Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang Namatay si Jesus Para sa Akin?

Talaga Bang Namatay si Jesus Para sa Akin?

ANG Bibliya ay punô ng madamdaming pananalita mula sa mga taong “may damdaming tulad ng sa atin.” (Sant. 5:17) Halimbawa, maiintindihan natin ang nararamdaman ni Pablo nang aminin niya sa Roma 7:21-24: “Kapag gusto kong gawin ang tama, ang masama ang nasa akin. . . . Miserableng tao ako!” Nakakapagpatibay malaman na kahit ang tapat na si Pablo ay may mga pinaglabanan ding kahinaan gaya natin.

May isa pang madamdaming pananalita si Pablo. Sa Galacia 2:20, kumbinsido si Pablo na si Jesus ay “nagmahal sa [kaniya] at nagbigay ng sarili niya para sa [kaniya].” Oo, para sa kaniya! Ganiyan din ba ang nararamdaman mo? Baka hindi palagi.

Kapag nadarama nating wala tayong halaga dahil sa mga nagawa nating kasalanan, baka hindi tayo maniwalang mahal tayo ni Jehova at pinatawad na niya tayo, at mahirapan pa nga tayong isiping personal na regalo sa atin ang haing pantubos. Gusto ba talaga ni Jesus na isipin nating regalo iyon sa atin? Kung oo, ano ang makakatulong para isipin natin iyon? Suriin natin ang dalawang tanong na iyan.

ANG PANANAW NI JESUS SA KANIYANG HAING PANTUBOS

Gusto ni Jesus na ituring nating personal na regalo sa atin ang haing pantubos. Paano tayo makakatiyak? Pag-isipan natin ang sinabi sa Lucas 23:39-43. Isang lalaki ang nakabitin sa pahirapang tulos malapit kay Jesus. Inamin niyang nakagawa siya ng masama. Malamang na isang malubhang krimen ang ginawa niya kasi para lang sa mga pusakal na kriminal ang malupit na parusang iyon. Dahil nawawalan na siya ng pag-asa, nakiusap ang lalaki kay Jesus: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.”

Ano ang ginawa ni Jesus? Isipin na lang kung gaano kahirap sa kaniya na lumingon para tingnan ang lalaki. Pero kahit hirap na hirap, sinikap pa rin niyang ngumiti, at tiniyak niya sa lalaki: “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.” Puwede namang sabihin na lang niya sa lalaki na ‘ang Anak ng tao ay dumating para ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mat. 20:28) Pero napansin mo ba ang mas nakakaantig na paraan niya ng pagsasabi tungkol sa haing pantubos? Ginawa niya itong mas personal nang gumamit siya ng mga panghalip na “iyo” at “kita.” At sinabi niya mismo sa lalaki na mabubuhay ito sa paraiso sa lupa.

Talagang gusto ni Jesus na tanggapin ng lalaki bilang personal na regalo ang gagawin niyang sakripisyo. Kung ganito kamahal ni Jesus ang isang kriminal na hindi man lang nakapaglingkod sa Diyos, tiyak na ganoon din ang nararamdaman niya para sa isang bautisadong Kristiyano na naglilingkod sa Diyos. Kung gayon, ano ang makakakumbinsi sa atin na personal tayong makikinabang sa sakripisyo ni Kristo sa kabila ng mga kasalanan natin noon?

ANG NAKATULONG KAY PABLO

Nakatulong ang ministeryo ni Pablo sa pananaw niya sa haing pantubos ni Jesus. Paano? Sinabi niya: “Nagpapasalamat ako kay Kristo Jesus na ating Panginoon, na nagbigay ng lakas sa akin, dahil itinuring niya akong tapat nang atasan niya ako sa isang banal na gawain, kahit na dati akong mamumusong, mang-uusig, at walang galang.” (1 Tim. 1:12-14) Dahil sa atas na ibinigay kay Pablo, nakumbinsi siyang mahal siya at pinagkakatiwalaan ni Jesus at na pinatawad na siya nito. Ang bawat isa sa atin ay inatasan din ni Jesus na mangaral. (Mat. 28:19, 20) Matutulungan din ba tayo nito?

Si Albert, na nanumbalik kay Jehova matapos matiwalag nang halos 34 na taon, ay nagsabi: “Lagi kong naaalala ang nagawa kong kasalanan. Pero kapag nasa ministeryo ako, gaya ni apostol Pablo, nadarama ko ring personal akong binigyan ni Jesus ng atas. Napapatibay ako nito, at nagiging positibo ako sa aking sarili, buhay, at kinabukasan.”​—Awit 51:3.

Kapag nagtuturo ka ng Bibliya sa lahat ng uri ng tao, tiyakin mo sa kanilang mahal sila ni Jesus at nahahabag siya sa kanila

Si Allan naman, na dating kriminal at marahas bago malaman ang katotohanan, ay umamin: “Naiisip ko pa rin ang lahat ng masamang nagawa ko sa mga tao. Nadedepres tuloy ako kung minsan. Pero salamat kay Jehova at pinahintulutan niya ang isang makasalanang tulad ko na sabihin ang mabuting balita sa iba. Kapag nakikita ko ang reaksiyon ng mga tao sa mabuting balita, naaalala ko ang kabutihan at pagmamahal ni Jehova. Pakiramdam ko, ginagamit niya ako para tulungan ang iba na tulad kong nakagawa rin ng masama.”

Natutulungan tayo ng ating ministeryo na gumawa at mag-isip ng mabubuting bagay. Tinitiyak nito sa atin ang awa, pagmamahal, at pagtitiwala sa atin ni Jesus.

SI JEHOVA AY MAS DAKILA KAYSA SA PUSO NATIN

Hangga’t hindi pa napupuksa ang napakasamang sistemang ito ni Satanas, baka patuloy pa rin tayong usigin ng konsensiya natin dahil sa nagawa nating kasalanan noon. Paano natin ito mapaglalabanan?

“Mabuti na lang at ‘ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin,’” ang sabi ni Jean, na madalas usigin ng konsensiya niya dahil sa dobleng pamumuhay noong bata pa siya. (1 Juan 3:19, 20) Gaya ni Jean, mapapatibay rin tayong malaman na mas naiintindihan ni Jehova at ni Jesus ang ating kalagayan kaysa sa atin. Hindi ba’t ang pantubos ay maibigin nilang inilaan, hindi para sa mga taong perpekto, kundi para sa mga nagsisising makasalanan?​—1 Tim. 1:15.

Tumatatak sa puso natin ang mahalagang katotohanang iyan kapag binubulay-bulay natin ang pakikitungo ni Jesus sa mga taong di-perpekto at kapag ginagawa natin sa abot ng ating makakaya ang ministeryong iniatas sa atin. Sa paggawa nito, gaya ni Pablo, masasabi mo rin: Si Jesus ay “nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.”