Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 30

Palalimin ang Pag-ibig Mo

Palalimin ang Pag-ibig Mo

“Magpakita ng pag-ibig.”​—EFE. 4:15.

AWIT BLG. 2 Jehova ang Iyong Ngalan

NILALAMAN a

1. Ano ang mga natutuhan mo nang mag-aral ka ng Bibliya?

 SIGURADONG natatandaan mo pa ang mga natutuhan mo nang mag-aral ka ng Bibliya. Baka nagulat ka nang malaman mong may pangalan pala ang Diyos. Baka napakasaya mo rin nang malaman mo na hindi pala pinapahirapan ng Diyos ang mga tao sa maapoy na impiyerno. At siguradong nasabik ka nang malaman mo na puwede mong makita at makasama ang mga namatay mong mahal sa buhay sa Paraiso dito sa lupa.

2. Bukod sa mga natutuhan mo sa Bibliya, ano pang mga pagsulong ang nagawa mo? (Efeso 5:1, 2)

2 Nang mas pag-aralan mo ang Salita ng Diyos, mas lumalim ang pag-ibig mo kay Jehova. Dahil diyan, napakilos ka na isabuhay ang mga natutuhan mo. Nakagawa ka ng magagandang desisyon base sa mga prinsipyo sa Bibliya. Sinikap mo ring mag-isip at kumilos nang tama kasi gusto mong mapasaya ang Diyos. Tinutularan mo ang iyong Ama sa langit kung paanong tinutularan ng isang bata ang mapagmahal na magulang.​—Basahin ang Efeso 5:1, 2.

3. Ano ang mga puwede nating itanong sa sarili?

3 Puwede nating itanong sa sarili: ‘Mas lumalim ba ang pag-ibig ko kay Jehova ngayon kaysa noong bago pa lang akong Saksi? Mula nang mabautismuhan ako, mas natutularan ko na ba ang paraan ng pag-iisip at pagkilos ni Jehova, lalo na sa pagpapakita ng pag-ibig sa mga kapatid?’ Kung nakita mo na medyo nanlamig na ang “pag-ibig na taglay mo noong una,” huwag kang masiraan ng loob. Ganiyan din ang nangyari sa mga Kristiyano noong unang siglo. Pero hindi sumuko si Jesus sa kanila—hindi rin siya susuko sa atin. (Apoc. 2:4, 7) Alam niya na kaya nating ibalik ang pag-ibig na mayroon tayo nang malaman natin ang katotohanan.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Tatalakayin sa artikulong ito kung paano natin patuloy na mapapalalim ang pag-ibig natin kay Jehova at sa iba. Pagkatapos, aalamin natin ang magiging mga pagpapala kapag lalo nating minahal si Jehova at ang mga kapatid.

PALALIMIN ANG PAG-IBIG MO KAY JEHOVA

5-6. Bakit hindi naging madali ang ministeryo ni apostol Pablo, pero ano ang nakatulong sa kaniya na patuloy na maglingkod kay Jehova?

5 Masaya si apostol Pablo sa paglilingkod kay Jehova. Pero hindi iyon naging madali. Madalas na malayo ang nilalakbay ni Pablo, at mahirap maglakbay noong panahon niya. Sa mga paglalakbay na iyon, ilang beses siyang “nanganib sa mga ilog” at “sa mga magnanakaw.” May mga pagkakataon din na sinaktan siya ng mga kaaway niya. (2 Cor. 11:23-27) Hindi rin laging pinapahalagahan ng mga kapatid noon ang mga pagsisikap ni Pablo na tulungan sila.​—2 Cor. 10:10; Fil. 4:15.

6 Ano ang nakatulong kay Pablo para patuloy na makapaglingkod kay Jehova? Maraming natutuhan si Pablo tungkol kay Jehova dahil sa Kasulatan at sa mga naranasan niya. Naging kumbinsido si Pablo na mahal siya ng Diyos na Jehova. (Roma 8:38, 39; Efe. 2:4, 5) At talagang minahal din ni Pablo si Jehova. Ipinakita niya iyon “sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal.”​—Heb. 6:10.

7. Ano ang isang paraan para mapalalim ang pag-ibig natin kay Jehova?

7 Mapapalalim natin ang pag-ibig sa Diyos kung pag-aaralan nating mabuti ang Salita niya. Habang binabasa mo ang Bibliya, sikaping makita kung ano ang itinuturo ng bawat teksto tungkol kay Jehova. Tanungin ang sarili: ‘Paano ipinapakita ng ulat na ito na mahal ako ni Jehova? Paano ako tinutulungan nito na mas mahalin si Jehova?’

8. Paano makakatulong ang panalangin para lalong lumalim ang pag-ibig natin sa Diyos?

8 Mapapalalim din natin ang pag-ibig kay Jehova kung regular tayong mananalangin sa kaniya nang mula sa puso. (Awit 25:4, 5) Siguradong sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin. (1 Juan 3:21, 22) Sinabi ni Khanh, isang sister sa Asia: “Noong una, minahal ko si Jehova dahil sa mga natutuhan ko. Pero lalong lumalim ang pagmamahal ko sa kaniya nang makita ko kung paano niya sinagot ang mga panalangin ko. Dahil diyan, gustong-gusto kong gawin ang mga magpapasaya sa kaniya.” b

PALALIMIN ANG PAG-IBIG MO SA IBA

9. Paano ipinakita ni Timoteo na napalalim niya ang pag-ibig sa mga kapatid?

9 Ilang taon pagkatapos maging Kristiyano si Pablo, nakilala niya ang kabataang si Timoteo. Mahal ni Timoteo si Jehova at ang mga tao. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Filipos: “Wala na akong ibang maisusugo na may saloobing gaya ng [kay Timoteo], na talagang magmamalasakit sa inyo.” (Fil. 2:20) Walang binanggit si Pablo dito tungkol sa kakayahan ni Timoteo na mag-organisa o kung gaano siya kahusay magpahayag. Pero humanga si Pablo sa lalim ng pag-ibig ni Timoteo sa mga kapatid. Siguradong gustong-gusto ng mga kapatid kapag dumadalaw si Timoteo sa kongregasyon nila.​—1 Cor. 4:17.

10. Paano ipinakita ni Anna at ng asawa niya ang pag-ibig sa mga kapatid?

10 Naghahanap din tayo ng mga paraan para tumulong sa mga kapatid. (Heb. 13:16) Tingnan ang karanasan ni Anna, na binanggit sa naunang artikulo. Pagkatapos ng malakas na bagyo, pinuntahan nilang mag-asawa ang bahay ng isang pamilyang Saksi at nakita nilang nawasak ang bubong nito. Dahil doon, walang maisuot na malinis na damit ang pamilya. Sinabi ni Anna: “Nilabhan namin ang mga damit nila at ibinalik namin nang plantsado at nakatupi. Maliit na bagay lang iyon para sa amin. Pero dahil doon, naging mas malapít kami sa kanila.” Nakatulong kay Anna at sa asawa niya ang pag-ibig sa mga kapatid para magbigay ng praktikal na mga tulong.​—1 Juan 3:17, 18.

11. (a) Ano ang madalas na nararamdaman ng iba kapag ipinapakita nating mahal natin sila? (b) Ayon sa Kawikaan 19:17, ano ang gagawin ni Jehova kapag ipinapakita nating mahal natin ang iba?

11 Kapag mabait tayo sa iba at ipinapakitang mahal natin sila, nakikita nila ang pagsisikap natin na tularan si Jehova. Baka higit pa sa iniisip natin ang pagpapahalaga nila dito. Naaalala ni Khanh, na binanggit kanina, ang mga tumulong sa kaniya. Sinabi niya: “Talagang nagpapasalamat ako sa mga sister na nagsasama sa akin sa ministeryo. Sinusundo nila ako, niyayaya ako sa meryenda o tanghalian, at inihahatid nila ulit ako sa bahay. Na-realize ko na hindi iyon madali. Pero masaya sila na gawin iyon.” Siyempre, hindi laging makakapagpasalamat ang iba sa ginagawa natin para sa kanila. Sinabi ni Khanh tungkol sa mga tumulong sa kaniya: “Sana masuklian ko ang lahat ng kabaitan nila sa akin. Kaya lang, hindi ko na alam kung saan sila nakatira ngayon. Pero alam ni Jehova kung nasaan sila, at ipinapanalangin ko na pagpalain niya sila sa kabutihan nila sa akin.” Tama si Khanh. Talagang nakikita ni Jehova ang ginagawa natin para sa iba, gaano man kaliit iyon. Para sa kaniya, isa itong handog at isang utang na siya ang magbabayad.​—Basahin ang Kawikaan 19:17.

Kapag sumusulong ang isa sa espirituwal, naghahanap siya ng mga paraan para makatulong sa iba (Tingnan ang parapo 12)

12. Paano maipapakita ng mga brother na mahal nila ang mga kapatid? (Tingnan din ang mga larawan.)

12 Kung isa kang brother, paano mo maipapakita sa iba na mahal mo sila at ano ang magagawa mo para makatulong sa kanila? Nagtanong ang kabataang brother na si Jordan sa isang elder kung paano pa siya mas makakatulong sa kongregasyon. Kinomendahan siya nito sa mga pagsulong niya at binigyan siya ng ilang mungkahi kung ano pa ang mga puwede niyang gawin. Halimbawa, iminungkahi ng elder kay Jordan na dumating nang maaga sa Kingdom Hall at batiin ang iba, magkomento sa mga pulong, regular na sumama sa grupo nila sa paglilingkod sa larangan, at pag-isipan ang mga puwede niyang gawin para tulungan ang iba. Nang sundin niya ang mga mungkahi, hindi lang siya basta natuto kundi lalong lumalim ang pag-ibig niya sa mga kapatid. Natutuhan ni Jordan na bago pa maging ministeryal na lingkod ang isang brother, dapat na tumutulong na siya sa iba. At dapat na patuloy niyang gawin iyon.​—1 Tim. 3:8-10, 13.

13. Paano napakilos ng pag-ibig ang brother na si Christian na maglingkod ulit bilang elder?

13 Paano kung dati kang ministeryal na lingkod o elder? Natatandaan ni Jehova ang lahat ng ginawa mo noon at ang pag-ibig na nagpakilos sa iyo na gawin iyon. (1 Cor. 15:58) Napapansin din niya ang pag-ibig na patuloy mong ipinapakita. Dismayado ang brother na si Christian nang alisin siya sa pagiging elder. Pero inisip niya noon: “Dahil mahal ko si Jehova, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para mapaglingkuran siya—may pribilehiyo man ako o wala.” Paglipas ng ilang panahon, nahirang ulit siya bilang elder. Sinabi ni Christian: “Medyo kinakabahan ako. Pero kung gusto ni Jehova na maglingkod ulit ako bilang elder, gagawin ko iyon dahil mahal ko siya at ang mga kapatid.”

14. Ano ang natutuhan mo sa sinabi ng sister na taga-Georgia?

14 Ipinapakita rin ng mga lingkod ni Jehova na mahal nila ang iba. (Mat. 22:37-39) Halimbawa, sinabi ni Elena, isang sister mula sa bansang Georgia: “Noong una, nangangaral lang ako dahil mahal ko si Jehova. Pero habang lumalalim ang pag-ibig ko sa kaniya, lumalalim din ang pag-ibig ko sa mga tao. Iniisip ko kung ano ang mga pinagdadaanan nila at kung anong paksa ang makakaabot sa puso nila. Kapag iniisip ko iyon, mas gusto ko silang tulungan.”​—Roma 10:13-15.

PAGPAPALAIN TAYO KAPAG NAGPAKITA TAYO NG PAG-IBIG SA IBA

Kapag nagpakita tayo ng pag-ibig, marami ang puwedeng makinabang (Tingnan ang parapo 15-16)

15-16. Gaya ng makikita sa mga larawan, ano ang mga pagpapala kapag nagpakita tayo ng pag-ibig sa iba?

15 Kapag nagpakita tayo ng pag-ibig sa mga kapatid, hindi lang sila ang makikinabang. Nang magsimula ang COVID-19 pandemic, maraming tinulungan na may-edad na sister si Paolo at ang asawa niya. Tinulungan nila ang mga sister na gumamit ng gadyet para makapangaral. Noong una, hirap na hirap ang isang sister. Pero natuto rin siya. Dahil doon, naimbitahan niya ang mga kamag-anak niya sa Memoryal. Animnapu sa kanila ang nakakonek sa videoconference! Nakinabang ang sister at ang mga kamag-anak niya sa ginawa ni Paolo at ng asawa niya. Sumulat ang sister kay Paolo: “Salamat kasi tinuruan mo kaming mga may-edad na. Hinding-hindi ko makakalimutan ang malasakit ni Jehova at ang mga ginawa mo para tulungan kami.”

16 May mahalagang aral na natutuhan si Paolo. Naipaalala sa kaniya na mas mahalaga ang pag-ibig kaysa sa kaalaman o kakayahan. Sinabi niya: “Dati akong tagapangasiwa ng sirkito. Nakita ko na puwedeng makalimutan ng mga kapatid ang mga pahayag ko. Pero hindi nila nakakalimutan ang mga ginawa ko para sa kanila.”

17. Sino pa ang makikinabang kung magpapakita tayo ng pag-ibig?

17 Kung magpapakita tayo ng pag-ibig sa iba, pagpapalain tayo sa paraang hindi natin inaasahan. Napatunayan iyan ni Jonathan, na taga-New Zealand. Isang Sabado ng hapon, nakakita siya ng brother na payunir na mag-isang nangangaral kahit napakainit ng panahon. Mula noon, sinamahan na niya ang payunir tuwing Sabado ng hapon. Hindi niya akalain na talagang makikinabang siya sa ipinakita niyang kabaitan. Sinabi ni Jonathan: “Noong mga panahong iyon, hindi ako nag-e-enjoy sa ministeryo. Pero habang pinapakinggan ko ang paraan ng pagtuturo ng payunir at nang makita ko na talagang mabunga ang ministeryo niya, na-enjoy ko na rin ang pangangaral. Naging malapít na kaibigan ko rin siya at tinulungan niya ako na sumulong sa espirituwal, na mas mag-enjoy sa ministeryo, at na maging mas malapít kay Jehova.”

18. Ano ang gusto ni Jehova na gawin natin?

18 Gusto ni Jehova na lumalim ang pag-ibig natin sa kaniya at sa iba. Gaya ng natutuhan natin, mapapalalim natin ang pag-ibig kay Jehova kung babasahin natin ang kaniyang Salita at bubulay-bulayin ito at kung regular tayong mananalangin. Mapapalalim naman natin ang pag-ibig sa mga kapatid kung tutulungan natin sila sa praktikal na mga paraan. Habang mas lumalalim ang pag-ibig natin, mas mapapalapit tayo kay Jehova at sa mga kapatid. At puwede natin silang maging kaibigan magpakailanman!

AWIT BLG. 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso

a Lahat tayo, baguhan man o matagal nang naglilingkod kay Jehova, puwedeng patuloy na sumulong. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano natin magagawa iyan: Kailangan nating palalimin ang pag-ibig natin kay Jehova at sa iba. Habang pinag-iisipan ang paksang ito, tingnan kung ano na ang mga nagawa mo at kung paano ka pa susulong.

b Binago ang ilang pangalan.