Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Kailan naging Mataas na Saserdote si Jesus, at may pagkakaiba ba kung kailan nagkabisa ang bagong tipan at kung kailan ito pinasinayaan?

Ipinapakita ng mga ebidensiya na naging Mataas na Saserdote si Jesus nang bautismuhan siya noong 29 C.E. Paano natin nalaman? Nang bautismuhan si Jesus, ipinakita niya na handa niyang ihain ang buhay niya sa makasagisag na altar na lumalarawan sa “kalooban” ng Diyos. (Gal. 1:4; Heb. 10:5-10) Dahil umiiral na ang makasagisag na altar mula noong bautismuhan si Jesus, ang dakilang espirituwal na templo—na lumalarawan sa kaayusan para sa dalisay na pagsamba kay Jehova salig sa pantubos—ay dapat na umiiral na rin noong panahong iyon. Ang altar na iyon ay isang mahalagang bahagi ng espirituwal na templo.​—Mat. 3:16, 17; Heb. 5:4-6.

Dahil umiiral na ang dakilang espirituwal na templo, kailangan ang isang mataas na saserdote na mangangasiwa doon. Para magawa iyan, inatasan si Jesus ng Diyos “sa pamamagitan ng banal na espiritu at binigyan ng kapangyarihan.” (Gawa 10:37, 38; Mar. 1:9-11) Pero paano tayo nakakasigurong inatasan na si Jesus bilang Mataas na Saserdote bago siya mamatay at buhaying muli? Makakakita tayo ng matibay na dahilan kung titingnan natin ang halimbawa ni Aaron at ng mga kahalili niya na naglingkod bilang mataas na saserdote sa ilalim ng Kautusang Mosaiko.

Ayon sa Kautusan, ang mataas na saserdote lang ang puwedeng pumasok sa Kabanal-banalan ng tabernakulo at, nang maglaon, sa Kabanal-banalan ng templo. Ang kurtina ang nagsisilbing dibisyon ng Banal at ng Kabanal-banalan. Pumapasok lang ang mataas na saserdote sa kurtinang iyon kapag Araw ng Pagbabayad-Sala. (Heb. 9:1-3, 6, 7) Si Aaron at ang mga kahalili niya ay inatasan na bilang matataas na saserdote bago pumasok sa literal na “kurtina” ng tabernakulo. Kaya tiyak na inatasan na rin si Jesus bilang Mataas na Saserdote ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova bago siya mamatay at bago siya pumasok sa “kurtina, ang kaniyang laman,” para mabuhay sa langit. (Heb. 10:20) Sa dahilang ito, sinabi ni apostol Pablo na dumating si Jesus “bilang mataas na saserdote” at “pumasok . . . sa mas dakila at mas perpektong tolda na hindi gawa ng mga kamay” at sa “langit mismo.”​—Heb. 9:11, 24.

Walang pagkakaiba kung kailan nagkabisa ang bagong tipan at kung kailan ito pinasinayaan. Bakit? Nang umakyat si Jesus sa langit at iharap ang kaniyang perpektong buhay bilang tao para sa atin, sinimulan niya ang proseso para mabigyang-bisa o maging legal ang bagong tipan. Ang proseso ring iyon ang nagpasinaya o nagbigay ng bisa sa tipan. Ano ang mga hakbang sa prosesong iyon?

Una, humarap si Jesus kay Jehova; pagkatapos, inihandog ni Jesus kay Jehova ang halaga ng hain niya; at panghuli, tinanggap ni Jehova ang halaga ng dugong itinigis ni Jesus. Dapat na magawa ang mga hakbang na ito para magkabisa ang bagong tipan.

Hindi sinasabi ng Bibliya kung kailan eksaktong tinanggap ni Jehova ang halaga ng hain ni Jesus. Kaya hindi natin matutukoy kung kailan eksaktong nagkabisa ang bagong tipan. Pero alam natin na umakyat si Jesus sa langit 10 araw bago ang Pentecostes. (Gawa 1:3) Sa loob ng maikling panahong ito, iniharap ni Jesus ang halaga ng hain niya at tinanggap ito ni Jehova. (Heb. 9:12) Kitang-kita noong Pentecostes ang ebidensiya na may bisa na ang bagong tipan. (Gawa 2:1-4, 32, 33) Kaya nang panahong iyon, umiiral na ang bagong tipan.

Bilang sumaryo, ang bagong tipan ay nagkabisa at pinasinayaan matapos tanggapin ni Jehova ang halaga ng dugong itinigis ni Jesus. Ang tipang ito ay umiiral na noong panahong iyon at ang Mataas na Saserdoteng si Jesus ang naglilingkod bilang Tagapamagitan nito.​—Heb. 7:25; 8:1-3, 6; 9:13-15.