Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Mga Pagpapalang Resulta ng Pagmamalasakit sa Iba

Mga Pagpapalang Resulta ng Pagmamalasakit sa Iba

Kasama si Nanay at ang kapatid kong si Pat noong 1948

“HANAPIN mo, Anak, ang katotohanan. Wala ito sa Simbahang Anglikano.” Dahil sa sinabing ito ng lola kong Anglikano, hinanap ni Nanay ang tunay na relihiyon. Kaya lang, ayaw niyang makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova at sinasabihan niya pa nga akong magtago kapag kumakatok sila sa bahay namin sa Toronto, Canada. Pero noong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ang nakakabata niyang kapatid na babae noong 1950, sumama si Nanay. Nag-aral sila sa bahay ni Tiya, at nabautismuhan silang dalawa.

Ministro si Tatay sa United Church of Canada, kaya linggo-linggo, dinadala niya kami ng kapatid kong babae sa Sunday school. Pagkatapos, kapag 11:00 na ng umaga, makikinig kami sa sermon niya sa simbahan. Kinahapunan, sasama naman kami kay Nanay sa Kingdom Hall. Kitang-kita namin ang pagkakaiba ng dalawang relihiyon.

Kasama ang pamilyang Hutcheson sa Divine Will International Assembly noong 1958

Nangaral si Nanay sa matatagal na niyang kaibigan na sina Bob at Marion Hutcheson, at tinanggap din nila ang katotohanan. Noong 1958, dumalo sa Divine Will International Assembly sa New York City ang mag-asawang Hutcheson at ang tatlo nilang anak na lalaki, at isinama nila ako. Walong araw ang asamblea kaya siguradong hindi ganoon kadali na isama ako. Pero ipinagpapasalamat ko ang ginawa nila, kasi isa iyon sa pinakamasasayang bahagi ng buhay ko.

ANG EPEKTO SA AKIN NG PAGMAMALASAKIT NG MGA KAPATID

Noong tin-edyer ako, naging hanapbuhay namin ang pag-aalaga ng mga hayop, at na-enjoy ko iyon kaya pinangarap kong maging beterinaryo. Nabanggit ito ni Nanay sa isang elder namin. Pinaalalahanan ako ng elder na iyon na nasa “mga huling araw” na tayo at ipinaisip niya sa akin kung ano ang puwedeng maging epekto sa kaugnayan ko kay Jehova ng pag-aaral ko sa unibersidad nang ilang taon. (2 Tim. 3:1) Kaya nagdesisyon akong hindi na kumuha ng mataas na edukasyon.

Pero hindi ko pa rin alam kung ano ang gagawin ko pagka-graduate ng high school. Kahit na sumasama ako sa paglilingkod linggo-linggo, hindi ko nae-enjoy ang ministeryo at wala sa isip ko na magpayunir. Sinasabihan din ako ng tatay kong di-Saksi at ng tiyuhin ko na magtrabaho sa isang malaking kompanya ng insurance sa Toronto. Mataas ang posisyon ng tiyuhin ko doon, kaya nag-apply ako at natanggap.

Noong nasa Toronto ako, hindi na ako regular sa pagdalo at paglilingkod dahil lagi akong nag-o-overtime at madalas na di-Saksi ang mga kasama ko. Nakatira ako sa lolo ko na hindi rin Saksi, pero pagkamatay niya, kinailangan kong humanap ng malilipatan.

Magulang na ang turing ko sa mag-asawang Hutcheson, na nagsama sa akin sa kombensiyon noong 1958. Pinatira nila ako sa bahay nila at tinulungan akong sumulong. Noong 1960, nabautismuhan kami ng anak nilang si John. Nagpayunir si John kaya naengganyo akong maging mas masigasig din sa paglilingkod. Nakita ng mga kapatid sa kongregasyon ang pagsulong ko, kaya di-nagtagal, naatasan akong maging Theocratic Ministry School servant. a

PAGPAPAYUNIR KASAMA ANG MAGANDA KONG ASAWA

Ang kasal namin noong 1966

Noong 1966, nagpakasal kami ni Randi Berge, isang masigasig na payunir na handang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Naging malapít sa amin ang naglalakbay na tagapangasiwa namin. Pinasigla niya kaming tumulong sa kongregasyon sa Orillia, Ontario. Kaya agad kaming lumipat doon.

Pagkarating namin sa Orillia, nagpayunir ako gaya ni Randi. Nahawa na kasi ako sa sigasig niya! Sineryoso ko ang pagpapayunir, at noon ko nadama kung gaano kasayang gamitin ang Bibliya at makitang isinasapuso ng mga tao ang katotohanan. Ang laking pribilehiyong matulungan ang isang taimtim na mag-asawa sa Orillia na baguhin ang buhay nila at maging lingkod ni Jehova.

BAGONG WIKA, BAGONG PANANAW

Noong dumalaw kami sa Toronto, nakilala ko si Arnold MacNamara, isa sa mga brother na nangangasiwa sa Bethel. Tinanong niya kung gusto naming maging special pioneer. “Oo naman, basta huwag lang sa Quebec!” ang sabi ko. Nakatira kami noon sa bahagi ng Canada na nagsasalita ng English. Kaya naimpluwensiyahan ako ng mga naririnig namin tungkol sa kaguluhan sa lalawigan ng Quebec, na nagsasalita naman ng French. Nang panahon kasing iyon, nagpoprotesta ang mga tao sa Quebec dahil gusto nilang humiwalay sa Canada.

Ang sabi ni Arnold, “Sa Quebec lang ngayon nagpapadala ng mga special pioneer ang sangay.” Pumayag ako agad. Alam ko naman kasi na gusto rin talaga ni Randi na maglingkod doon. At isa iyon sa pinakamagagandang desisyon na ginawa namin!

Pagkatapos naming mag-aral ng French sa loob ng limang linggo, pumunta na kami ni Randi kasama ang isa pang mag-asawa sa Rimouski, na mga 540 kilometro sa hilagang-silangan ng Montreal. Hindi pa talaga kami magaling mag-French. May pagkakataon noon na kailangan kong magbasa ng mga patalastas sa pulong tungkol sa nalalapit na kombensiyon. Sa halip na sabihing maraming darating na “delegadong Austrian,” ang nasabi ko, maraming darating na “delegadong ostrich.”

Ang “White House” sa Rimouski

Bukod sa aming apat, mayroon pang naglingkod sa Rimouski na apat na masisigasig na single sister at isang pamilya, ang mag-asawang Huberdeau at ang dalawa nilang anak na babae. Umupa ang mag-asawang Huberdeau ng isang malaking bahay na may pitong kuwarto, at nag-aambag kami sa renta. White House ang tawag namin sa bahay na iyon dahil sa puting pintura at mga poste nito. Karaniwan nang 12 hanggang 14 kaming nakatira doon. Dahil special pioneer kami ni Randi, buong araw kaming nasa ministeryo. Malaki ang pasasalamat namin kasi laging may handang sumama sa amin sa paglilingkod kahit sa napakalalamig na gabi.

Napalapít kami sa tapat na mga payunir na ito, at naging parang pamilya na namin sila. Minsan, sama-sama kaming umuupo sa palibot ng bonfire; may mga araw naman na gagawa kaming lahat ng mga dumpling na iba-iba ang palaman, at tinatawag namin iyon na “pierogi day.” Musikero ang isa sa mga kasama namin, kaya nagkakantahan kami at nagsasayawan tuwing Sabado ng gabi.

Nagbunga ang pangangaral namin sa Rimouski! Sa loob ng limang taon, marami kaming Bible study na nabautismuhan. At umabot sa mga 35 mamamahayag ang kongregasyon.

Napakagandang pagsasanay ang tinanggap namin bilang mga ebanghelisador sa Quebec. Nadama naming tinulungan kami ni Jehova sa ministeryo at inilaan ang mga pangangailangan namin. Natutuhan din naming mahalin ang mga tao roon, ang wika nilang French, at ang kultura nila. Dahil doon, natutuhan din naming pahalagahan ang iba pang kultura.​—2 Cor. 6:13.

Hindi namin inasahan na aatasan kami ng sangay na lumipat sa Tracadie, isang bayan sa silangan ng New Brunswick. Kakapirma lang namin ng kontrata sa uupahan naming bahay at may kontrata din ako bilang isang part-time na guro. Bukod diyan, baguhang mamamahayag pa lang ang mga Bible study namin at may itinatayo pa kaming Kingdom Hall.

Ilang araw kaming nanalangin, at binisita namin ang Tracadie bago matapos ang linggong iyon. Ibang-iba sa Rimouski ang lugar na iyon. Pero nagdesisyon kaming lumipat dahil alam namin na iyon ang gusto ni Jehova. Sinubok namin si Jehova, at nakita naming isa-isa niyang inalis ang mga hadlang. (Mal. 3:10) Siyempre, malaking tulong sa akin si Randi dahil napakatibay ng pananampalataya niya, mapagsakripisyo siya, at marunong ding magpatawa.

Isa lang ang dinatnan naming elder doon, si Robert Ross. Nagpayunir sila doon ng asawa niyang si Linda, at kahit nagkaanak sila, hindi sila umalis sa kongregasyon. Hindi madaling magpalaki ng bata, pero nanatili silang masigasig, at napakainit din ng pagtanggap nila sa amin kaya talagang napatibay kami ni Randi.

MGA PAGPAPALA NG PAGLILINGKOD KUNG SAAN KAILANGAN

Taglamig sa una naming sirkito

Noong dalawang taon na kami sa Tracadie, tumanggap kami ulit ng bagong atas—ang gawaing paglalakbay. Pitong taon kaming naglingkod sa mga sirkitong nagsasalita ng English. Pagkatapos, inilipat kami sa sirkito sa Quebec na nagsasalita ng French. Kapag nagpapahayag ako, kinokomendahan ako ng tagapangasiwa ng distrito namin, si Léonce Crépeault. Pero tatanungin niya ako, “Paano mo pa kaya mas mapapalitaw ang mga aral sa pahayag mo?” b Napahalagahan ko ang personal na interes niya. Nakatulong iyon sa akin na gawing mas simple at malinaw ang mga pahayag ko.

Ang isa sa mga hindi ko makakalimutan ay noong atasan ako sa Food Service Department sa “Victorious Faith” na Internasyonal na Kombensiyon sa Montreal noong 1978. Mga 80,000 ang inaasahan naming dadalo, at may bagong kaayusan sa pagpapakain. Lahat bago—ang equipment, ang menu, pati na ang paraan ng paghahanda sa pagkain. Mayroon kaming 20 malalaking refrigerator na hindi gumagana paminsan-minsan. Kombensiyon na bukas, pero hindi kami pinapasok agad sa stadium dahil may naunang gumamit nito para sa isang sports event. Hatinggabi na kami nakapagsimulang mag-set up. At kailangan na rin naming painitin ang mga oven nang madaling-araw kasi magluluto na kami ng almusal. Pagod na pagod kami, pero nakakatuwa ang mga kasama kong boluntaryo kasi masisipag sila, mature, at nagagawa pa rin nilang magpatawa. Napalapít kami sa isa’t isa at magkakaibigan pa rin kami hanggang ngayon. Tuwang-tuwa akong maging bahagi ng makasaysayang kombensiyon na ito sa Quebec, na nakaranas ng matinding pag-uusig noong dekada ng 1940 at 1950!

Naghahanda para sa kombensiyon sa Montreal noong 1985 kasama si Randi

Marami akong natutuhan sa mga kapuwa ko tagapangasiwa noong may malalaking kombensiyon sa Montreal. May taon na si David Splane, na miyembro ngayon ng Lupong Tagapamahala, ang inatasan na maging tagapangasiwa ng kombensiyon. Pero sa isang sumunod na kombensiyon, ibinigay sa akin ang pribilehiyong iyon, at buong puso akong sinuportahan ni David.

Noong 2011, pagkatapos naming maglingkod sa gawaing paglalakbay nang 36 na taon, inatasan akong magturo sa School for Congregation Elders. Sa loob ng dalawang taon, nagpalipat-lipat kami ni Randi sa 75 tulugan, pero sulit ang lahat ng sakripisyo namin. Linggo-linggo, nakikita namin kung gaano kalaki ang pasasalamat ng mga elder sa tulong na inilalaan ng Lupong Tagapamahala para mapatibay ang kaugnayan nila kay Jehova.

Nagturo din ako sa School for Kingdom Evangelizers. Pakiramdam ng mga estudyante, lagi na lang tambak ang kailangan nilang gawin: mga pitong oras silang uupo sa klase, mag-aaral nang tatlong oras gabi-gabi, at maghahanda ng apat o limang assignment linggo-linggo. Sinasabi namin sa kanila ng kasama kong instructor na hindi nila iyon kakayanin kung wala ang tulong ni Jehova. Napapatibay ako kapag naaalala ko kung paano nagawa ng mga estudyante ang mga bagay na inisip nilang hindi nila kaya, dahil umasa sila kay Jehova.

MGA PAGPAPALANG RESULTA NG PAGMAMALASAKIT SA IBA

May malasakit si Nanay sa mga Bible study niya kaya sumulong sila. Pati si Tatay, natulungan niyang maging interesado sa katotohanan. Tatlong araw pagkamatay ni Nanay, nagulat kami kasi dumalo si Tatay sa pahayag sa Kingdom Hall, at mula noon, lagi na siyang dumadalo sa loob ng 26 na taon. Hindi nabautismuhan si Tatay, pero sinabi sa amin ng mga elder na siya ang laging nauunang dumating sa pulong linggo-linggo.

Malaki din ang naging impluwensiya ni Nanay sa aming magkakapatid. Lahat ng tatlo kong kapatid na babae ay tapat na naglilingkod kay Jehova kasama ang mga asawa nila. Ang dalawa sa kanila ay nasa mga tanggapang pansangay—isa sa Portugal at isa sa Haiti.

Sa ngayon, naglilingkod kami ni Randi bilang special pioneer sa Hamilton, Ontario. Noong nasa gawaing paglalakbay pa kami, masaya kaming sumama sa iba sa mga pagdalaw nilang muli at Bible study. Pero ngayon, may pribilehiyo kaming masubaybayan ang pagsulong ng sarili naming mga study. At habang mas napapalapít kami sa mga kapatid sa bago naming kongregasyon, talagang napapatibay kaming makita kung paano sila tinutulungan ni Jehova sa lahat ng pagkakataon, maganda man o mahirap ang sitwasyon.

Kapag binabalikan namin ang naging buhay namin, nagpapasalamat kami na marami ang nagmalasakit sa amin. Kaya naman sinikap din naming magpakita ng “tunay na pagmamalasakit” sa iba at pinasigla silang ibigay ang buong makakaya nila sa paglilingkod. (2 Cor. 7:6, 7) Halimbawa, may nakausap kaming isang pamilya na may tatlong payunir—ang nanay, ang anak na lalaki, at anak na babae. Tinanong ko ang asawang lalaki kung naisip na niyang magpayunir. Sinabi niyang may tatlong payunir siyang sinusuportahan. Kaya tinanong ko siya, “Mas masusuportahan mo pa ba sila kaysa kay Jehova?” Pagkatapos, sinabi ko sa kaniya na magandang maranasan din niya ang saya sa pagpapayunir. Pagkalipas lang ng anim na buwan, payunir na siya.

Determinado kami ni Randi na patuloy na “sabihin . . . sa susunod na henerasyon” ang tungkol sa “kamangha-manghang mga gawa” ni Jehova, at sana ma-enjoy din nila ang paglilingkod sa Kaniya gaya namin.​—Awit 71:17, 18.

a Tinatawag ngayong tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo.

b Tingnan ang talambuhay ni Léonce Crépeault sa Bantayan, isyu ng Pebrero 2020, p. 26-30.