Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 29

AWIT BLG. 121 Kailangan ang Pagpipigil sa Sarili

Mag-ingat Para Hindi Matukso

Mag-ingat Para Hindi Matukso

“Patuloy kayong magbantay at manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.”​—MAT. 26:41.

MATUTUTUHAN

Ipapaalala sa atin ng artikulong ito na kailangan nating gawin ang buong makakaya natin para hindi tayo magkasala. Ipapaalala rin nito na dapat tayong mag-ingat para hindi natin magawa ang mga bagay na puwedeng mauwi sa paggawa ng malubhang kasalanan.

1-2. (a) Anong babala ang ibinigay ni Jesus sa mga alagad niya? (b) Bakit nagawa ng mga alagad ni Jesus na iwan siya? (Tingnan din ang mga larawan.)

 “GUSTO ng puso, pero mahina ang laman.” a (Mat. 26:41b) Sa sinabing iyan ni Jesus, ipinakita niya na alam niyang hindi tayo perpekto at na nagkakamali tayo. Pero babala rin ito sa atin na huwag tayong masyadong magtiwala sa sarili. Ilang oras bago sinabi iyon ni Jesus, nangako ang mga alagad niya na hindi nila iiwan ang Panginoon nila. (Mat. 26:35) Gusto nilang gawin ang tama. Pero hindi nila naisip na kapag nalagay sila sa mahirap na sitwasyon, madali silang makakagawa ng mali. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Patuloy kayong magbantay at manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.”​—Mat. 26:41a.

2 Nakakalungkot, hindi patuloy na nagbantay ang mga alagad. Nang arestuhin si Jesus, imbes na samahan siya, natakot sila at tumakas. Iniwan nila si Jesus. Dahil hindi sila nag-ingat, nagawa nila ang mismong ipinangako nila na hindi nila gagawin.​—Mat. 26:56.

Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na patuloy na magbantay at mag-ingat para hindi sila matukso, pero iniwan pa rin nila siya (Tingnan ang parapo 1-2)


3. (a) Bakit dapat nating iwasan ang sobrang tiwala sa sarili para makapanatili tayong tapat kay Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Hindi tayo dapat maging kampante at sobrang magtiwala sa sarili. Determinado naman talaga tayo na huwag gawin ang anumang bagay na maglalayo sa atin kay Jehova. Pero tandaan, hindi tayo perpekto at madali tayong matukso. (Roma 5:12; 7:​21-23) Puwede tayong biglang malagay sa alanganing sitwasyon na tutukso sa atin na gumawa ng mali. Para makapanatili tayong tapat kay Jehova at sa Anak niya, kailangan nating sundin ang payo ni Jesus na maging maingat para hindi tayo matuksong gumawa ng kasalanan. Tutulungan tayo ng artikulong ito na magawa iyan. Una, tatalakayin natin kung sa anong mga bagay o sitwasyon tayo mas dapat mag-ingat. Pagkatapos, pag-uusapan natin kung paano tayo dapat mag-ingat para hindi tayo matukso. At panghuli, tatalakayin natin kung paano tayo patuloy na makakapag-ingat.

BANTAYAN ANG MGA KAHINAAN MO

4-5. Bakit dapat tayong mag-ingat kahit sa maliliit na kasalanan?

4 Puwedeng unti-unting masira ng maliliit na kasalanan ang kaugnayan natin kay Jehova. Dahil din dito, puwede tayong makagawa ng malulubhang kasalanan.

5 Lahat tayo, natutuksong magkasala pero sa iba’t ibang bagay o sitwasyon. Magkakaiba kasi tayo ng kahinaan. Halimbawa, baka pinaglalabanan ng isa ang tuksong makagawa ng malubhang kasalanan, gaya ng imoralidad. Baka hirap na hirap naman ang iba na labanan ang tuksong gumawa ng maruruming gawain, gaya ng masturbasyon o pagtingin sa pornograpya. Baka may ilan naman na pinaglalabanan ang takot sa tao, pride, pagiging magagalitin, at iba pa. Gaya ng sinabi ni Santiago, “ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.”​—Sant. 1:14.

6. Ano ang dapat nating aminin sa sarili natin?

6 Alam mo ba kung saan ka pinakamadaling matukso? Delikado kung babale-walain natin ang mga kahinaan natin o iisipin natin na hindi tayo makakagawa ng kasalanan. (1 Juan 1:8) Tandaan, sinabi ni Pablo na kahit ang “may-gulang na mga Kristiyano,” posibleng matukso kung hindi sila mag-iingat. (Gal. 6:1) Kaya dapat tayong maging totoo sa sarili natin at aminin kung saan tayo mahina.​—2 Cor. 13:5.

7. Ano ang pinakadapat mong bantayan? Magbigay ng ilustrasyon.

7 Kapag nalaman na natin kung saan tayo pinakamahina, ano ang dapat nating gawin? Patibayin ang panlaban natin; palakasin ito! Tingnan ang isang ilustrasyon. Noong panahon ng Bibliya, ang mga pintuang-daan, o gate, ang pinakamahinang bahagi ng mga pader ng lunsod; ang bahaging ito ang pinakabinabantayan. Ganiyan din sa atin. Mas kailangan nating bantayan ang mga kahinaan natin para maging handa tayong labanan ang tukso.​—1 Cor. 9:27.

KUNG PAANO MAG-IINGAT

8-9. Paano sana naiwasan ng kabataang lalaki sa Kawikaan kabanata 7 na makagawa ng malubhang kasalanan? (Kawikaan 7:​8, 9, 13, 14, 21)

8 Paano ba tayo mag-iingat para hindi tayo matukso? Tingnan natin kung ano ang puwede nating matutuhan sa nangyari sa kabataang lalaki sa Kawikaan kabanata 7. Inakit siya ng isang imoral na babae, at nakagawa sila ng imoralidad. Sinasabi sa talata 22 na “agad” siyang sumunod sa babae, na para bang bigla na lang nangyari iyon. Pero makikita sa naunang mga talata na may iba pa siyang mga ginawa kaya siya unti-unting natukso na magkasala.

9 Ano ba ang mga ginawa niya bago siya nagkasala? Una, bago gumabi, “dumaan siya malapit sa kanto ng bahay ng babae.” Pagkatapos, naglakad siya papunta sa bahay nito. (Basahin ang Kawikaan 7:​8, 9.) Nang makita niya ang babae, hindi siya umalis. Pumayag pa nga siya na halikan nito, at nakinig siya habang ikinukuwento ng babae na naghandog ito ng mga haing pansalo-salo. Malamang na sinabi ito ng babae para hindi isipin ng kabataang lalaki na masama siya. (Basahin ang Kawikaan 7:​13, 14, 21.) Kung hindi sana ginawa ng kabataang lalaki ang lahat ng iyon, naiwasan sana niyang mapaharap sa tukso at magkasala.

10. Paano posibleng mangyari sa isang lingkod ni Jehova ngayon ang nangyari sa kabataang lalaki?

10 Ipinapakita ng ulat na ito ni Solomon ang puwedeng mangyari sa kahit sinong lingkod ni Jehova. Puwede siyang makagawa ng malubhang kasalanan, at pagkatapos, maisip niyang bigla lang nangyari iyon. Pero kung pag-iisipan niya ito, malamang na makita niyang may nagawa muna siyang maling mga desisyon bago siya nagkasala. Baka nakipagkaibigan siya sa mga hindi lingkod ni Jehova, pumili ng kuwestiyunableng libangan, o baka paulit-ulit siyang pumunta sa mga website o lugar na hindi para sa mga Kristiyano. Posible rin na tumigil na siyang manalangin, magbasa ng Bibliya, dumalo sa pulong, o mangaral. Gaya ng kabataang lalaki sa Kawikaan, baka hindi naman talaga biglaan ang nagawa niyang kasalanan.

11. Ano ang dapat nating gawin para maiwasan nating magkasala?

11 Ano ang natutuhan natin? Dapat nating iwasan, hindi lang ang mismong kasalanan, kundi pati na ang mga desisyon na umaakay dito. Iyan mismo ang ipinaliwanag ni Solomon pagkatapos niyang sabihin ang nangyari sa kabataang lalaki at sa imoral na babae. Sinabi ni Solomon tungkol sa babae: “Huwag kang gumala-gala sa kaniyang mga landas.” (Kaw. 7:25) Sinabi pa ni Solomon: “Lumayo ka sa kaniya; huwag kang lumapit sa pasukan ng bahay niya.” (Kaw. 5:​3, 8) Kaya para makaiwas tayo sa paggawa ng kasalanan, dapat tayong lumayo sa mga bagay o sitwasyon na aakay sa atin na magkasala. b Baka kasama dito ang pag-iwas sa mga sitwasyon o gawain na hindi naman bawal sa mga Kristiyano pero alam mong puwedeng maging dahilan para matukso ka na gumawa ng kasalanan.​—Mat. 5:​29, 30.

12. Ano ang ipinasiya ni Job na gagawin niya, at paano ito makakatulong sa kaniya na huwag magkasala? (Job 31:1)

12 Para maiwasan ang mga sitwasyon na aakay sa kasalanan, dapat na magpasiya tayo kung ano ang mga hindi natin gagawin. Ganiyan ang ginawa ni Job. ‘Nakipagtipan siya sa mga mata niya’ na hindi siya titingin nang may pagnanasa sa ibang babae. (Basahin ang Job 31:1.) Kung gagawin niya iyan, malayo siyang makagawa ng imoralidad. Tayo rin, puwede nating ipasiya sa sarili natin na iwasan ang anumang bagay na puwedeng umakay sa atin na magkasala.

13. Bakit dapat tayong maging maingat sa mga iniisip natin? (Tingnan din ang mga larawan.)

13 Dapat din tayong maging maingat sa mga iniisip natin. (Ex. 20:17) Para sa ilan, walang masama sa pagpapantasya hangga’t hindi mo naman iyon aktuwal na ginagawa. Pero mali iyan. Kapag laging iniisip ng isang tao ang maling pagnanasa niya, mas tumitindi iyon. Kaya ang nangyayari, siya ang gumagawa ng tukso na kailangan niya ngayong paglabanan. Normal lang naman na makapag-isip tayo ng masama kung minsan. Pero ang mahalaga, inaalis natin iyon agad sa isip natin at pinapalitan ng mabubuting bagay. Ginagawa natin iyan kasi ayaw nating mapatindi ang maling pagnanasa hanggang sa mahirapan na tayong labanan ito at mauwi pa nga sa paggawa ng malubhang kasalanan.​—Fil. 4:8; Col. 3:2; Sant. 1:​13-15.

Kailangan nating iwasan ang anumang bagay na puwedeng mauwi sa pagkakasala (Tingnan ang parapo 13)


14. Ano pa ang tutulong sa atin na malabanan ang tukso?

14 Ano pa ang puwede nating gawin para makapag-ingat tayo at malabanan ang tukso? Dapat na maging kumbinsido tayo na lagi tayong mapapabuti kapag sinunod natin ang mga utos ni Jehova. Baka mahirapan tayo kung minsan na gawin iyan. Baka salungat sa gusto niya ang iniisip natin at nararamdaman. Pero kung talagang magsisikap tayo, magiging masaya tayo at panatag.

15. Kung matututuhan nating “ibigin ang kabutihan,” paano ito makakatulong sa atin na makaiwas sa tukso?

15 Dapat na gustong-gusto nating gawin ang tama. Kapag natutuhan nating ‘kapootan ang kasamaan at ibigin ang kabutihan,’ magiging mas determinado tayong gawin ang tama at iwasan ang mga sitwasyong aakay sa paggawa ng kasalanan. (Amos 5:15) Tutulong din ito sa atin na maging matatag kapag napaharap tayo sa alanganing sitwasyon na hindi natin inaasahan o maiiwasan.

16. Paano tutulong ang espirituwal na mga gawain para makapag-ingat tayo? (Tingnan din ang mga larawan.)

16 Paano natin matututuhang “ibigin ang kabutihan”? Dapat na maging abala tayo sa espirituwal na mga gawain. Kapag nasa pulong tayo o ministeryo, hindi tayo basta-basta natutuksong gumawa ng mali. Kasi tumutulong ang mga gawaing ito para mas gustuhin nating mapasaya si Jehova. (Mat. 28:​19, 20; Heb. 10:​24, 25) Kapag binabasa natin at pinag-aaralan ang Salita ng Diyos at binubulay-bulay ito, mas tumitindi ang kagustuhan nating gawin ang tama at iwasan ang masama. (Jos. 1:8; Awit 1:​2, 3; 119:​97, 101) Tandaan din ang sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Patuloy kayong . . . manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.” (Mat. 26:41) Kapag nananalangin tayo sa Ama natin sa langit, binibigyan natin siya ng pagkakataong tulungan tayo at mas nagiging determinado tayong gawin ang gusto niya.​—Sant. 4:8.

Makakatulong sa atin ang magandang espirituwal na rutin para malabanan ang tukso (Tingnan ang parapo 16)⁠ c


PATULOY NA MAG-INGAT

17. Anong kahinaan ang patuloy na pinaglabanan ni Pedro?

17 May mga kahinaan tayo na posible nating maalis. Pero baka may ilang kahinaan din na kailangan nating patuloy na labanan. Tingnan ang nangyari kay apostol Pedro. Dahil sa takot sa tao, tatlong beses niyang ikinaila si Jesus. (Mat. 26:​69-75) Mukhang napagtagumpayan ni Pedro ang kahinaang iyon nang lakas-loob siyang nagpatotoo sa harap ng Sanedrin. (Gawa 5:​27-29) Pero pagkalipas ng ilang taon, ‘dahil sa takot sa mga tagasuporta ng pagtutuli,’ iniwasan niya ang mga Kristiyanong Gentil. (Gal. 2:​11, 12) Bumalik ang kahinaan ni Pedro. O baka nga hindi talaga iyon naalis.

18. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa mga kahinaan natin?

18 Gaya ni Pedro, baka kailangan pa rin nating paglabanan ang isang kahinaan na akala natin, napagtagumpayan na natin. Halimbawa, inamin ng isang brother: “Sampung taon ko nang naitigil ang panonood ng pornograpya, at akala ko, wala na iyon. Pero nakita kong hindi pa pala nawala ang kahinaan ko, at puwede itong bumalik anumang oras.” Buti na lang, hindi sumuko ang brother. Tinanggap niya sa sarili niya na kailangan niyang paglabanan ang kahinaan niya araw-araw—baka nga hangga’t nabubuhay siya sa sistemang ito. Sa tulong ng asawa niya at ng mga elder, naging mas maingat pa siya para hindi siya matuksong manood ng pornograpya.

19. Paano natin malalabanan ang pabalik-balik na kahinaan?

19 Ano ang puwede nating gawin para malabanan ang pabalik-balik na kahinaan at hindi ito mauwi sa pagkakasala? Dapat nating sundin ang payo ni Jesus kung paano lalabanan ang tukso. Sinabi niya: “Patuloy [na] magbantay.” Kahit sa mga panahon na pakiramdam mo, malakas ka, iwasan pa rin ang mga sitwasyon na puwede kang matukso. (1 Cor. 10:12) Patuloy na gawin ang mga bagay na ginagawa mo para labanan ang kahinaan mo. Sinasabi sa Kawikaan 28:14: “Maligaya ang taong laging nagbabantay.”​—2 Ped. 3:14.

MGA PAGPAPALA KUNG PATULOY TAYONG MAGBABANTAY

20-21. (a) Anong mga pagpapala ang tatanggapin natin kung patuloy tayong magbabantay? (b) Kung gagawin natin ang buong makakaya natin para labanan ang tukso, ano ang ibibigay ni Jehova sa atin? (2 Corinto 4:7)

20 Siguradong sulit ang pagsisikap natin na patuloy na magbantay. Anumang ‘pansamantalang kasiyahan’ ang maibigay ng kasalanan, hindi iyon maikukumpara sa sayang mararamdaman natin kung susundin natin ang mga pamantayan ni Jehova. (Heb. 11:25; Awit 19:8) Dinisenyo kasi tayo para gawin ang kalooban niya. (Gen. 1:27) Kapag namuhay tayo sa paraang gusto ni Jehova, panatag tayo kasi malinis ang konsensiya natin at posible tayong mabuhay nang walang hanggan.​—1 Tim. 6:12; 2 Tim. 1:3; Jud. 20, 21.

21 Totoo, “mahina ang laman.” Pero hindi ibig sabihin nito na wala na tayong magagawa para labanan ang kahinaan natin. Laging nandiyan si Jehova para ibigay ang lakas na kailangan natin. (Basahin ang 2 Corinto 4:7.) Pero tandaan, lakas na higit sa karaniwan ang ibinibigay ni Jehova. Kaya responsibilidad pa rin natin na gamitin ang lakas na mayroon tayo para labanan ang kahinaan natin. Kung gagawin natin ang buong makakaya natin, makakasigurado tayong sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin para sa paghingi ng higit na lakas. (1 Cor. 10:13) Sa tulong ni Jehova, makakapag-ingat tayo at malalabanan natin ang tukso.

AWIT BLG. 47 Manalangin Ka kay Jehova

a KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang orihinal na salita na isinaling “puso” sa Mateo 26:41 ay puwedeng tumukoy sa puwersang nagmumula sa puso natin at nagpapakilos sa atin na sabihin o gawin ang isang bagay. Ang “laman” ay tumutukoy sa pagiging di-perpekto at makasalanan natin. Kaya kahit gusto nating gawin ang tama pero hindi tayo nag-iingat, posible tayong matukso at magawa ang sinasabi ng Bibliya na mali.

b Makakatulong sa taong nakagawa ng malubhang kasalanan ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, aralin 57 number 1-3 at ang artikulong “‘Itutok ang Paningin’ sa Hinaharap” sa Bantayan, isyu ng Nobyembre 2020, p. 27-29, par. 12-17.

c LARAWAN: Binasa ng isang brother ang teksto para sa araw na iyon noong umaga, nagbasa siya ng Bibliya noong lunch break, at dumalo siya sa midweek meeting kinagabihan.