“Si Jehova na Ating Diyos ay Iisang Jehova”
“Pakinggan mo, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.”—DEUT. 6:4.
1, 2. (a) Bakit kilalá ang mga salita sa Deuteronomio 6:4? (b) Bakit sinabi ni Moises ang mga salitang iyon?
SA LOOB ng maraming siglo, ginagamit ng mga Judio ang anim na salita sa tekstong Hebreo ng Deuteronomio 6:4 bilang bahagi ng kanilang espesyal na panalangin. Araw-araw nila itong binibigkas, umaga at gabi. Ang panalanging ito ay tinatawag na Shema, na siyang unang salita ng talatang iyon. Sa panalanging ito, ipinapahayag ng mga Judio ang kanilang bukod-tanging debosyon sa Diyos.
2 Ang mga salitang iyon ay bahagi ng pamamaalam ni Moises sa bansang Israel nang magtipon sila sa kapatagan ng Moab noong 1473 B.C.E. Malapit na noong tawirin ng bansa ang Ilog Jordan para ariin ang Lupang Pangako. (Deut. 6:1) Gusto ni Moises, ang kanilang lider sa nakalipas na 40 taon, na magpakalakas-loob ang bayan para sa mga hamong haharapin nila. Kailangan nilang magtiwala kay Jehova at maging tapat sa kaniya bilang kanilang Diyos. Kaya siguradong may malaking epekto sa bayan ang mga huling salita ni Moises. Matapos banggitin ang Sampung Utos at iba pang mga tuntunin na ibinigay ni Jehova sa bansa, sinabi ni Moises ang mapuwersang kapahayagan na nasa Deuteronomio 6:4, 5. (Basahin.)
3. Anong mga tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Hindi ba alam ng mga Israelitang iyon na si Jehova na kanilang Diyos ay “iisang Jehova”? Siyempre, alam nila. Iisang Diyos lang ang kinikilala at sinasamba ng tapat na mga Israelita. Siya ang Diyos ng kanilang mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Kung gayon, bakit kailangan pang ipaalaala ni Moises na si Jehova na kanilang Diyos ay “iisang Jehova”? May kaugnayan ba ang pagiging iisa ni Jehova sa pag-ibig nila sa kaniya nang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas, gaya ng sinasabi sa talata 5? At ano ang kahulugan ng mga salita sa Deuteronomio 6:4, 5 para sa atin ngayon?
ANG PAGIGING IISA NI JEHOVA
4, 5. (a) Ano ang isang kahulugan ng pariralang “iisang Jehova”? (b) Paano naiiba si Jehova sa mga diyos ng mga bansa?
4 Natatangi. Sa Hebreo at sa maraming wika, ang salitang “iisa” ay hindi lang tumutukoy sa numero. Maaari itong magpahiwatig ng pagiging natatangi, ang kaisa-isa. Parang hindi naman pinasisinungalingan dito ni Moises ang maling turo tungkol sa tatluhang diyos. Si Jehova ang Maylikha ng langit at lupa, ang Soberano ng uniberso. Walang ibang tunay na Diyos maliban sa kaniya; walang diyos ang katulad niya. (2 Sam. 7:22) Kaya ipinaaalaala ni Moises sa mga Israelita na dapat maging bukod-tangi ang kanilang pagsamba kay Jehova. Hindi nila dapat tularan ang mga bayang nakapaligid sa kanila, na sumasamba sa iba’t ibang diyos at diyosa. Ang ilan sa huwad na mga diyos na ito ay itinuturing na namamahala sa espesipikong mga bahagi ng kalikasan. Ang iba naman ay ibang anyo lang ng isang partikular na bathala.
5 Halimbawa, ang mga Ehipsiyo noon ay sumasamba sa diyos ng araw na si Ra, sa diyosa ng kalangitan na si Nut, sa diyos ng lupa na si Geb, sa diyos ng Nilo na si Hapi, at sa napakaraming sagradong hayop. Marami sa huwad na mga diyos na ito ang dumanas ng matitinding dagok mula kay Jehova sa pamamagitan ng Sampung Salot. Ang prominenteng diyos naman ng mga Canaanita ay si Baal, ang diyos ng pag-aanak, na lumilitaw rin bilang diyos ng kalangitan, ulan, at bagyo. Siya rin ang lokal na patron sa maraming lugar. (Bil. 25:3) Dapat tandaan ng mga Israelita na ang kanilang Diyos, ang “tunay na Diyos,” ay “iisang Jehova.”—Deut. 4:35, 39.
6, 7. Ano ang isa pang kahulugan ng “iisa,” at paano pinatunayan ni Jehova na siya ay “iisa”?
6 Hindi Pabago-bago at Matapat. Ang salitang “iisa” ay nagpapahiwatig din ng pagiging iisa sa layunin at gawain. Ang Diyos na Jehova ay hindi nababahagi o pabago-bago. Sa halip, lagi siyang maaasahan, tapat, at totoo. Ipinangako niya kay Abraham na mamanahin ng mga inapo nito ang Lupang Pangako, at gumawa si Jehova ng makapangyarihang mga gawa para tuparin iyon. Kahit lumipas na ang 430 taon, hindi nagbago ang determinasyon ni Jehova na gawin iyon.—Gen. 12:1, 2, 7; Ex. 12:40, 41.
7 Pagkaraan ng mga siglo, nang tukuyin ni Jehova ang mga Israelita bilang kaniyang mga saksi, sinabi niya sa kanila: “Ako pa rin ang Isang iyon. Walang Diyos na inanyuang una sa akin, at pagkatapos ko ay wala pa ring sinuman.” Para idiin na hindi nagbabago ang layunin niya, idinagdag pa ni Jehova: “Sa lahat ng panahon ay ako pa rin ang Isang iyon.” (Isa. 43:10, 13; 44:6; 48:12) Napakaespesyal na pribilehiyo nga para sa mga Israelita—at para sa atin—na maging mga lingkod ni Jehova, ang Diyos na di-pabago-bago at matapat sa lahat ng kaniyang daan!—Mal. 3:6; Sant. 1:17.
8, 9. (a) Ano ang hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga mananamba? (b) Paano idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng mga salita ni Moises?
8 Oo, ipinaalaala ni Moises sa bayan na Deut. 6:6-9.
si Jehova ay hindi nagbabago sa kaniyang pag-ibig at pangangalaga sa kanila. Kaya makatuwiran lang na pag-ukulan nila siya ng bukod-tanging debosyon, na iniibig siya nang buong puso, kaluluwa, at lakas. Mag-uukol din ng bukod-tanging debosyon sa Diyos ang mga anak, dahil dapat silang turuan ng kanilang mga magulang sa lahat ng pagkakataon.—9 Dahil hindi nagbabago ang kalooban at layunin ni Jehova, maliwanag na hindi rin nagbabago ang saligang mga kahilingan niya para sa tunay na mga mananamba sa ngayon. Para maging katanggap-tanggap sa kaniya ang pagsamba natin, dapat din tayong mag-ukol ng bukod-tanging debosyon at ibigin natin siya nang buong puso, isip, at lakas. Sa katunayan, iyan mismo ang isinagot ni Jesu-Kristo sa isang nagtatanong. (Basahin ang Marcos 12:28-31.) Kaya ipakita sana natin sa ating pagkilos na talagang nauunawaan natin na “si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.”
MAG-UKOL KAY JEHOVA NG BUKOD-TANGING DEBOSYON
10, 11. (a) Sa anong diwa bukod-tangi ang pagsamba natin kay Jehova? (b) Paano ipinakita ng mga kabataang Hebreo sa Babilonya ang bukod-tanging debosyon nila kay Jehova?
10 Kung si Jehova ang nag-iisang Diyos para sa atin, dapat tayong mag-ukol sa kaniya ng bukod-tanging debosyon. Hindi tayo puwedeng sumamba sa ibang mga diyos o mabahiran ng maling ideya o gawain mula sa ibang anyo ng pagsamba. Si Jehova ay hindi lang basta nakahihigit sa ibang mga diyos o mas makapangyarihan sa kanila. Siya lang ang tanging tunay na Diyos. Kaya si Jehova lang ang dapat sambahin.—Basahin ang Apocalipsis 4:11.
11 Sa aklat ng Daniel, mababasa natin ang tungkol sa mga kabataang Hebreo na sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias. Ipinakita nila ang kanilang bukod-tanging debosyon kay Jehova hindi lang sa pag-iwas sa mga pagkaing itinuturing na marumi kundi sa pagtanggi ring yumukod sa ginintuang imahen ni Nabucodonosor. Para sa kanila, ang priyoridad nila ay si Jehova; hindi nila magagawang makipagkompromiso.—Dan. 1:1–3:30.
12. Para maibigay natin kay Jehova ang ating bukod-tanging debosyon, sa ano tayo dapat mag-ingat?
12 Para maibigay natin kay Jehova ang ating bukod-tanging debosyon, dapat tayong mag-ingat na hindi magkaroon ng anumang kaagaw, o kahati, si Jehova sa ating buhay. Ano ang maaaring kabilang sa mga iyon? Sa Sampung Utos, niliwanag ni Jehova sa kaniyang bayan na hindi sila dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa kaniya at hindi sila dapat magsagawa ng anumang anyo ng idolatriya. (Deut. 5:6-10) Sa ngayon, maraming anyo ang idolatriya, at ang ilan dito ay mahirap makilala. Pero hindi nagbabago ang mga kahilingan ni Jehova—siya pa rin ang “iisang Jehova.” Tingnan natin kung ano ang kahulugan nito para sa atin.
13. Anong mga bagay ang posibleng ibigin natin nang higit kaysa kay Jehova?
13 Sa Colosas 3:5 (basahin), makikita natin ang matinding payo para sa mga Kristiyano tungkol sa mga bagay na posibleng makasira ng kanilang bukod-tanging kaugnayan kay Jehova. Pansinin na ang kaimbutan, o kasakiman, ay nauugnay sa idolatriya. Kapag mayroon tayong matinding pagnanais sa isang bagay, gaya ng pagkakamal ng maraming pera o karangyaan, maaari nitong kontrolin ang ating buhay gaya ng isang makapangyarihang diyos. Pero kung titingnan natin ang buong talata, madali nating makikita na ang lahat ng iba pang nabanggit na makasalanang gawa ay may kaugnayan sa kasakiman at sa gayon, pati na rin sa idolatriya. Maaaring agawin ng paghahangad sa gayong mga bagay ang pag-ibig natin sa Diyos. Hahayaan ba nating kontrolin tayo ng mga bagay na ito hanggang sa puntong si Jehova ay hindi na “iisang Jehova” para sa atin? Tiyak na ayaw nating mangyari iyon.
14. Anong babala ang ibinigay ni apostol Juan?
14 Ganito rin ang babala ni apostol Juan nang sabihin niya na kung iniibig ng sinuman ang mga bagay na nasa sanlibutan—“ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa”—kung gayon, “ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya.” (1 Juan 2:15, 16) Kaya dapat nating patuloy na suriin ang ating puso para makita kung naaakit na ba tayo ng mga libangan, kasamahan, at istilo ng pananamit at pag-aayos ng sanlibutan. Maaaring kasama rin sa pag-ibig sa sanlibutan ang pagsisikap na maabot ang “mga dakilang bagay,” halimbawa, sa pamamagitan ng mataas na edukasyon. (Jer. 45:4, 5) Napakalapit na natin sa ipinangakong bagong sanlibutan. Kaya napakahalaga na laging tandaan ang mapuwersang mga salita ni Moises. Kung talagang naiintindihan natin at naniniwala tayo na “si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova,” gagawin natin ang lahat para maiukol sa kaniya ang bukod-tanging debosyon, na naglilingkod sa kaniya sa paraang sinasang-ayunan niya.—Heb. 12:28, 29.
INGATAN ANG PAGKAKAISANG KRISTIYANO
15. Bakit ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyano na ang Diyos ay “iisang Jehova”?
15 Ang pagiging iisa ni Jehova ay nagpapahiwatig din ng pagiging iisa sa layunin, isang katangian na dapat nating taglayin habang naglilingkod sa kaniya. Ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano ay binubuo ng mga Judio, Griego, Romano, at ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa. Iba-iba ang kinalakhan nilang relihiyon, kostumbre, at pananaw. Dahil dito, ang ilan ay nahirapang tanggapin ang bagong paraan ng pagsamba o talikuran ang dati nilang mga gawain. Kaya ipinaalaala sa kanila ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay may iisang 1 Corinto 8:5, 6.
Diyos, si Jehova.—Basahin ang16, 17. (a) Anong hula ang natutupad sa panahon natin, at ano ang resulta nito? (b) Ano ang maaaring makasira sa ating pagkakaisa?
16 Kumusta naman ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon? Inihula ni propeta Isaias na “sa huling bahagi ng mga araw,” ang mga tao ng lahat ng mga bansa ay pupunta sa itinaas na dako ng tunay na pagsamba kay Jehova. Sasabihin nila: “Tuturuan niya [ni Jehova] tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.” (Isa. 2:2, 3) Napakasaya ngang makita na natutupad na ang hulang ito! Dahil dito, maraming kongregasyon ang binubuo ng mga kapatid mula sa iba’t ibang lahi, kultura, at wika, na pumupuri kay Jehova. Pero dahil sa pagkakasari-saring ito, maaaring bumangon ang ilang problema.
17 Halimbawa, ano ang tingin mo sa mga kapatid na ang kinalakhang kultura ay ibang-iba sa iyo? Maaaring hindi ka sanay sa kanilang wika, istilo ng pananamit, paggawi, at pagkain. Iniiwasan mo ba sila at mas pinipiling makisama sa mga kapatid na kapareho mo ng pinagmulan? Paano naman kung ang hinirang na mga tagapangasiwa sa inyong kongregasyon, sirkito, o sangay, ay nakababata sa iyo, o iba ang lahi o kultura? Hahayaan mo bang makasira sa pagkakaisa ng bayan ni Jehova ang mga bagay na iyon?
18, 19. (a) Anong payo ang binanggit sa Efeso 4:1-3? (b) Ano ang maitutulong natin para manatiling nagkakaisa ang kongregasyon?
18 Ano ang tutulong sa atin na maiwasan ang mga problemang iyon? Nagbigay si Pablo ng praktikal na payo sa mga Kristiyano sa Efeso, isang maunlad na lunsod na binubuo ng mga taong may iba’t ibang pinagmulan. (Basahin ang Efeso 4:1-3.) Pansinin na binanggit muna ni Pablo ang mga katangiang gaya ng kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, mahabang pagtitiis, at pag-ibig. Ang mga ito ay tulad ng mga haliging sumusuporta sa isang bahay. Pero bukod sa matitibay na haligi, ang isang bahay ay nangangailangan ng regular na pagmamantini, o pag-iingat, para hindi ito masira. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na marubdob nilang pagsikapan na “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu.”
19 Pananagutan ng bawat isa sa atin na ingatan ang pagkakaisa ng kongregasyon. Paano natin magagawa iyan? Una, linangin at ipakita ang mga katangiang binanggit ni Pablo—kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, mahabang pagtitiis, at pag-ibig. Pagkatapos, pagsikapang itaguyod ang “nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” Dapat nating ayusin ang “mga bitak” na makasisira sa ating pagkakaisa. Sa paggawa nito, nakatutulong tayo na maingatan ang ating mahalagang kapayapaan at pagkakaisa.
20. Paano natin maipakikitang nauunawaan natin na “si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova”?
20 “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.” Napakapuwersa nga ng mga salitang iyan! Pinatibay ng paalaalang iyan ang mga Israelita na harapin ang mga hamon nang papasók na sila para ariin ang Lupang Pangako. Kung isasapuso natin ang mga salitang iyan, mapalalakas tayo nito na harapin ang dumarating na malaking kapighatian at makatutulong tayo para magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa Paraiso. Kaya patuloy nating pag-ukulan si Jehova ng bukod-tanging debosyon sa pamamagitan ng pag-ibig sa kaniya at paglilingkod nang buong kaluluwa at marubdob na pagsisikap na ingatan ang pagkakaisa ng ating kapatirang Kristiyano. Kung patuloy nating gagawin ang mga bagay na ito, makaaasa tayong hahatulan tayo ni Jesus bilang tupa at matutupad sa atin ang mga salita niya: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.”—Mat. 25:34.