Talambuhay
Nagpagabay Ako kay Jehova
NOONG tin-edyer ako, pumili ako ng karera na talagang gustong-gusto ko, pero iba pala ang landas na gusto ni Jehova na tahakin ko. Para bang sinasabi niya sa akin: “Bibigyan kita ng kaunawaan at ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.” (Awit 32:8) Dahil nagpagabay ako kay Jehova sa landas na dapat kong tahakin, nagamit ko ang buhay ko sa paglilingkod sa kaniya at tumanggap ako ng maraming pagpapala, kasama na roon ang makapaglingkod sa Africa sa loob ng 52 taon.
MULA ENGLAND PAPUNTANG AFRICA
Ipinanganak ako noong 1935 sa Darlaston na bahagi ng Black Country, isang rehiyon sa England. Tinawag itong Black Country dahil sa makakapal at maiitim na usok na nanggagaling sa maraming pabrika roon. Noong mga apat na taóng gulang pa lang ako, nag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang mga magulang ko. At noong tin-edyer ako, nakumbinsi ako na ito ang katotohanan at nabautismuhan ako noong 1952 sa edad na 16.
Noong mga panahon ding iyon, nagtrabaho ako bilang aprentis sa isang malaking kompanya na gumagawa ng mga tool at piyesa ng sasakyan. Sinanay akong maging secretary ng kompanya, at gustong-gusto ko iyon.
Sinabihan ako ng isang naglalakbay na tagapangasiwa na manguna sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat tuwing midweek sa kongregasyon namin sa Willenhall. Pero kinailangan kong gumawa ng mabigat na desisyon. Kasi noong panahong iyon, dalawang kongregasyon ang dinadaluhan ko. Kapag midweek, dumadalo ako sa kongregasyong malapit sa trabaho ko sa Bromsgrove, mga 32 kilometro ang layo mula sa bahay namin. At kapag weekend, umuuwi ako sa amin, at doon ako dumadalo sa kongregasyon sa Willenhall.
Dahil gusto kong suportahan ang organisasyon ni Jehova, tinanggap ko ang alok ng naglalakbay na tagapangasiwa, at iniwan ko ang trabaho ko kahit na gustong-gusto ko ito. Hinding-hindi ko pinagsisisihan na nagpagabay ako kay Jehova dahil naging masayang-masaya ang buhay ko.
Noong dumadalo ako sa Bromsgrove Congregation, nakilala ko ang isang maganda at may-gulang sa espirituwal na si Anne. Ikinasal kami noong 1957, at masaya kaming naglingkod bilang regular pioneer at special pioneer. Naranasan din namin ang gawaing paglalakbay at naglingkod din kami sa Bethel. Naging masaya ang buhay ko kasama si Anne.
Noong 1966, nag-aral kami sa ika-42 klase ng Gilead. Inatasan kami sa Malawi. Kilalá ang mga tagaroon na mababait at mapagpatuloy. Pero hindi namin akalain na saglit lang pala kami roon.
PAGLILINGKOD SA MALAWI SA KABILA NG MAHIHIRAP NA KALAGAYAN
Dumating kami sa Malawi noong Pebrero 1, 1967. Sa unang buwan, halos ginugol namin ang panahon namin sa pag-aaral ng wika. Pagkatapos, naglingkod kami sa gawaing pandistrito. Mayroon kaming Kaiser Jeep. Iniisip ng ilan na puwede itong dalhin kahit saan, kahit pa nga sa mga ilog. Pero hindi totoo iyon. Sa mabababaw na tubig lang namin ito puwedeng idaan. Kung minsan, kubo ang tinitirhan namin. At kapag maulan, naglalagay kami ng trapal sa ilalim ng bubong nito para hindi tumagas ang tubig. Hindi iyon magandang pasimula sa gawaing pagmimisyonero, pero nagustuhan namin iyon!
Noong Abril, narinig ko na may sinabi sa radyo ang presidente ng Malawi na si Dr. Hastings Banda. Kaya naisip ko na magkakaproblema kami sa bansang iyon. Inakusahan niya ang mga Saksi ni Jehova na nakikialam sa politika at hindi nagbabayad ng buwis. Siyempre, hindi totoo iyon. Alam namin na ang talagang isyu ay ang neutralidad namin, lalo na ang pagtanggi naming bumili ng political party card.
Noong Setyembre, nabasa namin sa diyaryo na inakusahan ng presidente ang mga kapatid natin na nanggugulo raw kung saan-saan. Sa isang politikal na kombensiyon, inianunsiyo niya na aaksiyunan agad ng gobyerno niya ang isang resolusyon na nagrerekomenda na ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova. Ipinatupad ito noong Oktubre 20, 1967. Di-nagtagal, dumating sa tanggapang pansangay ang mga pulis at opisyal ng immigration para ipasara ito at ipa-deport ang mga misyonero.
Pagkatapos ng tatlong araw sa bilangguan, ipina-deport kami sa isang bansa na hawak ng Britain—sa Mauritius. Pero hindi kami pinayagan
ng mga awtoridad sa Mauritius na manatili roon bilang misyonero. Kaya inatasan kami sa Rhodesia (ngayon ay Zimbabwe). Pagdating namin doon, nakausap namin ang isang galít na opisyal ng immigration na tumatangging papasukin kami. Sinabi niya: “Ipina-deport kayo ng Malawi. Hindi kayo pinapasok sa Mauritius, at ngayon, nandito kayo dahil ayaw nila kayong tanggapin.” Napaiyak si Anne kasi parang walang gustong tumanggap sa amin! Nang pagkakataong iyon, gusto ko nang umuwi sa amin sa England. Sa wakas, pinayagan kami ng mga opisyal ng immigration na magpalipas ng gabi sa tanggapang pansangay pero sinabi nila na kailangan naming magreport sa opisina nila kinabukasan. Nahihirapan na kami, pero patuloy naming ipinaubaya kay Jehova ang mga bagay-bagay. Kinabukasan, noong hapon na, hindi namin inaasahang makatanggap ng permit na puwede kaming manatili bilang mga bisita sa Zimbabwe. Hindi ko malilimutan ang naramdaman ko nang araw na iyon. Kumbinsido ako na si Jehova ang gumagabay sa landas namin.ISANG BAGONG ATAS—PAGLILINGKOD SA MALAWI MULA SA ZIMBABWE
Naatasan akong maglingkod sa Service Department sa tanggapang pansangay sa Zimbabwe. Inaasikaso ko ang mga gawain sa Malawi at Mozambique. Matindi ang pag-uusig sa mga kapatid sa Malawi. Kasama sa trabaho ko ang pagsasalin ng mga report na ipinapadala ng mga tagapangasiwa ng sirkito na mula sa Malawi. Minsan, ginabi na ako sa pag-aasikaso ng isang report. Napaiyak ako dahil sa matinding pang-aabuso na dinaranas ng mga kapatid doon. a Pero napatibay talaga ako sa katapatan, pananampalataya, at pagtitiis nila.—2 Cor. 6:4, 5.
Ginawa namin ang lahat para mapaglaanan ng espirituwal na pagkain ang mga kapatid na naiwan sa Malawi, pati na ang mga lumikas sa Mozambique para maiwasan ang karahasan. Ang translation team sa Chichewa, ang pangunahing wika na ginagamit sa Malawi, ay inilipat sa isang malaking bukid ng kapatid sa Zimbabwe. Nagpatayo siya ng mga bahay at isang opisina para sa kanila. Kaya naipagpatuloy nila ang mahalagang gawain ng pagsasalin ng mga literatura sa Bibliya.
Isinaayos namin na taon-taon, ang mga tagapangasiwa ng sirkito na naglilingkod sa Malawi ay makadalo sa pandistritong kombensiyon sa wikang Chichewa na ginaganap sa Zimbabwe. Doon, nakakakuha sila ng mga outline ng pahayag ng kombensiyon. Pagbalik nila sa Malawi, ibinabahagi nila sa mga kapatid ang mga tinalakay sa kombensiyon hangga’t posible. Minsan, nang dumalaw sa Zimbabwe ang mga tagapangasiwang ito ng sirkito na malalakas ang loob, nag-organisa kami ng Kingdom Ministry School para patibayin sila.
Noong Pebrero 1975, pumunta ako sa Mozambique para dalawin ang mga Saksing taga-Malawi na lumikas doon. Patuloy na umaalinsabay ang mga kapatid na ito sa mga kaayusan sa organisasyon ni Jehova, gaya ng bagong kaayusan sa pagkakaroon ng lupon ng matatanda. Nagsaayos ang mga bagong elder ng espirituwal na mga gawain, gaya ng pagbibigay ng pahayag pangmadla, pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto at sa Bantayan, at pagdaraos ng mga asamblea. Isinaayos nila ang mga kampo na parang kombensiyon, na may mga departamento para sa paglilinis, pamamahagi ng pagkain, at sa seguridad. Sa tulong ni Jehova, napakaraming naisagawa ng tapat na mga brother na ito, at talagang napatibay ako.
Noong mga huling taon ng 1970’s, ang tanggapang pansangay sa Zambia na ang nag-aasikaso sa mga gawain sa Malawi. Pero palagi ko pa ring naiisip ang mga kapatid sa Malawi at patuloy ko pa rin silang ipinapanalangin, gaya ng ginagawa ng marami. Bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Zimbabwe, madalas kong makausap ang mga kinatawan mula sa pandaigdig na punong-tanggapan pati na ang mga kapatid mula sa Malawi, South Africa, at Zambia. Sa mga pagkakataong iyon, lagi naming itinatanong, “Ano pa ang magagawa natin para sa mga kapatid sa Malawi?”
Sa paglipas ng panahon, nabawasan ang pag-uusig. Unti-unti, bumalik na sa Malawi ang mga
kapatid na lumikas. Ang mga nanatili naman sa Malawi ay hindi na masyadong pinag-uusig. Legal nang kinilala ng kalapit na mga bansa ang mga Saksi ni Jehova at inalis na rin ang mga pagbabawal. Ganoon din ang ginawa ng Mozambique noong 1991. Kaya naisip namin, ‘Kailan kaya magiging malaya ang mga Saksi ni Jehova sa Malawi?’PAGBABALIK SA MALAWI
Nagbago ang kalagayan ng politika sa Malawi. At noong 1993, inalis na ng gobyerno ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Tinanong ako ng isang misyonero, “Babalik ka pa ba sa Malawi?” Limampu’t siyam na taóng gulang na ako noon, kaya ang sabi ko, “Hindi na, kasi matanda na ako!” Pero nang mismong araw na iyon, nakatanggap kami ng liham mula sa Lupong Tagapamahala na nagsasabi kung puwede kaming bumalik doon.
Napamahal na sa amin ang atas namin sa Zimbabwe, kaya nahirapan kaming magdesisyon. Masaya na kami roon at marami na kaming kaibigan. Mabait na sinabi sa amin ng Lupong Tagapamahala na puwede kaming manatili sa Zimbabwe, kung iyon ang gusto namin. Madali sanang piliin ang landas na gusto namin at manatili sa Zimbabwe. Pero naalala ko sina Abraham at Sara nang iwan nila ang komportableng tahanan nila kahit matanda na sila para sundin si Jehova at magpagabay sa kaniya.—Gen. 12:1-5.
Nagdesisyon kaming sundin ang tagubilin ng organisasyon ni Jehova at bumalik kami sa Malawi noong Pebrero 1, 1995, eksaktong ika-28 taon mula nang una kaming dumating doon. Isang Komite ng Sangay ang binuo—ako at ang dalawang iba pang brother. Di-nagtagal, sinimulan naming organisahin ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova roon.
SI JEHOVA ANG NAGPAPALAGO
Isa ngang pagpapala na makita na mabilis na pinalalago ni Jehova ang gawain! Noong 1993, mga 30,000 lang ang bilang ng mga mamamahayag. Pero noong 1998, umabot na ito ng mahigit 42,000. b Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang plano na magtayo ng isang bagong tanggapang pansangay para maasikaso ang lumalaking pangangailangan. Bumili kami ng 12-ektarya ng lupa sa Lilongwe, at naatasan akong maging miyembro ng construction committee.
Si Brother Guy Pierce ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay para sa mga bagong pasilidad noong Mayo 2001. Mahigit
dalawang libong Saksi na tagaroon ang dumalo, na ang karamihan ay mahigit 40 taon nang bautisado. Sa loob ng maraming taon na ipinagbabawal ang gawain, napakahirap ng dinanas ng tapat na mga kapatid na ito. Mahirap sila sa materyal pero napakayaman naman nila sa espirituwal. At ngayon, masayang-masaya sila na makapag-tour sa bago nilang Bethel. Sa buong Bethel, dinig na dinig ang pag-awit nila ng mga awiting pang-Kaharian sa istilong Africa. Kaya naman, naging nakakaantig-pusong okasyon iyon at hindi ko iyon malilimutan. Patunay ito na talagang saganang pinagpapala ni Jehova ang mga tapat na nagtitiis ng pagsubok.Nang maitayo ang sangay, masayang-masaya ako na tumanggap ng mga atas para sa pag-aalay ng mga Kingdom Hall. Nakinabang ang mga kongregasyon sa Malawi sa kaayusan ng organisasyon na makapagtayo agad ng Kingdom Hall sa mga lupaing limitado lang ang kakayahan ng mga kapatid sa materyal. Noon, may ilang kongregasyon na nagpupulong lang sa mga silungan na gawa sa puno ng eucalyptus. Gumagamit sila ng mga banig na tambo para maging bubong at umuupo sila sa mahahabang bangkô na gawa sa putik. Pero ngayon, gumawa ang mga kapatid ng hurno para makagawa ng mga brick na gagamitin sa pagtatayo ng magagandang Kingdom Hall. Pero gusto pa rin ng mga kapatid ang mahahabang bangkô. Kasi para sa kanila, mas marami ang makakaupo!
Tuwang-tuwa rin ako nang makita ko kung paano tinutulungan ni Jehova ang mga tao na sumulong sa espirituwal. Humanga ako lalo na sa mga kabataang brother na taga-Africa dahil kusang-loob silang nagboboluntaryo at mabilis silang natututo mula sa pagsasanay na ibinibigay ng organisasyon ni Jehova at sa aktuwal na paggawa. Kaya nagkaroon sila ng mas maraming pribilehiyo sa Bethel at kongregasyon. Lalong napatibay ang mga kongregasyon dahil sa mga bagong naatasang tagapangasiwa ng sirkito roon, na marami sa kanila ay may asawa na. Pinili nila na mas mapaglingkuran si Jehova at hindi muna mag-anak kahit na ginigipit sila ng ibang tao at kung minsan, ng mga kapamilya nila.
MASAYANG-MASAYA AKO SA MGA NAGING DESISYON KO
Matapos ang 52 taon sa Africa, nagkaroon ako ng problema sa kalusugan. Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang rekomendasyon ng Komite ng Sangay na bumalik kami sa Britain. Malungkot kaming iwan ang atas na napamahal na sa amin, pero talagang inaalagaan kami ngayon ng pamilyang Bethel sa Britain.
Kumbinsido ako na ang pinakamagandang desisyon na ginawa ko ay nang hayaan kong si Jehova ang pumatnubay sa landas ko. Kung umasa ako sa sarili kong unawa, baka hindi naging ganito ang buhay ko. Laging alam ni Jehova ang kailangan ko para ‘ituwid ang mga daan ko.’ (Kaw. 3:5, 6) Noong kabataan ako, gustong-gusto kong malaman kung paano tumatakbo ang isang malaking kompanya. Pero higit pa roon ang ibinigay sa akin ng pambuong-daigdig na organisasyon ni Jehova. Para sa akin, naging napakasaya ng buhay ko dahil pinaglilingkuran ko si Jehova!
a Mababasa ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Malawi sa 1999 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, p. 148-223.
b May mahigit 100,000 mamamahayag na sa Malawi ngayon.