama,” ang pag-uugali ng ilang pinangangaralan natin. (2 Tim. 3:1, 13) Pero hindi natin dapat hayaang maiwala nito ang ating pagkamahabagin o ang ating kagalakan. Mabibigyan tayo ni Jehova ng lakas para “patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:21) Ikinuwento ng payunir na si Jessica: “Madalas akong makatagpo ng mga mapagmataas at ng mga humahamak sa atin at sa ating mensahe. Nakakainis ito. Kapag negatibo ang kausap ko, tahimik akong nananalangin kay Jehova para tulungan akong tingnan ang tao ayon sa tingin niya. Kaya nalilimutan ko ang inis ko at sa halip, iniisip ko kung paano siya matutulungan.”

Patuloy nating hinahanap ang mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan

Ang ilan ay tutugon sa ating matiyagang pagsisikap na tulungan sila sa espirituwal

Kailangan din nating isipin kung paano natin mapatitibay ang mga nakakasama natin sa ministeryo. Sinabi ni Jessica: “Kapag hindi maganda ang naranasan ng isa sa amin, sinisikap kong huwag magpokus doon. Sa halip, binabago ko ang usapan para maging positibo ito, gaya ng magandang nagagawa ng ating ministeryo sa kabila ng negatibong pagtugon ng ilan.”

Alam na alam ni Jehova ang mga hamong napapaharap sa atin sa ministeryo. Tiyak na tuwang-tuwa siya kapag tinutularan natin ang pagiging maawain niya! (Luc. 6:36) Siyempre pa, may limitasyon ang pagpapakita ni Jehova ng habag. Makatitiyak tayong alam niya ang tamang panahon para wakasan ang sistemang ito ng mga bagay. Hangga’t hindi pa ito dumarating, apurahan ang ating pangangaral. (2 Tim. 4:2) Patuloy nawa nating gampanan ang ating atas nang may sigasig at magiliw na pagkahabag sa “lahat ng uri ng mga tao.”