Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Dapat bang maghanap ang isang Saksi ni Jehova ng mapapangasawa sa mga online dating site?
Gusto ni Jehova na maging masaya at panghabambuhay ang pagsasama ng mag-asawa. (Mat. 19:4-6) Kung may plano kang mag-asawa, paano ka makakahanap ng mabuting asawa? Si Jehova ang lumalang sa atin, at alam niya kung paano magiging matagumpay ang pagliligawan at pag-aasawa. Kaya kung susundin mo ang mga prinsipyo na ibinigay niya, siguradong magiging masaya ka. Alamin ang ilan sa mga prinsipyong iyon.
Una sa lahat, dapat nating maunawaan: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at desperado.” (Jer. 17:9) Kapag nagligawan ang dalawa na gusto nang mag-asawa, puwedeng mahulog agad ang loob nila sa isa’t isa. Kapag nangyari iyon, mahihirapan silang gumawa ng matalinong desisyon. Kapag puso ang nangibabaw at nagdesisyon silang magpakasal, karaniwan nang nauuwi ito sa pagkadismaya. (Kaw. 28:26) Kaya hindi katalinuhan na sabihin ninyo agad kung ano talaga ang nararamdaman ninyo para sa isa’t isa at magbitiw na ng mga pangako nang hindi pa ninyo lubos na nakikilala ang isa’t isa.
Sinasabi sa Kawikaan 22:3: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago, pero tulóy lang ang mga walang karanasan at pinagdurusahan ang epekto nito.” Ano ang panganib kung maghahanap ka ng mapapangasawa sa mga online dating site? Nakakalungkot, ang ilan ay may nakilala online at nakipag-date, pero bandang huli, nalaman nilang niloloko lang pala sila. Mayroon ding masasamang tao na gumagamit ng pekeng account para manloko at magnakaw. Kung minsan, nagpapanggap pa ngang Saksi ang mga taong ito.
May iba pang panganib. Ang ilang online dating site ay gumagamit ng mga algorithm, o program, para makita kung sino ang sa tingin nito ay bagay mag-date. Pero walang ebidensiya na garantisado ang paraang ito. Tama ba na ipagkatiwala natin sa isang computer program ang mahahalagang desisyon na ginagawa natin, gaya ng pagpili ng mapapangasawa? Di-hamak na mas mapagkakatiwalaan natin ang mga prinsipyo sa Bibliya kaysa sa mga computer program!—Kaw. 1:7; 3:5-7.
May prinsipyo tayong makikita sa Kawikaan 14:15: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang lahat ng naririnig niya, pero pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.” Bago mo masabi na magiging mabuting asawa ang isa, dapat na makilala mo muna siyang mabuti. Pero mahirap gawin iyan online. Kahit nakikita pa ninyo ang profile ng bawat isa at lagi kayong nag-uusap, ibig bang sabihin, kilala na ninyo ang isa’t isa? May ilan na akala nila, natagpuan na nila ang tunay na pag-ibig pero nagulat sila sa nalaman nila nang magkita na sila sa personal ng ka-date nila.
Sinabi ng salmista: “Hindi ako sumasama sa mga taong mapanlinlang, at iniiwasan ko ang mga mapagkunwari.” (Awit 26:4) Maraming sumasali sa mga online dating site ang nagsisinungaling at nagbabago ng profile nila para maraming magkagusto sa kanila. Baka itinatago nila kung sino talaga sila o hindi nila ipinapahalata ang tunay na ugali nila kapag nakikipag-usap online. May ilan na nagpapakilalang Saksi ni Jehova, pero talaga nga bang bautisado sila? Maygulang ba sila sa espirituwal? Malapít ba sila kay Jehova? Maganda ba ang reputasyon nila sa kongregasyon? O baka gumagawa sila ng hindi maganda o baka maituturing pa nga silang “masasamang kasama”? (1 Cor. 15:33; 2 Tim. 2:20, 21) Malaya ba silang mag-asawa batay sa mga prinsipyo sa Bibliya? Kailangan mong malaman ang mga ito, pero hindi mo malalaman ang mga bagay na ito kung hindi mo makakausap ang iba pang mga Saksi na lubos na nakakakilala sa kaniya. (Kaw. 15:22) At siyempre, hinding-hindi iisipin ng isang tapat na lingkod ni Jehova na “makipagtuwang” sa isang di-sumasampalataya.—2 Cor. 6:14; 1 Cor. 7:39.
Bukod sa mapanganib ang paggamit ng online dating site sa paghahanap ng mapapangasawa, may magandang paraan para makahanap at makakilala ng mabuting mapapangasawa. Saan ka makakahanap ng puwede mong mapangasawa? Kapag ipinapahintulot ang maramihang pagtitipon, nagkakasama-sama ang mga Saksi ni Jehova sa mga pulong, asamblea, kombensiyon, at iba pang okasyon, at nakikilala nila ang isa’t isa.
Kapag hindi naman posible ang maramihang pagtitipon, gaya sa panahon ng COVID-19 pandemic, nagagamit natin ang ating mga gadyet para dumalo sa mga pulong at nakikilala natin ang ibang dalaga at binatang Saksi. Makikita mo kung paano sila gumanap ng mga bahagi at maririnig mo ang mga komento nila. (1 Tim. 6:11, 12) Puwede rin kayong magkaroon ng pagkakataon na makapag-usap sa breakout room. At sa mga virtual na pagtitipon kasama ng iba pang mga Saksi, maoobserbahan mo kung paano siya nakikitungo sa iba kaya puwede mong malaman ang tunay na pagkatao niya. (1 Ped. 3:4) Habang mas nakikilala ninyo ang isa’t isa, malalaman ninyo kung pareho kayo ng mga tunguhin at prinsipyo sa buhay at kung magkakasundo kayo bilang mag-asawa.
Kung susundin ng isang binata o dalaga ang mga prinsipyo sa Bibliya sa paghahanap ng mapapangasawa, malaki ang posibilidad na maging totoo sa kanila ang sinasabi ng Kawikaan: “Ang nakahanap ng mahusay na [asawa] ay nakakita ng mabuting bagay, at pagpapala iyon sa kaniya ni Jehova.”—Kaw. 18:22.