Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 29

Handa Ka Na Ba Para sa Malaking Kapighatian?

Handa Ka Na Ba Para sa Malaking Kapighatian?

“Maging handa rin kayo.”​—MAT. 24:44.

AWIT BLG. 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas

NILALAMAN a

1. Bakit mahalagang paghandaan ang mga sakuna?

 NAPAKAHALAGA ng paghahanda. Kung napaghandaan natin ang isang sakuna, mas malamang na makaligtas tayo at makatulong sa iba. Sinabi ng isang humanitarian organization sa Europe: “Makakapagligtas ng buhay ang paghahanda.”

2. Bakit dapat tayong maging handa para sa malaking kapighatian? (Mateo 24:44)

2 Biglang magsisimula ang “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21) Pero di-gaya ng ibang mga sakuna, inaasahan na natin na darating iyon. Mga 2,000 taon na ang nakakaraan, nagbabala si Jesus sa mga tagasunod niya para mapaghandaan nila iyon. (Basahin ang Mateo 24:44.) Kung handa tayo, mas makakayanan natin ang mahirap na panahong iyon at matutulungan natin ang iba na makapagtiis.​—Luc. 21:36.

3. Paano makakatulong ang pagtitiis, pagmamalasakit, at pag-ibig para maging handa tayo sa malaking kapighatian?

3 Pag-usapan natin ang tatlong katangian na tutulong sa atin na maging handa sa malaking kapighatian. Paano kung hilingan tayong ipangaral ang mabigat na mensahe ng paghatol at salansangin tayo? (Apoc. 16:21) Kailangan natin ang pagtitiis para masunod si Jehova at magtiwalang poprotektahan niya tayo. Paano kung mangailangan ang mga kapatid natin? (Hab. 3:17, 18) Dahil nagmamalasakit tayo sa kanila, tutulungan natin sila. Paano kung umatake na ang koalisyon ng mga bansa at kailangan nating pansamantalang tumira sa isang lugar kasama ng mga kapatid? (Ezek. 38:10-12) Kung masidhi ang pag-ibig natin sa kanila, makakayanan natin ang mahirap na panahong iyon.

4. Paano ipinapakita ng Bibliya na dapat nating patuloy na pasulungin ang pagtitiis, pagmamalasakit, at pag-ibig natin?

4 Pinapasigla tayo ng Salita ng Diyos na patuloy na magpakita ng pagtitiis, pagmamalasakit, at pag-ibig. Sinasabi sa Lucas 21:19: “Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” Ayon sa Colosas 3:12: “Magpakita kayo ng tunay na pagmamalasakit.” At sinasabi sa 1 Tesalonica 4:9, 10: “Tinuruan na kayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa. . . . Pero hinihimok namin kayo, mga kapatid, na lalo pa ninyong pagbutihin ang ginagawa ninyo.” Isinulat ang mga tekstong ito para sa mga alagad na nagpakita na ng pagtitiis, pagmamalasakit, at pag-ibig. Pero kailangan pa nilang pasulungin ang mga katangiang iyon. Dapat din nating gawin iyan. Kaya talakayin natin kung paano ipinakita ng mga Kristiyano noon ang mga katangiang iyon. Pagkatapos, alamin natin kung paano natin sila matutularan at kung paano iyon makakatulong para maging handa tayo sa malaking kapighatian.

MAGING MAS MATIISIN

5. Paano nakapagtiis ang mga Kristiyano noon?

5 Kinailangang magtiis ng mga Kristiyano noon. (Heb. 10:36) Bukod sa pang-araw-araw na mga problema, marami sa kanila ang nakaranas ng pag-uusig. Hindi lang mga Judiong lider ng relihiyon at mga Romanong awtoridad ang umusig sa kanila, kundi pati na rin ang mismong pamilya nila. (Mat. 10:21) At sa loob ng kongregasyon, kailangan nilang labanan ang impluwensiya at maling turo ng mga apostata. (Gawa 20:29, 30) Pero nakapagtiis ang mga Kristiyanong iyon. (Apoc. 2:3) Paano? Pinag-isipan nila ang mga halimbawa sa Bibliya ng mga nakapagtiis, gaya ni Job. (Sant. 5:10, 11) Nanalangin sila para humingi ng lakas. (Gawa 4:29-31) At nagpokus sila sa mga pagpapalang ibibigay ni Jehova kung magtitiis sila.​—Gawa 5:41.

6. Ano ang natutuhan mo sa ginawa ni Merita para matiis ang pag-uusig?

6 Makakapagtiis din tayo kung regular nating pag-aaralan at bubulay-bulayin ang halimbawa ng mga nagpakita ng pagtitiis sa Bibliya at sa mga publikasyon natin. Ginawa iyan ni Merita, isang sister sa Albania. Dahil diyan, nakayanan niya ang pag-uusig at pananakit ng pamilya niya. Sinabi niya: “Talagang napatibay ako nang pag-aralan ko ang ulat ng Bibliya tungkol kay Job. Ang hirap ng pinagdaanan niya, at hindi niya alam kung kanino galing iyon. Pero sinabi pa rin niya: ‘Mananatili akong tapat hanggang kamatayan!’ (Job 27:5) Walang-wala ang mga problema ko kumpara sa naranasan ni Job. Pero di-gaya niya, alam ko kung sino ang nasa likod ng mga ito.”

7. Kahit wala tayong mabigat na problema ngayon, ano ang dapat nating gawin?

7 Mas makakapagtiis din tayo kung lagi nating sasabihin kay Jehova ang lahat ng alalahanin natin. (Fil. 4:6; 1 Tes. 5:17) Kahit wala kang mabigat na problema ngayon, hinihingi mo ba ang patnubay ni Jehova kapag naiinis ka, nalilito, o hindi mo alam ang gagawin? Kung lagi kang humihingi ng tulong sa Diyos para sa pang-araw-araw na problema mo, hindi ka mag-aalangan na lumapit sa kaniya kapag nagkaroon ka ng mas mabibigat na problema. Makakatiyak ka na alam na alam niya kung kailan at kung paano ka tutulungan.​—Awit 27:1, 3.

PAGTITIIS

Sa bawat problemang natitiis natin, lalo tayong tumatatag (Tingnan ang parapo 8)

8. Ano ang matututuhan natin kay Mira tungkol sa pagtitiis? (Santiago 1:2-4) (Tingnan din ang larawan.)

8 Kung natitiis natin ang mga problema ngayon, malamang na makakayanan din natin ang malaking kapighatian. (Roma 5:3) Bakit? Maraming kapatid ang nagsasabi na sa bawat problemang natitiis nila, lalo silang tumatatag. Dahil sa pagtitiis nila, nadalisay sila at mas tumibay ang pananampalataya nila kay Jehova. Kaya nakakayanan nila ang mga sumunod pang pagsubok. (Basahin ang Santiago 1:2-4.) Sinabi ni Mira, isang payunir sa Albania, na nakatulong ang mga tiniis niya noon para makayanan ang mga problema niya ngayon. Minsan, pakiramdam niya, pasan niya ang daigdig. Pero naalala niya kung paano siya tinulungan ni Jehova sa nagdaang 20 taon. Kaya sinabi niya sa sarili niya: ‘Manatili kang tapat. Sayang naman ang lahat ng tulong ni Jehova sa iyo kung ngayon ka pa susuko!’ Isipin mo rin kung paano ka tinulungan ni Jehova. Makakapagtiwala ka na nakikita niya ang mga tinitiis mo at na gagantimpalaan ka niya. (Mat. 5:10-12) At kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, alam mo na kung paano magtiis at determinado ka nang patuloy na gawin iyon.

MAGING MAS MAPAGMALASAKIT

9. Paano nagpakita ng malasakit ang mga kapatid na nasa Antioquia ng Sirya?

9 Tingnan ang nangyari nang makaranas ng malaking taggutom ang mga Kristiyano sa Judea. Nang malaman iyon ng kongregasyon sa Antioquia ng Sirya, siguradong naawa sila sa mga kapatid. “Kaya nagbigay ng tulong ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, sa mga kapatid na nakatira sa Judea.” (Gawa 11:27-30) Kahit nasa malayo ang mga kapatid na naapektuhan ng taggutom, determinado pa ring tumulong ang mga kapatid sa Antioquia.​—1 Juan 3:17, 18.

PAGMAMALASAKIT

Kapag may sakuna, may pagkakataon tayo na magpakita ng malasakit sa iba (Tingnan ang parapo 10)

10. Paano tayo makakapagpakita ng malasakit sa mga kapatid na naapektuhan ng sakuna? (Tingnan din ang larawan.)

10 Makakapagpakita rin tayo ng malasakit kapag may mga kapatid tayo na naapektuhan ng sakuna. Kumikilos tayo agad. Puwede tayong magtanong sa mga elder kung paano makakatulong sa isang proyekto. b Puwede rin tayong mag-donate sa worldwide work at manalangin para sa mga naapektuhan. (Kaw. 17:17) Halimbawa, noong 2020, mahigit 950 Disaster Relief Committee ang binuo sa buong mundo para asikasuhin ang mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic. Malaki ang pasasalamat natin sa kanila. Dahil sa malasakit nila sa mga kapatid, namahagi sila ng mga relief at nagbigay ng pampatibay. May mga pagkakataon pa nga na nagtayo o nag-repair sila ng mga nasirang bahay at lugar ng pagsamba.​—Ihambing ang 2 Corinto 8:1-4.

11. Paano natin napaparangalan si Jehova kapag nagpapakita tayo ng malasakit?

11 Kapag may sakuna at nagpakita tayo ng malasakit sa iba, napapansin ito ng mga tao. Halimbawa, noong 2019, winasak ng Bagyong Dorian ang isang Kingdom Hall sa Bahamas. Habang itinatayo itong muli ng mga kapatid, ipina-estimate nila sa isang di-Saksing contractor kung magkano ang magagastos nila. Sinabi nito: “Sagot ko na . . . ang equipment, labor, at materyales. . . . Gusto kong tumulong sa organisasyon n’yo. Hanga ako sa malasakit n’yo sa mga kasamahan n’yo.” Marami ang hindi nakakakilala kay Jehova. Pero naoobserbahan nila ang mga Saksi ni Jehova. Masayang-masaya tayo na naaakay natin ang mga tao sa Diyos na may “saganang awa” dahil nakikita nila ang malasakit natin sa iba!—Efe. 2:4.

12. Kung magiging mapagmalasakit tayo ngayon, paano tayo maihahanda nito para sa malaking kapighatian? (Apocalipsis 13:16, 17)

12 Sa malaking kapighatian, bakit kailangan nating magpakita ng malasakit sa mga kapatid? Ipinapahiwatig ng Bibliya na mahihirapan ang mga hindi sumusuporta sa politikal na sistema—ngayon at sa malaking kapighatian. (Basahin ang Apocalipsis 13:16, 17.) Baka mangailangan ng tulong ang mga kapatid natin para sa pang-araw-araw na pangangailangan nila. Kapag dumating na ang Hari nating si Kristo Jesus para maglapat ng hatol, makita niya sana tayong nagmamalasakit sa iba at imbitahan tayo na ‘manahin ang Kaharian.’—Mat. 25:34-40.

MAGING MAS MAIBIGIN

13. Gaya ng sinasabi sa Roma 15:7, paano nagpakita ng pag-ibig sa isa’t isa ang mga Kristiyano noon?

13 Sa pag-ibig nakilala ang mga Kristiyano noon. Pero naging madali ba sa kanila na magpakita ng pag-ibig? Tingnan ang kongregasyon sa Roma. Magkakaiba ang pinagmulan at kalagayan nila. May mga Judio na pinalaki sa Kautusang Mosaiko. May mga Gentil na ibang-iba ang nakasanayang pamumuhay. Malamang na ang ilang Kristiyano ay alipin. Baka amo naman ang iba. Sa kabila ng mga pagkakaibang iyon, paano naipakita ng mga Kristiyano ang pag-ibig sa isa’t isa? Sinabi sa kanila ni apostol Pablo: “Malugod ninyong tanggapin ang isa’t isa.” (Basahin ang Roma 15:7.) Ano ang ibig niyang sabihin? Ang salitang isinaling ‘malugod na tanggapin’ ay tumutukoy sa mainit na pagtanggap sa isang tao, gaya ng pagpapatuloy sa kaniya sa bahay o pagtanggap sa kaniya sa grupo ng mga kaibigan ng isa. Halimbawa, sinabi ni Pablo kay Filemon tungkol sa tumakas nitong alipin na si Onesimo: “Malugod mo siyang tanggapin.” (Flm. 17) Kahit kulang ang kaalaman ni Apolos sa Kristiyanismo, ‘isinama siya’ nina Priscila at Aquila. (Gawa 18:26) Hindi hinayaan ng mga Kristiyanong ito na magkabaha-bahagi sila dahil sa mga pagkakaiba nila. Tinanggap nila ang isa’t isa.

PAG-IBIG

Kailangan natin ang pag-ibig ng lahat ng kapatid (Tingnan ang parapo 15)

14. Paano nagpakita ng pag-ibig si Anna at ang asawa niya?

14 Maipapakita rin natin ang pag-ibig sa mga kapatid kung kakaibiganin natin sila. Madalas, sinusuklian din nila iyon ng pag-ibig. (2 Cor. 6:11-13) Naranasan iyan ni Anna at ng asawa niya, mga misyonero sa West Africa, nang lumipat sila ng atas. Noong kakarating lang nila, nagsimula ang COVID-19 pandemic. Kaya hindi nila makasama nang personal ang kongregasyon. Paano nila naipakita ang pag-ibig sa mga kapatid? Nakipag-videoconference sila para maka-bonding ang kongregasyon. Sinabi ng mag-asawa na gustong-gusto nilang makilala ang mga kapatid. Tuwang-tuwa ang mga pamilya, kaya madalas din silang tumatawag at nagme-message sa mga misyonero. Bakit ginawa iyon ng mag-asawa? Sinabi ni Anna: “Hinding-hindi ko makakalimutan ang pag-ibig na ipinakita ng mga kapatid sa akin at sa pamilya ko sa hirap at ginhawa. Dahil doon, gusto ko ring magpakita ng pag-ibig sa iba.”

15. Ano ang natutuhan mo kay Vanessa sa pagpapakita ng pag-ibig sa lahat ng kapatid? (Tingnan din ang larawan.)

15 Baka nasa isang kongregasyon tayo na iba’t iba ang pinagmulan at personalidad ng mga kapatid. Mas makakapagpakita tayo ng pag-ibig sa lahat kung magpopokus tayo sa magagandang katangian nila. Noong una, nahirapan si Vanessa, na taga-New Zealand, na makisama sa ilang kapatid sa kongregasyon. Pero imbes na iwasan ang mga nakakairita sa kaniya, kinaibigan niya sila. Dahil doon, nakita niya kung ano ang nagustuhan ni Jehova sa kanila. Sinabi niya: “Mula nang maging circuit overseer ang asawa ko, mas marami na kaming nakakasamang kapatid na may iba’t ibang personalidad, at naging madali na sa akin na makasundo sila. Naa-appreciate ko na ngayon ang pagkakaiba-iba natin. Siguradong ganoon din si Jehova, kasi tinanggap niya tayo kahit magkakaiba tayo.” Kapag tinularan natin ang pananaw ni Jehova sa iba, maipapakita nating mahal natin sila.​—2 Cor. 8:24.

Sa malaking kapighatian, ipinapangako ni Jehova na poprotektahan niya tayo kung mananatili tayong kasama at kaisa ng mga kapatid (Tingnan ang parapo 16)

16. Sa malaking kapighatian, bakit mahalagang may pag-ibig tayo sa mga kapatid? (Tingnan din ang larawan.)

16 Sa malaking kapighatian, mahalagang may pag-ibig tayo sa mga kapatid. Kapag nagsimula na iyon, saan tayo makakahanap ng proteksiyon? Pag-isipan ang tagubilin ni Jehova sa bayan niya nang salakayin ang Babilonya noon: “Pumasok kayo, bayan ko, sa inyong mga kaloob-loobang silid, at isara ninyo ang mga pinto. Magtago kayo sandali hanggang sa makalampas ang galit.” (Isa. 26:20) Baka kailangan din nating sundin iyan sa malaking kapighatian. Posibleng tumutukoy ang “mga kaloob-loobang silid” sa mga kongregasyon natin. Sa malaking kapighatian, ipinapangako ni Jehova na poprotektahan niya tayo kung mananatili tayong kasama at kaisa ng mga kapatid. Kaya ngayon pa lang, huwag lang natin sila basta pagtiisan, mahalin din natin sila. Posibleng kaligtasan natin ang nakasalalay dito!

MAGHANDA NA NGAYON

17. Bakit kailangang maghanda na tayo ngayon para sa malaking kapighatian?

17 Magiging mahirap na panahon para sa mga tao ang “dakilang araw ni Jehova.” (Zef. 1:14, 15) Kahit mga lingkod ni Jehova, mahihirapan din. Pero kung maghahanda na tayo ngayon, makakapanatili tayong kalmado at matutulungan natin ang iba. Matitiis natin ang anumang problema. Kapag nangailangan ang mga kapatid, gagawin natin ang lahat para tulungan sila, dahil nagmamalasakit tayo sa kanila. Hindi rin natin sila iiwan, kasi may pag-ibig tayo sa kanila. Dahil diyan, gagantimpalaan tayo ni Jehova ng buhay na walang hanggan sa isang mundo na wala nang sakuna at kapighatian.​—Isa. 65:17.

AWIT BLG. 144 Masdan Mo ang Gantimpala!

a Malapit nang magsimula ang malaking kapighatian. Kailangan natin ng pagtitiis, pagmamalasakit, at pag-ibig para maging handa sa pinakamahirap na panahon na mararanasan ng tao. Tingnan natin kung paano naipakita ng mga Kristiyano noon ang mga katangiang ito, kung paano natin sila matutularan, at kung paano makakatulong ang mga katangiang ito para maging handa tayo sa malaking kapighatian.

b Sa mga gustong tumulong sa disaster relief, dapat muna silang magpasa ng Local Design/Construction Volunteer Application (DC-50) o ng Application for Volunteer Program (A-19) at pagkatapos, maghintay na maimbitahan sa isang proyekto.