Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 30

AWIT BLG. 36 Bantayan ang Ating Puso

Mga Aral Mula sa mga Hari ng Israel

Mga Aral Mula sa mga Hari ng Israel

“Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng matuwid at ng masama, ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.”​—MAL. 3:18.

MATUTUTUHAN

Kung paano makakatulong ang mabuti at masamang halimbawa ng mga hari ng Israel para malaman natin kung ano ang tinitingnan ni Jehova sa mga lingkod niya sa ngayon.

1-2. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ilang hari ng Israel?

 SINASABI sa Bibliya ang pangalan ng mahigit 40 lalaki na naging hari ng Israel. a Deretsahan ding sinabi dito ang ilan sa mga ginawa nila. Halimbawa, may mabubuting hari na nakagawa ng masama. Isa na diyan si Haring David. Sinabi ni Jehova: “Sumunod sa akin nang kaniyang buong puso [ang lingkod kong si David]; lagi niyang ginagawa kung ano ang tama sa paningin ko.” (1 Hari 14:8) Pero alam nating nakagawa ng imoralidad si David sa isang babaeng may asawa at nagpakanang ipapatay ang asawa nito sa digmaan.​—2 Sam. 11:​4, 14, 15.

2 Sinabi rin sa Bibliya ang ilan sa mabubuting bagay na ginawa ng di-tapat na mga hari. Isa diyan si Rehoboam. Sa paningin ni Jehova, “ginawa [ng haring ito] ang masama.” (2 Cro. 12:14) Pero may nagawa ring mabuti si Rehoboam. Sumunod siya nang utusan siya ni Jehova na huwag makipaglaban sa 10 tribo ng Israel at hayaan silang pumili ng ibang hari. Ginawa rin niyang matibay ang mga lunsod sa kaharian niya para maprotektahan ang bayan ng Diyos mula sa mga kaaway nito.​—1 Hari 12:​21-24; 2 Cro. 11:​5-12.

3. Anong tanong ang magandang pag-isipan, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Magandang pag-isipan ang tanong na ito: Kung parehong gumawa ng mabuti at masama ang mga hari ng Israel, bakit itinuring ni Jehova na tapat ang ilan at hindi naman ang iba? Tutulong sa atin ang sagot sa tanong na iyan para malaman kung ano ang tinitingnan ni Jehova sa atin. Tatalakayin natin ang tatlong bagay na naging basehan ni Jehova kaya niya nasabing mabuti o masama ang isang hari: ang puso niya, pagsisisi, at paninindigan sa tunay na pagsamba.

BUO ANG PUSO NILA SA PAGLILINGKOD KAY JEHOVA

4. Ano ang isang pagkakaiba ng tapat at di-tapat na hari?

4 Ang mga haring itinuring ni Jehova na tapat ay ang mga naglingkod sa kaniya nang buong puso. b Sinabi ng Bibliya na ang mabuting haring si Jehosapat ay “humanap kay Jehova nang buong puso niya.” (2 Cro. 22:9) Mababasa naman tungkol kay Josias: “Walang haring nauna sa kaniya ang gaya niya na nanumbalik kay Jehova nang kaniyang buong puso.” (2 Hari 23:25) Ano naman ang sinabi tungkol kay Solomon, na gumawa ng masama noong tumanda na siya? “Hindi niya ibinigay ang buong puso niya.” (1 Hari 11:4) Ganiyan din ang sinabi ng Bibliya tungkol sa di-tapat na haring si Abiam: “Hindi niya ibinigay ang buong puso niya kay Jehova.”​—1 Hari 15:3.

5. Ano ang ibig sabihin ng paglilingkod kay Jehova nang buong puso?

5 Paano nga ba masasabing buo ang puso ng isa sa paglilingkod kay Jehova? Masasabing buo ang puso ng isa sa paglilingkod kung ginagawa niya iyon dahil mahal na mahal niya at nirerespeto si Jehova, at hindi lang dahil sa iyon ang kailangan niyang gawin. Patuloy rin niyang ipinapakita ang pagmamahal at respetong ito sa buong buhay niya.

6. Paano natin mapapanatiling buo ang puso natin? (Kawikaan 4:23; Mateo 5:​29, 30)

6 Paano natin matutularan ang tapat na mga hari at mapanatiling buo ang puso natin? Magagawa natin iyan kung iiwasan natin ang masasamang impluwensiya. Halimbawa, puwedeng makaapekto sa puso natin ang kuwestiyunableng mga libangan. Dapat din nating piliing mabuti ang mga kaibigan natin kasi puwede nila tayong maimpluwensiyahan na maging materyalistiko. Kapag napansin mong nababawasan na ang pag-ibig mo kay Jehova dahil sa isang bagay, gawin ang buong makakaya mo para iwasan o alisin iyon.​—Basahin ang Kawikaan 4:23; Mateo 5:​29, 30.

7. Bakit mahalagang iwasan ang masasamang impluwensiya?

7 Hindi natin dapat hayaan na mahati ang puso natin. Kung hindi tayo magiging maingat, baka maisip natin na dahil marami tayong ginagawa para kay Jehova, hindi na natin kailangang iwasan ang masasamang impluwensiya. Tingnan ang ilustrasyong ito. Isiping maghapon ka sa labas at init na init. Pagkauwi mo, binuksan mo ang air-con. Pero ano ang mangyayari kung iniwan mo namang nakabukas ang pinto? Papasok pa rin ang init. Ang punto? Hindi sapat na gawin lang natin ang mga bagay na magpapalapit sa atin kay Jehova. Dapat din nating “isara ang pinto” para hindi makapasok ang masasamang impluwensiya na magpapahina ng pag-ibig natin kay Jehova.​—Efe. 2:2.

PINAGSISIHAN NILA ANG MGA KASALANAN NILA

8-9. Ano ang ginawa nina Haring David at Haring Hezekias nang ituwid sila? (Tingnan ang larawan.)

8 Gaya ng binanggit sa parapo 1, nakagawa ng malubhang kasalanan si Haring David. Pero nang puntahan siya ni propeta Natan para sabihing nagkasala siya, nagpakumbaba si David at nagsisi. (2 Sam. 12:13) Makikita natin sa mga sinabi niya sa Awit 51 na hindi lang siya nagkukunwaring malungkot para mapaniwala si Natan o para makaiwas sa parusa. Talagang pinagsisihan niya ang mga nagawa niya.​—Awit 51:​3, 4, 17, superskripsiyon.

9 Nagkasala rin si Haring Hezekias kay Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “Naging mapagmataas siya. Dahil dito, ang Diyos ay nagalit sa kaniya, pati sa Juda at Jerusalem.” (2 Cro. 32:25) Bakit kaya naging mapagmataas si Hezekias? Baka dahil sa kayamanan niya o dahil natalo niya ang mga Asiryano. Puwede ring dahil sa makahimala siyang gumaling sa sakit niya. Posibleng ipinakita niya ang kayamanan niya sa mga Babilonyo para magyabang. Dahil dito, sinaway siya ni propeta Isaias. (2 Hari 20:​12-18) Pero gaya ni David, nagpakumbaba rin si Hezekias at nagsisi. (2 Cro. 32:26) Bandang huli, ano ang naging tingin ni Jehova kay Hezekias? Isa siyang tapat na hari na “patuloy [na] ginawa ang tama sa paningin” Niya.​—2 Hari 18:3.

Nagpakumbaba at nagsisi sina Haring David at Haring Hezekias nang sabihin sa kanila ang mga kasalanan nila (Tingnan ang parapo 8-9)


10. Ano ang ginawa ni Haring Amazias nang ituwid siya?

10 Tingnan naman ang halimbawa ni Haring Amazias ng Juda. Ginawa niya ang tama, “pero hindi nang buong puso.” (2 Cro. 25:2) Bakit? Ano ba ang nangyari? Pagkatapos siyang tulungan ni Jehova na talunin ang mga Edomita, sumamba siya sa diyos ng mga ito. c At nang ituwid siya ng propeta ni Jehova, hindi siya nakinig at pinalayas pa nga ito.​—2 Cro. 25:​14-16.

11. Ayon sa 2 Corinto 7:​9, 11, ano ang dapat nating gawin para patawarin tayo ni Jehova? (Tingnan din ang mga larawan.)

11 Ano ang natutuhan natin sa mga halimbawang ito? Dapat tayong magsisi at gawin ang buong makakaya natin para hindi na maulit ang mga nagawa nating kasalanan. Paano naman kung pinayuhan tayo ng mga elder, baka sa isang bagay pa nga na sa tingin natin, hindi naman ganoon kaseryoso? Hindi natin dapat isipin na nadismaya sa atin si Jehova o ang mga elder. Kahit ang mabubuting hari ng Israel, kinailangang payuhan at ituwid. (Heb. 12:6) Kaya kapag pinayuhan tayo, (1) dapat tayong maging mapagpakumbaba at tanggapin ang pagtutuwid, (2) dapat nating gawin ang kinakailangang pagbabago, at (3) dapat na patuloy tayong maglingkod kay Jehova nang buong puso. Kung pagsisisihan natin ang mga kasalanan natin, papatawarin tayo ni Jehova.​—Basahin ang 2 Corinto 7:​9, 11.

Kapag pinayuhan tayo, (1) dapat tayong maging mapagpakumbaba at tanggapin ang pagtutuwid, (2) dapat nating gawin ang kinakailangang pagbabago, at (3) dapat na patuloy tayong maglingkod kay Jehova nang buong puso (Tingnan ang parapo 11)⁠ f


NANINDIGAN SILA SA TUNAY NA PAGSAMBA

12. Ano ang malaking kaibahan ng tapat na mga hari sa mga di-tapat?

12 Nanindigan sa tunay na pagsamba ang mga haring itinuring ni Jehova na tapat, at tinulungan nila ang mga sakop nila na gawin din iyon. Siyempre, may mga nagawa rin silang mali, gaya ng tinalakay natin kanina. Pero ang kaibahan nila, si Jehova lang ang sinamba nila at ginawa nila ang buong makakaya nila para maalis ang idolatriya sa lupain. d

13. Bakit itinuring ni Jehova na di-tapat si Haring Ahab?

13 Bakit itinuring ni Jehova na di-tapat ang ilang hari? Hindi naman masama ang lahat ng ginawa nila. Halimbawa, nang malaman ng masamang haring si Ahab na ipinapatay si Nabot dahil sa kaniya, kahit paano, nagpakumbaba rin siya at nalungkot. (1 Hari 21:​27-29) Isa pa, may naitayo rin siyang mga lunsod at naipanalong mga digmaan para sa Israel. (1 Hari 20:​21, 29; 22:39) Pero may ginawang napakasama si Ahab. Dahil sa asawa niya, inimpluwensiyahan niya ang iba na sumamba sa huwad na mga diyos. At kahit kailan, hindi niya ito pinagsisihan.​—1 Hari 21:​25, 26.

14. (a) Bakit itinuring ni Jehova na di-tapat si Haring Rehoboam? (b) Ano ang karaniwang pagkakapareho ng di-tapat na mga hari?

14 Tingnan natin ang isa pang halimbawa ng di-tapat na hari—si Rehoboam. Gaya ng binanggit sa parapo 2, marami siyang nagawang mabuti noong namamahala siya. Pero noong maging matatag na ang paghahari niya, hindi na siya sumunod sa Kautusan ni Jehova at sumamba na siya sa huwad na mga diyos. (2 Cro. 12:1) Kaya minsan, sinasamba niya si Jehova, at minsan naman, ang ibang mga diyos. (1 Hari 14:​21-24) Bukod kina Rehoboam at Ahab, may iba pang hari na hindi nanindigan sa tunay na pagsamba. Ang totoo, sumamba sa huwad na mga diyos ang halos lahat ng di-tapat na hari at inimpluwensiyahan pa nga nila ang iba na gawin din iyon. Maliwanag, napakahalaga kay Jehova ng paninindigan sa tunay na pagsamba. Isa ito sa pinakatinitingnan niya para masabi niyang mabuti o masama ang isang hari.

15. Bakit napakahalaga kay Jehova ng paninindigan sa tunay na pagsamba?

15 Bakit malaking bagay kay Jehova ang pagsamba? Ang isang dahilan, responsibilidad ng mga hari na tulungan ang bayan ng Diyos na sambahin si Jehova sa tamang paraan. Isa pa, dahil sa huwad na pagsamba, nakakagawa ang bayan ng iba pang malulubhang kasalanan at hindi nila napapakitunguhan nang tama ang iba. (Os. 4:​1, 2) Bukod diyan, nakaalay kay Jehova ang mga hari at iba pang Israelita. Kaya kung sasamba sila sa ibang mga diyos, sinasabi sa Bibliya na para na rin silang nangalunya. (Jer. 3:​8, 9) Isa sa pinakamasakit na puwedeng mangyari sa isang tao ay kapag nangalunya ang asawa niya. Ganiyan din kapag sumamba sa ibang diyos ang isang nakaalay na lingkod ni Jehova. Sobra niyang nasasaktan si Jehova. eDeut. 4:​23, 24.

16. Para kay Jehova, ano ang malaking kaibahan ng matuwid at ng masama?

16 Ano ang natutuhan natin dito? Dapat nating iwasan ang anumang bagay na may kinalaman sa huwad na relihiyon. Pero dapat din tayong manindigan sa tunay na pagsamba at manatiling abala sa paglilingkod. Malinaw na sinabi ni propeta Malakias kung ano ang pagkakaiba kay Jehova ng mabuti at ng masamang tao. Sinabi niya: “Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng matuwid at ng masama, ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.” (Mal. 3:18) Kaya hindi natin dapat hayaan ang anumang bagay na mapahinto tayo sa paglilingkod, kahit pa nga ang mga kahinaan natin at pagkakamali. Isa ngang malubhang kasalanan ang pagtigil sa paglilingkod kay Jehova.

17. Paano puwedeng makaapekto sa paglilingkod natin kay Jehova ang pagpili natin ng mapapangasawa?

17 Kung single ka at may planong mag-asawa, nakikita mo ba kung paano puwedeng makatulong ang sinabi ni Malakias sa pagpili mo ng mapapangasawa? Baka nga may magagandang katangian ang isang tao, pero kung hindi siya naglilingkod sa tunay na Diyos, masasabi bang matuwid ang tingin sa kaniya ni Jehova? (2 Cor. 6:14) Kung ganiyan ang mapapangasawa mo, sa tingin mo ba, matutulungan ka niyang maging mas malapít kay Jehova? Pag-isipan ito: Posible naman na may magagandang katangian ang paganong mga asawa ni Haring Solomon. Pero dahil hindi sila mananamba ni Jehova, unti-unti nilang pinasunod si Solomon sa ibang mga diyos.​—1 Hari 11:​1, 4.

18. Ano ang dapat ituro ng mga magulang sa mga anak nila?

18 Mga magulang, puwede ninyong gamitin ang halimbawa ng mga hari sa Bibliya para matulungan ang mga anak ninyo na magkaroon ng kagustuhang maglingkod kay Jehova. Idiin sa kanila na itinuring ni Jehova na tapat ang mga haring sumamba sa kaniya at tumulong sa bayan na gawin din iyon. Ituro sa kanila na dapat unahin ang espirituwal na mga bagay, gaya ng pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa pulong, at pangangaral. Dapat din kayong maging magandang halimbawa dito. (Mat. 6:33) Kasi kung hindi magiging malapít kay Jehova ang mga anak ninyo, baka maisip nilang Saksi lang sila kasi Saksi ang pamilya ninyo. Dahil diyan, baka hindi nila maramdaman na ganoon kahalaga ang pagsamba kay Jehova o baka huminto pa nga sila sa paglilingkod sa kaniya.

19. Puwede pa bang maging kaibigan ulit ni Jehova ang huminto na sa paglilingkod sa kaniya? (Tingnan din ang kahong “ Makakabalik Ka kay Jehova!”)

19 Wala na bang pag-asang maging kaibigan ulit ni Jehova ang mga huminto na sa paglilingkod sa kaniya? Mayroon, kasi puwede pa rin silang magsisi at bumalik kay Jehova. Para magawa iyan, baka kailangan nilang lunukin ang pride nila at tanggapin ang tulong ng mga elder sa kongregasyon. (Sant. 5:14) Sulit ang lahat ng pagsisikap na ito kasi maibabalik nila ang kaugnayan nila kay Jehova!

20. Ano ang magiging tingin sa atin ni Jehova kung tutularan natin ang tapat na mga hari?

20 Anong mga aral ang natutuhan natin sa mga hari ng Israel? Matutularan natin ang tapat na mga hari kung patuloy tayong maglilingkod kay Jehova nang buong puso. Dapat din tayong matuto sa mga pagkakamali natin, pagsisihan iyon, at gawin ang kinakailangang pagbabago. At lagi sana nating tandaan na napakahalagang patuloy nating sambahin ang nag-iisa at tunay na Diyos. Kung mananatili kang tapat kay Jehova, ituturing ka niyang matuwid.

AWIT BLG. 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”

a Sa artikulong ito, ang “mga hari ng Israel” ay tumutukoy sa lahat ng haring namahala sa bayan ni Jehova, naghari man sila sa 2-tribong kaharian ng Juda, 10-tribong kaharian ng Israel, o sa 12 tribo.

b KARAGDAGANG PALIWANAG: Kapag ginagamit ng Bibliya ang salitang “puso,” karaniwan na itong tumutukoy sa buong pagkatao ng isa, kasama na ang mga kagustuhan, iniisip, pananaw, ugali, kakayahan, motibo, at tunguhin niya.

c Lumilitaw na naging kaugalian ng paganong mga hari na sambahin ang mga diyos ng sinakop nilang bansa.

d Nakagawa si Haring Asa ng malulubhang kasalanan. (2 Cro. 16:​7, 10) Pero sinabi ng Bibliya na ginawa niya ang tama sa paningin ni Jehova. Totoo, hindi niya tinanggap ang pagtutuwid noong una. Pero posibleng nagsisi rin siya bandang huli. Mas maraming nakita si Jehova na mabuti sa kaniya kaysa masama. Ang pinakamahalaga, si Jehova lang ang sinamba ni Asa at ginawa niya ang buong makakaya niya para maalis ang idolatriya sa kaharian niya.​—1 Hari 15:​11-13; 2 Cro. 14:​2-5.

e Kapansin-pansin na sa unang dalawang utos sa Kautusang Mosaiko, ipinagbabawal ang pagsamba sa anumang bagay o sa sinuman bukod kay Jehova.​—Ex. 20:​1-6.

f LARAWAN: Pinayuhan ng isang mas batang elder ang isang brother tungkol sa pag-inom nito. Nagpakumbaba ang brother, tinanggap ang payo, ginawa ang kinakailangang pagbabago, at patuloy na naglingkod nang tapat kay Jehova.