Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 28

AWIT BLG. 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan

Kaya Mo Bang Malaman Kung Ano ang Totoo?

Kaya Mo Bang Malaman Kung Ano ang Totoo?

“Tumayo kayong matatag, na suot ang sinturon ng katotohanan.”​—EFE. 6:14.

MATUTUTUHAN

Kung paano sasanayin ang sarili natin na malaman ang kaibahan ng katotohanang mula kay Jehova sa mga kasinungalingang ipinapakalat ni Satanas at ng mga kaaway natin.

1. Ano ang tingin mo sa katotohanan?

 PARA sa mga lingkod ni Jehova, napakahalaga ng mga katotohanang mula sa Bibliya. Nakabase dito ang pananampalataya natin. (Roma 10:17) Naniniwala tayo na ginagamit ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano bilang “isang haligi at pundasyon ng katotohanan.” (1 Tim. 3:15) Buong puso rin tayong sumusunod sa “mga nangunguna” sa atin. Ipinapaliwanag nila ang mga katotohanang mula sa Bibliya at nagbibigay sila ng mga tagubiling tumutulong sa atin na magawa ang kalooban ng Diyos.​—Heb. 13:17.

2. Ayon sa Santiago 5:​19, ano ang posibleng mangyari kapag nalaman na natin ang katotohanan?

2 Pero kahit nalaman na natin ang katotohanan at tinanggap na nating kailangan nating sumunod sa mga tagubilin ng organisasyon ng Diyos, puwede pa rin tayong madaya. (Basahin ang Santiago 5:19.) Gustong-gusto ni Satanas na mawala ang tiwala natin sa Bibliya o sa mga tagubiling natatanggap natin mula sa organisasyon ng Diyos.​—Efe. 4:14.

3. Bakit dapat nating higpitan ang kapit natin sa katotohanan? (Efeso 6:​13, 14)

3 Basahin ang Efeso 6:​13, 14. Hindi na magtatagal, dadayain ng Diyablo ang mga bansa para kalabanin si Jehova. Gagamit siya ng mga propaganda at kasinungalingan para magawa ito. (Apoc. 16:​13, 14) Aasahan din natin na lalo pang titindi ang mga ginagawa ni Satanas para iligaw ang mga lingkod ni Jehova. (Apoc. 12:9) Kaya napakahalagang sanayin natin ang sarili natin na makita ang pagkakaiba ng katotohanan at ng kasinungalingan at na maging masunurin sa katotohanan. (Roma 6:17; 1 Ped. 1:22) Kailangan natin iyan para makaligtas sa malaking kapighatian!

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Sa artikulong ito, may tatalakayin tayong dalawang katangian. Tutulong sa atin ito na malaman kung ano ang totoo na galing sa Bibliya. Tutulong din sa atin ito na sundin ang mga tagubiling mula sa organisasyon ng Diyos. Pagkatapos, aalamin natin ang tatlong bagay na dapat nating gawin para manatili tayong nakakapit sa katotohanan.

MGA KATANGIANG KAILANGAN PARA MALAMAN ANG TOTOO

5. Paano nakakatulong ang pagkatakot kay Jehova para malaman natin ang totoo?

5 Pagkatakot kay Jehova. Kung may takot tayo kay Jehova, hinding-hindi tayo gagawa ng bagay na magpapalungkot sa kaniya kasi mahal na mahal natin siya. Talagang tinitiyak natin kung ano ang tama at mali, kung ano ang totoo at kasinungalingan, para mapasaya natin siya. (Kaw. 2:​3-6; Heb. 5:14) Hinding-hindi natin hahayaang maging mas matindi ang takot natin sa tao kaysa sa pagmamahal natin kay Jehova. Kasi kadalasan na, kontra sa gusto ni Jehova ang gusto ng tao.

6. Paano napalabo ng 10 pinunong Israelita ang katotohanan dahil sa takot nila sa tao?

6 Kung magiging mas matindi ang takot natin sa tao kaysa sa Diyos, puwede tayo nitong mailihis sa katotohanan. Tingnan ang halimbawa ng 12 pinuno na nag-espiya sa lupaing ipinangako ni Jehova sa mga Israelita. Mas nangibabaw sa 10 espiya ang takot nila sa mga Canaanita kaysa sa pagmamahal nila kay Jehova. Sinabi nila sa iba pang Israelita: “Hindi natin sila kayang labanan dahil mas malalakas sila kaysa sa atin.” (Bil. 13:​27-31) Kung sa paningin ng tao, totoo naman na mas malakas ang mga Canaanita kaysa sa mga Israelita. Pero totoo ba na hindi nila kayang talunin ang mga kaaway nila? Sa pag-iisip niyan, maliwanag na nakalimutan nila si Jehova. Dapat sana, nagpokus sila sa ipinapagawa ni Jehova sa mga Israelita. Pinag-isipan din sana nila kung ano na ang mga nagawa ni Jehova para sa kanila. Kung ginawa nila iyan, napag-isip-isip sana nila na walang-wala ang mga Canaanita kung ikukumpara sa kapangyarihan ni Jehova. Pero iba sina Josue at Caleb sa mga espiyang iyon. Gusto nilang mapasaya si Jehova. Sinabi nila sa bayan: “Kung nalulugod sa atin si Jehova, tiyak na dadalhin niya tayo sa lupaing iyon at ibibigay iyon sa atin.”​—Bil. 14:​6-9.

7. Paano natin sasanayin ang sarili natin na matakot kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

7 Magagawa nating sanayin ang sarili nating matakot kay Jehova kung lagi nating iisipin ang magpapasaya sa kaniya sa bawat desisyong ginagawa natin. (Awit 16:8) Kapag nagbabasa ka ng isang ulat sa Bibliya, tanungin ang sarili, ‘Ano ang gagawin ko kung ako ang nasa sitwasyong ito?’ Halimbawa, isiping nandoon ka noong sinasabi ng 10 pinunong Israelita na hindi nila kayang talunin ang mga Canaanita. Maniniwala ka ba sa sinabi nila at magpapadala sa takot sa tao, o mangingibabaw ang pagmamahal mo kay Jehova at ang kagustuhang mapasaya siya? Katotohanan ang sinabi nina Josue at Caleb, pero hindi iyon nakita ng mga Israelita. Dahil doon, hindi sila nakapasok sa Lupang Pangako.​—Bil. 14:​10, 22, 23.

Kung nandoon ka, sino kaya ang pinaniwalaan mo? (Tingnan ang parapo 7)


8. Anong katangian ang dapat na mayroon tayo, at bakit?

8 Kapakumbabaan. Ipinapaalam ni Jehova ang katotohanan sa mga mapagpakumbaba. (Mat. 11:25) Naipakita nating mapagpakumbaba tayo nang tanggapin natin ang tulong ng iba para malaman ang katotohanan. (Gawa 8:​30, 31) Pero dapat pa rin tayong mag-ingat para hindi tayo maging mapagmataas. Kung mapagmataas tayo, baka isipin natin na ang mga opinyon natin ay kasinghalaga ng mga prinsipyo sa Bibliya at ng mga tagubilin ng organisasyon ni Jehova.

9. Paano natin mapapanatili ang kapakumbabaan?

9 Para mapanatili natin ang kapakumbabaan, kailangan nating tandaan kung gaano kaliit ang halaga natin kung ikukumpara kay Jehova. (Awit 8:​3, 4) Puwede rin nating ipanalangin kay Jehova na tulungan tayong maging mapagpakumbaba at maging handang magpaturo. Tutulungan niya tayong makita na nakakahigit ang kaisipan niya kaysa sa opinyon natin. Makikita natin ang kaisipan ni Jehova sa tulong ng Bibliya at ng organisasyon. Sa pagbabasa mo ng Bibliya, tingnan kung gaano kamahal ni Jehova ang mga mapagpakumbaba at na talagang ayaw na ayaw niya sa mga ma-pride, mayabang, at mapagmataas. At kung makatanggap ka ng isang pribilehiyong mapapansin ng iba, mas kailangan mong mag-ingat at magsikap na manatiling mapagpakumbaba.

KUNG PAANO TAYO MAKAKAKAPIT NANG MAHIGPIT SA KATOTOHANAN

10. Sino ang ginamit ni Jehova para magbigay ng tagubilin sa bayan niya?

10 Patuloy na magtiwala sa mga tagubiling mula sa organisasyon ni Jehova. Sa Israel noon, ginamit ni Jehova si Moises at pagkatapos si Josue para magbigay ng tagubilin sa bayan Niya. (Jos. 1:​16, 17) Nang tanggapin ng mga Israelita ang mga lalaking ito bilang mga kinatawan ng Diyos na Jehova, pinagpala sila. Pagkalipas ng daan-daang taon, nang mabuo ang kongregasyong Kristiyano, nanggagaling ang mga tagubilin sa 12 apostol. (Gawa 8:​14, 15) Bandang huli, kasama na sa grupong ito ang iba pang matatandang lalaki sa Jerusalem. Dahil sinunod ng mga Kristiyano noon ang mga tagubilin ng tapat na mga lalaking ito, “patuloy na tumitibay ang pananampalataya ng mga kongregasyon at nadaragdagan sila araw-araw.” (Gawa 16:​4, 5) Sa ngayon, pinagpapala rin tayo kapag sinusunod natin ang mga tagubiling mula sa organisasyon ni Jehova. Pero ano kaya ang mararamdaman ni Jehova kung ayaw nating tanggapin ang mga inatasan niya? Para masagot ang tanong na iyan, pag-isipan natin ang nangyari sa mga Israelita noong papunta sila sa Lupang Pangako.

11. Ano ang nangyari sa mga Israelitang hindi tumanggap kay Moises bilang isa na pinili ng Diyos? (Tingnan din ang larawan.)

11 Noong naglalakbay ang mga Israelita papunta sa Lupang Pangako, may mga prominenteng lalaking kumuwestiyon sa atas na ibinigay ni Jehova kay Moises. Sinabi nila: “Banal ang buong bayan, lahat sila [hindi lang si Moises], at nasa gitna nila si Jehova.” (Bil. 16:​1-3) Totoo naman na banal ang “buong bayan” sa paningin ni Jehova, pero si Moises ang pinili niya para manguna sa kanila. (Bil. 16:28) Nang kuwestiyunin ng mga rebeldeng ito si Moises, ang totoo, si Jehova talaga ang kinukuwestiyon nila. Imbes na magpokus sa gusto ni Jehova, nagpokus sila sa kagustuhan nilang maging mas prominente at magkaroon ng mas malaking awtoridad. Pinatay ng Diyos ang mga nagpasimula ng rebelyon, pati na ang libo-libong sumuporta sa kanila. (Bil. 16:​30-35, 41, 49) Sa ngayon, siguradong hindi rin natutuwa si Jehova sa mga ayaw tumanggap sa mga kaayusan ng organisasyon niya.

Kung nandoon ka, sino kaya ang sinuportahan mo? (Tingnan ang parapo 11)


12. Bakit patuloy tayong makakapagtiwala sa organisasyon ni Jehova?

12 Talagang makakapagtiwala tayo sa organisasyon ni Jehova. Kapag naging malinaw na kailangan ang pagbabago sa unawa natin sa isang turo ng Bibliya o sa isang paraan ng pagsamba natin, agad na ginagawa ng mga nangunguna sa atin ang kinakailangang pagbabago. (Kaw. 4:18) Ginagawa nila iyon kasi gusto nilang mapasaya lagi si Jehova. Bukod diyan, ginagawa rin nila ang buong makakaya nila na magdesisyon base sa Salita ng Diyos—ang pamantayang dapat sundin ng lahat ng lingkod ni Jehova.

13. Ano ang “pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita,” at ano ang dapat nating gawin dito?

13 “Manghawakan ka sa pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita.” (2 Tim. 1:13) Ang “pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita” ay tumutukoy sa mga turong Kristiyano na makikita sa Bibliya. (Juan 17:17) Ang mga turong ito ang basehan ng lahat ng paniniwala natin. Tinuruan tayo ng organisasyon ni Jehova na kumapit nang mahigpit sa pamantayang iyan. At hangga’t ginagawa natin iyan, pagpapalain tayo.

14. Paano naiwala ng ilang Kristiyano noon ang kapit nila sa “pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita”?

14 Ano ang puwedeng mangyari kung bibitaw tayo sa “pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita”? Tingnan ang isang halimbawa. Noong unang siglo, may kumalat na balita sa mga Kristiyano na dumating na ang araw ni Jehova. Posibleng galing ito sa isang liham na iniisip nilang isinulat ni apostol Pablo. Naniwala ang ilang Kristiyano sa Tesalonica sa balitang ito at ikinalat pa nga. Hindi man lang nila tiniyak kung totoo ba ang balita. Hindi sana sila nadaya kung tinandaan nila ang itinuro ni Pablo sa kanila noong kasama pa nila siya. (2 Tes. 2:​1-5) Pinayuhan ni Pablo ang mga kapatid na huwag paniwalaan ang lahat ng naririnig nila. At para hindi na ito mangyari ulit, ganito tinapos ni Pablo ang ikalawang liham niya sa mga taga-Tesalonica: “Narito ang aking pagbati, at ako mismong si Pablo ang sumulat nito. Ganito lagi ang paraan ko ng pagsulat, para matiyak ninyo na ako ang sumulat nito.”​—2 Tes. 3:17.

15. Paano tayo hindi madadaya ng mga kasinungalingan na mukhang totoo? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang mga larawan.)

15 Ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica? Kapag may narinig tayo na salungat sa natutuhan natin sa Bibliya o kapag may nabalitaan tayong kuwento na sobrang exciting o nakakagulat, dapat na mag-isip muna tayo. Sa dating Soviet Union, nagpakalat ang mga kaaway natin ng isang liham na pinagmukhang galing sa punong-tanggapan. Sa liham, pinayuhan ang ilang kapatid na bumuo ng hiwalay na grupo o organisasyon. Parang totoong-totoo ang liham. Pero hindi nadaya ang tapat na mga kapatid. Nakita nilang salungat ang mensahe nito sa mga katotohanang natutuhan nila. Sa ngayon, gumagamit ang mga kaaway natin ng iba’t ibang bagay, gaya ng Internet at social media, para lituhin tayo at sirain ang pagkakaisa natin. ‘Huwag nating hayaang agad-agad na malihis ang pangangatuwiran natin.’ (2 Tes. 2:2) Hindi tayo madadaya kung ikukumpara natin ang mga narinig o nabasa natin sa mga katotohanang alam na natin.​—1 Juan 4:1.

Huwag magpadaya sa mga kasinungalingang mukhang totoo (Tingnan ang parapo 15)⁠ a


16. Ayon sa Roma 16:​17, 18, ano ang dapat nating gawin kapag may mga nagpapakalat ng mga bagay na hindi totoo?

16 Manatiling kaisa ng mga tapat kay Jehova. Gusto ni Jehova na magkaisa tayo sa pagsamba sa kaniya. Magagawa natin iyan kung patuloy tayong kakapit nang mahigpit sa katotohanan. Sinisira ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon ang pagkakaisa ng kongregasyon. Kaya naman, pinayuhan tayo ni Jehova na “iwasan [natin] sila.” Kung hindi natin sila iiwasan, puwede rin tayong unti-unting mapalayo sa katotohanan.​—Basahin ang Roma 16:​17, 18.

17. Anong mga pagpapala ang tatanggapin natin kung lagi nating aalamin ang totoo at kung kakapit tayo nang mahigpit dito?

17 Kung lagi nating aalamin ang totoo at kakapit nang mahigpit dito, mananatili tayong malapít kay Jehova at lalong titibay ang pananampalataya natin. (Efe. 4:​15, 16) Hindi tayo madadaya ng mga kasinungalingan at propaganda ni Satanas, at siguradong iingatan tayo ni Jehova sa panahon ng malaking kapighatian. Kaya patuloy tayong kumapit nang mahigpit sa katotohanan, “at [sasaatin] ang Diyos ng kapayapaan.”​—Fil. 4:​8, 9.

AWIT BLG. 122 Magpakatatag!

a LARAWAN: Isang pagsasadula. Nakatanggap noon ang mga kapatid natin sa dating Soviet Union ng isang liham na mukhang galing sa punong-tanggapan pero galing talaga sa mga kaaway natin. Sa ngayon, puwedeng gamitin ng mga kaaway natin ang Internet para magpakalat ng maling impormasyon tungkol sa organisasyon ni Jehova.