Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 27

AWIT BLG. 73 Bigyan Mo Kami ng Katapangan

Tularan ang Katapangan ni Zadok

Tularan ang Katapangan ni Zadok

“Si Zadok [ay] isang malakas at matapang na lalaki.”​—1 CRO. 12:28.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo magiging matapang gaya ni Zadok.

1-2. Sino si Zadok? (1 Cronica 12:​22, 26-28)

 ISIPIN ang eksenang ito. Mahigit 340,000 lalaki ang nagsama-sama para gawing hari ng Israel si David. Tatlong araw silang nanatili sa mababatong burol malapit sa Hebron. Masaya silang nagkukuwentuhan doon at umaawit ng mga papuri kay Jehova. (1 Cro. 12:39) Malamang na hindi napansin ng marami na nandoon si Zadok. Pero sinigurado ni Jehova na malalaman natin na nandoon siya. (Basahin ang 1 Cronica 12:​22, 26-28.) Sino nga ba si Zadok?

2 Si Zadok ay isang saserdote na laging kasama ng mataas na saserdoteng si Abiatar. Isa rin siyang tagakita; ginawa siya ng Diyos na napakarunong at binigyan ng kakayahang maunawaan ang kalooban Niya. (2 Sam. 15:27) Kaya humihingi ng payo sa kaniya ang mga tao. Pero may katangian si Zadok na pag-uusapan natin sa artikulong ito—ang katapangan niya, o lakas ng loob.

3. (a) Bakit kailangan ng mga lingkod ni Jehova ng katapangan? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Sa mga huling araw na ito, lalong tumitindi ang pag-atake ni Satanas sa bayan ng Diyos. (1 Ped. 5:8) Kaya kailangan nating maging matapang habang hinihintay nating alisin ni Jehova si Satanas at ang masamang sistema nito. (Awit 31:24) Tingnan natin ang tatlong paraan kung paano natin matutularan ang katapangan ni Zadok.

SUPORTAHAN ANG KAHARIAN NG DIYOS

4. Bakit kailangan ng mga lingkod ng Diyos ng tapang para masuportahan ang Kaharian niya? (Tingnan din ang larawan.)

4 Bilang mga lingkod ni Jehova, buong puso nating sinusuportahan ang Kaharian ng Diyos. (Mat. 6:33) Pero madalas, kailangan natin ng tapang para magawa iyan. Halimbawa, kailangan natin ng tapang para masunod ang mga pamantayan ni Jehova at maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa masamang mundong ito. (1 Tes. 2:2) Kailangan din natin iyan para makapanatili tayong neutral sa mundong ito na nagkakagulo sa politika. (Juan 18:36) Marami sa mga lingkod ni Jehova ang nagkaproblema sa pinansiyal, binugbog, o ikinulong dahil sa pagtangging magsundalo o sumali sa politika.

Kapag pinag-uusapan ng iba ang tungkol sa politika, ano ang gagawin mo? (Tingnan ang parapo 4)


5. Bakit kailangan ni Zadok na maging matapang para masuportahan si David?

5 Hindi pumunta si Zadok sa Hebron para lang makipagsaya sa pagiging hari ni David. Pumunta siya doon dala ang mga sandata niya at handang makipaglaban. (1 Cro. 12:38) Handa niyang samahan si David sa digmaan at ipagtanggol ang Israel sa mga kaaway nito. Posibleng walang karanasan si Zadok sa pakikipagdigma, pero napakatapang niya.

6. Paano naging magandang halimbawa si David kay Zadok pagdating sa katapangan? (Awit 138:3)

6 Ano kaya ang nakatulong sa saserdoteng si Zadok na maging matapang? Marami siyang kasabayan na mga lalaking malakas at matapang. Siguradong natuto siya sa kanila. Halimbawa, buong tapang na ‘pinangunahan ni David ang Israel sa mga labanan’ kaya gusto siyang gawing hari ng mga Israelita. (1 Cro. 11:​1, 2) Laging umaasa si David kay Jehova sa tuwing nakikipaglaban siya sa mga kaaway. (Awit 28:7; basahin ang Awit 138:3.) Naging magandang halimbawa rin kay Zadok si Jehoiada at ang mandirigmang anak nito na si Benaias, pati na ang 22 pinuno ng tribo na sumuporta kay David. (1 Cro. 11:​22-25; 12:​26-28) Determinado ang lahat ng lalaking ito na gawing hari si David at protektahan siya.

7. (a) Kanino tayo puwedeng matuto ng katapangan sa ngayon? (b) Sa video, ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Brother Nsilu?

7 Lumalakas ang loob natin kapag pinag-iisipan natin ang halimbawa ng mga buong tapang na sumuporta sa pamamahala ni Jehova. Noong nasa lupa ang Hari nating si Kristo Jesus, hindi siya pumayag na maging bahagi ng politikal na sistema ni Satanas. (Mat. 4:​8-11; Juan 6:​14, 15) Lagi siyang umaasa na ibibigay ni Jehova ang lakas na kailangan niya para magawa ang tama. Marami ring kapatid ang gumagawa niyan. May mga kabataang brother sa ngayon na tumangging magsundalo o sumali sa anumang gawain sa politika. Puwede mong basahin ang mga karanasan nila sa jw.org. a

TULUNGAN ANG MGA KAPATID

8. Kailan posibleng kailangan ng mga elder ang tapang sa pagtulong sa mga kapatid?

8 Gustong-gusto ng mga lingkod ni Jehova na magtulungan. (2 Cor. 8:4) Pero kung minsan, kailangan ng tapang para magawa iyan. Halimbawa, kapag may digmaan, alam ng mga elder na kailangan ng mga kapatid ng pampatibay at baka ng tulong para makakuha ng espirituwal na pagkain o materyal na pangangailangan. Kaya kahit manganib ang buhay nila, ilalaan nila ang pangangailangan ng mga ito. (Juan 15:​12, 13) Kapag ginawa nila ito, matutularan nila ang katapangan ni Zadok.

9. Ayon sa 2 Samuel 15:​27-29, ano ang ipinagawa ni David kay Zadok? (Tingnan din ang larawan.)

9 Tingnan kung paano tinulungan ni Zadok ang mga kaibigan niya sa mapanganib na mga sitwasyon. Gustong patayin ni Absalom ang tatay niyang si David para maging hari siya. (2 Sam. 15:​12, 13) Kaya kinailangang umalis agad ni David sa Jerusalem. Sinabi ni David sa mga lingkod niya: “Halikayo, tumakas na tayo. Kung hindi, walang makaliligtas sa atin kay Absalom!” (2 Sam. 15:14) Habang tumatakas sila, naisip ni David na kailangang may maiwan para malaman nila ang mga plano ni Absalom. Kaya pinabalik niya sa lunsod si Zadok at ang iba pang saserdote para makakuha ng impormasyon. (Basahin ang 2 Samuel 15:​27-29.) Kailangan nilang maging maingat. Napakadelikado ng ipinapagawa sa kanila ni David at puwede silang mamatay! Bayolente at makasarili si Absalom; tinraidor pa nga niya ang sarili niyang ama. Kaya isipin na lang kung ano ang puwede niyang gawin kay Zadok at sa iba pang saserdote kapag nahuli niya sila!

Binigyan ni David si Zadok ng isang mapanganib na atas (Tingnan ang parapo 9)


10. Paano naprotektahan ni Zadok at ng mga kasama niya si David?

10 Nagpatulong si David kay Zadok at sa isa pang tapat niyang kaibigan na si Husai para gawin ang isang plano. (2 Sam. 15:​32-37) Nagkunwari si Husai na kakampi ni Absalom at binigyan ito ng estratehiya kung paano aatakihin si David, na magbibigay naman kay David ng pagkakataong makapaghanda. Nagtiwala si Absalom sa estratehiyang ito. Pagkatapos, sinabi ni Husai kina Zadok at Abiatar ang naging pag-uusap nila ni Absalom. (2 Sam. 17:​8-16) Naiparating naman ng dalawang lalaking ito ang mensahe kay David. (2 Sam. 17:17) Sa tulong ni Jehova, naprotektahan ni Zadok at ng iba pang saserdote si David.​—2 Sam. 17:​21, 22.

11. Paano natin matutularan ang katapangan ni Zadok kapag tinutulungan ang mga kapatid?

11 Kapag kinailangan ng mga kapatid ang tulong natin sa mapanganib na mga sitwasyon, paano natin matutularan ang katapangan ni Zadok? (1) Sumunod sa mga tagubilin. Kailangan ang pagkakaisa sa mapanganib na mga sitwasyon, kaya napakahalagang maging masunurin tayo. Sundin ang mga tagubilin ng tanggapang pansangay. (Heb. 13:17) Dapat na regular na pag-aralan ng mga elder ang mga tagubilin kung paano maghahanda kapag may sakuna sa lugar nila, pati na ang mga tagubilin ng organisasyon sa panahon ng sakuna. (1 Cor. 14:​33, 40) (2) Maging matapang pero maingat. (Kaw. 22:3) Mag-isip nang mabuti bago kumilos. Isipin ang pinakaligtas na paraan kung paano ka makakatulong. (3) Umasa kay Jehova. Tandaan na talagang nagmamalasakit si Jehova sa iyo at sa mga kapatid at gusto niya na manatili kayong ligtas. Kaya siguradong gagabayan ka niya na magawa ang tamang desisyon sa pagtulong sa mga kapatid.

12-13. Ano ang natutuhan mo sa karanasan nina Viktor at Vitalii? (Tingnan din ang larawan.)

12 Tingnan ang karanasan nina Viktor at Vitalii, dalawang brother na nagdala ng pagkain at tubig sa mga kapatid sa Ukraine. “Kung saan-saan kami naghanap ng pagkain,” ang sabi ni Viktor. “Madalas, may nagbabarilan sa paligid namin. Isang brother ang nag-donate ng pagkain. Dahil dito, maraming araw na nakaraos ang mga kapatid. Habang ikinakarga namin sa trak ang mga pagkain, may bumagsak na bomba. Mga 20 metro lang ang layo nito mula sa amin. Buong araw akong nananalangin kay Jehova na bigyan ako ng tapang para patuloy na matulungan ang mga kapatid.”

13 “Kailangan talaga naming maging matapang,” ang sabi ni Vitalii. “Inabot ako nang 12 oras sa unang biyahe ko. At sa 12 oras na iyon, nananalangin ako.” Matapang si Vitalii, pero maingat din siya. Sinabi pa niya: “Ipinapanalangin ko kay Jehova na tulungan akong maging marunong at kilalanin ang mga limitasyon ko. Dumaan lang ako sa mga kalsadang pinayagan ng mga awtoridad na daanan. Napatibay ako nang makita ko kung paano nagtulungan ang mga kapatid. Inalis nila ang mga harang sa daan, tumulong sila sa pangongolekta at pagkakarga ng mga relief, at binigyan din nila kami ng pagkain at lugar na mapagpapahingahan.”

Kapag tinutulungan mo ang mga kapatid sa mapanganib na mga sitwasyon, maging matapang pero maingat (Tingnan ang parapo 12-13)


MANATILING TAPAT KAY JEHOVA

14. Ano ang posibleng maging epekto sa atin kapag naging di-tapat kay Jehova ang isa na malapít sa atin?

14 Napakahirap kapag iniwan ng isang kapamilya o kaibigan natin si Jehova. (Awit 78:40; Kaw. 24:10) At magiging mas mahirap pa ito kung talagang malapít tayo sa taong iyon. Kung ganiyan ang sitwasyon mo ngayon, makakatulong sa iyo ang halimbawa ng katapatan ni Zadok.

15. Bakit kinailangan ni Zadok ng tapang para makapanatiling tapat kay Jehova? (1 Hari 1:​5-8)

15 Nanatiling tapat si Zadok kay Jehova kahit pinili ng kaibigan niyang si Abiatar na maging hindi tapat. Nangyari iyan noong malapit nang matapos ang paghahari ni David. Noong malapit nang mamatay si David, tinangka ng anak niyang si Adonias na agawin ang trono kahit si Solomon ang pinili ni Jehova na maging hari. (1 Cro. 22:​9, 10) Pinili ni Abiatar na suportahan si Adonias. (Basahin ang 1 Hari 1:​5-8.) Sa ginawang ito ni Abiatar, hindi siya naging tapat kay David at lalo na kay Jehova. Isipin na lang kung gaano kalungkot at kadismayado si Zadok sa ginawang ito ng kaibigan niya! Mahigit 40 taon silang magkasama ni Abiatar bilang saserdote. (2 Sam. 8:17) Magkasama sila sa pag-iingat ng “Kaban ng tunay na Diyos.” (2 Sam. 15:29) Pareho rin nilang sinuportahan ang paghahari ni David. Talagang marami silang pinagsamahan sa paglilingkod kay Jehova!—2 Sam. 19:​11-14.

16. Ano ang posibleng nakatulong kay Zadok na manatiling tapat?

16 Nanatiling tapat si Zadok kay Jehova sa kabila ng ginawa ng kaibigan niyang si Abiatar. Nang mabunyag ang pakana ni Adonias, pinili ni David sina Zadok, Natan, at Benaias para gawing hari si Solomon. (1 Hari 1:​32-34) Talagang nagtitiwala si David kay Zadok! Ano kaya ang nakatulong kay Zadok na manatiling tapat? Malamang na napatibay siya ng magandang halimbawa ng iba pang tapat na lingkod ni Jehova, gaya ni Natan at ng iba pang tagasuporta ni Haring David. (1 Hari 1:​38, 39) At nang maging hari na si Solomon, ‘inatasan niya ang saserdoteng si Zadok kapalit ni Abiatar.’—1 Hari 2:35.

17. Paano mo matutularan si Zadok kapag iniwan ng isa na malapít sa iyo si Jehova?

17 Paano mo matutularan si Zadok? Kapag iniwan ng isa na malapít sa iyo si Jehova, ipakita mong si Jehova ang pinakamahalaga sa iyo. (Jos. 24:15) Bibigyan ka niya ng lakas na magawa ang tama. Kaya laging manalangin sa kaniya at manatiling malapít sa iba pang tapat na lingkod niya. Mahalaga kay Jehova ang katapatan mo, at gagantimpalaan ka niya dahil dito.​—2 Sam. 22:26.

18. Ano ang natutuhan mo sa karanasan nina Marco at Sidse?

18 Tingnan ang karanasan ni Marco at ng asawa niyang si Sidse. Iniwan ng dalawa nilang anak na babae ang katotohanan. Sinabi ni Marco: “Pagkasilang pa lang ng mga anak mo, mahal na mahal mo na sila. Gagawin mo ang lahat para maprotektahan sila. Kaya sobrang sakit nang iwan ng mga anak ko si Jehova.” Sinabi pa niya: “Pero laging nandiyan si Jehova para sa amin. Tinitiyak niya na kapag mahina ako, malakas ang asawa ko, at kapag mahina ang asawa ko, ako naman ang malakas.” Sinabi naman ni Sidse: “Hindi namin makakaya ito kung wala ang tulong ni Jehova. Lagi kong naiisip na kasalanan ko ang nangyari. Kaya sinabi ko ang nararamdaman ko kay Jehova. Pagkalipas ng ilang araw, sa Kingdom Hall, inakbayan ako ng isang sister na matagal ko nang hindi nakikita. Tiningnan niya ako at sinabi sa akin, ‘Hindi mo iyon kasalanan.’ Sa tulong ni Jehova, patuloy akong nakakapaglingkod sa kaniya nang masaya.”

19. Ano ang determinado mong gawin?

19 Gusto ni Jehova na tularan ng lahat ng lingkod niya ang katapangan ni Zadok. (2 Tim. 1:7) Pero hindi niya gustong umasa tayo sa sarili natin. Gusto niyang umasa tayo sa kaniya. Kaya kapag napaharap ka sa sitwasyong kailangan mo ng tapang, humingi ng tulong kay Jehova. Makakasigurado kang tutulungan ka niyang maging matapang gaya ni Zadok!—1 Ped. 5:10.

AWIT BLG. 126 Manatiling Gisíng at Magpakatibay